CHAPTER 13

1507 Words
Matapos makapagbayad sa tricycle ay patakbo akong pumasok ng hospital at dumiretso agad sa ICU. Natulos ako sa bukana ng pintuan ng Intensive Care Unit nang makita kong niri-revive na ang anak ko. Iyak nang iyak si Ate Precy habang yakap yakap ni Kuya Allan na emosyonal na rin. Gumuho ang mundo ko nang umiling ang doktor kay Ate Precy. "Cherry!" sigaw ko at patakbong niyakap ang anak ko. "I'm sorry, misis. Hindi na talaga kinaya ng anak mo," ani ng doktor at iniwan na kami doon sa loob. "Cherry, anak, nandito na si mama, oh!" wika ko habang haplos ang mukha ng aking anak. "Anak, gagaling ka pa 'di ba? 'Wag mo namang iwan si mama. Ate Precy, ang anak ko!" pagsusumamo ko habang hawak ang magkabilang pisngi ng aking anak. "Cindy," alo ni Ate Precy sa akin habang umiiyak rin. "Makakapagpahinga na si Cherry. Mahirap man pero tanggapin natin, ha." Sunud sunod akong umiling kay Ate Precy. "Hindi ako iiwan ng anak ko, ate!" luhaang sigaw ko. "Nandito na si mama, anak. 'Wag mo naman akong iwan ng ganito. Anak... Anak ko!" "Wala na si Cherry. Alam kong mahirap, alam kong hindi mo kaya. Pero iyon lang ang tanging magagawa mo sa ngayon," alo pa ni Ate Precy habang hagud hagod ang magkabilang balikat ko. "Ayoko! Ayoko!" sigaw ko habang yakap yakap ang anak ko. "Anak!" Ano ba ang naging kasalanan ko para parusahan ako ng ganito? Naging sobrang sama ko na bang tao para pahirapan ako ng ganito? Sa lahat ng pwedeng kunin sa akin bakit ang anak ko pa? Bakit si Cherry pa? Napakabata pa niya para kunin sa akin. Biglang gumuho ang lahat ng mga pangarap ko para sa kanya. Sa isang iglap lang kinuha na siya agad sa akin. Yakap yakap ko si Cherry habang hinihintay ko si Ate Precy at ang isang maintenance crew na magdadala kay Cherry sa morgue. "Anak," tawag ko sa anak kong nasa aking mga bisig. "Ikaw na lang ang meron ako, eh. Ikaw na lang ang nagpapasaya at nagpapalakas ng loob ko. Ikaw na lang dahilan ko para lumaban. Pero bakit mo naman ako iniwan agad? Paano na si mama?" kausap ko sa kanya habang nangingilid na naman ang aking mga luha. "Sorry... Sorry kung hindi naging sapat ang pag aalaga at pagmamahal ko sa 'yo. Sorry..." At sa huling pagkakataon ay hinagkan ko siya at niyakap ng may buong pagmamahal. Hindi ko na magagawa ito sa mga susunod na araw. Wala ng tatawag sa akin ng mama. Wala ng magpapasaya sa akin. Wala ng papawi ng lungkot at pagod ko sa araw araw. Wala na ang anak ko. Ang Cherry na pinakamamahal ko... Marami ang nakiramay at nagpaabot ng tulong sa burol ni Cherry. Si Ate Precy ang nag asikaso lahat dahil wala talaga akong gana sa kahit anong bagay. Hinahayaan na lang ako ni Ate Precy sa tabi ng kabaong ni Cherry at kung may bisita man ay siya na ang nakikipag usap sa mga iyon. Sa unang gabi pa lang ni Cherry ay naroon na agad si Leo. "Cindy," tawag niya sa akin. Malamig akong napatingin sa kamay niyang humawak sa aking braso. Unti unti kong hinila ang braso ko at dumistansya sa kanya. "Mag usap tayo," ani Leo pa. Bakas ang paghihirap at pagsisisi sa kanyang mga mata. "H'wag ngayon, Leo!" mariing tanggi ko. Wala siyang nagawa nang talikuran ko siya at pumunta sa tabi ng kabaong ni Cherry. Kapag nakikita kong nakahiga si Cherry dito sa loob ng kabaong ay hindi maiwasang tumulo ng mga luha ko. Sobrang sakit ng puso ko. Ang batang inalagaan ko ng siyam na buwan sa sinapupunan ko. Ang batang pinalaki ko ng halos dalawang taon ngayon ay wala na. Iniwan na ako ng anak ko! Sa huling lamay ay dumating sina Ate Pearl at Ate Joana dahil nabalitaan daw nila ang nangyari kay Cherry. Kasama rin nila sina Kuya Ariel at Kuya Omar. Maya maya pa ay dumating ang pamilya ni Leo kasama si Trina. Marami ang nagbubulungan at nakasunod ng tanaw sa kanila habang mga taas ang noong naglalakad papasok dito sa loob. Agad akong tinabihan nina Ate Pearl at Ate Joana. Lumapit rin si Ate Precy at hinawakan ang balikat ko. Noon ko lang namalayang nanginginig na pala ako. Wala kaming imik nang sumilip sila sa kabaong ni Cherry. Umalis rin sila agad doon na hindi man lang kami tinapunan ng tingin. "Ang kapal talaga ng mukha ng hilaw mong byanan, Cindy!" nanggigigil na bulong ni Ate Joana sa akin. "May gana pang magpakita dito!" Hindi na ako nagsalita at tinanaw na lang silang lumapit kay Leo. Umahon ang galit sa puso ko nang makita kong humawak si Trina sa braso ni Leo. Ang kapal talaga ng pagmumukha ng babaeng 'to! Akala ko ba may pinag aralan s'ya? Hindi ba n'ya alam ang salitang delikadesa? Bumalik sa aking isipan ang eksenang nadatnan ko sa bahay na iyon. Ngayon ay malinaw na sa akin na magkakasabwat silang lahat! Alam ko naman na si Trina ang gusto nina Mama Ellen para kay Leo una pa lang. Mayaman nga naman! Hindi nga ako nagkamali noon sa naisip ko. Ang pamilya niya ang naging daan upang mawasak ang pamilya namin. Sino pa ba naman ang kukunsinti sa kababuyan ng anak n'ya? Malaki ang pakinabang niya kay Trina dahil may pera! Ayaw kong gumawa ng eksena kaya nagtimpi ako ng mabuti. Ayaw kong masira ang huling gabi ni Cherry. "Ako na ang magdadala nito sa labas, ate," sabi ko nang mapasukan sila sa kusina at busy sa paglalabas ng mga kape at iba pang kukutin. Bitbit ang tray ay tumungo ako sa labas para ipamigay ang mga iyon. Madaling araw na at marami ang mga tao ngayon dahil huling lamay na. "Hay naku! Napaka pabaya kasi n'yang babaeng 'yan!" Nahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses ni Mama Ellen. "Sa kapabayaan n'ya namatay ang apo ko! Ewan ko ba naman d'yan sa anak kong si Leo at iyan ang kinuha kuhang babae. Wala namang silbi!" "Grabe ka! Mabait kaya si Cindy!" Pagtatanggol ng kung sino sa akin. "Mabait?" mapang insulto pang tumawa si Mama Ellen. "Naku! Naku! Pakitang tao lang 'yan! Nasa loob ang kulo n'yang babaeng 'yan. Tingnan mo nga't namatay ang apo ko dahil pabayang ina!" "Kung pumunta lang ho kayo dito para magkalat ng maling tsismis hindi na lang sana kayo pumunta!" Natigilan silang lahat sa lamesang iyon nang magsalita ako. "Hindi ko kailangan ang pekeng pakikiramay n'yo!" dagdag ko pa. "Ang yabang mo naman! Akala mo kung sino ka!" singhal ni Mama Ellen sa akin. "Bakit? Totoo naman ang sinabi ko, ah! Mamamatay ba ang apo ko kung hindi ka pabayang ina?!" Nandidilat na sigaw niya. "Anong nangyayari dito? Cindy?" ani Leo nang lumabas kasama si Trina na hanggang ngayon ay nakakapit pa rin sa braso niya. "Ako na naman ba?" asik ko. "Wala kayong alam kung ano ang pinagdadaanan ko! 'Wag na 'wag n'yong kwestyunin ang pagiging nanay ko dahil wala kayong alam! Pwede ba! Bago pa maubos ang kakarampot na respeto ko sa inyo umalis na lang kayo!" sabi ko sabay turo nang bukas na gate. "Pinagdadaanan? Eh, masarap nga ang buhay mo!" singit naman ni Lesly. Lalong kumulo ang dugo ko. "Kung ayaw n'yong mapahiya kayong lahat dito! Umalis na kayo!" Banta ko. "Cindy!" saway ni Leo sa akin. "Hindi ako nagsasalita dahil gusto kong maging tahimik ang huling gabi ng anak ko! Pero 'yang nanay mo dakdak nang dakdak na akala mo may alam sa pinagdadaanan ko! Na akala mo mabuting ina kung pagsalitaan ako!" Duro ko pa sa kanila. "Kung ayaw n'yong magwala ako dito at malaman ng lahat ang mga kababuyan n'yo n'yang kabit mo! Bitbitin mo na 'yang kunsintidor mong pamilya!" mahina at mariing saad ko kay Leo. "Ang kapal ng mukha mong dalhin talaga 'yang kabit mo dito 'no! Kaya habang may natitira pa akong pasensya umalis na kayo!" Marahas kong pinahid ang mga luhang tumulo sa aking pisngi ng talikuran ko sila. Narinig ko pang kinausap nina Kuya Omar at Kuya Ariel si Leo. Sumama naman sina Ate Precy sa akin dito sa loob. "Magpahinga ka na muna, Cindy, kami na muna ang bahala dito," ani Ate Joana sa akin. Inalalayan ako nina Ate Pearl at Ate Precy papasok sa kwarto para makapagpahinga. Napahagulgol ako ng mapag isa na lang ako. Napatingin ako sa kuna ni Cherry. Tumayo ako at umiiyak na hinaplos ang bawat parte noon. "Miss na miss ka na ni mama, anak," sambit ko. "Sorry at hindi na nakapagpigil si mama kanina, ha. Huling gabi mo na dito sa atin. Yakapin mo naman si mama mamaya, ha." Kinuha ko ang teddy bear na paborito ni Cherry at itinabi ko iyon sa akin nang mahiga ako sa kama. Napahikbi ako dahil naroon pa amoy ni Cherry. Niyakap ko iyon nang mahigpit na parang si Cherry na rin. Sana lang ay bigyan pa ako ng Diyos ng lakas para harapin ang bukas. Ang bukas na hindi na kasama ang anak ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD