CHAPTER 15

1520 Words
"Cindy, nagluto ako ng meryenda," tawag ni Ate Precy sa labas ng bahay. "Ay! Wow! Mabuti naman at bumalik ka na sa paggawa ng mga desserts mo," aniya pa matapos ilapag sa ibabaw ng lamesa ang carbonara na dala niya. "Kailangan ko na rin namang kumita. Lalo na ngayon na may isa akong anak na paparating," turan ko habang isa isang tinatakpan ang mga leche flan at graham cake na gawa ko. "Saglit ka lang mangungulila kay Cherry dahil napalitan din s'ya agad. Pero syempre, iba pa rin talaga ang malambing na batang iyon," sabi pa nitong may lungkot sa boses. "Kumusta naman kayo ni Leo?" Napabuntong hininga ako at naupo na lang para simulang kainin ang carbonara na bigay niya sa akin. "May nangyari ba na hindi mo sinasabi sa akin?" untag pa ni Ate Precy sa pananahimik ko. Huminto ako sa pagkain at napatulala sa labas ng bintana. Bumalik na naman sa isipan ko ang imahe nina Trina at Leo habang magkayakap sa ibabaw ng kamang iyon. "Cindy," tawag muli ni Ate Precy. "Nang araw na dalhin natin sa hospital si Cherry, 'yon din ang araw na nahuli ko sina Leo at Trina na magkayakap sa kama." Natutop ni Ate Precy ang kanyang bibig at nanlaki pa ang kanyang mga mata. "Nahuli mo?!" gulantang na tanong nito sa akin. "Tapos ang kapal pa ng mukha ng Trina na 'yon na pumunta dito no'ng huling lamay ni Cherry na akala mo walang nangyari!" galit na galit na ani Ate Precy pa. "Siguro alam din 'yan ng byanan mong hilaw 'no?!" "Doon ko nga sila sa bahay nilang inuupahan nakita, eh," tugon ko. Sa tuwing sumasagi sa isipan ko ang tagpong iyon ay namamasa na agad ng luha ang sulok ng aking mga mata. Ngunit ngayon ay hindi na. Ayaw ng pumatak ng aking mga luha. Puro poot at galit na lang ang nararamdaman ko kapag naaalala ko iyon. "Ang kakapal talaga ng mga mukha! Naku! 'Wag ko lang talaga masalubong sa kung saan 'yang pamilya ng asawa mo! Naku!" nanggigigil na sabi ni Ate Precy habang pamuwestra muwestra pa na akala mo ay may tinitiris talaga. "Isa pa 'yang asawa mo! Nahawa na yata ng kakapalan ng mukha at may lakas pa ng loob na umuwi dito! Sana sinabi mo sa amin para nasampulan namin nina Joana at Pearl 'yong babaeng higad at konsintidor na nanay at kapatid ng Leo na 'yan!" "Sabi n'ya ayusin daw namin lahat. Magsimula daw kami ulit," wala sa sariling turan ko. "Ayusin? Ano'ng sabi mo?" kunut noong tanong niya sa akin. "Pumayag ka?" "Hindi ko alam, ate. Dapat ba?" naguguluhang tanong ko rin at seryosong tumingin sa kanya. "Kung ako ang nasa lugar mo baka no'n pa lang na nakita ko silang magkatabi sa kama pinagsasaktan ko na sila, eh! Lalo na 'yong Trina'ng 'yon!" gigil pa ring ani Ate Precy. "Kahit saktan ko naman sila hindi naman mawawala 'yong sakit, eh!" Napatingin si Ate Precy sa akin at napabuntong hininga pa. Naupo siya sa tabi ko at saka ako niyakap nang mahigpit. "Kung ano man ang maging desisyon mo nandito lang ako para umalalay sa 'yo. 'Wag kang mahiyang lumapit sa akin," Paalala pa ni Ate Precy habang hagod ang aking likod. "Hindi ka na iba sa akin. Tandaan mo 'yan." Simula nang ilibing si Cherry at malaman ni Leo na buntis ako ulit ay araw araw na siyang umuuwi dito sa bahay. Maaga palagi ang uwi niya at may mga prutas at pagkain palaging dala para sa akin. Pero hindi na naaantig ang puso ko. Siguro kung nangyari ito no'ng mga nakaraang buwan baka lumundag lundag na ang puso ko sa saya at napawi agad ang galit ko. Pero iba na ngayon dahil damang dama ko pa rin ang galit at sakit sa kaloob looban ko dahil sa panlolokong ginawa niya sa akin. Iyong tipo na kapag nakikita ko siya ay bumabalik rin ang eksenang nadatnan ko sa bahay nina Mama Ellen. Nagising ako isang umaga dahil sa gutom. Umaga na rin naman kaya bumangon na ako para magluto ng aking almusal. Paglabas ko ng kwarto ay nakita ko sa sofa ang unan at kumot ni Leo. Dito na siya natutulog simula ng umuwi siya ulit. Medyo nasasanay na rin naman akong hindi siya katabi sa kama. Gano'n rin naman ang ginagawa niya no'ng mga nakaraang buwan. At isa pa ayaw ko siyang makatabi dahil hindi ko maiwasang isipin si Trina at ang nangyayari sa kanila sa tuwing wala siya sa tabi ko. Nakakadiri! Nakakasuka! Nakarinig ako ng mga kalansing ng kutsara sa kusina kaya nagtungo na ako doon. Napahinto ako sa tuluyang pagpasok dahil nakita ko si Leo na busy sa paghahanda ng almusal sa lamesa. "Gising ka na pala!" masiglang bati niya sa akin nang malingunan ako. "Kumain ka na habang mainit pa." Dahil medyo gulat pa ay natangay ako nang kanyang paghila. Pinaupo niya ako sa upuan at ipinagsandok ng pagkain. "Kakatimpla ko lang ng gatas mo. Ito, oh," sabi pa niya at inilapag iyon sa tabi ng pinggan ko. Uminit ang puso ko ngunit napawi rin iyon agad. Siguro kung kagaya pa rin kami ng dati ay kinilig na ako. "Wala ka bang pasok?" tanong ko. "Nag-resign na ako sa casino last week pa. Kahapon ang huling araw ko at kahapon ko lang rin nakuha ang back pay ko," kwento niya. "Bakit ka nag-resign?" Napahinto siya sa pagsubo at alanganing ngumiti sa akin. Tumikhim pa siya para mawala yata ang bara sa kanyang lalamunan. "Hindi ba sabi ko sa 'yo na gusto kong magsimula tayo ulit," seryosong pahayag niya sa akin. "Natanggap ako sa isang hotel and restaurant sa Alabang. Assistant cook ako doon. Mag uumpisa na ako sa isang linggo. Gusto ko sanang do'n na rin tayo tumira." "Paano kung ayoko?" matabang na turan ko. "Cindy, bigyan mo naman ako ng isa pang pagkakataon. Gusto kong mabuo ulit ang pamilya natin. Gusto kong itama ang mga pagkakamali ko sa 'yo," nagsusumamong paliwanag pa ni Leo. "Pag iisipan ko," sagot ko, kahit na nga hindi rin ako sigurado doon. Naging laman iyon ng isipan ko buong maghapon. Nagulat pa ako nang tapikin ni Ate Precy ang balikat ko. "Mukhang ang lalim ng iniisip natin, ah!" nangingiting puna niya nang tabihan ako sa pagkakaupo dito sa labas ng bahay. "Nag-resign na sa Casino de Velliejo si Leo, Ate Precy," kwento ko. "Oh! 'Di mabuti! Malalayo na s'ya sa tentasyon. Hindi ba't ang pamilya ng Trina na 'yon ang may ari ng Casino de Velliejo." "Sabagay may punto ka rin naman do'n," sang ayon ko. "Iniisip ko lang kasi baka magalit na naman si Mama Ellen at sumugod na naman dito." "Subukan lang n'ya! Baka gusto n'yang mapunta ulit sa baranggay!" ani Ate Precy na bakas ang galit. "Pero paano na kayo n'yan? May mapapasukan na ba s'yang trabaho? Pwede ko siyang irekomenda sa kakilala ni Allan?" "May trabaho na s'ya. Gusto n'yang magsimula kami ulit, ate. Sabi n'ya sa Alabang na raw kami titira para makapagsimula ulit ng panibago," kwento ko. "Eh, 'di sumama ka. Ayan na at si Leo na mismo ang gumagawa ng paraan para lumayo sa tukso. Wala namang masama kung bibigyan mo s'ya ng isa pang pagkakataon," payo ni Ate Precy. "Kaya ko ba?" nag aalinlangang tanong ko. "Kayanin mo para sa anak mo. Bigyan mo s'ya ng buong pamilya kagaya ni Cherry," wika pa nito at hinawakan ng mahigpit ang mga kamay ko. Pumayag akong sumama kay Leo sa Alabang. Susugal ulit ako para sa magiging anak namin ni Leo. Tama si Ate Precy, kailangan ng anak ko ng buong pamilya. Wala ako noon at maging si Leo. Kaya heto ako at pipiliting kalimutan ang lahat para sa buong pamilyang pangarap ko. Sa buong pamilyang hindi ko natikman noong magkaisip ako. "Nandito na ba tayo?" tanong ko nang bumaba kami ng taxi. Hindi pa kasi ako nakakapunta sa kahit saang parte ng Maynila. "Isang kanto pa bago ang bahay na titirahan natin. Gusto ko lang munang dumaan sa simbahan," pahayag niya at hawak ang kamay ko ay pumasok kami sa loob ng simbahan. Naupo kami sa dulong bahagi dahil may ikinakasal pala doon. Pumikit ako at umusal ng panalangin para sa kapayapaan ni Cherry. Para sa bagong buhay namin dito. At kapanatagan ng aking loob. "Alam ko na hindi mo pa ako mapapatawad sa ngayon. Pero araw araw kong pagsisikapan iyon hanggang bumalik ang tiwala at pagmamahal mo sa akin. Hanggang sa mapatawad mo ako." Nilingon ko si Leo akala ko kasi ay nagdadasal rin siya. Ngunit nakaharap pala siya sa akin at ako pala ang kinakausap niya. Hinila niya ako patayo kasabay nang paghila ng lalaking ikinakasal sa kanyang bride sa harap ng altar. Tumulo ang aking mga luha nang ilabas ni Leo ang isang singsing sa kanyang bulsa at nakangiting tumitig sa akin. "Ito ang simbolo ng pag ibig ko sa 'yo. Pasensya ka na kung hindi mamahalin ang singsing na 'to. Kapag nakapag ipon ulit ako, pakakasalan na kita, Cindy. Tandaan mo. Mahal na mahal kita," pahayag ni Leo at saka niyakap ako nang mahigpit matapos hagkan ang labi ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD