CHAPTER 2

1582 Words
"Buntis?!" Napaigtad ako sa sigaw ng mama ni Leo nang ibalita niya kanyang sa ina ang tungkol sa pagbubuntis ko. Day off namin ngayong araw sa trabaho at umuwi si Leo dito sa bahay nila at isinama niya ako. Kilala ko na ang mama ni Leo dahil madalas itong pumunta sa tindahan na pinapasukan namin. Marami ring nagsasabi na pangit ang ugali ni Aling Ellen at palabigasan ang turing nito kay Leo. Ang sabi pa nila ay sa yumaong ama nagmana ng ugali si Leo at malayung malayo sa ugali ng kanyang inang mahirap na nga ay akala mo kung sino kung umasta. "Leo naman!" naiinis na anito pa at pagalit na nagkamot ng kanyang ulo. "Alam mo namang ikaw lang ang inaasahan namin dito 'di ba?" "Hindi ko naman po tatalikuran ang responsibilidad ko, ma," giit ni Leo. "Tutulungan ko pa rin naman kayo." Nakita kong nakamasid ang mga kapatid ni Leo sa amin. Ang sumunod sa kanyang si Lesly ay hindi nalalayo ang edad sa akin. Sabi ni Leo ay katorse pa lang ito at ang apat ay mas matanda lang sa mga kapatid kong nasa probinsya. Nakatingin si Lesly sa akin at nang salubungin ko ang kanyang tingin ay pairap niyang binawi ang tingin sa akin. "Kulang na kulang na nga ang sinasahod mo nagdagdag ka pa ng bibig na palalamunin! Nag aaral pa sina Lesly! May gatasin pa tayo!" "Ma, naman! Buntis na po si Cindy. Mahal ko po s'ya-" "Mapapakain ba kayo ng lintek na pagmamahal na 'yan?!" galit na putol niya kay Leo at masamang tumingin sa akin. "Tingnan mo nga ang nangyari sa buhay ko! Bahala kayo! Total at nagdesisyon na kayo, eh!" "Ma-" Napatingin sa akin si Leo nang pigilan ko siyang sundan si Aling Ellen. "Hayaan mo munang lumamig ang ulo ng mama mo," ani ko. Nang umalis ang mama niya ay tahimik ring umalis si Lesly at ibang mga kapatid nito. "Pasensya ka na kay mama, ha," malungkot na sabi niya sa akin. Tipid akong ngumiti at hinaplos ang kanyang pisngi. "Ako nga ang dapat humingi ng sorry sa 'yo, eh." Siguro kung nag ingat lang kaming dalawa hindi ako mabubuntis ng maaga. Marahil ay hindi sasama ang loob ng mama niya. "Mahal kita, Cindy. Ayaw kong magaya ang magiging anak natin sa buhay na kinalakihan nating pareho," sinserong ani Leo pa. "Lalaki ang anak natin na maayos at buo ang pamilyang kamumulatan niya tandaan mo 'yan." Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso nang makita ko ang lungkot sa mga mata ni Leo. Lumaki akong hindi ko kilala ang ama ko. Si Leo naman ay lumaki na wala ring ama. Nasa tiyan pa lang siya ng mamatay ang papa niya matapos mahulog sa building na pinagta trabahuhan nito. Naiintindihan ko naman si Aling Ellen. Si Leo na kasi ang tumatayong haligi ng tahanan nila matapos siyang iwan ng kinakasama nito at iwan ang limang anak sa kanya. Lumipas ang buwan at unti unti na ring lumalaki ang tiyan ko. Ilang buwan na lang rin ang bibilangin at aalis na ako para magpahinga sa trabaho. "Para saan 'yan?" kunut noong tanong ko nang abutan ako ni Leo ng pera. "Pandagdag sa ipon natin," aniya pang inilagay na sa kamay ko ang pera. "Paano ang pamilya mo?" nag aalalang sabi ko pa. "Itabi mo na lang 'to para sa kanila." "Nakapagbigay na ako kay mama no'ng sumahod ako. Saka bubuo na tayo ng pamilya, Cindy. Ayaw kong ikaw lang ang mag iipon. Dapat dalawa tayo." "Ayaw ko lang naman na mahirapan sila, Leo. Lalo na ang mga kapatid mo dahil nag aaral pa sila," ani ko. "Tutulong pa rin naman ako sa kanila hangga't kaya ko. Hindi ko naman sila pababayaan," anito pang tumabi sa akin. "Kinita ko 'yan kanina. Nag-extra kami nila Omar sa tindahan ni Ka Julio nagbuhat ng mga galon ng mantika. Tapos, tinawag ako ni Aling Flor para magtakal ng asukal, " kwento niya. "Pinapagod mo naman ang sarili mo. Ilang buwan pa naman bago ako huminto sa trabaho, eh!" "Cindy, gusto ko ang ginagawa ko. Ayaw kong mahirapan ka. Gusto kong maging maayos ang buhay n'yo ni baby," nakangiting sabi ni Leo at hinaplos ang apat na buwan ng tiyan ko. "Hindi naman ako naghahangad ng marangyang buhay, Leo. Sapat na sa akin na nasa tabi kita." Niyakap niya ako at hinagkan ang aking noo. "Pangako ko na lagi akong nasa tabi mo. Hinding hindi kita pababayaan, Cindy. Kaya kong gawin lahat para sa 'yo at sa magiging anak natin," Dumating ang araw ng pag alis ko at lahat ay naging emosyonal. Lalong lalo na ako dahil napamahal na ang lahat sa akin. Sa kanila ko lang kasi naranasan na maging masaya. Sa kanila ko lang naranasan kung paano maalagaan at protektahan. Sa kanila ko nakita ang isang klase ng pamilya na wala ako. Iniuwi ako ni Leo sa bahay nila dahil wala naman kaming ibang uuwian. Pinili rin niya ang maging stay out sa trabaho para mabantayan ako dahil malapit na rin ang kabuwanan ko. At sa ilang araw pa lang na pagtira ko dito ay kalbaryo na ang araw araw na naiiwan akong mag isa kasama ang pamilya ni Leo. Nagising ako dahil sa kalam ng aking sikmura. Tiningnan ko ang maliit na alarm clock at alas syete na pala ng umaga. Lagi akong gumigising ng madaling araw para ipaghanda ng almusal si Leo bago pumasok sa trabaho. Kapag aalis na ito ay babalik na rin ako ulit sa pagtulog. Sininop ko ang higaan at lumabas ng kwarto namin ni Leo. Nakita ko si Lesly sa lumang sofa nila at nagsi-cellphone. Sinulyapan lang ako nito at balik ulit sa pagtutok sa kanyang gadget. Simula ng tumira kami dito ay hindi talaga ako kinakausap nito. Kahit si Mama Ellen ay hindi rin ako pinapansin. Lagi itong wala sa bahay at laging nasa bingguhan o 'di naman kaya ay nagsusugal kasama ang bunsong anak na si Arvie. Maging ang ibang mga kapatid ni Leo ay nasanay na rin sa labas. Uuwi lang kapag nagutom na at lalabas ulit para maglaro. Pagpasok ko ng kusina ay tumambad sa akin ang makalat na lamesa. Naroon ang mga pinagkainan at nagkalat ang mga mumo ng pagkain sa sahig. Ganito rin ang scenario kaninang madaling araw. Si Leo ang naglinis ng lamesa dahil ganito rin iyon kakalat. Maging sa lababo ay punung-puno rin ng hugasin. Araw araw namang ganito palagi. Gigising kami ng madaling araw na si Leo ang maglilinis ng mga kalat nila. Ako naman ang tagalinis sa maghapon. Napabuntong hininga ako at inumpisahan ko na lang na linisin ang mga kalat. Hindi naman na bago sa akin ang ganito dahil ako ang gumagawa nito palagi sa amin. Nami-miss ko tuloy ang kapatid kong si Belinda. Lagi kasi niya akong tinutulungan sa mga gawaing bahay kahit limang taon pa lang siya. "Paki hugasan na rin!" Pabagsak na inilagay ni Lesly ang tasa sa lababo at mabilis na umalis. Walang imik akong nagpatuloy sa paghuhugas. Nang matapos ay agad akong kumuha ng tasa para magtimpla ng kape. Napabuntong hininga na naman ako dahil walang laman ang thermos. Nakita ko ring nilalanggam ang lagayan ng asukal dahil naiwang bukas at may mga natapon pa. Wala na ring laman ang lagayan ng kape. Nawalan na ako ng gana kaya matapos isalin ang mainit na tubig na pinakuluan ko sa takore ay pumasok na lang ako sa kwarto. Pinagtiyagaan ko na lang ang biscuit na naitabi ko at saka uminom ng tubig. Mabuti at nakapagtabi pa ako ng ilang balot ng biscuit dahil ang pinamili namin nang sumahod si Leo ay wala na. "Tiis tiis lang muna tayo, anak, ha," kausap ko sa anak kong tahimik sa loob ng aking tyan. "Makakaraos rin tayo." Magtitiis ako hangga't kaya ko. Alam kong nagtitiis rin si Leo hindi lang para sa amin ng magiging anak niya kundi pati na rin sa kanyang pamilya. Pakikisamahan ko ang pamilya niya sa abot ng aking makakaya. Iyon na lang ang tanging maitutulong ko kay Leo. Pero hindi sa lahat ng oras ay kaya kong tiisin at palagpasin ang mga nangyayari. Kakatapos ko lang maligo at papasok na sana sa kwarto namin nang makita kong bukas ang pintuan. "Ano'ng ginagawa mo?" Napatalon pa sa gulat si Lesly nang marinig ako. Para siyang nakakita ng multo nang makita akong nakatayo sa bungad ng pintuan. Agad rin niyang tiningnan ang kanyang kamay na kanina ko pa rin tinitingnan. Kuyum-kuyom noon ang pera na kinuha niya mula sa loob ng drawer na pinaglalagyan ko. "Akin na," mahinahong sabi ko at saka inilahad ang aking kamay. Tumalim ang kanyang mga mata at mabilis na itinago sa kanyang likuran ang kamay niyang may hawak na pera. "Masama ang kumuha ng hindi sa 'yo, Lesly," ani ko pa. "Pera naman 'to ni Kuya Leo, ah!" pagalit na sagot nito sa akin. "Kahit na. Iniipon namin 'yan para sa panganganak ko-" Nanlaki ang mga mata ko nang itulak niya ako para makalabas siya. "Lesly!" sigaw ko at nahawakan ko ang kanyang braso. "Ibalik mo 'yan!" "Ano ka sinuswerte!" sigaw niyang muli sa akin at biglang hinablot ang kanyang brasong hawak ko. Tuluyan akong nawalan ng balanse at bumagsak sa sahig. "Ahh!" napasigaw ako dahil biglang sumigid ang matinding sakit sa kaibuturan ko. Napahinto si Lesly at nanlalaki ang mga matang napatingin sa paanan ko. Napahagulgol ako nang makitang umaagos ang dugo sa aking binti. Nanginginig ang buo kong katawan at sobrang takot ang aking nararamdaman. "Ang anak ko!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD