Lahat naman tayo ay nangangarap na magkaroon ng pamilya. pamilyang buo at masaya. Pamilyang masasandalan at maasahan sa lahat ng oras. Pamilyang binubuo ng ama, ina at mga anak.
Pero napakaaga pa para magkaroon ako no'n. Ni hindi ko nga alam kung matutuwa ba si Leo kapag nalaman niyang buntis ako.
Kanina pa ako dito sa loob ng banyo at hindi ko magawang kumilos man lang dahil sa takot na nararamdaman ko.
Halo halo ang emosyon ko sa mga oras na ito. At hindi ko alam kung ano nga ba ang uunahing damhin doon.
"Cindy! Kanina ka pa d'yan sa banyo!" tawag ni Ate Joana sa akin mula sa labas.
Kumabog nang malakas ang puso ko nang katukin niya ang pintuan ng banyo.
"L-lalabas na!" sigaw ko.
Agad kong ibinulsa ang pregnancy test kit at inilagay sa basurahan ang balot no'n. Inilgay ko sa pinakailalim para walang makakita.
"Akala ko natulog ka na sa loob, eh!" biro pa ni Ate Joana sa akin.
"Sumama lang ang tiyan ko," pagdadahilan ko.
Close ako sa mga katrabaho ko. Sobrang bait nila sa akin at matiyaga silang magturo sa mga dapat kung gawin.
"Bumaba na tayo at bukas na ang tindahan," ani ate pa at nauna nang lumabas ng kwarto.
Buong umaga akong hindi mapakali. Nagtatalo ang isip at puso ko kung sasabihin ko ba ito agad kay Leo.
"Hoy!"
Napalingon ako kay Leo nang sundutin niya ang tagiliran ko. Umusad ako sa pagkakaupo para magkasya kaming dalawa sa upuan.
"Ang lalim yata ng iniisip mo?" aniya pa nang maupo sa aking tabi. Bitbit rin ang kanyang pananghalian.
Napabuntong hininga ako at tuluyan ng nawalan ng gana sa pagkain. Gusto ko na namang umiyak.
Hinawakan ni Leo ang kamay ko. Nang mag angat ako ng tingin ay nakangiting mukha niya ang sumalubong sa akin.
Isang taon na kaming magkasintahan ni Leo. Si Leo ang una kong naging kaibigan dito sa tindahan. At dahil nga mabait siya sa akin ay nahulog agad ang loob ko sa kanya.
"Alam kong may problema ka, Cindy," untag pa niyang muli sa akin.
Maraming tanong na 'paano' sa isipan ko at nasasaktan na ako ngayon pa lang sa mga sagot na namumuo sa utak ko.
"Alam mo namang handa akong-"
"Buntis ako, Leo!" nanginginig at basag ang boses na pag amin ko.
Tuluyan na akong umiyak nang makitang natulala si Leo at hindi nagsasalita dahil sa kanyang narinig mula sa akin.
Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo ngayon sa isipan niya. At ngayon nasasaktan na ako sa posibleng kahinatnan ng pag amin ko. Parang mawawasak ang puso ko dahil sa kabang nararamdaman ko.
Sabi ko na nga ba, eh!
"B-buntis ka?" nauutal na ulit ni Leo sa sinabi ko.
Marahan akong tumango at umiyak na ng tuluyan.
"Buntis ka!"
Ako naman ngayon ang natulala. Umurong rin ang aking mga luha ng bigla akong yakapin ni Leo.
"Saan ka pupunta?!" nagtatakang tawag ko sa kanya ng bigla siyang tumayo at pumasok sa loob ng tindahan.
Napaiyak akong muli nang marinig ko ang pagsigaw ni Leo sa tuwa habang ibinabalita na sa mga kasama namin at kay Ate Loida ang tungkol sa pagbubuntis ko.
Nawala ang mga agam agam ko simula pa kaninang umaga dahil sa nakikita kong saya kay Leo.
Akala ko talaga ay hindi niya magugustuhan ang pagbubuntis ko. Wala naman kasi sa plano namin ang pagkakaroon ng anak sa ngayon.
"Totoo ba, Cindy?!" tuwang tuwang tanong ni Ate Joana sa akin nang lapitan ako at yakapin.
Inakay niya ako sa loob ng tindahan at nakaumpok na nga ang mga kasamahan namin sa harapan ko.
"Buntis ka, bunso?" excited ring tanong ng amo naming si Ate Loida sa akin.
'Bunso'
Iyan ang tawag nila sa akin dahil ako ang pinakabata sa aming lahat. Fifteen lang kasi ako ng unang mamasukan dito sa grocery store.
"Opo," mahinang sagot ko sa kanilang lahat.
Nagpalakpakan ang mga ito at napasigaw pa sa tuwa. Isa isa nila akong niyakap at binati.
"Tama na ang yakap! Baka maipit si baby!" awat ni Leo sa mga ito at itinago na ako sa kanyang likuran.
"Sira! Paano maiipit 'yan? Hindi pa naman malaki ang tiyan ni bunso!" pagrarason ni Kuya Omar.
"Basta, ha! Ninang ako n'yan, Leo, Cindy!" ani Ate Joana pa.
"Papahuli ba naman ako d'yan! Syempre ako rin!" sabi naman ni Ate Pearl at yumakap pa sa akin.
"Kami rin ni Omar, ha!" singit naman ni Kuya Ariel na inakbayan pa si Kuya Omar at Leo.
Dumaan ang maghapon na energetic ang lahat para magtrabaho. Lahat ay laging nakaalalay sa akin. Bawal ang magbuhat ng mabigat at kung ano ano pa.
Ganito pala ang pakiramdam ng inaalagaan ka. Pag aalaga at pagmamahal na hindi ko naranasan sa sarili kong pamilya.
Matapos magsara ay kinausap kami ni Ate Loida tungkol sa pagbubuntis ko. Naroon rin si Kuya Peter na asawa ni Ate Loida.
"Ano ang plano n'yo ngayong dalawa?" bungad ni Ate Loida sa amin. "Cindy is only seventeen years old, Leo."
"Handa ko naman pong panagutan si Cindy, Ate Loida," buo ang loob na sagot ni Leo.
Napatingin ako sa magkasalikop naming palad nang pisilin niya iyon. Matamis na ngiti rin ang iginawad ni Leo sa akin.
"I know that. Pero mas maganda kung maikasal kayong dalawa," giit ni Ate Loida. "At kailangang ipaalam n'yo sa both parents n'yo ang tungkol dito lalo na at minor si Cindy."
"Next year po eighteen na si Cindy, ate. Pwede ko na po s'yang pakasalan. Mag iipon po ako," ani Leo pa. "Sasabihin ko naman po sa mama ko ang tungkol dito. Ipapaalam rin po namin sa magulang ni Cindy."
Talagang desidido at buong buo ang loob niyang panagutan ako. Nag uumapaw tuloy ang saya sa puso ko.
Buong akala ko talaga ay iiwan niya ako kapag nalaman niyang buntis ako. Buong akala ko ay mag isa kong haharapin ang lahat ng ito.
Pero hindi pala...
Dahil ito kaming dalawa. Magkahawak kamay na humaharap sa tumatayong pangalawa naming magulang.
Pero ngayong nabanggit ang magulang sa usapan ay kinabahan ako. Ilang buwan na rin kasing hindi ako nagpapadala ng pera kay mama at hindi rin ako tumatawag.
Nang huli kasi kaming mag usap ay pinipilit niya akong bumale ng malaking pera sa amo ko. Araw araw niya akong kinukulit tungkol doon, kapag tinatanong ko naman siya kung saan niya gagamitin ay binubungangaan lang niya ako.
"Tungkol naman sa trabaho, kapag nag-eight months na ang tiyan ni Cindy kailangan na niyang huminto sa trabaho at umalis dito sa bahay. Leo, matagal ka na dito sa amin. Alam mo naman ang patakaran natin 'di ba?" saad ni Ate Loida at pinasadahan kami ng tingin.
"Opo, ate. Mag iipon po ako. At salamat po dahil payag kayong magtrabaho si Cindy ng gano'n pa katagal."
Stay in kaming lahat dito sa trabaho. At wala akong masabi sa kabaitan nina Kuya Peter at Ate Loida sa aming lahat.
Tatlong palapag ang bahay nila. Ang unang palapag ay ginawa nilang tindahan. Ang second floor naman ay bahay ng mag asawa. At ang third floor ay sa aming mga trabahante.
Hindi rin maramot sina Ate Loida pagdating sa pagkain. Kung ano ang pagkain nila ay iyon rin ang sa amin. Libre kami sa lahat at bunos pa ang mababait na amo.
"Maaga pa tayo bukas. Bakit hindi ka pa natutulog?" Tinabihan ako ni Leo sa pagkakatayo sa tabi ng raillings ng terrace.
Kanina pa ako dito sa terrace at nagmumuni muni. Marami akong iniisip. At sa dami, hindi ko alam kung alin ang uunahin.
"Hindi kasi ako makatulog, eh," ani ko at muling tinanaw ang langit na puno ng bituin.
"Masama sa buntis ang magpuyat."
Napalingon kami ni Leo kay Ate Joana nang magsalita ito at tuluyang lumapit sa amin.
"Ano'ng sabi nina ate sa inyo?" usisa niya.
"Kapag nag-eight months na ang tiyan ni Cindy kailangan daw na hindi na s'ya magtrabaho," malungkot na balita ni Leo.
"Buti nga at pinaabot pa ni ate ng gano'n katagal. Patakaran na iyon dito noon pa man," ani Ate Joana pa.
Policy na iyon dito sa trabaho noon pa. Na kapag nabuntis ay automatic na kailangan mong umalis na. Bawal nga ang magkaroon ng relasyon sa isa't isa dito sa trabaho.
Ayaw kasi ni Ate Loida na maapektuhan ang trabaho kapag may hindi pagkakaintindihan ang bawat isa. Malas daw kasi iyon sa negosyo.
Pero dahil pinatunayan namin ni Leo na responsable kaming dalawa ay pinagbigyan kami ni Ate Loida.
Lagi rin ay pinapaalalahan kami ng lahat lalo na si Leo dahil nga fifteen pa lang ako no'n at napakabata pa.
"Mahirap ang buhay may pamilya pero alam kong kayang kaya n'yo 'yan!" Pagpapalakas pa ni Ate Joana sa loob namin ni Leo. "At 'wag na 'wag kayong mahiyang lumapit lalo na sa akin kapag may problema, ha. Mga kapatid ko na kayo kaya nandito lang ako maaasahan n'yo," ani ate pa at inakbayan kaming dalawa ni Leo.
Alam kong magiging mahirap ang lahat pero panatag ang loob ko dahil narito si Leo sa tabi ko.
Sisiguraduhin ko na lalaking buo at masaya ang pamilyang kakagisnan ng anak ko.
Lalabas siya sa mundong ito na may kikilalaning ama hindi katulad ko.
Lalabas siya sa mundong ito na may buong pamilya.