CHAPTER 12

1552 Words
Sa pagdaan ng mga araw ay patuloy na nagkakaroon ng lamat ang pagsasama namin ni Leo. Sa hindi ko maintindihang dahilan. Palagi kaming nauuwi sa pag aaway sa tuwing magtatanong ako kung bakit late siya kung umuwi o kung saan siya galing? At kapag nag aaway kami ay hindi niya kami uuwian ng isa o dalawang araw. Susulpot na lang siya kung kailan niya gusto. Kagaya ngayon na magtatatlong araw na siyang hindi umuuwi. Tinatawagan ko siya dahil may sakit si Cherry ngunit kahit isa sa mga tawag ko ay wala siyang sinagot. Kahit ang mga text ko sa kanya ay wala ring reply. "Oh! Bakit iyak nang iyak si Cherry? Madaling araw pa lang naririnig ko na, ah!" ani Ate Precy na dinalaw kaming mag ina dito sa bahay. "Nilalagnat, ate. Mamaya dadalhin ko sa doktor. Magtatatlong araw na rin kasing nilalagnat 'to. Ngayon lang naman nag iiyak ng sobra," paliwanag ko. "Kawawa naman ang bunso namin," saad ni Ate Precy at hinaplos ang mainit na noo ni Cherry na bahagya pang humihikbi. "Akin na muna si Cherry at magbihis ka na. Sasamahan kita sa pedia," ani Ate Precy pa sa akin. Hindi pa man sumasayad sa bisig ni Ate Precy ang anak ko ay sabay kaming napatili sa takot ng bigla na lamang mangisay si Cherry. Mabuti na lang at naroon si Kuya Allan na asawa ni Ate Precy na kagagaling lang sa pamamasada kaya naitakbo agad namin si Cherry sa pinakamalapit na hospital. "Ano? Sumagot na ba?" pang uusisa ni Ate Precy nang ibaba ko ang aking cellphone. "Wala pa rin, ate, eh!" naluluha na sagot ko. Pang ilang tawag ko na kay Leo pero wala pa rin. Ayaw talaga niyang sagutin ang mga tawag ko. "Ano ba naman 'yang asawa mo?! Bakit ba nagkakaganyan 'yan? Hindi man lang mag alala para sa anak!" naiiling na saad pa ni Ate Precy. "Pupuntahan ko po mamaya sa trabaho n'ya. Hihintayin ko lang pong lumabas ang resulta ng mga test kay Cherry." Napatingin ako sa anak kong payapang natutulog. Nababahala rin ako sa nakikitang paghinga niya. Para bang hindi normal iyon. Mas lalo tuloy akong kinakabahan dahil wala pang resulta ang doktor. "Cindy, kakausapin ka raw ng doktor," tawag ni Ate Precy sa akin. Kinusot ko ang aking mga mata at ng malinawan ay si Cherry agad ang hinanap ng mga paningin ko. Tulog pa rin siya. Nakaidlip rin pala ako sa paghihintay. Ilang araw na rin kasi akong walang maayos na tulog. Dagdagan pa ng biglaang pagkakasakit ni Cherry kaya kahit pahinga ay hindi ko na magawa. Tumayo ako para sumunod sa nurse na naghihintay sa akin. Dinala niya ako sa opisina ng doktor na kausap namin kanina. "Lumabas na po ang resulta ng test kay Cherry. May pneumonia po anak n'yo. At nakita rin po sa result na may sepsis s'ya. Lubhang delikado po ang lagay ng inyong anak ngayon." "Pero, doc, maayos naman po s'ya. Natutulog pa nga po," pahayag ko. "Napansin mo ba ang kakaibang paghinga ng anak mo?" Napaisip ako roon. "N-nakita ko nga po," natitigilang sagot ko. "Ano po ang dapat kong gawin?" "Kailangan nating i-confine ang anak mo." Nanlumo ako at hindi maiwasang tumulo na naman ang mga luha ko habang hawak ko ang munting kamay ng aking anak. Dinala kami dito sa ICU matapos tubuhan si Cherry kanina. Masyado na raw malala ang komplikasyon kaya kailangan daw iyon. "Kumain ka na muna," untag ni Ate Precy sa akin. "Wala ka pang kain simula ng dumating tayo dito." "Gagaling si Cherry 'di ba, ate?" humihikbing ani ko. "Oo naman! Ano ka ba?!" saway niya sa akin. "Gagaling si Cherry. Tiwala at dasal lang ang kailangan mo." Pagpapalakas pa ni Ate Precy sa loob ko. "Kailangan mong kumain dahil baka ikaw naman ang magkasakit n'yan." Nang makapagpahinga ay nagpasya akong puntahan si Leo sa pinagtatrabahuhan nito. Nagpresinta na rin si Ate Precy na babantayan si Cherry habang wala ako. "Kuya, nand'yan po ba si Leo?" tanong ko sa gwardiya pagbaba ko ng tricycle. "Leo?" kunut noo pang ulit niya sa sinabi ko. "Leonardo Trinidad po," sabi ko agad sa buong pangalan ni Leo. "Ah! Mamaya pang gabi ang duty n'ya, eh!" sagot nito sa akin. "Sige po. Salamat." Napabuntong hininga ako dahil hindi ko alam kung saan hahanapin si Leo ngayon. "Mareng Cindy!" Napalingon ako sa kabilang kalsada nang may tumawag sa pangalan ko. Nagmamadaling lumapit sa akin ang asawa ni Donnie. "Kumusta? Anong ginagawa mo dito?" tanong pa niya nang makalapit sa akin. "Hinahanap ko kasi si Leo. Mamayang gabi pa pala ang duty n'ya," turan ko. "Malapit lang sa amin ang bahay ng pamilya n'ya. Madalas ko s'yang makita do'n akala ko nga magkakasama kayo doon, eh!" kwento nito. "S-saan?" tanong ko agad. "Teka at ihahabilin ko lang itong gamot na pinadadala ni Donnie kay kuya guard. Isasabay kita pauwi." Napatingin ako sa hindi kalakihang bahay nang bumaba kami ng tricycle ni Dina. Dito pala sila nangungupahan malapit sa simbahan. "Iyan ang bahay ni Aling Ellen. Katukin mo na lang." Turo ni Dina sa unahang bahay. "Salamat, ha, Dina." Agad akong lumapit sa gate nang iwan ako ni Dina. Bukas iyon kaya pumasok na ako. Parang wala namang tao. Ang tahimik ng buong bahay. Nakita kong bukas ang pintuan kaya nagtuloy ako sa loob. Nagpalinga linga ako sa loob ng bahay at wala ngang tao. "Nasaan sila?" bulong ko pa. Tinungo ko ang pintuang una kong nakita at dahan dahan iyong binuksan. Nakita ko ang bunsong si Arvie na natutulog sa kutson na nakalatag sa sahig. Isinara ko ulit iyon ng dahan dahan at sa isang pintuan naman pumunta. Dahan dahan ko ring binuksan iyon. Natakpan ko na lang ang aking bibig at nanlalaki pa ang aking mga matang napasandal sa pader. Para ba akong biglang niyanig at nahilo na lang bigla dahil sa aking nakita. Nakahiga sa kutson si Leo at may babaeng katabi sa kama. Tanging kumot lang ang tumatakip sa magkayakap nilang katawan. Nag unahan sa pagtulo ang aking mga luha dahil ang babaeng nakita ko ay walang iba kundi si Trina! Hindi ako makahinga! Ang sikip sikip ng dibdib ko! Napahawak ako nang mahigpit sa aking dibdib. Parang hinihiwa iyon ng libu libong patalim dahil sa sobrang sakit! "Hindi! Hindi!" impit na usal ko habang sunud sunod ang aking pag iling. Sinampal sampal ko pa ang aking sarili dahil baka panaginip lang ito! Ngunit ramdam na ramdam ko ang sakit na nauot sa aking magkabilang pisngi. Hindi nga ito panaginip! Totoo ang nakikita ko! Si Trina at si Leo! Magkatabi sa iisang kama! Nakita ko ang pitsel na puno pa ng tubig sa lamesa kaya agad ko iyong kinuha at pumasok sa kwartong iyon. Napabalikwas nang bangon sina Leo at Trina nang buhusan ko sila ng malamig na tubig. "C-Cindy!" sabay nilang bulalas nang makita ako sa kanilang harapan. Ibinato ko kay Trina ang plastic na pitsel at nasapol ito sa mukha sanhi upang mapasigaw siya sa sakit. "C-Cindy! Ano'ng ginagawa mo dito?!" Natatarantang tanong ni Leo. Pilit niyang tinatakpan ang hubad na katawan at pilit rin niyang inaabot ang mga kamay ko ngunit iniiwas ko lang ang mga iyon sa kanya. "Hindi ba dapat ako ang magtanong n'yan sa 'yo?! Ano'ng ginagawa mo dito kasama ang babaeng 'yan?!" sigaw ko habang hilam sa luha. Natigilan pa ako dahil sa salitang lumabas sa aking bibig. Tumawa ako nang tumawa na para bang nasisiraan dahil bakit ba iyon ang naging tanong ko? Eh! Kitang kita naman ng dalawang mata ko kung ano ang nangyari sa kanila ni Trina. "Mag- magpapaliwanag ako!" ani Leo pang nakasuot na ngayon ng boxer short. "Paliwanag?! Ano pa ang ipapaliwanag mo? Kitang kita na ng dalawang mata ko!" sigaw ko sa pagmumukha niya. "Habang nag aagaw buhay ang anak mo sa hospital! Nandito ka! Nagpapakasarap kasama ng kabit mo!" Napalingon ako kay Trina nang tumawa ito na para bang nang iinsulto. "Kabit? Ako kabit?" natatawang sabi pa niya sabay turo sa kanyang sarili. "Ano bang dapat itawag sa katulad mo?!" nanggigigil kong sabi. "Teka lang! Anong nag aagaw buhay?!" ani Leo na pilit akong iniharap sa kanya. "Sino, Cindy!" Yugyog pa niya sa akin. "Sana hindi na lang kita hinanap kung ganito lang rin pala ang makikita ko!" Iwinaksi ko ang mga kamay niyang nakahawak sa magkabilang braso ko at umatras palayo. Sa totoo lang gusto ko silang saktan! Gusto kong iparamdam sa kanila ang galit ko! Pero hindi ko ginawa. Dahil alam ko sa sarili ko na kahit gawin ko pa 'yon hindi pa rin maiibsan noon ang sakit na nararamdaman ko. Ang sakit na dulot ng panloloko ni Leo sa akin! "Cindy, sagutin mo 'ko! Nasa hospital ba si Cherry?!" "Oo!" sigaw ko. "At kung ano man ang mangyari sa anak ko! Hinding hindi kita mapapatawad, Leo!" Tumakbo ako palabas ng bahay na iyon. Tinawag ako ni Leo ngunit hindi ko na siya nilingon pa. Hindi ko na nakayanan kaya napaupo na lang ako sa tabi ng kalsada at doon umiyak nang umiyak. Sasabog na yata ang puso ko dahil sa tindi ng sakit na nararamdaman ko. Pinahid ko ang mukha kong hilam sa luha nang tumunog ang aking cellphone. Agad kong sinagot iyon nang makitang si Ate Precy ang tumatawag. "Hello, Ate Precy." "Cindy! Pumunta ka na dito sa hospital! Si Cherry!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD