Nanlalabo man ang aking mga mata dahil sa walang tigil na pagtulo ng aking mga luha ay ipinagpatuloy ko pa rin ang pag iimpake.
Mabuti na lang at tahimik si Cherry sa crib nito. Nakakagalaw ako ng maayos para ayusin ang mga gamit naming dalawa.
Tapos ko ng iimpake ang lahat ng gamit namin nang pumasok si Leo sa kwarto. Dumako agad ang tingin niya sa mga bag at maletang nasa ibabaw ng aming kama.
"Cindy," agad siyang lumapit para yakapin ako.
Umatras ako para iwasan ang mga yakap niyang iyon. "Hindi ko na kaya, Leo," sabi ko na ikinatigil niya. "Kung napapagod ka na, mas pagod na ako!" may diing saad ko. "Kilala mo ako 'di ba? Alam mong hindi ko magagawa 'yon sa pamilya mo lalo na sa mga kapatid mo-"
"Kilala pa nga ba kita, Cindy?" putol niya sa akin.
Napamaang ako. "Bakit? Nagbago ba 'ko?" naguguluhang tanong ko. "Kung may nagbago man dito ikaw 'yon! Dahil ayaw mo na akong pakinggan!"
"Pagbabago na ba 'yong gusto ko lang naman tulungan 'yong pamilya ko?Intindihin mo na lang sila, Cindy," nahihirapang aniya.
"Intindihin?" natatawang usal ko. "Matagal ko na silang iniintindi, Leo. At punung puno na ako!"
"Cindy, para sa akin na lang. Please," nanghihinang pakiusap niya.
"Wala na, Leo, sagad na sagad na 'yong pag intindi ko sa kanila!" tugon ko. "Ginagawa ko lahat 'to para sa 'yo! Dahil kahit bali baliktarin man natin ang mundo pamilya mo pa rin sila! Tiniis kong makasama sila kahit ayaw makisama ng loob ko. Pero sobra sobra naman 'yong araw araw na panghahamak nila sa akin. Pagpapamukha na wala akong karapatan sa 'yo at sa pamamahay na 'to!"
"May karapatan ka dahil asawa kita! Ano ka ba?!"
"Asawa?" natawa ako ng nakakaloko habang hilam pa rin sa aking mga luha. "Asawa saan? Sa kama? Ipinamumukha lagi ng mama at kapatid mo na hindi tayo kasal kaya wala akong karapatan. Na hindi nila ako gusto dahil si Trina ang gusto nila para sa 'yo!"
"Paano naman napasok si Trina sa usapan? Kaibigan ko lang si Trina!"
"Alam ko na ang totoo, Leo!" sigaw ko na ikinatigil niyang muli. "Mahirap bang sabihin sa akin na naging girlfriend mo s'ya? Na s'ya ang first love mo?" punung puno ng sakit na tanong ko sa kanya.
"Matagal na 'yon! Hindi naman na importante-"
"Importante 'yon! Importante para sa akin 'yon! Dahil bumalik na s'ya sa buhay mo! At ang babaeng 'yon ang gusto ng pamilya mo! Hindi ako!"
"Wala namang patutunguhan 'tong issue na 'to, eh! Ibalik mo na 'yang mga gamit."
Tinabig ko ang kamay niyang tangkang hahawak sa maleta. "Aalis kami ni Cherry. At hindi mo ako mapipigilan!"
"Gabi na! Saan kayo pupunta?" Bakas ang takot at pag aalala sa kanyang mga mata.
"Bahala na! Basta gusto ko ng umalis dito! Magdesisyon ka kung mananatili ka dito kasama ng pamilya mo o sasama ka sa amin. Basta aalis na kami!"
Narinig ko na ang tunog ng tricycle ni Kuya Elmer na tinawagan ko kanina para arkilahin kaya lumabas na ako. Pinakuha ko na lang ang ibang bag namin kay kuya para makaalis na kami agad.
"Cindy, 'wag naman ganito. Mag usap muna tayo," pakiusap pa ni Leo sa akin.
"Eksenadora!" pairap na sabi ni Lesly nang dumaan ako sa harapan niya.
"Hayaan mo na 'yan, Leo! Maraming babae d'yan! Hindi s'ya kawalan sa 'yo!" sulsol ni Mama Ellen dito.
"Makinig ka sa nanay mo, oh!" nang uuyam na saad ko. "Marami nga namang babae. Isa na ang paborito nilang si Trina do'n! Tara na, kuya!"
"Cindy!" sigaw ni Leo nang tuluyang umusad ang tricycle na sinasakyan ko.
Tumulo na naman ang mga luha ko nang lingunin ko si Leo. Naka-squat na ito at himas himas ang kanyang batok. Hindi niya alam kung ano ang gagawin habang tanaw niya kaming palayo.
Natawa na lang ako ng mapait at napailing nang makitang aluin siya ni Mama Ellen at Lesly. Ngayon pa lang alam ko na ang sinasabi nilang paninira sa akin at pagpapabango sa pangalan ni Trina kay Leo.
"Oh! Cindy, gabi na, ah!" natatarantang binuksan ni Ate Precy ang gate nang makita ako sa labas. "Pasok ka muna, iha."
"Salamat po, Ate Precy. Kuya, d'yan na lang po ang mga gamit namin."
Tinanguan lang ako ni Kuya Elmer at pagkatapos ay saka ko siya inabutan ng bayad.
"Ate Precy, pwede po bang lipatan ko na po ngayon 'yong bahay na tiningnan ko no'ng nakaraan?"
"Aba'y oo naman! Mabuti na lang at napalinis ko na iyon kanina."
"Salamat po. Pasensya na at biglaan," hingi ko ng dispensa dito.
"Walang problema. Halika at ihahatid ko kayo," ani Ate Precy at kinuha ang susi ng bahay na uupahan ko. "Anak, pakitulungan nga kami sa mga gamit ni Ate Cindy mo!" tawag pa niya sa binatilyong anak.
Malinis ang buong bahay at simple lang. Ganito rin ang unang bahay namin ni Leo nang magsimula kaming bumukod.
"Kumain ka na ba? Baka nagugutom ka. May pagkain sa bahay kung gusto mo?" alok ni Ate Precy sa akin.
Natawa pa kaming dalawa ng kumulo nga ang tiyan ko sa gutom. Anong oras na rin kasi.
"Salamat po sa masarap na hapunan, ate."
"Okay lang 'yon. Magpahinga na kayo ng anak mo. Bukas mo na lang ako kwentuhan," makahulugang sabi niya dahil hindi naman ako susugod ng ganitong oras kung walang problema.
Saglit lang ay nakatulog na rin si Cherry nang makauwi kami dito sa bahay. Naka silent na rin ang cellphone ko dahil ayaw kong maistorbo ang tulog ng anak ko. Kanina pa kasi tumutunog iyon dahil sa mga tawag at text ni Leo sa akin.
"Cindy," tawag ni Leo sa pangalan ko nang sagutin ko ang tawag niya.
Alam kong umiiyak s'ya dahil iba ang boses niya sa kabilang linya.
"Matulog ka na. Maaga ka pa bukas," ani ko, pinipilit kong 'wag magpaapekto sa mga pag iyak niya.
"Nasaan kayo? Pupuntahan kita."
"Maayos kami ng anak mo. 'Wag kang mag alala." Pinahid ko ang luhang naglandas sa aking pisngi. "Matulog ka na."
"Please. Pupuntahan kita. Hindi rin ako makakatulog kung hindi ko kayo kasama," umiiyak na sabi niya sa kabilang linya.
"Bukas na lang. Pagod na rin tayo pareho. Gusto ko ng magpahinga."
"Pero-"
Pinatay ko na ang cellphone ko. Ini-off ko na iyon para hindi na niya ako matawagan ulit.
Napabuntong hininga ako at muling pinahid ang mga luha sa aking pisngi. Dahil hindi dalawin ng antok ay lumabas ako ng kwarto para hindi maistorbo sa pagtulog si Cherry.
Lalo kong naramdaman ang kalungkutan ngayong mag isa ako. Ang tahimik ng buong paligid ko kaya hindi ko na naman maiwasang umiyak.
Hindi ko akalaing darating na naman ako sa sitwasyong pakiramdam ko ay mag isa ako.
Dahil nga nahihirapan ako sa sitwasyon sa bahay ay naghanap talaga ako ng uupahan. Balak ko sana na kami na lang ang lilipat kung ayaw nilang umalis doon.
Hindi ko lang talaga ini-expect na sa ganitong paraan ako aalis ng bahay. At hindi ko pa kasama si Leo.
Nasa kanya naman ang desisyon kung sa amin s'ya sasama ng anak n'ya o mananatili siya sa pamilya n'ya.
Kinabukasan ay maaga akong nagising para magluto ng almusal. Mabuti na lang at may naiwang lutuan dito at pinahiram muna ako ni Ate Precy ng isang maliit na kaldero at kawali.
Sa pag aaklang si Ate Precy ang kumakatok ay agad kong binuksan ang pintuan.
Muntik na akong mabuwal sa aking kinatatayuan ng bigla akong yakapin ni Leo pagbukas na pagbukas ko ng pintuan. Nanikip ang dibdib ko nang marinig ko ang mahihina niyang pag iyak.
"Sorry. Sorry," umiiyak na sabi niya habang nakayakap ng mahigpit sa akin.
Inakay ko siya papasok sa loob ng bahay. "Kumain ka na ba?" tanong ko sa kanya na halos ayaw akong pakawalan sa pagkakayakap kanina pa.
"Hindi ako nagugutom," mahinang sagot niya sa akin. "H'wag n'yo na akong iiwan, ha. Hindi ako nakatulog kagabi kakaisip sa inyo," naluluha na namang sabi niya.
Nakita daw niya kanina si Kuya Elmer kaya nagpasama s'ya na pumunta dito. Dala rin niya ang kanyang mga gamit at nagpaalam daw s'ya sa trabaho na hindi muna papasok ngayong araw.
Pinagpahinga ko na lang muna siya sa kwarto para kahit paano ay makabawi siya ng tulog.
Bakas rin ang pagod sa kanyang mukha. Nang mahiga nga siya ay agad ring nakatulog habang nakayakap pa kay Cherry.
Marahan kong hinaplos ang kanyang buhok at hinagkan siya sa noo bago ko sila iwan ni Cherry sa kwarto.
Nakaramdam ako ng tuwa dahil nandito siya. Ibig sabihin kami ang pinili niyang makasama.