Dahil sa nangyari ay pinili ko na lang na magkulong dito sa kwarto namin para hindi na lalo madagdagan pa ang sama ng loob ko. Nasa ibaba ang kwarto namin kaya rinig na rinig ko silang nagkakaingay sa labas habang kumakain ng hapunan.
Agad kong pinahid ang aking mga luha nang bumukas ang pintuan. Pumasok si Leo na may dalang tray ng pagkain.
"Kumain ka na muna. Hindi ka pa kumakain" aniya matapos akong tabihan sa pagkakaupo dito sa kama.
"Hindi ako nagugutom," tugon ko.
Nawalan na rin ako ng ganang kumain pa. Sino nga naman ang gaganahan sa nangyari kanina.
"Pasensya ka na kay mama kanina," hingi nito ng tawad sa akin.
Pasensya...
Iyon lang naman ang tanging magagawa ko. Ang magpasensya nang magpasensya sa ganitong sitwasyon. At hindi ko alam kung hanggang kailan at hanggang saan aabot ang pasensya ko.
"Gusto ko man silang paalisin pero gabi na. Wala na silang babalikang bahay dahil pinaalis na silang lahat ng may ari ng lupa doon," paliwanag pa ni Leo sa akin.
"Pwede naman silang humanap ng bahay hindi ba?"
"Hayaan mo, bukas na bukas ako na ang hahanap ng bahay para sa kanila," alo pa niya sa akin habang haplos ang aking buhok.
Ang pangakong paghahanap ni Leo ng bahay para sa pamilya niya ay nawala na lang na parang bula.
Tatlong buwan na kasi ay narito pa rin sila sa inuupahan naming bahay. Madalas rin akong kausapin ng ilang kapitbahay namin dahil sa ingay nila araw man o gabi.
At araw araw kong tinitiis ang mga hindi magandang sinasabi nina Mama Ellen at Lesly sa akin. Sa araw araw ay lagi nilang pinapaalala sa akin na wala akong karapatan, na sampid at palamunin lang din ako dito sa bahay.
Araw araw ko na lang pinapaalalahanan ang sarili ko na 'wag pumatol sa mga walang kwentang tao!
Ilang beses na rin kaming pinupuntahan ng mga tauhan ng barangay dahil inaabot ng hating gabi ang pagha-happy happy ng mga barkada nina Lesly at Tanner dito sa bahay.
"Ilang beses na tayong pinupuntahan ng barangay dito, Leo. Nag abisa na rin ang may ari ng bahay na kung magpapatuloy ang ganito ay paaalisin na lang daw tayo," minsan ay sabi ko kay Leo habang nagpapahinga kami dito sa kwarto.
"Pagsasabihan ko na lang sila."
"Ilang beses mo ng ginawa 'yan? Nakikinig ba sa 'yo? 'Di ba hindi?!" giit ko.
"Eh, ano bang gusto mong gawin ko?Pwede ba, Cindy! Ako na nga sabi ang bahala sa kanila 'di ba!"
Nagulat ako dahil sa pag singhal niyang iyon sa akin. "Bakit parang sa akin ka pa nagagalit?!"
"Ang kulit mo kasi!" naiinis na sabi niya.
"Ang sabi mo sa akin hahanapan mo sila ng bahay na titirahan. Ilang buwan na, Leo, nandito pa rin sila."
"Alangan naman na itaboy ko ang sarili kong pamilya, Cindy! Wala pa akong mahanap sa ngayon kaya pwede ba 'wag mo muna akong kulitin! Matulog na tayo at maaga pa ako bukas." Nagtalukbong siya ng kumot at tinalikuran na ako.
Kinaumagahan ay humingi rin ng tawad si Leo sa akin dahil sa naging reaksyon niya kagabi.
Alam ko namang pagod rin s'ya sa trabaho at pag iintindi sa aming lahat dito sa bahay kaya pinalampas ko na lang rin iyon.
Kagagaling lang ulit ni Mrs. Nieves dito sa bahay dahil sa reklamong natatanggap niya mula sa mga kapitbahay namin na sobrang ng napipirwisyo dahil sa ingay sa amin.
Lalo pang sumakit ang ulo ko dahil magkasunod na dumating ang bill ng kuryente at tubig na halos triple ang konsumo.
"Anna, pwede bang pagkatapos n'yong kumain d'yan pakiligpit naman ang mga pinagkainan para wala tayong kalat. Ako na ang bahalang maghugas mamaya n'yan basta iligpit n'yo lang, ha," pakiusap ko kay Anna nang mapasukan ko sila nina Elsa at Arvie sa kusina habang kumakain.
"Opo, Ate Cindy," nakangiting sagot nito sa akin.
Sinamsam ko ang mga damit namin na kaka-dryer ko lang at umakyat sa itaas para sa terrace na magsampay.
Habang nagsasampay ay hindi ako mapakali dahil sa mabahong amoy na kanina ko pa talaga nalalanghap.
Kaya naman agad kong hinanap ang amoy na iyon pagkatapos ng aking ginagawa.
Halos masuka ako dahil sa nagtambak na diapers sa sulok ng pasilyo. May mga napkin pang gamit doon. At mga balat ng kung anong pagkain.
Agad akong bumaba para hanapin si Lesly. Sila lang naman ang alam kong gagawa ng ganitong klaseng kababuyan dito sa bahay.
"Lesly!" tawag pansin ko sa kanya dahil tutok na tutok ito sa panunuod. "Lesly!"
"Ano bang problema mo!" sigaw niya sa akin nang patayin ko ang t.v.
"Hindi mo ba naaamoy ang baho at lansa sa itaas? Wala na kayo sa squatters kaya matuto ka naman sanang magligpit!"
"Aba! Anong ginagawa mo?!"
Natigilan ako doon. "Anong sabi mo?"
"Kung ayaw mo ng mabaho at madumi 'di linisin mo!" nanunuyang sabi pa niya sa akin.
"Hindi kayo bisita sa bahay na 'to! Dito na rin kayo nakatira kaya matuto naman kayong maglinis. Hindi sa atin ang bahay na 'to kaya kargo natin na linisin at sinupin!" giit ko.
"Ikaw ang nakaisip, eh! Eh, 'di ikaw ang gumawa! Saka 'wag mo nga akong mautus utusan na akala mo kung sino kang senyorita dito sa bahay! Bahay pa rin 'to ng Kuya Leo ko!"
"Bahay namin!" Pagdidiin ko.
Isang malakas na tawa ang pinakawalan niya na para bang nakakatawa at nakakaloko ang sinabi ko.
"Anong nangyayari dito at hanggang sa labas abot 'yang bunganga n'yo?" tanong ni Mama Ellen nang mabungaran kami dito sa sala.
"Ito kasing hilaw mong manugang kung makaasta akala mo kung sino! Bahay daw nila ni Kuya Leo!" ani Lesly na paismid ismid pa. "Angkinin mo ang kay kuya kung kasal ka sa kanya!" sigaw pa ni Lesly sa akin.
"At dahil hindi naman kayo kasal, eh, wala kang karapatan!" dagdag pa ni Mama Ellen. "At alam mo mas mabuti nga na hindi kayo ikasal dahil ayaw ko sa 'yo!" Duro pa nito sa akin.
"Sino bang may gusto d'yan, ma?" taas kilay na turan ni Lesly at sinipat pa ako mula ulo hanggang paa. "Kung tutuusin walang wala ka kay Ate Trina. Maganda, mabait, matalino. Engineer, may sarili ring negosyo, mayaman. At higit sa lahat, mahal si Kuya Leo. Hindi ko nga alam kung anong nakita ni kuya sa 'yo, eh!"
"Kung hindi ka bumukaka sa anak ko sana binata pa si Leo ngayon. Kaya nga hindi ko pinag aasawa 'yon noon dahil alam kong babalik si Trina, eh! Pero umepal ka! Hindi mo makamot ang sarili mong kati!"
"Mahal ako ni Leo!" nanginginig na sabi ko. "Magkaibigan lang sila ni Trina!"
Sabay na tumawa ang mag ina at nanunuyang tumingin sa akin.
"Hindi ka ba updated sa buhay ni kuya?" nang iinis na ani Lesly sa akin. "Pwes! Ako na ang magsasabi sa 'yo para matauhan ka! Girlfriend ni Kuya Leo si Ate Trina highschool pa lang sila. Wala silang formal break up dahil biglaan ang pag alis ng pamilya ni Ate Trina papuntang ibang bansa. At first love nilang dalawa ang isa't isa!"
Sunud sunod akong napailing. Ang sabi ni Leo magkaibigan lang sila ni Trina, eh!
"Ano 'yon?!" bulalas ni mama at agad tinungo ang kusina.
Sumunod ako at si Lesly sa kanya para tingnan rin kung ano ang nabasag doon.
"Anna!" sigaw ni mama at patakbong lumapit kay Anna na nagdudugo ang kamay dahil sa pagdampot nito ng basag na pinggan. "Anong nangyari?"
"Nadulas po kasi sa kamay ko 'yong pinggan. Ilalagay ko lang po kasi sana sa lababo," sagot nitong maluha luha na.
"Sino ba kasi ang nagsabi sa 'yong magligpit ka! May gagawa n'yan kahit hindi mo ligpitin!" ani Mama Ellen pa.
Oo! May gagawa talaga no'n. At ako lang naman 'yon! Katulong ang tingin nila sa akin sa bahay na 'to.
"Sabi po kasi ni Ate Cindy-"
"Ikaw!"
Sabay kaming napasigaw ni Anna nang hablutin ako ni mama sa aking braso.
"Tingnan mo kung ano ang ginawa mo!" nanggigigil na sabi pa nito sa akin.
"Gusto ko lang naman pong turuan silang-"
"Dahil ano?! Ayaw mo na naman ng madumi! Ayaw mo ng mabaho! Ayaw mo ng makalat!" sigaw ni mama sa mukha ko. "Tama si Lesly, eh! Kung ayaw mo palang makakita ng kahit anong kalat. At ayaw mong makaamoy ng mabaho! Eh! 'di linisin mo!"
Napaatras ako nang itulak ako ni mama. Naramdaman ko ang hapdi sa braso ko at nakita kong dumudugo iyon dahil sa pagkakabaon ng mga kuko ni Mama Ellen.
"Ito ba?!"
Napatili hindi lang ako kundi maging sina Lesly nang ibalibag ni mama ang mga pinggan sa tiles naming sahig.
"Lintek na mga pinggan na 'yan! Ayan! Basagin natin lahat para wala ng huhugasan! Para hindi nagrereklamo 'yong feeling prinsesa dito!" sigaw ni mama habang patuloy sa pagbabalibag ng mga pinggan sa sahig.
"Ma!"
Nahinto sa pagbabasag ng mga pinggan si mama nang marinig ang sigaw ni Leo na kadarating lang.
"Anong nangyayari dito?!" gulantang niyang tanong sa aming lahat.
"Bakit kaya hindi mo tanungin 'yang magaling na babaeng, 'yan?!"
"Cindy?" nag aalalang tanong ni Leo sa akin. Agad niya akong nilapitan nang makita ang braso kong dumudugo.
"Tinuturuan ko lang naman-"
"Tinuturuan!" putol ni Lesly sa akin. "Inutusan n'ya si Anna na maghugas ng pinggan! Ayon! Nabasag 'yong pinggan at nasugatan si Anna. Tapos sasagot sagot ka pa kay mama pinagsasabihan ka lang naman!"
"Hindi totoo 'yan!" tanggi ko dahil wala naman akong ginawang gano'n.
"Isubsob kaya kita sa kamay ng kapatid ko para makita mong may sugat. Ano? Pa-feeling victim ka na naman dahil nandito si kuya?"
"Tama na! Pwede ba pag usapan n'yo ng maayos!" sigaw ni Leo sa amin.
"Pag usapan? Eh, lagi mo namang kinakampihan 'yang babaeng 'yan! Lagi s'ya ang tama! Hindi mo nakikita ang pangmamata n'yan sa amin kapag wala ka. Tapos akala mo kung sinong mabait at mahinhin kapag nandito ka. Kilala mo ako, Kuya Leo! Maldita ako kapag maldita rin ang kaharap ko!" litanya pa ni Lesly.
"Wala akong ginagawang masama sa inyo. Gusto ko lang naman kayong matutong maglinis ng bahay. Gusto ko lang naman-"
"Tama na! Tama na! Pwede ba?" galit na talagang sigaw ni Leo.
"Gusto ko lang namang sabihin ang side ko. Wala akong ginagawa sa kanila!" giit ko.
"Hay naku, Cindy! Huling huli ka na. Lulusot ka pa!" naiiling na ani Mama Ellen na animo'y dismayadong dismayado sa akin.
"Hindi ako nagsisinungaling! Kayo ang sinungaling!" dipensa ko sa aking sarili. "Simula ng dumating kayo dito naging magulo na naman ang buhay namin ni Leo."
"Cindy, pwede ba sabing tama na!" saway ni Leo na nauubusan na ng pasensya. "Alam ko na kung saan ang takbo n'yang sasabihin mo, eh! Gusto mo na naman silang umalis dito sa bahay 'di ba?"
Sinigundahan nina Lesly at mama ang sinabing iyon ni Leo. Na kaya ko sila inaaway at gawing masama sa paningin ni Leo ay para paalisin sila ni Leo dito sa bahay.
"Walang aalis! Ako ang masusunod dito sa bahay na 'to!" seryosong saad ni Leo. "Ako ang nagpapakahirap para magtrabaho. Magkasundo naman kayo! Nakakapagod na kayo sa totoo lang!"
Umalis si Leo at sumunod sina mama sa kanya. Naririnig ko pa ang mga sinasabi nila kay Leo tungkol sa mga nangyari kanina na hindi ko naman talaga ginawa.
Napapagod?
Pagod na rin ako!