CHAPTER 33

1714 Words
Estrangherong paligid ang sumalubong sa aking paningin kinabukasan sa aking paggising. Kinusut kusot ko pa ang aking mga matang natamaan ng sinag ng araw mula sa malaking bintana. "Teka- Hay naku!" Nasapo ko ang aking noo nang maalala na narito pa nga pala kami sa mansyon. Napalingon ako kay Charity nang dumantay sa aking baywang ang kanyang maliit na braso nang yakapin niya ako. Sumiksik pa siya ng todo sa akin at mas humigpit pa ang yakap. Hinila ko ang kumot sa paanan namin at ibinalot iyon sa kanyang katawan saka ko rin siya niyakap. Ito ang pinaka paborito kong eksena tuwing matutulog at paggising sa umaga. Si Charity ang yaman na hindi ko ipagpapalit kahit na kanino at sa kahit na ano. Siya na lang ang meron ako. Siya na lang ang nagmamahal sa akin. Kung sana ay narito pa si Cherry, 'di sana ay buong buo ang kaligayahan ko. Hindi na ako dinalaw ng antok kaya bumangon na ako para ayusin ang aking sarili. Paglabas ko ng banyo ay siya namang pagkatok ng isang kasambahay sa labas ng pintuan. "Handa na po ang agahan sa ibaba, senyorita. Hinihintay na rin po kayo ng mommy at daddy n'yo doon," imporma ni Olive sa akin nang buksan ko ang pinto. "Gising na rin ba si Marla?" "Opo, nasa ibaba na po siya kasama ang anak n'ya, pati ang mga kapatid n'yo po," tugon nito. Hindi nalalayo ang edad ni Olive sa akin pero sobrang galang niyang makipag usap. Maganda rin si Olive at isa lang siya sa sampung kasambahay na narito sa loob ng mansyon. "Susunod na lang ako, Olive. Salamat," nakangiting ani ko. "Sige po," tugon nito at nakayuko pang umalis sa harapan ko. Sinuklay ko ang aking mahabang buhok at lumabas na ng kwarto. Hinayaan ko munang matulog si Charity dahil alam kong napagod ito ng sobra sa kalalaro kagabi. "Good morning, iha," bati ni papa sa akin nang pumasok ako ng dining area. Tumayo pa ito at hinagkan ang aking noo nang makalapit ako sa kanya. Lumapit rin ako kay mama at hinalikan ang kanyang ulo bago ako naupo sa bakanteng upuan sa kanyang tabi. "Si Charity?" tanong ni mama. "Natutulog pa po, ma. Napagod kasi iyon kagabi sa paglalaro," sagot ko. Maya maya ay pumasok na rin sina Trina dito sa loob. Akay naman ni Leo si Lianne at inalalayang maupo sa gitna nila ni Trina. Sunny side up and scrambled eggs, hotdog, bacon, ham. Mayroon pang fried pork and chicken. May tinapay at sinangag na kanin rin. Mga karaniwang agahan sa umaga at paborito rin ng aking prinsesa. Minsan nga ay nagri-request ito ng pandesal na mainit at dairy cream with hot chocolate sa umaga. "Dad, I don't like eggs!" ani Lianne at tinakpan pa ang kanyang bibig. Napaangat ako ng tingin sa kanila. Allergic din ba s'ya sa itlog? "Eat that!" mariing utos ni Trina sa anak nang lingunin niya ito. "Stop acting like a brat!" "Trina, allergic si Lianne sa itlog," mahinahong sabi ni Leo at saka kinuha ang itlog at inilagay sa kanyang sariling pinggan. Kumuha si Leo ng sinangag at nilagyan ang plato ng anak. Tinanong pa nito ang anak kung ano ang ulam na gusto. Kinuha nito ang bacon at isang hiwa ng pritong manok na itinuro ng kanyang anak. Nakaramdam ako nang kaunting kirot sa puso ko. Kung kami kaya ang kasama n'ya ngayon, ganito rin kaya niya alagaan ang anak ko? Nabalik sa kasalukuyan ang isip ko nang makitang isusubo ni Leo ang sunny side up na kinuha nito sa pinggan kanina ni Lianne. "H'wag!" Pigil ko sa kanya. Napatingin tuloy sa akin ang lahat dahil doon. Nabitin rin sa ere ang kutsarang hawak ni Leo. "Anak?" nagtatakang ani mama. "Ah!" Tumikhim ako at hinamig ang sarili. "Allergy ka sa itlog 'di ba?" sabi ko kay Leo. Nilingon ni Trina ang asawa at napatingin muli sa akin. "Anong pinagsasabi mo?" mataray niyang tanong. "Hindi mo ba alam na allergic si Leo sa itlog?" wika ko pa. "Ayaw rin ng anak n'yo sa itlog," dagdag ko. "Nag iinarte lang ang anak ko sa pagkain!" masungit na anito sa akin. "Finish your food!" Baling nito sa anak at hindi na ako pinansin. Nagpatuloy na rin sa pagkain si Leo at nakita kong itinabi niya ang itlog sa gilid ng kanyang plato at hindi na muling ginalaw pa. "Trina, hindi kaya allergic din si Lianne sa itlog?" maya maya ay sabi ni mama. "My, nag iinarte lang 'yang apo n'yo dahil maraming tao," pagrarason pa ni Trina. "I have to go. Marami akong kailangang tapusin na trabaho sa site." Nagpunas ito ng table napkin sa bibig at tumayo na. Humalik pa ito kay mama at papa bago umalis. Malungkot naman na tinanaw ni Lianne ang papalayong ina. Hindi man lang kasi ito tinapunan ng tingin ni Trina bago umalis. "Let's go upstairs," ani Leo upang kunin ang atensyon ng anak na malungkot pa ring nakatingin sa nilabasan ng ina. "Lianne, come here," tawag ni mama dito. Marahang tumayo si Lianne at lumapit kay mama. "Pasensya ka na sa mommy mo, ha. Pagod lang 'yon sa work," ani mama habang haplos ang kanyang buhok. "Everyday she's tired at work po, eh" malungkot na tugon nito. "Li, mommy has lots of work everyday. Tara na sa itaas, magbihis ka na at isasama na lang kita sa work ni daddy para hindi ka na malungkot," pahayag ni Leo. Lumiwanag ang mukha ni Lianne at nakangiting lumapit sa ama. "Thank you, daddy!" masiglang anito at yumakap sa leeg ng ama. "Good morning, mama! Good morning lola!" bati ni Charity nang pumasok sa dining. "Good morning lolo! Ninang Marla!" Isa isa niya kaming nilapitan at hinalikan sa pisngi. "Good morning too, baby girl," magiliw na tugon ni papa. Pinisil naman ni mama ang pisngi ng aking anak at saka iyon hinagkan na ikinabungisngis naman ni Charity. Ipinaghila ni Olive nang upuan sa aking tabi si Charity at naglapag rin ng pinggan at kubyertos si Olive kasunod ang isang baso ng gatas at isang baso ng tubig. "Good morning, Lianne," bati ni Charity dito ngunit hindi ito umimik at nagpatuloy lang sa pagkain. "Good morning, tito." Pareho kaming natigilan ni Leo sa sinabing iyon ng anak ko. Maging sina papa at mama at si Marla sa aking tabi ay napatingin na rin sa amin. "G-good morning," nauutal na sagot ni Leo. "Kumusta ang tulog mo?" "Okay naman po. Lagi naman pong masarap ang tulog ko kasi palagi kong katabi si mama ko matulog," kwento nito. "Wow! Eggs!" bulalas ni Charity nang makita ang sunny side up sa lamesa. Nakahawak pa ito sa kanyang magkabilang pisngi. "Kumain ka na at 'wag ng madaldal," ani ko matapos ilagay sa kanyang pinggan ang itlog at sinangag. "Opo!" masiglang sagot ni Charity sa akin at nag umpisa ng kumain. Matapos mag agahan ay umalis na rin si papa dahil marami daw siyang naka-pending na trabaho sa opisina. May site visit rin sila ayon kay papa na siyang project naman ni Trina. "Sa tuwing aalis ang papa mo para pumasok sa trabaho palagi akong naiiwan mag isa sa bahay," kwento ni mama nang tabihan ko siya dito sa veranda. Tinanaw namin ang pagbukas ng malaking gate dahil sa paalis na sasakyan ni papa. Kasunod ang sasakyan ni Leo kasama ang anak nila ni Trina. "Nand'yan naman po si Trina, ah," tugon ko. Nakangiting humarap si mama sa akin at hinaplos ang aking pisngi. Nababasa ko ang lungkot sa kanyang mga mata kahit nakangiti pa siya. "Araw araw akong hihingi ng sorry sa kasalanang nagawa ko sa 'yo, anak. Araw araw kong pinagsisisihan ang ginawa ko sa pamilya mo," emosyonal na saad nito. "Ma, tapos na 'yon. Kalimutan na natin," sabi ko at ginagap ang kanyang kamay na nakahawak sa aking pisngi. "Pwede pa po tayong magsimula ulit." "Alam mo bang ipinatayo ng papa mo ang mansyon na 'to nang ikasal kami. Ito raw ang regalo niya sa magiging unang anak niya. Sa mansyon na 'to nabuo ang lahat ng mga pangarap namin. Ang bahay na 'to ang nagpapaalala sa amin ng papa mo ng isang kompletong pamilya. Kaya ng mawala ka, masakit man pero nilisan namin ang bahay na 'to," madamdaming kwento pa niya. "Pumunta kayo ng Amerika?" tanong ko. "Oo. At pagbalik namin ng Pilipinas hindi pa rin kami tumira dito. Gusto ko kasi na itago ang mga alaala mo sa bahay na ito noong baby ka pa. Kapag nangungulila ako sa 'yo, lagi akong pumupunta dito. Halika, may ipapakita ako sa 'yo." Sumunod ako kay mama papasok at dinala niya ako sa isang kwarto sa itaas ng mansyon. Natigilan pa ako nang bumungad sa akin ang isang nursery. "Ito ang kwarto mo noon. Kahit isa sa mga gamit na narito ay wala akong ipinagalaw. Walang nakakapasok dito bukod sa amin ng papa mo kundi si Manang Ising lang para maglinis." "Kahit si Trina po?" "Nang mawala ka at alagaan namin si Trina ay hindi na kami muling tumira dito. Ayaw ni Thirdy na mabahiran ng ibang alaala ang bahay na ginawa niya para sa kanyang prinsesa. At ngayong bumalik ka na sa amin, nakauwi na rin tayo ng sabay sabay sa tahanan natin." Niyakap ako ni mama habang may luha sa kanyang pisngi. "Bubuo na ulit tayo ng mga bagong alaala, anak." "Ma, paano po ang buhay ko sa Mindoro? May naiwan rin po akong negosyo doon," pahayag ko. "Pwede mong ilipat ang negosyo mo dito sa syudad kung gusto mo. Gawin mo na lang franchise ang negosyo mo doon magsimula ka ng bagong negosyo dito at tutulungan ka namin ng papa mo. Cindy, gusto kong bawiin ang maraming taon na nawala ka sa akin, sa amin ng papa mo. Kaya sana pumayag ka." "Ma, alam mo naman ang sitwasyon namin ni Trina hindi ba? Ayaw kong tumira kami sa iisang bubong," paliwanag ko pa. "Hindi dito titira si Trina. May sarili silang bahay na iniregalo namin sa kanya no'ng 18'th birthday n'ya. Doon sila nakatira ngayon," ani naman ni mama. "Akala ko po kasi-" "Hindi ba't sabi ko naman sa 'yo na para sa 'yo ang bahay na 'to. Walang titira dito kundi ikaw." Napanatag ako sa sinabing iyon ni mama. Ngunit kaya ko nga bang nasa malapit lang sina Trina at Leo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD