CHAPTER 34

1794 Words
Hindi ako makatulog dahil pinag iisipan kong mabuti ang gustong mangyari ni mama. Gusto ko silang makasama ni papa, pero may pumipigil sa akin na mag-stay dito kasama nila. "Si Leo na naman?" ani Marla matapos kong sabihin sa kanya ang mga agam agam ko. "Cindy, past is past! Hindi mo naman sila makakasama sa iisang bubong, eh!" "Pero makikita ko pa rin sila, Marla!" giit ko. "Mahal mo pa ba?" seryosong aniya at pinakatitigan ako ng mabuti. "Saan naman galing 'yan?" tugon ko at pairap na nag iwas ng tingin. "Mahal mo pa 'no?" Umasim pa ang kanyang mukha. "Hindi!" Matigas na pagtanggi ko. "Gano'n naman pala, eh! 'Di walang problema kung dito ka magsi-stay kasama ng parents mo. Unless..." "Unless, what?" "Mahal mo pa kaya todo iwas ka sa kanya!" nangingiting sabi niya. "Ayaw ko lang ng gulo!" turan ko. "Manggugulo ka ba?" "Marla, kasal na sila ni Trina nakita mo naman ng una tayong dumating dito. Saka wala akong balak na bawiin si Leo sa babaeng 'yon katulad ng ginawa n'ya noon. Kaya kong tumayong ama at ina kay Charity kaya hindi ko s'ya kailangan." "Wala ka bang balak ipakilala kay Charity ang papa n'ya? Masakit kaya ang tawagin kang tito ng sarili mong anak," nakalabing aniya pa. "Pag iisipan ko pa 'yan," napapabuntong hiningang tugon ko. "Hindi mo naman na dapat pag isipan 'yan. Karapatan ng anak mo na makilala ang papa n'ya. At hindi mo naman malilihim ng matagal 'yon kay Charity. Isang tingin pa lang alam mong magtatay silang dalawa. Matalino rin 'yang anak mo, kaya magtatanong at magtatanong 'yan," pahayag pa ni Marla. Nakaalis na at lahat si Marla ngunit hindi pa rin ako makatulog. "Gatas yata ang kailangan ko," kausap ko sa aking sarili at maingat na tumayo sa kama saka lumabas ng kwarto. "Oh! Iha, bakit gising ka pa?" tanong ni Manang Ising pagkababa ko ng hagdanan. "Maggagatas lang po sana ako, manang," sabi ko. "Bakit gising pa po kayo?" "Patulog na rin ako. Din-ouble check ko lang ang mga lock. Hindi ka ba makatulog?" anitong sumulyap pa sa malaking relo. "Halika sa kusina at ipagtitimpla kita," yaya niya sa akin at nauna nang maglakad. "Maupo ka muna d'yan at iinitin ko lang itong fresh milk," ani Manang Ising pa. Naupo ako sa high chair na nasa tapat ng counter top. Maya maya pa ay inilagay na ni Manang Ising ang baso ng gatas sa aking harapan. "Bakit po?" takang tanong ko kay manang dahil nakatitig lang siya sa akin. "Hindi lang kasi ako makapaniwalang bumalik na ang kaisa isang prinsesa nina Thirdy at Sol," nakangiting tugon niya. "Sobrang ganda mo. Kamukhang kamukha mo si Thirdy," papuri ni Manang Ising sa akin. "Salamat po," nahihiyang tugon ko at itinuon na lang sa baso ng gatas ang atensyon ko. "Ngayon ko na lang ulit nakita ang sigla sa mag asawang iyon. Simula ng mawala ka ay nawala na rin ang saya at sigla sa kanilang mga mata," kwento pa ni Manang Ising. "At sa wakas, nakabalik na rin sila dito sa mansyon na ilang taon rin nilang nilisan nang mawala ka. At nakakatuwa dahil kasama ka na nila sa kanilang pagbabalik dito." "Matagal na po ba kayong mayordoma dito, manang?" tanong ko matapos sumimsim sa basong aking hawak. "Oo, alaga ko na ang papa mo no'ng elementary pa lang siya. Hanggang sa nagbinata, at nagkaasawa." "Ibig sabihin kilala n'yo rin po si Mama Anita?" "Oo naman. Kilalang kilala ko ang babaeng iyon. Masyadong mataas ang pangarap n'ya, ambisyosa kung baga. Lahat ay gusto niyang abutin kahit hindi pwede. At dahil sa baliw na pagmamahal niya kay Thirdy naging miserable ang buhay ninyong tatlo." "Nabigyan naman na po ng hustisya ang nangyari sa amin. Naipakulong na rin po siya nina papa," turan ko. "Hangga't hindi pa nasisintensyahan ang babaeng 'yon hindi pa lubos ang hustisya para sa pamilya n'yo," ani Manang Ising sa akin. "Manang, mabait po ba si Trina?" pang uusisa ko. Napabuntong hininga si Manang Ising. Kinuha niya ang baso kong wala ng laman at hinugasan sa lababo. "Mabait naman pero lumalabas paminsan minsan ang pagka maldita," tugon nito. "Maldita?" "Oo. Mana sa ugali ng ina na kapatid ng mama mo. Sana lang hindi makuha ni Lianne ang ugali ng mama n'ya," naiiling na ani Manang Ising. "Inampon po nina mama at papa si Trina noon hindi ba?" muli ay tanong ko. "Nang mamatay ang mama ni Trina dahil sa cancer kinupkop na siya ng mama mo. Tatlong buwan ka ng nawawala noon. Kaya naman kay Trina ibinuhos ni Sol ang pangungulila niya sa 'yo, spoiled na spoiled ni Sol ang batang iyon kaya rin siguro lumaki ang ulo na akala mo ay tunay talaga siyang anak ng mga magulang mo. Pero hindi pa rin mapawi pawi ni Trina ang pangungulila ni Sol sa kanyang tunay na dugo at laman," kwento pa nito. "Sina Leo po kilala n'yo na rin dati? Sabi po kasi ng mama n'ya namasukan daw po s'ya dito noon." "Labandera namin si Ellen noon sa kabilang bahay. Madalas ko na ring makita si Leo noon dahil kapag walang pasok ay tumutulong siya sa paglalabada ng kanyang ina. Ang alam ko nga ay naging mag nobyo silang dalawa ni Trina dati bago umalis papuntang ibang bansa sina Thirdy." "Kailan namam po ikinasal sina Trina?" "Kasal?" kunut noong ani manang. "Hindi pa naman naikakasal ang dalawang iyon." "Akala ko po ikinasal na sila," turan ko. Hindi nga ba at pinapirmahan ni mama sa akin noon ang annullment papers para mapawalang bisa ang kasal namin ni Leo sa huwes at para maikasal sila ni Trina. Anong nangyari at hindi natuloy iyon? "Naku! Hindi sila pwedeng ikasal dahil ang alam ko ay may dati ng asawa si Leo at kasal pa!" "Annulled na po si Leo," saad ko naman. "Saan mo naman nalaman 'yan? Kilala mo ba si Leo?" tanong ni Manang Ising at pinakatitigan pa ako ng seryoso. "Kilala ko po s'ya," pag amin ko. Wala namang rason para itago iyon dahil 'yon naman ang totoo. "Akala ko lang po ay annulled na siya ng dati n'yang asawa," 'At ako 'yon, manang.' Gusto ko sanang sabihin ngunit itinikom ko na lamang ang aking bibig. "Ang papa mo yata ang may ayaw na maikasal silang dalawa. At ayaw rin ng mama mo sa pamilya ni Leo." Kaya pala ganoon na lang ang hitsura ni mama nang gabing iyon. "Kahit po ako, ayaw ko rin sa pamilya ni Leo." "Wala naman tayong magagawa at doon tumibok ang puso ng pinsan mo. Pero kung si Leo lang, mabait ang batang 'yon. Nakita ko kung gaano niya kamahal si Lianne. Nakakalungkot lang na naatim niyang iwan ang isa niyang pamilya para sa iba," may lungkot sa boses na saad pa ni Manang Ising. Dahil sa pagmamahal... Mahal n'ya kaya naatim n'ya kaming iwan sa gitna ng unos na pinagdaanan namin ni Charity noon. "Mahal n'ya po kaya ganoon," mahinang sabi ko. "Siguro nga," kibit balikat na ani manang. "Pero naaawa pa rin ako sa iniwan niyang pamilya." "Maayos na po ang buhay na- siguro ang buhay ng mag ina n'ya." Muntik pa akong madulas. "Lahat naman po tayo deserve na maging masaya sa buhay kahit mag isa tayong tumatayong nanay at tatay sa anak natin." "Teka, nasaan nga pala ang tatay ng anak mo?" si manang naman ang nag uusisa ngayon. "Iniwan po kami. Ipinagpalit n'ya po kami sa iba." Napatingin si Manang Ising sa akin at nakikita ko ang awa sa kanyang mga mata. "Mahirap ba maging nanay at tatay?" "Mahirap na masarap. Mahirap kasi, nasa balikat ko lahat, wala akong katuwang. Masarap kasi, achievement sa akin na napalaki kong mabuting bata ang anak ko na ako lang," nakangiting sabi ko habang ini-imagine ang mga panahong nagdaan sa buhay namin ni Charity. Napangiti na rin si manang at hinaplos pa ang aking pisngi. "Ngayon, hindi ka na mag iisa. May makakatuwang ka na sa pagpapalaki sa anak mo. Nandito na ako at ang mga magulang mo." Uminit ang puso ko sa sinabing iyon ni Manang Ising. "Thank you po." Tapos na ang ilang araw naming bakasyon dito sa Maynila kaya naman naghahanda na kami para sa pag uwi namin ng Mindoro. At bago umuwi ay sinulit muna namin ang isang araw pang nalalabi, namasyal muna kami kasama si mama. At ngayon nga ay narito kami sa sementeryo para dalawin ang anak kong si Cherry. "Kumusta ka na, anak? Pasensya na at ngayon lang ulit nakadalaw si mama sa 'yo, ha. May gusto nga pala akong ipakilala sa 'yo. Ito nga pala ang Lola Sol mo, s'ya ang mama ko, anak. Nakilala ko na rin ang totoo kong mama," kwento ko habang nakaupo kami sa harapan ng puntod ni Cherry. Tuwing birthday at death anniversary ni Cherry ay dumadalaw ako dito kasama sina Charity. Kahit mapaundas, pasko at bagong taon ay naglalaan talaga ako ng oras para madalaw ko lang siya dito sa Maynila. "Lola Sol!" Napalingon kami ni mama nang tawagin ni Lianne ang pangalan niya. Tumakbo ito palapit sa amin at humalik sa pisngi ni mama. Lumapit na rin sa amin si Leo at inilapag ang basket ng mga puting bulaklak sa ibabaw ng punyod ni Cherry. Sa tuwing dumadalaw ako dito ay nakikita ko ang basket ng mga bulaklak dito. Kay Leo pala galing ang mga iyon. Akala ko ay nakalimutan na rin niya si Cherry kagaya ng paglimot niya sa amin ni Charity. "Halika, apo. Doon muna tayo kina Charity," yaya ni mama kay Lianne at sinulyapan pa kaming pareho ni Leo bago tuluyang umalis. "Mabuti naman at dumalaw ka kay Cherry bago kayo umalis," ani Leo habang nagsisindi ng kandila. "Hindi man ako araw araw na nandito para dalawin s'ya, hindi ko naman nakakalimutan ang mga importanteng okasyon sa buhay n'ya," tugon ko. "Ikaw? Palagi ka ba dito?" "Oo. Kasama ko si Lianne." "Alam ba n'yang kapatid n'ya si Cherry?" "Alam ba ni Charity na ako ang papa n'ya?" Natigilan ako. "Bakit napunta kay Charity ang usapan?" "Alam mo ba kung gaano kasakit na tawagin kang tito ng sarili mong anak?" may hinanakit na aniya sa akin. "Kasalanan ko ba na lumaki s'yang walang ama?!" may diing sabi ko. "Hindi rason 'yon, Cindy, para hindi ako makilala ng anak ko!" giit rin niya. "Ang sabihin mo, hindi mo talaga sinabi sa kanya!" "Ano naman ang magbabago kung sabihin ko? Pasasamain ko lang ang loob ng anak ko!" "Natin! Anak natin, Cindy!" Pagtatama niya sa aking sinabi. "Ako lang, Leo! Anak ko lang! Wala ka ng karapatan kay Charity simula ng abandunahin mo kami. Simula ng piliin mo si Trina at ang anak n'yo, pinutol ko na rin ang pagiging ama mo sa anak ko!" "S'ya po ang papa ko, mama?" bulalas ni Charity.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD