CHAPTER 16

1745 Words
Akala ko ay hindi na darating ang araw na mapapatawad ko si Leo. Akala ko patuloy na babalutin ng galit ang puso ko para sa kanya. Ngunit pinatunayan ni Leo na karapat dapat siya para sa kapatawaran ko. Ginawa niya ang lahat bumalik lang kami sa dati. Alam ko sa sarili ko na hindi na buo ang aking tiwala sa kanya. Naroon ang takot sa akin na baka isang araw ay maulit na naman ang panloloko niya sa akin. Pero sa kabila ng lahat mahal ko pa rin naman siya. At ginagawa ko ito alang alang sa aming pamilya. Gusto kong ibigay sa pangalawang anak ko ang pamilyang nakagisnan ni Cherry. At kagaya ni Cherry ayaw kong lumaki na walang ama ang kapatid niya. "Nandito na 'ko!" tawag ni Leo nang dumating galing sa trabaho. Lumabas ako ng kusina at sinalubong siya. Napapikit ako ng kanyang hagkan ang aking noo. "Kumusta ang trabaho?" tanong ko matapos kunin ang kanyang bag. "Ayos naman. Sanay na rin sa mabilisang kilos," natatawang tugon niya. "Bakit kumikilos ka na naman?" nag aalalang ani Leo sa akin nang makita ang sandok na hawak ko. "Sabi ni doktora bawal ka raw magkikilos hindi ba?" "Nagluto lang naman ako ng hapunan natin. Hindi naman mabigat na trabaho 'yon," pagrarason ko. "Kain na tayo?" "Sige. Alam kong gutom na kayo ni baby." At hinaplos pa niya ang may kalakihan ko ng tiyan. Walong buwan na rin ang tiyan ko at pinagbawalan rin ako ng bago kong OB na 'wag masyadong kumilos dahil nga maselan ang pagbubuntis ko. No'ng mga unang buwan nga namin dito ay palagi akong nasa hospital dahil sa madalas na pagsakit ng aking tiyan. Sa mga unang buwan kasi namin dito ay hindi pa talaga ako nakaka recover sa stress. Nagpapasalamat na rin ako kay Leo dahil nakikita ko ang mga efforts niya. Hindi siya gumagawa ng mga bagay na pwede kong ika-stress. Lagi rin akong tinatawagan ni Ate Precy para kumustahin. Minsan na rin silang napunta dito sa bahay para tingnan daw ang kalagayan namin at dalawin na rin ako. "Hay naku! Walang kasing sinungaling 'yang hilaw mong byanan! Ipagkalat daw ba na masamang babae ka!" galit na galit na kwento ni Ate Precy sa akin. "Wala namang naniniwala sa kanya dahil alam na ng mga tao do'n kung ano ang ugali nila. Mabuti na lang rin at pinutol na ng asawa mo ang kuniksyon n'ya sa pamilya niyang walang kwenta!" "Bakit?" gulat ko pang tanong. "Aba! Malay ko. Baka seryosohan na talaga ang pagbabago n'yang asawa mo. Saka 'di ba nga 'yong Trina na 'yon ang gusto nila para kay Leo. Baka nga sila pa ang nagbubuyo noon sa asawa mo kaya napatulan niya ang haliparot na 'yon, eh!" Hindi ko na rin inungkat iyon kay Leo. At kung ano man ang rason niya ay ayaw ko ng alamin pa. Ayaw ko ng magpaka stress sa pamilya niya. Kung ayaw nila sa akin ay mas ayaw ko sa kanila. "Saan ba kasi tayo pupunta?" nagtatakang tanong ko. "Basta! May surprise ako para sa 'yo," ani Leo habang hila hila ang kamay ko. Kumunot ang aking noo ng huminto kami sa isang tindahan ng mga damit dito sa loob ng mini mall. Magsisimba na sana kami pero sabi ni Leo ay may dadaanan daw muna kami dito. "Sir, handa na po ang mga damit na in-order mo," salubong ng isang sales lady kay Leo nang makita kaming pumasok dito sa loob. "Pwede po bang magbihis na rin dito?" tanong pa ni Leo sa babae. "Oo naman po. Doon po ang fitting room namin," turo ng naturang sales lady sa gawing kanan. "Ito ang damit mo. Magbihis ka na at magbibihis naman ako dito sa kabila," utos ni Leo sa akin matapos iabot ang paper bag na may damit ko raw. Naguguluhan man ay sinunod ko na lang ang sinabi ni Leo. Simpleng puting bestida iyon. At nang isuot ko nga ay napangiti pa ako dahil kasyang kasya lang iyon sa katawan ko. Hindi masikip at hindi rin naman maluwag. Tama lang para hindi maipit ng sobra ang aking tiyan. Nagkatitigan pa kami ni Leo nang makita namin ang isa't isa paglabas ng fitting room. Napangiti ako dahil napakagwapo niya sa suot na white long sleeve na tinupi hanggang siko ang manggas. "Ang ganda ganda mo!" nakangiting puri ni Leo sa akin nang lapitan ako. "Ready ka na ba?" tanong pa niya habang haplos ang aking pisngi. "Ano ba kasing meron?" "Basta! Tara na!" nakangiting yaya niya sa akin at inakay na ako paalis. Napatingin ako kay Leo nang huminto ang tricycle na sinasakyan namin sa Municipal Hall of Alabang. "Cindy!" tawag ni Ate Joana sa akin. Lumapit siya sa amin kasama syempre ang mga kaibigan namin. Naroon rin si Kuya Allan at anak nina Ate Precy na si Prince. "Leo?" Naguguluhang baling ko sa lalaking malaki na ang ngiti sa akin. "Handa ka na bang maging Mrs. Trinidad?" Natulala ako saglit at unti unting nabasa ng luha ang aking mga mata. "Totoo?" Hindi talaga makapaniwalang tanong ko. Tinanguan lang niya ako at pinunasan ang magkabilang sulok ng aking mga mata saka matamis na ngumiti sa akin. Wala akong kamalay malay na ikakasal na pala ako ngayong araw. Parang kailan lang ng bigyan niya ako ng singsing nang una kaming dumating dito. Ngayon ay ikakasal na kaming dalawa. "Pumasok na tayo at naghihintay na si mayor," ani Ate Precy at nagpatiuna na sa loob. "Ang bouquet ng bride!" ani Ate Pearl saka inilagay sa mga kamay ko ang ang bungkos ng puting bulaklak. Walang pagsidlan ang saya ko dahil isa ako sa mga kababaihan na natupad ang pangarap na maikasal. Simple man ang kasalang ito ay memorable pa rin sa akin dahil ikinasal ako sa taong pinakamamahal ko. Naging saksi rin sa pag iisang dibdib namin sina Ate Joana, Ate Pearl, Kuya Omar at Kuya Ariel. Syempre ninong at ninang namin sina Kuya Allan at Ate Precy. Pagkatapos ng kasal ay nagtungo naman kami sa restaurant na pinapasukan ni Leo. Del Castillio's Hotel and Restaurant. Isa raw sa pinaka sikat at malaking hotel and restaurant dito sa Luzon. May iba't ibang branch rin daw ito sa Visayas at Mindanao. At ang may ari daw nito ay talaga namang ubod sa yaman. Binati kami ng ilang kasama niya sa trabaho nang malaman nilang kakakasal lang namin. Naging libre pa nga ang pagkain at regalo na daw iyon ng manager nila na naging kaibigan na rin ni Leo. Napatingin ako sa kamay kong hawak ni Leo. Napangiti ako nang makita ko ang mga singsing na nasa aming mga daliri. Kanina pa niya hawak ang kamay ko na tila ba ayaw niyang bitawan. "Bakit?" tanong niya at napatingin na rin sa kamay naming magkasalikop. "Wala," tugon ko sabay iling. "Masaya lang ako. Salamat." "Ako nga ang dapat na magpasalamat dahil sa second chance na ibinigay mo sa akin. At pangako ko na hinding hindi ko na sisirain ang tiwala mo. Wala ng magiging dahilan o hadlang para magkahiwalay tayo," pahayag pa ni Leo. Wala na yata akong mahihiling pa. Nakakapanghinayang lang na wala na si Cherry. Pero alam ko na masaya s'ya kung nasaan man s'ya ngayon dahil nakikita niya kaming masaya ng papa n'ya. Ngunit sadya yatang totoo ang kasabihan na kapag naging sobrang saya ka ay lungkot ang susunod na kapalit noon. Kagagaling ko lang sa palengke nang matigilan ako sa pagbaba sana sa tricycle nang makita ko kung sino ang mga taong nakaabang sa labas ng inuupahan naming bahay. Gustuhin ko mang 'wag bumaba ay hindi ko na magawa dahil nakita na ako ni Lesly. Agad itong sumimangot matapos akong irapan. May ibinulong ito kina Mama Ellen at Trina sanhi upang lingunin nila ang kinaroroonan ko. "Ito po ang bayad, kuya," sabi ko matapos bumaba. "Ano'ng kailangan n'yo?" tanong ko nang makalapit sa kanila. Natigilan ako saglit at nasapo ang malaki kong tiyan nang makitang malaki rin ang tiyan ni Trina. "Buntis ka?!" bulalas ko. Tinambol nang malakas ang dibdib ko at para akong nasusuka dahil sa biglaang pagsagi ng imahe nila ni Leo noon na magkayakap sa kama. Unti unti na rin akong kinakain ng kaba. Ayaw makisama ng aking puso sa aking utak. Parang hinihiwa ng unti unti ang aking puso sa isiping si Leo ang ama noon. "Oo. Nasaan si Leo?" kaswal na tanong ni Trina sa akin matapos ring sulyapan ang tiyan ko at sapuin ang kanya. "Wala ang asawa ko. Ano bang kailangan n'yo?" "Asawa!" nakangising singhal ni Mama Ellen. "Kung makaangkin ka akala mo kasal... kayong... dalawa..." unti unting nilipad ng hangin ang mga salita ni Mama Ellen ng itaas ko ang aking daliri kung nasaan ang aking dalawang singsing. "Kasal na po kami ni Leo kaya may karapatan na akong angkinin at tawagin siyang asawa ko," may pagmamalaking turan ko. "Kaya ba kayo pumunta dito dahil si Leo ang ama n'yang dinadala mo?" Baling ko kay Trina na natigilan rin matapos makita ang aking palasingsingan. Sa totoo lang ay kabang kaba na ako sa mga oras na ito. Pero dahil alam kong may laban na ako dahil ako ang legal na asawa ay pilit kong pinalalakas ang aking loob. "Oo! At kailangan namin s'ya ng magiging anak namin," matapang na sagot ni Trina. "Wow!" palatak ko. "Ang kapal naman ng mukha mo 'no?! Oh! At sa tingin mo papayag ako? Sa ating dalawa ako ang legal na asawa-" "Pero ako ang mahal n'ya!" mariing putol ni Trina sa akin. Natawa ako nang mapait. "Mahal? Bakit ako ang kasama n'ya ngayon kung ikaw ang mahal? At bakit ako ang pinakasalan kung ikaw ang mahal?" tanong ko na ikinatigil n'ya. "Umalis na kayo! Tahimik na ang buhay naming dalawa. 'Wag n'yo ng kaming guluhin!" "Aba't-" "Baka nakakalimutan mong buntis ako!" banta ko kay Lesly na tangkang hihilahin niya ang aking buhok. "Kung ano man ang mangyari sa akin ngayon. Titiyakin ko na pagbabayarin kita ng malaki!" "Ang tapang mo-" "Oo! At mas may itatapang pa ako oras na makanti n'yo kahit hibla ng buhok ko! Kung ayaw n'yong tumawag ako ng baranggay at ipadampot kayo! Kayo na ang magkusang umalis!" sigaw ko sa kanila. "Alis!" Turo ko pa sa malawak na kalsada. "Maghintay ka lang! Makukuha ko rin si Leo!" pagbabanta ni Trina sa akin. "Iyon, eh! Kung makukuha mo!" matapang ring tugon ko. "Kasal na kaming dalawa! At kahit makuha mo man s'ya ako pa rin ang legal na asawa. Ikaw! Mananatili kang kabit!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD