CHAPTER 11

1517 Words
Nanigas ang buong katawan ko nang dumaan sa pandinig ko ang binanggit na pangalan ni Leo. Nahinto rin ang aking mga daliri sa marahang pagsuklay sa basa niyang buhok. Pilit kong inuulit ulit sa aking isipan ang kanyang sinabi. Nagkamali lang ba ako ng pandinig? O, totoong binanggit talaga niya ang pangalan ni Trina? Mas lalo akong natigilan nang tumayo siya mula sa pagkakadagan sa akin. Dinampot niya ang kanyang mga nahubad na saplot at tinungo ang banyo na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Unti unti akong umupo at tinanaw ang pintuan ng banyong unti unting sumasara habang isa isang pumapatak ang mga luha ko. May kung anong kirot na dumaan sa puso ko. Hindi naman ganito ang pagniniig namin noon malayong malayo. Pakiramdam ko para akong prostitute na nakuha lang niya sa isang tabi at pagkatapos gamitin ay iiwan na lang niya ng walang pasabi. Isinuot ko isa isa ang aking mga damit matapos punasan ang aking mukhang napuno ng luha at pumasok na sa kwarto. Tulog na tulog si Cherry sa kanyang kuna kaya nahiga na ako sa kama at hinintay na pumasok si Leo dito sa loob. Isa, dalawa, tatlong minuto ang dumaan ngunit walang Leo'ng pumasok dito sa loob ng aming kwarto. Muling kumirot ang aking puso dahil sa naalalang pagbanggit niya sa pangalan ni Trina kanina. Hindi kaya si Trina ang naalala niya habang nagniniig kaming dalawa? Sa isiping iyon ay impit akong napahikbi. Ingat na ingat na hindi gumawa ng ingay upang hindi magising sa pagtulog si Cherry. Nagising ako dahil sa pag iyak ni Cherry kinabukasan. Napakunut noo pa ako nang makitang sumisilip na ang haring araw sa aming bintana. "Umaga na," usal ko. Natigilan ako nang makitang wala ang unan ni Leo sa higaan. Kahit isang gusot sa pwesto niya ay wala ring bakas. "Hindi s'ya natulog dito," may lungkot na sabi ko pa habang nakatingin sa malinis na higaan sa aking tabi. Binuhat ko si Cherry at lumabas ng kwarto namin. "Gutom na ba ang baby ko?" kausap ko kay Cherry na humihikbi pa rin. Tahimik ang sala paglabas namin. Nakita ko sa sofa ang unan at kumot na ginamit ni Leo. At wala na rin siya. Bumalik na naman ang kirot sa puso ko. Gusto ko na namang maluha dahil sa scenario'ng naganap dito kagabi. "Mama," sambit ni Cherry na siyang nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. Pilit akong ngumiti sa aking anak nang makitang seryoso itong nakatingin sa akin. Hinalikan ko siya sa pisngi na sanhi upang siya ay bumungisngis. Hindi man maganda ang pakiramdam ko ay pinilit akong kumilos. Hindi ako pwedeng manghina ng basta basta dahil may isang Cherry na umaasa sa akin. Sa pagdaan ng mga araw ay talagang ramdam na ramdam ko na ang pagbabago. Hindi lang kay Leo kundi pati na rin sa pagsasama naming dalawa. Palagi na siyang late kung umuwi. Uuwi siya dito sa bahay na lasing at kung hindi lasing ay mainit naman ang ulo. Hindi na nga niya nagagawang makipaglaro kay Cherry na dati naman ay ginagawa niya bago matulog sa gabi. "May problema ka ba?" untag ni Ate Precy sa aking pananahimik. Napabuntong hininga ako at saka umiling. "May iniisip lang, ate," tugon ko. Narito siya sa bahay para tulungan akong mag ayos ng mga leche flan na order sa akin ng kumare niya. "Sa pamilya na naman ng asawa mo 'no?" "Hindi naman po." "No'ng nakaraang linggo pinalayas na raw sila sa inuupahan n'yo dating bahay. Pinitisyon sila ng mga nangungupahan do'n at ng mismomg may ari ng bahay. Ayaw daw umalis at nagmamatigas pa sila dahil updated naman daw sila sa pagbabayad. Pero nagdesisyon ang baranggay na paalisin na lang sila," kwento ni Ate Precy sa akin. Kaya siguro mainit ang ulo ni Leo nitong mga nakaraang araw ay dahil na naman sa pamilya niya. Muli ay napabuntung hininga na naman ako. "Nasaan na daw po sila ngayon?" nag aalalang tanong ko. "Hay naku, Cindy! 'Wag mong balakin na patirahin dito sa bahay mo ang pamilya ng asawa mo!" naiiling na ani Ate Precy. "Hindi ako papayag. Sa mga naririnig ko lang sa mga dating kapitbahay n'yo, eh!" "Hindi naman po. Lagi po kasing mainit ang ulo ni Leo nitong nakaraan. Baka po dahil do'n," wika ko. "At ito pa! Alam mo ba!" ani Ate Precy pa na naupo na sa katapat kong upuan. "Marami ang nagsabi na napakayabang daw ng byanan mong hilaw sa baranggay no'ng may pumuntang babaeng naka kotse at sunduin sila. Binayaran pa daw no'ng babae 'yong danyos perwisyo na ginawa nila sa bahay na inupahan n'yo dahil nasira nila." "Babae po?" kunut noong baling ko kay Ate Precy. "Oo. Babae!" pangungumpirma niya. "May isa pa palang anak na may kaya sa buhay, bakit si Leo ang laging pinipirwisyo!" naiiling pang saad ni Ate Precy. "Talaga yatang ayaw sa 'yo kaya pilit kayong binubuwag ng bruhang byanan mo na 'yan!" "Wala naman na pong ibang anak si Mama Ellen," sabi ko habang natitigilan pa. Pilit kong iniisip kung sino nga ba ang babaeng tumulong sa pamilya ni Leo. "Malay mo naman anak sa iba 'di ba?" natatawang ani ate pa. "Ipinagsisigawan pa nga nang mayabang mong byanan na lilipat na sila sa mansyon!" Nang mapag isa ako ay saka lang pumasok si Trina sa isipan ko. Siya nga kaya ang tumulong sa pamilya ni Leo? "Gabi ka na yata?" puna ko nang pumasok si Leo ng bahay. Talagang hinintay ko siyang makauwi. Palagi ko namang ginagawa 'yon, ang hintayin siya pero nakakatulugan ko na lang at magigising na umaga na at wala na rin siya. "Galing ako kina mama," sagot niya at nagtuloy sa kusina. Wala na ang pagtawag niya sa amin sa pintuan pa lang. Wala na ang halik sa noo at matatamis na ngiti. Kailan nga ba nagbago? Maging ako sa aking sarili ay hindi alam ang sagot. Sumunod ako sa kanya para ipaghain siya ng pagkain. "Wala na pala sina Mama Ellen sa dati nating bahay? Saan sila ngayon nakatira?" tanong ko pa habang naghahain. Gusto kong manggaling mismo kay Leo na tama nga ako at si Trina nga ang tumulong sa pamilya niya. Ngunit iba yata ang pagkakaintindi niya sa tanong ko. "Ano ngayon? Masaya ka na? Pwede ka ng bumalik d'on!" galit na sabi niya sa akin. Nahinto ako sa pagsasandok ng ulam dahil sa sinabi niyang iyon. "Nagtatanong lang naman ako, ah-" "Iyon naman ang gusto mo noon pa 'di ba? Umalis sila do'n sa bahay! Ngayon wala na sila pwedeng pwede ka ng bumalik kung gusto mo!" aniya sa tonong parang kasalanan ko pang napaalis ang pamilya niya doon. "Ano bang pinagsasabi mo, Leo? Sinisisi mo ba ako?" tanong kong hindi na rin maiwasan ang pagtaasan siya ng boses. "Kasalanan ko ba?" "Bakit hindi ba?" Natulala ako. "Ako ba ang may ari ng bahay na 'yon? Kasama ba ako sa nagpitisyon sa kanila para mapaalisin sila?" "Hindi! Pero ikaw ang kating kating paalisin sila dati!" Duro niya sa akin. "Bakit galit na galit ka?! Hindi ba't tinulungan sila ni Trina?!" turan kong ipinagdiinan pa ang pangalan ng kaibigan niya kunu. Siya naman ang natigilan ngayon at hindi nakapagsalita. Tama nga ako dahil sa pag iwas pa lang niya ng tingin sa akin ay kompirmado na. "Sa liit ng baranggay na 'to hindi imposibleng marinig ko ang balitang iyon. Siya lang naman ang alam kong may kotse na susundo sa pamilya mo!Siya lang naman ang may perang kayang magbayad ng danyos para sa mga nasira ng pamilya mo!" pahayag ko pa. "Ngayon galit na galit ka sa akin! Kung maka-react ka akala mo sa kalye na nakatira ang pamilya mo! Samantalang ipinagyayabang ng nanay mo na sa mansyon sila titira!" Dire diretsong litanya ko. "Pwede ba, Cindy! Pagod ako!" sagot niyang padabog na tumayo. "Nawalan na ako ng ganang kumain!" "Ano bang problema mo, Leo?" tanong ko nang talikuran niya ako. Napahinto siya kaya nagkalas ako ng loob na magpatuloy. "May hindi ka ba sinasabi sa akin? Hindi ka naman dating ganyan!" "Wala!" "Wala!" natatawa at hindi makapaniwalang bulalas ko. "Akala mo ba hindi ko napapansin ang mga pagbabago mo?" Ngunit wala akong nakuhang sagot mula kay Leo. Lumabas siya ng kusina at pumasok na ng kwarto namin. Napaupo ako bigla dahil parang nanghina ang aking mga tuhod. Nag umpisa na namang tumulo ang aking mga luha. Hindi ko alam kung ako lang ba ang may problema dito. Kung kasalanan ko nga ba itong lahat. Dati mas importante kami kaysa sa pamilya niya. Kami ang laging una sa kanya. Pero bakit ngayon pakiramdam ko nasa pinakadulo na kami ng listahan ng mga taong mahalaga para sa kanya. Iyong pakiramdam na para kang basahan. Kung kailan lang kailangan saka ka niya pupulutin. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na baka magkaroon na naman sila ng ugnayan ng Trina na 'yon ngayong ang babaeng iyon ang tumulong sa pamilya n'ya. Hindi naman imposible dahil kilala ko ang pamilya ni Leo. Kung gaano nila ako inaayawan ay ganoon naman nila kagusto si Trina para kay Leo. At hindi rin imposible na paglapitin nila sina Leo at Trina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD