CHAPTER 21

1751 Words
Umuwi ako sa probinsya namin para makita sina mama. Gusto ko ring ipakilala sa kanya ang anak ko. Plano ko na rin ito noon, ang iuwi sana sina Cherry at Leo dito sa amin para makilala rin ni mama. Balak ko rin na dito sa probinsya sana manirahan dahil malayung malayo ang buhay dito sa probinsya kumpara sa Maynila. Ngunit dahil nga sa mga problemang dumating at sunud sunod pa ay hindi ko na nagawa pa iyon. At hindi na kahit kailan. Dahil wala na akong asawa simula ng tanggapin ko ang perang ibinigay ni Mrs. Velliejo sa akin. Huminto ako sa kawayan naming tarangkahan. Ilang taon rin akong nawala. Ganoon pa rin naman ang bahay namin. Walang ipinagbago. Bumuhos sa akin ang mga masasakit na alaala noong kasama ko pa sila. Wala akong kahit isang masayang alaala sa piling ni mama. Lalo na nang mag asawa siya. Lahat ng pananakit ni mama sa akin at ni Tiyo Bart mapa pisikal man o emosyonal ay muling nanariwa sa aking isipan ngayong nakikita kong muli ang bahay namin. Pero kahit ganoon, mahal ko pa rin si mama. Mahal ko rin pati ang mga kapatid ko. "Ma!" tawag ko. "Ma! Si Cindy po ito!" tawag kong muli kay mama. "Parang walang tao," bulong ko pa. "Sinong hinahanap mo, ineng?" Napalingon ako sa babaeng nagsalita mula sa likuran ko. "Tiya!' "Naku! Cindy! Ikaw pala 'yan!" gulat na ani Tiya Emma ang kapatid ni mama. "Kumusta ka na? May anak ka na?" sunud sunod na tanong nito at sinulyapan pa si Charity na buhat ko. "Ayos naman po ako, t'yang. Si mama po?" Nilingon ko pa ang bahay namin. "Sa bahay na muna tayo, paniguradong pagod ka sa byahe. Doon na tayo magkwentuhan at mahaba haba iyon," ani Tiya Emma at kinuha na ang bag na dala ko. Dalawang bahay lang naman ang pagitan ng bahay ni Tiya Emma sa amin. Pero hindi kagaya sa Maynila ang mga kabahayan dito sa probinsya na dikit dikit. Dito sa amin ay magkakalayo ang mga bahay. Gawa sa kawayan at pawid ang mga kabahayan. Bibihira ang bahay na konkreto dahil mayayaman lang ang may kayang magpagawa ng ganoon. Tanging mga kawayan lang rin ang nagsisilbing bakod ng mga bahay dito sa amin. Simple man ay bawing bawi naman sa mga naggagandahang hardin ng bawat tahanan. "Tubig gusto mo? Nananghalian ka na ba?" alok ni tiya sa akin. Wala ring ipinagbago ang bahay ni Tiya Emma. Lumaki lang ng kaunti ang bahay niya. "Tubig na lang po," tugon ko. "Hindi naman po ako magtatagal, t'yang. Gusto ko lang po sana na makita si mama." "Malapit ba dito sa atin ang tinitirhan mo? Ang asawa mo?" pang uusisa pa niya. "Sa Maynila pa rin po ako nakatira. Kasama po ang asawa ko," pagsisinungaling ko. "Gusto ko lang po talagang dalawin si mama at ipakilala ang anak ko," may ngiti sa labing saad ko. "Wala na ang mama at mga kapatid mo dito," ani tiya matapos akong bigyan ng maiinom. "Tatlong buwan ka pa lang na nagtatrabaho sa Maynila ay umalis na sila dito sa atin." "Saan po sila nagpunta?" Bigla akong nakaramdam ng lungkot. "Isinama sila ng ama amahan mo sa Mindanao. Taga doon naman iyon hindi ba. Biglaan lang din ang pag alis nila dito at hindi ko rin alam kung bakit. Pero ang hinala ko, may tinakasang utang ang ama amahan mo kaya ayon! Parang bulang nawala! Isinama pa ang mama at mga kapatid mo," kwento ni Tiya Emma. "Sayang naman po. Gusto ko po sana silang makita, eh," may panghihinayang pang sabi ko. "Bakit? Sigurado ka bang gusto ka ring makita ng mama mo at ng step father mo?" Natigilan ako. Wala nga palang pakialam si mama sa akin. Ang importante lang naman sa kanya ay ang bago niyang pamilya. "Baka ipagtabuyan ka pa no'n lalo na't ganyang may asawa't anak ka na." "Nanay ko pa rin naman po s'ya, t'yang." Malapit ako kay Tiya Emma mula bata pa ako. Siya ang nagbibigay ng baon sa akin minsan. Kapag hindi ako tinitirahan ng pagkain nina mama sa bahay ay sa kanya ako tumatakbo. "Nagpaka nanay ba siya sa 'yo?" seryosong turan niya. "Pero-" "Kung ako sa 'yo, 'wag mo ng hangarin na matatanggap ka ng nanay mo. Hindi ko alam kung bakit abot langit ang galit n'ya sa 'yo na sarili n'yang anak," naiiling pang wika ni tiya sa akin. "Ngayong may sarili ka ng pamilya, iyon na lang ang alagaan mo at pagtuunan mo ng pansin 'Wag mo ng intindihin ang mama mo dahil hindi ka naman niya inintindi kahit minsan." Marami pang mga tanong si Tiya Emma sa akin tungkol sa buhay ko sa Maynila. At syempre kahit labag sa loob ko ay pinandigan ko pa rin ang aking pagsisinungaling. Matapos makapag tanghalian ay nagpaalam na rin ako kay tiya. Binigyan niya ako ng kanyang cellphone number at tawagan ko raw siya kung may problema. Dahil nga may pera naman ako ay hindi ako nahirapang maghanap ng matitirhan namin ni Charity. Pinili ko ang lugar na malapit sa hospital kung saan ay itinuro ni Dra. Evaresto sa akin. Simple lang din ang buhay dito sa Mindoro. Tahimik at tamang tama lang ito para kay Charity dahil sariwa ang hangin ng probinsya. Kalapit lang din ito ng probinsya namin. Gusto ko rin sanang makasama si Tiya Emma dahil mag isa na rin siya buhay. Pero ayaw ko ng bigyan ng problema ang mga tao sa paligid ko. At dahil nga ayaw kong umasa sa perang galing kay Mrs. Velliejo ay naisipan kong bumalik sa pagtitinda ng desserts. Pampalipas oras na rin iyon at para malibang ako. Nang hindi kung ano ano ang mga iniisip ko. Malayo na kami ni Charity kaya dapat ang buhay namin ngayon ang iniisip ko. Gusto kong magsimula ulit. Iyong kami lang ni Charity. Bagong buhay, bagong kakilala, at bagong pakikisalamuha sa iba. Sanay naman na ako sa buhay probinsya kaya hindi mahirap sa akin na mamuhay ng simple. Ilang buwan lang nga at nakapag adjust na rin ako agad sa buhay dito sa Mindoro. Nabili ko na rin ang bahay na dati ay inuupahan ko lang. Ibinenta iyon ng may ari sa akin dahil pang tuition daw ng kanyang anak sa kolehiyo. Naging maganda rin ang kita ko sa pagtitinda ng leche flan, graham cake at ube. Marami na ring umu-order sa akin at binabalik balikan talaga nila dahil sa sarap. "May bagong tayong kainan d'yan sa bayan. Bakit kaya hindi mo ialok 'tong mga desserts mo?" suhestyon ni Marla habang tinutulungan akong maglagay ng mga takip sa mga tupper wears. Kapitbahay ko si Marla at kasalukuyang buntis. Kabuwanan na rin niya. Kagaya ko ay bata ring nag asawa. Mangingisda ang asawa niya at kitang kita ko kung gaano nila kamahal ang isa't isa. "Hindi na," naiiling na tugon ko. "Kainan 'yon 'di ba? Malamang mas masarap pa sila gumawa ng desserts kaysa sa akin 'no!" natatawa pang sabi ko. "Pang malakasan rin naman ang sarap nitong mga desserts mo, ah! Sa leche flan pa lang! Palung palo na!" wika pa nito. "Kaya kahit siyam na buwan na 'tong tiyan ko daig ko pa ang naglilihe ulit dahil sa sarap ng leche flan mo," tumatawa pang sabi ni Marla. "Tama na ako sa ganito. Nakakaraos naman kami ni Charity kahit paano," turan ko. "Saka 'wag kang mag alala dahil may libre kang isang tub mamaya," natatawa pang ani ko. Ayaw kong masyadong magpaka busy dahil kailangan kong matutukan si Charity. Maayos naman ang kalagayan n'ya simula nang mag umpisa ang treatment niya at magaganda rin ang mga gamot na ibinibigay sa kanya ng bago niyang doktor. Iyon na muna ang sulosyon sa kalagayan niya sa ngayon dahil hindi pa siya pwedeng operahan. Matuling dumaan ang araw, at taon na na pala ang lumipas. At sa mga araw na nagdaan, ipinagpapasalamat ko iyon ng malaki sa Diyos. Minsan ko man siyang kinuwestyon nang subukin niya ang katatagan ko. Ngayon ay masasabi kong hindi niya ako pinabayaan at ang anak ko. Limang taon na si Charity at naoperahan na rin siya. Lumaking masayahin, malambing at mabait ang anak ko. Kung buhay lang sana si Cherry ay kompleto sana ang kasiyahan ko. Pero siguro nga hanggang doon na lang talaga siya. "Charity's milk tea and pastries shop!" patiling basa pa ni Marla sa sign board na katatapos ko lang ipakabit. "Bongga na talaga ang frieny ko!" "Lance, halika sa loob kain tayo!" tawag ni Charity kay Lance na anak ni Marla. Hindi naman naglalayo ang edad nilang dalawa. At namulat na silang dalawa na sila ang magkasama. "Pasok po kayo! May libre pong milk tea!" Si Marla pa na tuwang tuwa sa pag-a-assist ng mga taong pumapasok dito sa loob. "Ang sarap po ng milk tea n'yo, Miss Cindy," wika ng isang estudyanteng lumapit sa akin. "Pati po ang pastries n'yo masasarap din po!" ani naman ng isa pang kasama nito. "Maraming salamat. 'Wag sana kayong magsawang bumalik," natutuwang sabi ko. "Next week may pa-free wifi na rin kami kaya sulit na sulit ang pagtambay n'yo sa milk tea shop namin," ani Marla na aliw na aliw rin sa pag intertaine sa mga costumers namin. Sariling recipes ko ang mga leche flan, ube at graham cake na nilagyan ko ng twist. Maging ang iba't ibang flavor ng milk tea at timpla noon ay pinag aralan ko ring mabuti. Ang ibang pastries naman gaya ng mga cakes, cup cakes at polvorons ay gawa naman ng isang sikat na pastry chef na si Lorren Ramos Veniracion. Nakita ko kasi online ang shop niya at marami na ring nag aangkat sa kanya ng mga pastries at sakto namang may ilan rin siyang supplier dito sa Mindoro kaya sumubok ako at hindi nga ako napahiya dahil maging ako ay satisfied talaga sa quality ng mga gawa niya. Simula nang lumayo ako kasama si Charity, masasabi kong naging magaan ang buhay ko. Kulang man ang parte ng pamilya ng anak ko, sisikapin kong maging buo iyon. Hindi ko hahayaang magkaroon ng kulang sa mata ng anak ko. Pupunan ko ang pagkukulang ni Leo sa kanya. Gagawin ko ang lahat para kung sakaling dumating ang araw na magtanong siya tungkol sa kanyang ama ay hindi na n'ya nanaising hanapin pa ito. Dahil kaming dalawa ay sapat na. Para kay Charity ang lahat ng ito kaya nagsusumikap akong mabuti. Gusto ko na balang araw, kapag iniwan ko siya sa mundong ito ay maginhawa ang buhay niya hindi katulad ng naranasan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD