CHAPTER 20

1624 Words
Kakaalis alis lang ni Mrs. Velliejo nang dumating naman si Ate Precy. May mga dala itong pagkain at mga gamit para sa amin ni baby. "Dumaan ako sa inuupahan n'yong bahay. Kumuha ako ng ilang damit mo," ani Ate Precy habang naghahanda ng pagkain. "Tinanong ko rin sa kapitbahay n'yo kung umuwi ba si Leo doon, ang sabi umuwi daw at pag alis may mga dala ng ilang bag." Talagang iniwan na n'ya kami. Iniwan n'ya ako na wala man lang paalam. Mas matimbang talaga si Trina at ang anak nila kaysa sa akin at sa anak naming dalawa. Ano nga naman ang laban ko sa babaeng una niyang minahal? Bukod sa gusto siya ng pamilya ni Leo, handa ring gawin ni Mrs. Velliejo ang lahat para makuha lang ng anak niya si Leo. "Nakapunta ka ba sa bahay nina Trina?" "Oo. Kaso katulong lang ang nakausap ko, eh. Nagbilin na lang ako na papuntahin s'ya dito kasi emergency," tugon niya. "Nasaan daw si Leo?" "Wala namang sinabi. Basta ang sabi lang sa akin wala daw doon," sagot niya. Kaya ba si Mrs. Velliejo ang pumunta dito imbes na si Leo? Ayaw na nilang magpakita pa si Leo sa akin. At napakasakit tanggapin na wala man lang ginawa si Leo para makita kami ng anak n'ya. O, baka naman ayaw na n'ya talaga kaming makita. O, baka si Leo na mismo ang ayaw akong makita? Baka na realized na niya na hindi naman niya talaga kami kailangan sa buhay n'ya. Hindi ko na sinabi pa kay Ate Precy ang pagpunta ng nanay ni Trina dito. Sinarili ko na lang iyon dahil balak ko namang tanggihan ang alok nito. Ngunit sinusubok yata talaga ako ng tadhana dahil kinabukasan lang ay nagka heart attack na naman si Charity. "Ito ang mga gamot na kailangan ng anak mo. At next week kailangan na talaga n'yang sumailalim sa mga treatment para maiwasan natin na magka heart attack s'ya ulit," paliwanag ni Dra. Evaresto. Nanlulumo kong tiningnan ang hawak kong reseta. Lumabas ako para pumunta sa pharmacy ng hospital para tingnan kung may gamot ba akong mabibili doon. "Wala po tayong stock ng mga ganitong gamot ngayon, misis," wika ng babae. Nasapo ko na lang ang noo ko at naupo saglit sa bakanteng upuang naroon. Muli kung tinitigan ang resetang aking hawak. Tiyak na mahal ang mga ito kung sa labas ko bibilhin. Dinukot ko ang wallet ko at gusto ko na lang maiyak dahil limang daang piso na lang ang hawak kong pera. "Kung bibilhin n'yo po ito lahat, one thousand eight hundred and ninety pesos po." "Ah, babalik na lang po ako. Kulang po kasi ang dala kong pera," sabi ko at mabilis na umalis. Maliit lang ang bote ng mga gamot na iyon. Sa tantya ko nga ay isa o dalawang linggo lang aabutin iyon. Saan ako kukuha ng one thousand eight hundred linggo linggo? Tapos ang treatment pa ni Charity sa susunod na linggo. "Cindy, mabuti naman at nandito ka na. Sabi ni doktora pwede na daw tayong lumabas bukas. Dito ka na muna para makapagpahinga ka. Lalabas lang ako para tingnan ang bill natin." Nanghihina akong naupo at tumutulo ang mga luha ko habang nakatunghay sa anak kong mahimbing na natutulog. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hiyang hiya na nga ako kay Ate Precy dahil sobra sobra na ang pang aabala ko sa kanila. Kung tutuusin ay hindi naman nila ako kaano ano pero tinutulungan nila ako. May pamilya naman ako pero hindi nila alam ang kalagayan ko. Baka nga kapag nalaman nilang ganito ang sitwasyon ko ako pa ang sisihin nila dahil sa pag aasawa ko ng maaga. Bumukas ang pintuan kaya pinahid ko ang aking mga luha at kinalma ang aking sarili. Baka mag alala pa si Ate Precy sa akin. "Cindy, makakalabas kaya tayo nito?" nanlulumong tanong ni Ate Precy sa akin. Iniabot pa niya sa akin ang resibo ng bill namin. "A-ang laki naman nito!" bulalas ko. "Saan ko kukunin ang ganito kalaking pera?" "May pera kami ng kuya mo pero hindi sasapat iyon, Cindy," turan ni Ate Precy. Doon na naman pumasok sa isipan ko ang alok ni Mrs. Velliejo sa akin. Limang milyon! Sana lang ay tama ang gagawin kong ito. Prenteng nakaupo sa isang bakanteng lamesa si Mrs. Velliejo habang naghihintay sa paglapit ko. Narito kami sa isang coffee shop at nasa pinaka sulok dahil ayaw ko at ayaw niyang may makakita sa amin. "As I promised," sabi agad niya at inilapag sa ibabaw ng lamesa ang bag na naglalaman ng pera. "Five million 'yan. And this is another two hundred thousand pesos for your daughter's hospital bills." Naglapag pa siya ng isang sobre. "Sobra sobra na po ito," tanggi ko, at iniurong ang sobre. "Isipin mo na lang na tulong ko iyan sa anak mo," tugon niyang inilapit muli sa akin ang sobre. "Malaking halaga na po ang limang milyon, Mrs. Velliejo," ani ko. "Oh! C'mon, Cindy. Lower your pride and take that money. Hindi naman ako masamang tao. May mga bagay lang talaga na kailangan kong gawin para sa mga taong mahal ko. Tanggapin mo na 'to. And I'm really sorry for doing this to you. Mahal na mahal ko lang talaga ang anak ko at handa kong gawin ang lahat para sa ikaliligaya n'ya," pahayag ni Mrs. Velliejo. Naisip ko tuloy si mama. Napaka swerte ni Trina na may nanay siyang katulad ni Mrs. Velliejo. Nanay na handang gawin lahat para lang sa mga anak nila. Samantalang ako... Kahit minsan, hindi ko naramdamang mahal ako ng mama ko. At ngayong isa na rin akong ina. Ipinapangako ko na gagawin ko ang lahat para sa anak ko. Hinding hindi niya mararanasan ang naranasan ko. Mamahalin at aalagaan ko siya hanggang sa abot ng aking makakaya. "Ang usapan ay usapan, Cindy. Oras na nasa kamay mo na ang pera wala ka ng karapatang habulin pa ang ama ng anak mo," ani Mrs. Velliejo na nagpabalik sa ulirat ko. "Ang annulment papers po. Pipirmahan ko na." Malaki ang ngiti ni Mrs. Velliejo nang iabot sa akin ang folder at ballpen. "Sign it," utos pa niya. Kasabay ng pagpirma ko ay ang pagkawasak rin ng mga pangarap ko para sa pamilyang pilit kong binubuo. Kasabay ng pagpirma ko ang kawalan ko na ng karapatan kay Leo. Nawalan na rin ng karapatan ang anak ko sa ama niya. "Sa ating dalawa na lang sana ito, Cindy. Wala na sanang ibang makakaalam." Hinawakan pa ni Mrs. Velliejo ang kamay ko. Marahan akong tumango. "Makakaasa po kayo." Simula sa araw na ito kaming dalawa na lang ni Charity ang magkasama. Kaming dalawa na lang ang pamilya. Wala ng Leo na mag-e-exsist sa buhay naming dalawa kahit kailan. Kapag dumating ang araw at tanungin ako ng anak ko tungkol sa ama niya, hindi naman ako magsisinungaling sa kanya. Alam kong maiintindihan din ako ng anak ko. Para ito sa kanya. Para maisalba ang buhay niya. Ipapakita ko sa kanya na kaya kong maging ama at ina. Pupunan ko ang pagmamahal ng isang ama sakaling hanapin niya iyon. "Sana ito na ang una't huli nating pagkikita." Nasundan ko pa ng tingin si Mrs. Velliejo habang palayo. "Ito na talaga ang huli dahil hinding hindi na ako babalik pa sa lugar na 'to!" Pangako ko pa sa aking sarili. "Saan ka nakakuha ng pera?" makailang ulit ng tanong ni Ate Precy iyon sa akin simula kanina paglabas namin ng hospital. "Tinawagan ko ang dati kong amo, si Ate Loida. Nanghiram ako sa kanya ng pera at sabi ko pagta trabahuhan ko naman iyon," pagsisinungaling ko. "Magtatrabaho ka? Paano si Charity?" "Hindi pa naman ngayon, ate. Nasa ibang bansa pa naman sila ngayon. Sabi n'ya kapag nakauwi na lang sila saka ako magta trabaho sa kanila ulit." Ayaw ko mang magsinungaling ay wala rin naman akong magagawa. Gusto ni Mrs. Velliejo na sikreto ang pag uusap naming iyon. May isang salita rin naman ako at kaya ko iyong panindigan. "Paano? Uuwi muna ako sa bahay. Babalik rin ako mamayang gabi para may makasama kayo ni Charity dito," nakangiting ani Ate Precy at hinaplos pa ang buhok ni Charity. "Maraming salamat sa lahat, Ate Precy, ha. Sobrang dami ko ng utang sa 'yo. Nagpapasalamat ako at isa ka sa mga naging kaibigan ko. Kahit hindi mo ako kaano ano tinulungan mo pa rin ako," naiiyak na sabi ko. "Ano ka ba?! Hindi ako nanghihingi ng kapalit. Nakikita ko lang kasi ang kapatid ko sa 'yo. Ang pinagkaiba n'yo nga lang, ikaw matatag. Siya... Sumuko agad," malungkot na anito. Iyon na ang huling araw na makikita ko si Ate Precy. Nagi-guilty ako na nagsinungaling ako sa kanya, pero may pangako akong dapat tuparin. Pag alis ni Ate Precy ay agad akong nag impake ng mga damit ko. Dala ang mga importanteng gamit ay nilisan ko ang inuupahan naming bahay. Nag iwan lang ako ng sulat kay Ate Precy sakaling madatnan niyang wala na kami. "Wala na po sanang makakaalam nito, doktora," pakiusap ko kay Dra. Evaresto. "I will, Cindy. May kakilala naman akong doktor sa lugar na pupuntahan mo. Tatawagan ko s'ya mamaya para ma-inform ko s'ya about Charity." "Maraming salamat, doktora," nakangiting pasasalamat ko. "Walang ano man. Mag iingat kayo ni Charity," ani doktora pa sa akin. "Salamat po." Unti unting lumiliit ang mga ilaw na nakikita ko habang papalayo ang barkong sinasakyan namin. Sa paglayo namin ng anak ko. Baon ko ang pag asa at hiling na sana ay makalimot agad ako sa lahat. Handa kong kalimutan ang lahat kahit ang mga taong naging bahagi na ng buhay ko para makapag simula ulit. Pagsisimula na kaming dalawa lang ni Charity. Pagsisimulang magpapabago ng tuluyan sa buhay ko at sa buhay ng anak ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD