10

3347 Words
Bumalik na nga ako sa pwesto ko at gumawa na ng mga trabaho na gagawin ko. Mabuti na lamang at walang Maya na dumating dahil kung hindi ay hindi ko na naman matatapos ang aking mga gawain. Hindi ko matatapos dahil hindi ko na naman masisimulan. Ganoon naman kasi ang babaeng iyon eh. Siya lang kasi talaga ang problema ko kapag nandito siya. Nanggugulo kasi siya sa akin, kaya naman hindi ko natatapos kaagad ang mga inuutos sa akin ni Sir Ugi ay dahil na rin sa dinadaldal niya ako. Masyado kasing madaldal ang babaeng iyon. Halos buong pangyayari ata sa buhay niya ay naikwento na niya sa akin. At kahit hindi kailangang ikwento ang detalye sa nangyayari sa kanya ay talagang kinekwento niya. 'Yung tipong ikaw na lang ang magtatakip ng tainga dahil ayaw mo nang makinig? Ganoon! Hay. Mabuti na lang talaga at wala siya. “Ahh!” sambit ko. Napa-stretch ako ng buong katawan ko nang matapos ko ang mga nakabinbin kong trabaho. “Finally, natapos na rin kita!” dagdag ko pa. Mabuti na lang talaga ang wala si Maya. Napatingin naman ako sa aking orasan. “Oh? Lunch na pala?” wika ko. Ni hindi ko namalayan ang oras. Hindi kasi nagpunta rito si Maya. Hindi na tuloy ako nakapag-lunch dahil sa may deadline ang mga pinapagawa ni Sir Ugi sa akin. Pero okay na rin siguro iyon dahil at least natapos ko ang mga gawain ko. At isa pa, hindi naman ako gutom pa. Busog pa ako dahil sa dami ng kinain namin kanina ni Sir na Taco. Napahawak ako sa aking leeg at in-stretch ko ito right and left. Nangalay kasi ang aking leeg. Hindi naman kasi swivel ang upuan ko katulad ng upuan ni Sir Ugi. Ang ganda ng upuan niya sa loob ng opisina niya. Pakiwari ko kapag nakaupo siya saktong-sakto sa kanyang leeg at nagagawa pa niyang isandal ito, samantalang ang upuan ko ay wala man lang masandalan. Hay. “Krix,” nagulat pa ako ng may tumawag sa akin. Napatingin tuloy akong bigla sa pinanggalingan ng boses at nakita ko si Sir Ugi. “S-Sir,” sambit ko. “Bakit parang nagulat ka ata?” he asked. Umayos naman ako nang pagkakaupo. “Ah, eh, hindi naman po,” turan ko rito, “Eh, may kailangan po ba kayo?” tanong ko. “Ah, okay. I just want to remind you,” aniya, “Don’t forget the Dulce’s Fashion Show event tonight,” paalala niya sa akin. “Y---Yes, Sir,” sagot ko naman dito. Naalala ko tuloy na naman ang event na iyon. Oo nga pala, may pupuntahan kami mamaya. Nakakainis! Bakit kasi kasama pa ako eh! Hmp. Hindi ko na naman tuloy masusundo si Fear. “Just call me whenever you need someone to fetch you para I will tell to Mang Noel,” dagdag pa niya. Si Mang Noel ay ang personal driver niya, ngunit malimit naman niya itong tawagin upang ipagmaneho siya dahil na rin sa ayaw niyang may ibang gumagamit ng sasakyan niya. Napansin ko lang naman iyon. Consistent kasi ang sasakyan na minamaneho ni Mang Noel, ang Ford na sasakyan, habang si Sir Ugi ay paiba-iba. Pero ni minsan ay hindi ko nakitang minaneho ni Mang Noel ang isa man sa mga sasakyan na ginagamit ni Sir Ugi papasok dito sa kumpanya. Ang galing ko hindi ba? Observant kasi ako, kaya naman nahahalata ko. “Um, sige po, Sir,” tanging naitugon ko rito. “Okay. Um again, Krix, wear any red dress for it is the theme,” muling paalala niya sa akin, “Don’t you ever try to wear simple dresses. Match the dress you will going to wear to the aura of the night,” saad pa niya. Tumango naman ako sa kanyang sinabi. “Yes, Sir,” muli ko na namang sagot dito. “Good, um by the way, I have to go out early today because I just need to do an important matter,” turan niya habang nakatingin sa cellphone niya, “But before I go, do I still have an appointment meeting today?” tanong niya. Tiningnan ko naman ang post it na nasa may harapan ng monitor ng computer ko kung saan ko dinidikit ang mga appointments ni Sir Ugi nang sa ganoon ay hindi ko ito makalimutan. “Um, as written on my note, Sir, ay wala po kayong ibang appointment pa ngayong araw,” saad ko rito. “Good. Just call me if you needed too, got it?” paalala na naman niya. “Yes, Sir, I got everything under cover,” sagot ko naman dito habang tumatango. “Good, I need to go then. See you at the event tonight,” iyon lang at naglakad na siya papunta sa elevator. Sinundan ko na lamang siya nang tingin. Nang makapasok na siya sa elevator at magsara na ito ay saka ako napasandal sa headboard ng upuan ko. Napakatigas nito kaya naman dumagdag pa sa pagkainis ko. Although hindi naman ako naiinis kanina, pero bigla kong naramdaman ang mainis dahil na rin sa sinabi at pinaalala ni Sir Ugi sa akin. “Ano ba iyan!” naisambit ko habang naiinis, “Susunduin ko nga si Fear mamaya eh,” nakasimangot kong wika sabay pikit, “Hindi ko na naman siya masusundo. Ilanga raw ko na siyang hindi nakakasabay umuwi,” ani ko. Napahinga tuloy ako nang malalim. “Hay. Bawal magka-wrinkles, Krix, bawal,” sita ko sa sarili ko sabay hinga na naman nang malalim at saka dumilat, “Tatawagan ko na lang si Fear,” sabi ko. Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan ko nga si Fear. “Hi, Beb,” bati ko rito nang sagutin naman niya agad ang pagtawag ko. “Hello, Baba,” bati rin niya sa akin, “Um, napatawag ka, Baba?” tanong niya. Mukhang hindi ka busy ah,” aniya. “Beb, kasi….” hindi ko alam kung paano ko sasabihin na hindi ko na naman siya masusundo ngayon. Noong isang araw kasi ay hindi ko na siya nasundo dahil nagpunta ako kanila Kuya, tapos ngayon na naman ay hindi ko ulit siya masusundo dahil sa may fashion show event na dadaluhan si Sir Ugi at kailangan niya ako bilang date niya. Ano ba naman iyan. Bakit naman kasi ako pa? Ang dami-rami naman diyang iba, bakit ako pa? Wrong timing naman masyado ang event na iyon. “Baba, hindi ka na nagsalita,” wika niya. “Um, Beb, sorry ah,” pauna ko ritong sabi. “Um, bakit naman? May problema ba?” tanong niya. “Um, ano kasi…” alam ko namang maiintindihan niya ako dahil sa nature ng trabaho ko, pero kahit papaano ay kinakabahan pa rin ako sa kanya, “Hindi kasi kita ulit masusundo mamaya eh,” sabi ko rito. Ilang segundo rin siyang hindi nagsalita. Siguro ay hindi rin niya inaasahan na ganoon ang sasabihin ko. “Beb,” tawag ko sa kanya. Nalulungkot ako dahil wala akong oras para sa kanya. “Ah, hah?” sambit niya na kunwari siguro ay hindi niya ako narinig. Ngunit halata naman sa tono niya na malungkot siya sa aking tinuran. “Galit ka ba?” tanong ko rito. Hindi na naman siya nagsalita. “Sinabihan kasi ako ni Sir Ugi na sumama mamaya sa isang fashion show event,” paliwanag ko, “Inutusan niya akong i-cancel lahat ng schedule ko ngayong araw para lang doon,” dagdag ko pa rito, “Sorry talaga, Beb, sana maintindihan mo. Alam mo namang gusto kong bumawi sa iyo sana dahil hindi kita nasundo kahapon. Pero ganito naman ang nangyari. Pakiusap huwag ka sanang magalit,” pakiusap ko rito. Ayaw kong pumayag talaga kanina sa sinabi ni Sir Ugi, pero wala naman akong magagawa dahil nga siya ang boss ko. At nagtatrabaho ako para sa kanya. Hindi naman pwedeng hindian ko o hindi kaya ay tanggihan ko ang kanyang utos sa akin. “Beb, I’m really sorry,” muli kong hingi rito, “Alam ko sobra na kitang nadi-disappoint dahil pangalawa na ito na hindi kita nasusundo,” sambit ko, “Sorry talaga, Beb. Pero hayaan mo at babawi ako sa iyo, pangako,” ani ko rito nang sa ganoon ay mabawasan man lang ang lungkot niya. “Krix,” banggit niya sa pangalan ko. “Fear…” “Hindi naman ako galit sa iyo,” nagsalita na rin siya sa wakas, “Nalulungkot lang ako dahil masyado kang busy,” sabi niya, “Pero naiintindihan ko naman, personal secretary ka ng isang Luigi Mendez kaya naiintindihan ko naman,” saad niya na ikinapikit ko. Nalulungkot din kasi ako. Hindi ko naman pwedeng i-priority ang ibang bagay bago ang trabaho ko dahil na rin sa ito lang ang bumubuhay sa akin, sa amin ni Fear. “Sorry,” muli kong sabi rito. “Okay lang, Baba, ganyan talaga ang trabaho mo. Naiintindihan ko.” “Sorry talaga…” “Okay lang, basta bumawi ka na lang sa akin sa susunod, naintindihan mo?” sabi na niya na nasa tono nang masaya at nae-excite. “Oo, Beb, oo-ng oo, pangako!” sagot ko naman dito, “I love you!” “I love you too, Baba.” Pagkatapos ng naging usapan namin ay ibinaba ko na ang phone ko at saka muling bumaling sa computer. Nakangiti na ako dahil kahit papaano ay okay na ako. Nakausap ko na kasi si Beb at hindi na siya nagalit. Mabuti na lamang at napakabait niya sa akin. “Ahhh! Marami pang kailangang tapusin,” sambit ko na itinuloy na ang ginagawa. Ilang minuto lang ang lumipas ay may panggulo na namang bigla na dumating. “Bakz!” narinig ko na namang tawag ni Maya sa akin. Napabaling naman ako rito habang ini-stretch ang ulo ko. “Ano na naman, Maya?” tanong ko rito. “Oh, bakit parang bad mood ka na naman diyan?” tanong niya. “Nakita mo lang ako ganyan ka na. Nakatatampo ka ah, Krix,” aniya. Bumaling ako sa computer ko at nagpatuloy sa ginagawa ko. Kumbaga ay hindi ko na lamang pinansin ang kanyang sinabi. “Marami akong ginagawa,” wika ko rito. “May bagong inutos na naman ba sa iyo si Sir Ugi?” tanong na naman niya. “Wala,” sagot ko rito habang patuloy lang sa aking ginagawa. “Oh, eh bakit nga bad mood ka?” tanong na naman niya na umikot pa para lang makalapit sa akin. Itong babae na ito talaga ang makulit eh. Wala ba siyang ginagawa at nandito na naman siya sa pwesto ko? “Kasi hindi ko masusundo ang girlfriend ko dahil may pupuntahan daw kaming fahion show event ni Sir Ugi mamaya,” sagot ko rito. “Ay?” medyo nagulat naman siya. Tumango naman ako rito. “Eh bakit kasama ka?” nagtatakang tanong niya sa akin. “Usually naman ay siya lang ang pumupunta na mag-isa sa mga ganyan, hindi ba?” aniya. “Malamang ako ang secretary niya, hindi ba?” Napaisip naman siya. Hindi ko alam kung naintindihan ba niya ang sinabi ko o hindi. “Alam mo, Maya, maganda ka sana eh,” sabay sabi ko rito, “Kaso lang ang slow mo,” mahina kong dagdag. “Hah?” “Wala,” ika ko rito, “Ang sabi ko ang ganda mo.” “Syempre, ako pa ba?” tugon naman niya habang inaayos ang buhok nito. “Ewan ko sa iyo,” napapailing kong sambit dito. “Oh, eh nakita ko si Sir kanina umalis na ah, maagang nag-out.” “Oo, may pupuntahan daw siya,” sagot ko naman. “Eh ikaw hindi ka pa ba mag-a-out?” “Bakit naman ako mag-a-out na kaagad, Maya?” “Eh hindi ba may fashion show event ka mamayang pupuntahan?” Umikot tuloy ang dalawang mata ko rito. “Mabuti pa, Maya, bumalik ka na lang sa pwesto mo at ituloy mo na lang ang ginagawa mo, baka maging productive ka pa,” utos ko rito na kinasimangot naman niya sa akin. “Ito naman masyadong seryoso. Nagtatanong at nagsa-suggest lang naman ako eh. Hmp! Sige na nga, diyan ka na, babush!” at umalis na nga siya sa harapan ko. Napailing na lang ako. “Kaganda sanang babae, kaso waley naman sa utak, hay sayang,” sambit ko na lamang. Pagkaalis ni Maya ay nag-focus na ulit ako sa ginagawa ko. “Ahh! Salamat naman at natapos din!” masaya kong sambit sabay inat ng dalawang braso ko, “Wooh!” Inayos ko na ang pwesto ko at saka nag-ayos na rin ng aking sarili. Ilang minuto na lang kasi ay mag-a-alas singko na rin kaya naman nag-ayos na ako. “Bakz!” narinig ko na naman ang pagtawag sa akin ni Maya. Napabaling na naman ako. “Oh, Maya.” “Uwi ka na?” tanong niya. “Oo, nag-aayos lang ako, bakit?” “Sakto, sabay na tayo.” “Sige, hintayin mo lang ako,” sagot ko. “Sige, sige.” Mabilis kong inayos ang mga gamit at table ko. “Tara na,” aya ko na sa kanya. “Okay.” Sabay nga kaming umalis at lumabas ni Maya ng opisina. “Um, Maya,” tawag ko sa kanya habang nasa elevator kami. “Ano iyon?” tanong naman niya. “Ah, may kulay pula ka bang dress?” tanong ko sa kanya. Kanina ko pa kasi iniisip kung saan ako manghihiram ng pulang dress. “Oo naman, bakit mo naitanong?” tugon niya dahilan para mapangiti ako. “Talaga?” masayang sambit ko rito, “Ano kasi, am, iyon kasi ang kulay na kailangang suotin sa event na pupuntahan namin ni Sir Ugi mamaya,” sabi ko, “Eh wala naman akong kulay pula na dress kaya manghihiram na lang sana ako,” paliwanag ko rito. “Ah, oh sige, hiramin mo iyong akin,” nakangiti niyang wika sa akin. “Talaga? Okay lang sa iyo?” “Oo naman,” tugon niya, “Mabuti pa, dumiretso ka na lang sa apartment ko kung saan ako nakatira at doon ka na magbihis,” aya niya sa akin. “Okay lang naman, sige mas maganda iyon,” pagsang-ayon ko rito. Pagkalabas namin ni Maya ng kumpanya at mabilis kaming kumuha ng taxi at sa apartment niya nga kami dumiretso. “Oh, pasok ka,” sabi niya nang makarating na kami kaagad, “Pasensya ka na kung magulo ah, alam mo naman ang trabaho natin, sobrang busy kaya wala na akong time mag-ayos dito,” aniya. Napalibot naman ako sa buong kwarto niya. Oo nga, medyo makalat. “Um, Maya,” tawag ko ulit sa kanya. “Oh?” hindi naman siya lumingon dahil dinadampot niya ang mga kalat niya. “Pwede ba akong makiligo rito?” tanong ko. “Oo naman, Bakz, ikaw pa ba?” sabi niya, “Doon ang banyo,” turo niya sa isang pintuan, “Nakasampay sa likod ang twalya ko, iyon na lang ang gamitin mo,” saad pa niya, “Kakagamit ko lang niyan kanina kaya malinis ‘yan.” Pumunta nga ako sa tinuro niyang pinto at binuksan ito. Kinuha ko ang twalya at naligo na. Pagkatapos kong maligo ay, “Maya,” tawag ko na naman sa kanya. “Oh?” “Pahiram ng damit,” paalam ko. “Sige lang. Tumingin ka na lang muna riyan,” wika niya sa akin. Lumabas naman ako ng nakatwalya lang at dumiretso sa isang kwarto na ang tanging pintuan ay isang kurtina. “Kumuha ka na lang diyan ng gusto mo, tutal magbibihis ka pa naman eh,” sabi niya. “Sige,” at tumingin nga ako ng damit sa sinabi niya. Kinuha ko ang isang malaking t-shirt at isinuot ito. Hindi na ako nagsuot pa muna ng bra, tutal si Maya naman ang kasama ko. “Nasaan na nga pala iyong pulang dress na sinasabi mong pwede kong hiramin?” tanong ko sa kanya. Humarap naman siya sa akin. “’Yan, Bakz oh, hindi mo ba nakikita?” turo niya sa may pulang dress na naka-hunger. Nanlaki naman ang mga mata ko sa nakita ko. Kinuha ko ito at inusisang maigi. “Bakz, ito ang ipapahiram mo sa akin?!” hindi makapaniwalang tanong ko rito. Bumaling na naman ang tingin niya sa akin. “Oo, Bakz, iyan nga, ang kulit ah,” sabay sabi pa niya. Bumalik naman ang tingin ko sa pulang dress na hawak ko. Makinang ito na naging dahilan para maging agaw-pansin sa mga tao lalo na kapag gabi. Backless ang likod na ang dulo ng hangganan ay parang halos makita na ang pwet kung pandak siguro ang magsusuot, pero kung matangkad ay hindi naman siguro. Nagpaganda rin dito ang pagiging hapit nito sa baywang ng kung sino man ang magsusuot. Lalong maipapakita ang magandang hubog ng katawan ng sino mang tao ang magsusuot nito. “Ito talaga?” muling tanong ko rito habang napapalunok. “Bakz, wala na akong ibang damit na pula ano. Ikaw kung maghahanap ka pa sa iba ng ganitong oras,” wika niya, “Pero I doubt kung meron ka pang makikita. Magagahol ka sa oras kaya huwag ka nang choosy pa riyan, magpalit ka na at baka biglang tumawag sa iyo si Sir Ugi, sige ka, magagalit na naman iyon kapag na-late ka. Alam mo namang ayaw no’n nang pinaghihintay siya, hindi ba?” mahaba niyang litanya sa akin, “At saka, bagay naman sa iyo iyan, Bakz, dami mo pang arte, magbihis ka na nga.” Naalala ko tuloy noong outing namin na na-late kami ni Maya sa sinabi niyang oras. Halos kainin na niya ako noon dahil sobrang pinaghintay namin siya. “Oh, ano pa ang tinatayo-tayo mo riyan, Bakz? Magbihis ka na, go!” utos niya na kinatalima ko naman na. Pumasok ulit ako sa maliit na kwarto kung saan ako nagbihis kanina. “Ano ba ‘tong napasok ko?” napalunok na lang ako habang nakatingin pa rin sa damit na isusuot ko, “Ah! Bahala na si Batman!” Hinubad ko na nga ang oversized t-shirt kanina na hiniram ko kay Maya. Muli ay napalunok na naman ako nang iharap ko ang damit na susuotin ko. “Kaya mo iyan, Krix!” sambit ko. At sinuot ko na nga ito. Ayos lang pala na walang bra dahil may built-in foam naman pala ito sa may dibdib. Inayos ko na muna ang damit sa akin lalo na sa baywang ko. Kinapa ko pa ang likuran ko kung hanggang saan ko ang pagka-backless nito. “Buti naman,” hinga ko nang malaman ko na safe pa ang pwet ko dahil hindi ito makikita, “Nakakatakot ka naman kasing suotin,” sabay wika ko. Tinupi ko na muna ang oversized shirt na hiniram ko kay Maya bago ako lumabas ng kwarto nito. “Oh,” sambit ko nang makalabas na ako ng kwarto ni Maya. Bumaling naman siya nang tingin sa akin at, “Wow, Bakz!” mangha niyang sambit sa akin, “Bagay sa iyo, promise!” wika niya, “Patingin nga,” inikot niya ako para siguro tingnan ang likuran ko, “Seeey! Kabugera ang peg mo, Bakz!” hindi ko alam kung nang-aasar siya o natutuwa eh. “Maya,” sita ko naman sa kanya. “Bagay sa iyo talaga, Bakz!” muli na naman niyang sambit. “Oo na, bagay na, oh, okay na ba?” tanong ko rito. Nakangiti lang siya sa akin habang patuloy akong pinagmamasdan. “Hindi pa,” sabay turan niya. “Hah? Bakit?” “Hindi ka pa maayos oh, mag-make up ka na muna kaya,” utos niya. “Oo na.” “Gusto mo ayusan kita, Bakz?” tanong niya. “Hindi na, kaya ko namang mag-ayos ng sarili ko,” tugon ko rito. “Oh sige, ikaw ang bahala. Maliligo lang ako,” paalam niya sa akin sabay nagtungo sa banyo. Kinuha ko naman na ang make-up sa loob ng bago ko at nagsimula nang mag-ayos ng mukha ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD