Third Person Point of View
Agad naman na sinugod ng mga demonyo si Clark. Mabilis naman gumalaw ang mga kamao at paa ni Clark. Ang lahat ng makalapit sa kanya ay malakas niyang sinusuntok at sinisipa. Sa lakas ng kanyang mga ginagawang pagtira ay halos madurog ang mukha ng mga demonyo.
Hinawakan niya ng mabilis ang mukha ng isang demonyo matapos ay binuhat niya ito paitaas gamit lamang ang ulo saka malakas na binagsak sa lupa.
“Kayo na ata ang pinakamalas na mga demonyo,” ani ni Clark sa mga ito. “Sisiguraduhin ko na mararamdaman niyo ang sakit bago kayo mamatay.”
Bumwelo siya pati na ang kanang kamay, matapos ang ilang segundo ay malakas niyang tinira ang mga nakahilerang demonyo gamit ang kamaong punong puno ng enerhiya.
Tumagos ang kamao niya sa isa, sa pangalawa, sa pangatlo, sa pang apat at pagdating sa ikalimang demonyo ay hindi na naabot pa ito ng kamay ni Clark ngunit sa lakas ng enerhiyang dala dala ng kamao ay malakas na umitsa ang pang limang demonyo kasama ang mga nasa likod nito sa pader.
Hinipan naman ni Clark ang kamao na tila isang baril na nagpalabas ng bala at umusok.
Ininat ni Clark ang kaliwang kamay niya upang ihanda sa susunod na malakas na pagsuntok.
Sa kabilang banda naman ay lumikha si Valsen ng kanyang espada upang labanan ang mabigat na sandata na gamit ng heneral na kalaban niya.
Sinangga niya ang paparating na tira nito. Halos maluhod siya sa lakas ng impact na tumama sa hawak na espada. Pilit niya itong ginagapi sa pwersa ngunit hindi iyon posible pagka’t na sa baba siya nakapwesto.
“Ang aga mo naman atang lumuluhod, anghel,” ani ni Asmodeuz at nginisihan si Valsen habang pilit na idinidiin ang sandata sa anghel.
“Luluhod ako,” ani ni Valsen. “Ngunit hindi kailanman sa iyo!”
Matapos ay ginamit ni Valsen ang kaliwang kamay upang lumikha pa ng isang sandata. Agad niya itong itinarak sa tiyan ni Asmodeuz ngunit agad naman tinanggal ni Asmodeuz ang sandata sa pagkakatira sa kanya upang sanggain ang paparating na tira mula kay Valsen.
Nabasag ang sandata na nilikha ni Valsen. Hindi nito kinaya ang tibay ng sandata ng heneral.
“Magaling,” ani ng heneral. “May ibubuga ka rin naman pala.”
Matapos ay buong lakas na itinira ni Asmodeuz ang malaking espada kay Valsen. Sinangga naman ni Valsen ito ng espada ngunit nabasag rin ito at nahati sa tatlong piraso.
Mas lalong lumawak ang ngiti ng heneral at hindi na niya hinayaan pang makatira o makagawa si valsen ng panibagong sandata, sunod – sunod na niya itong tinira.
Sa bilis ay tanging panangga na lamang ang nagawa ni Valsen. Napapatras siya sa bawat salpukan ng sandata ng heneral at ng kanyang panangga sa lakas ng binibigay na pwersa ng kalaban.
Ano mang oras ay masisira na ang ginawa niyang panangga.
“Ito lang ba ang kaya mong gawin, anghel?” tanong ni Asmodeuz. “Binigo mo ang ekspektasyon ko sa iyo. Ilabas mo na ang lahat ng kaya mong gawin bago ka mamatay ng sa ganoon ay masiyahan naman ako.”
Kinapalan naman ni valsen ang kanyang panangga dahilan upang mas tumibay pa ito. Matapos ay gumawa siya ng matutulis na malilit na kristal na kasing kulay ng hangin upang sugurin si Asmodeuz.
Bahagya niyang iginalaw ang isang daliri, kasabay noon ang mabilis na pagsugod ng maliliit na kristal kay Asmodeuz.
Agad namang hinugot ni Asmodeus ang sandata mula sa pagkakabaon nito sa panangga ni Valsen at binasag ang mga kristal na papasugod sa kanya.
“Hindi man nakikita ng aking mga mata ay nararamdaman ko ang mga pwersa at enerhiyang lalapit sa akin,” ani ni Asmodeuz at sa pagharap kay Valsen ay kasabay ang malakas na pagbira niya ng sandata sa sanggalang nito.
Bahagyang napaangat ang kilay ni Valsen pagka’t nagawa ng heneral na ibaon ang sandata ng sobra sa kalahati ng kalasag. Nangangahulugan lamang na sa susunod na tira nito ay mababasag na ang kanyang pananggalang.
Noong itinaas ni Asmodeuz ang kamay upang tirahin ang panangga ay buong lakas na itinulak ni Valsen ang kristal na panangga patungo kay Asmodeuz. Binangga nito si Asmodeuz at nagawa niyang maitulak ang heneral hanggang sa pader.
Noong nadikit na niya ang heneral ay gumawa si Valsen ng malaking kristal na doble ang laki sa pananggang ginawa at sa bawat kumpas ng kamay ay ang pagsalpok nito sa panangga.
Hindi naman magawang makailag ni Asmodeuz dahil naipit siya sa pader at panangga ni Valsen. Pilit siyang kumakawala ngunit sa lakas ng yanig sa kanya ng bawat salpok ay tila ba narereset ang lakas niyang iyon.
Mahigpit na hinawakan ni Asmodeuz ang sandata habang nilalabanan ang panangga ni Valsen. Pinipilit niya itong basagin ng sariling pwersa.
Dahil na rin sa nagkalamat na ito kanina at sa bawat salpok ng isa pang kristal ay tuluyan na itong nabasag. Iyon ang hinihintay pa ni Valsen.
Noong mabasag ang panangga niya ay malakas niyang itinira ang malaking kristal kay Asmodeuz. Tinibayan niya ang kristal upang hindi ito mabasag ng agaran.
Hindi nakailag si Asmodeuz sa ginawang iyon ni Valsen at bumaon siya sa pader. Agad namang sinuportahan ni Valsen ang pader at kinulong si Asmodeuz sa kanyang kristal upang sunod sunod itong matira ng kanyang kapangyarihan.
Nabitawan ni Asmodeuz ang kanyang sandata dahil nanghina siya bigla sa puting enerhiyang nakapaligid sa kanya.
Matapos ay gumawa na siya ng mga makakapal na posas at pinosasan si Asmodeuz nito. Ang mga makakapal na posas ay nakadikit rin sa kanyang kristal. Maging ang leeg ng heneral at katawan nito ay pinosasan niya.
“AHHHHHHH!!!!!” sigaw ni Asmodeuz habang pilit na kumakawala mula sa kristal ni Valsen.
Nilalakasan ng heneral ang kanyang init ng katawan upang basagin ang mga nakablot sa kanya na makakapal na kristal.
Hindi nakawala sa mga mata ni Valsen ang pagkakaroon ng lamat sa kanyang mga kristal na nilikha. Sinubukan niyang punan uli ang mga ito ngunit mas malakas na ang init na inilalabas ng heneral.
Malakas naman na inihataw ni Cassiel ang kanyang latigo patungo sa demonyong kalaban niya na si Lilith. Sinangga iyon ni Lilith gamit ang dalawang kunai na hawak – hawak.
Sinubukan ni Lilith na putulin ang latigo ni Cassiel gamit ang talim ng kanyang mga kunai ngunit tumatalbog lamang ito dito.
Napangiti naman si Dail noong makitang napaismid ang kalaban na demonyo.
“Managinip ka, demonyo,” ani ni Cassiel. “Ngunit hindi mo mapuputol ang latigo ko.”
Matapos ay malakas niya ulit na hinampas ng latigo si Lilith. Gaya ngd ati ay sinangga lamang iyon ni Lilith.
Inikot ni Lilith ang kunai niya siya latigo ng kalaban at agad na hinatak ito papunta sa kanya.
Napaabante naman si Cassiel sa ginawang paghatak ni Lilith sa kanyang latigo gamit ang kunai. Malakas siya nitong sinipa sa may tiyan noong makalapit siya rito kaya agad rin siyang napaatras.
Hinatak ni Cassiel ang kanyang latigo pabalik sa kanya. Nakangiti na na ngayon sa kanya si Lilith.
“Ganun ba?” tanong ni Lilith dito. “Hindi nanaginip ang demonyo. Puro realidad lang tayo rito,”
Hindi naman sumagot si Cassiel at malakas na hinampas uli ang latigo ni kay Lilith.
Mabilis naman sinangga ni Lilith ito.
“Malakas ang bawat hampas mo,” ani ni Lilith. “Ngunit mas mabilis ang mga kunai ko.”
Matapos ay agad na initsa ni Lilith ang isang kunai na hawak sa itaas at mabilis nitong hinampas pa ng isang kunai sa direksyon ni Cassiel noong dumaan na ito sa lebel ng mukha niya.
Agad naman na ginamit ni Cassiel ang kanyang latigo at hinampas patungo sa ibang direksyon ang kunai na papunta sa kanya ngunit oagkatapos niyang hampasin ito ay naramdaman niya na lamang na may biglang bumaon sa kanyang balikat.
Sa bilis nito ay napaatras siya ng isang hakbang.
“Nakita mo na?” natatawang ani ni Lilith. “Hindi ko akalaing tatalab pa pala sa iyo ang ganoong taktika.”
Matapos ay mas diniinan pa ni Lilith ang pwersa sa kanyang kunai at mas bumaon pa ito sa balikat ni Cassiel.
Napakunot ang noo ni Cassiel at napahawak sa kunai ni Lilith ngunit sa init nito ay napabitaw siya bigla.
“Ahh!” inda ni Cassiel dahl pilit na binabaon sa kanyang balikat ang kunai. Ramdam rin ng kanyang laman ang init nito.
Binalutan ni Cassiel ng puting enerhiya ang kanyang mga palad. Pagkatapos ay hinawakan niya ang kunai at buong lakas na hinugot ito sa kanyang balikat.
Binatawan niya agad ito noong matanggal na at nakita niya ang napasong palad.
“Mahinang nilalang,” ani ni Lilith at gamit ang kapangyarihan ay kinuha niya pabalik ang kunai mula sa sahig.
Lumipad naman ang kunai sa ere at parang may buhay na bumalik sa kamay ni Lilith ito.
Tinitigan ni Lilith ang dugo ni Cassiel sa kanyang kunai. Nababalot pa ito ng kaonting puting mga enerhiya..
Pinag – apoy niya ang kunai at nasunog ito matapos ay naging itim na ang enerhiya na kanina ay puti.
“Salamat sa pagbibigay ng enerhiya,” ani ni Lilith kay Cassiel na halatang nag aasar. “Napunan nito ang nabawasan kong lakas.”
Inihanda naman ni Cassiel ang kanyang latigo muli sa paghampas.
“Huli mo na iyan,” ani ni Cassiel at malakas na tinungo ng kanyang latigo ang kinaroroonan ni Lilith.
Sinangga naman ng kanang kamay ni Lilith ang latigong nagtungo sa kanya ngunit nagulat siya noong pumulupot ito sa kanyang kamay.
Agad naman niyang ginamit ang kaliwang kamay upang putulin ito ng kunai.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo, demonyo” ani ni Casiel habang pinahahaba ang latigo upang paluputan ang buong katawan ng demonyo. “Kung nais mong putulin ang latigo ko ay managinip ka na lamang.”
Kunot naman ang noo ni Lilith habang hinahampas hampas ang latigong nakapalupot sa kanya.
Bakas sa mukha ng komander na demonyo ang inis at pag kairita sa lubid na bumabalot na sa kanyang buong katawan. Nabitawan niya na rin ang isa pang kunai noong maabot na ng latigo ni Cassiel ang kanyang kaliwang kamay.
Para siyang parilisadong hindi magalaw ang mga parte ng katawan dahil mahigpit na nakapalupot sa kanya ang latigo ng kanyang kalaban. Mula paa hanggang leeg ni Lilith ay nababalot ito ng latigo ni Cassiel.
“Ahh!” inda ni Lilith noong hinigpitan pa ni Cassiel ang pagkakabalot niya ng latigo sa katawan ng demonyo.
Hinigpitan niya ito sa puntong ramdam ni Lilith na ano mang oras ay sasabig na ang kanyang katawan.
Napatawa naman si Lilith.
“Mukhang may dahilan ka kaya hindi maituloy na sirain ang buong katawan ko,” ani ni Lilith dito. “Sa tingin ko ay hindi mo ko kayang patayin dahil kailangan mo ako dalhing buhay sa inyong kuta.”
Kumunot naman ang noo ni Cassiel kay Lilith. Alam niyang hinahamon siya nito.
Nakita niya na nakakulong na ang kalaban ni Valsen sa kristal nito tapos ay bumaling siya sa kalabang komander ng mga demonyo.
“At alam mo ba?” ani ni Cassiel sa babae. “Sa tingin ko ay hindi namin kailangan ng dalawang demonyong dadalhin sa aming kuta. Tama na ang isa.”
Akmang isasarado na ni Cassiel ang kanyang kamao upang tuluyang higpitan ang latigong nakapalupot kay Lilith noong may malakas na pagsabog ang biglang nangyari kaya naman napabitaw ang latigo niya kay Lilith noong umitsa siya sa impact ng pagsabog. Ramdam niya pa ang maliliit at matutulis na mga kristal na dumampi sa kanyang balat. Mainit ang mga ito at humiwa sa kanya.