Third Person Point of View
Isang binata ang nakaupo sa isang upuan na gawa sa dugo at mga bungo ng tao. Nababalutan ang katawan nito ng malakas na itim na enerhiya. Malalaki ang sungay nito sa ulo na mas mahaba pa sa mga royal.
Napahigpit ang hawak nito sa naramdamang kirot sa kanyang mga ugat sa likuran. Napakunot ang noo ng walang emosyon na binata.
Pinagmamasdan niya sa kanyang harapan ang malawak na karagatan ng dugo at apoy. Napapaligiran siya ng apoy at matinding init ang temparatura kung saan naroon siya ngayon. Nangangahulugan lamang na napakalakas ng nilalang na ito.
Isang lalaki ang nagbabasa ng libro sa kanyang gilid.
Wala itong suot pang itaas kundi ang kanyang kalasag na humaharang sa gitang dibdib nito. May katabi itong sandata sa gilid niya.
Dinilian nito ang kamay at inilipat ang pahina ng hawak hawak na libro. Matapos mabasa ay napailing iling ito.
“Mali na naman ang nakalagay sa librong ito,” ani ni Yves sa sarili. “Ilang beses ko bang uulit ulitin na napatay ko ang unang reyna dati maging ang hari nito.”
Napailing iling si Yves at isinarado na ang libro saka itinapon sa nagbabagang apoy.
“Walang kwenta,” ani ni Yves habang pinagmamasdan ang nasusunog na libro sa apoy.
Bumaling si Yves sa lalaking nakaupo sa malaking trono nito.
“Kamahalan,” tawag ni Yves dito. “Aakyat na muna ako upang maghanap ng librong mababasa. Kukuhanin ko na rin ang mga pahinang natipon ni Anais ng sa ganoon ay may mabasa ka.”
Hindi naman sumagot ang binata at nakatitig lang ito sa nagbabagang apoy.
“Wala ka bang ipagbibilin o iuutos?” tanong ni Yves dito.
“Ipalipad mo sa kanila ang mga salita ko,” ani ng binata dito. “Ipaalam mo sa kanila na nais kong sindihan na nila ang mitsa.”
Napangiti naman si Yves.
“Masusunod, Urdu.” Sabi ni Yves at ibinuka ang malalaking pakpak na ito. Mabilis itong lumipad paitaas.
“Hindi mo dapat tinatapon ang babasagin sa bangin,” mahinang sabi ni Urdu habang diretso ang mga tinging nakatingin sa apoy. “Pagka’t iihip ang hangin ay babalikan ka ng bubog nito.”
Sumiklab ang mga apoy sa paligid.
Naabutan ni David ang mga nagkakagulong tao. Sinilip niya ang lugar ngunit wala roon si Alejandra.
“Nasaan ka ba?” mahinang sabi ni David at nilibot ng tingin ang buong paligid.
Puro tao lamang ang nakikita niya. Napahawak siya sa kanyang ulo.
Kinabahan si David sa kanyang mga naiisip.
Agad siyang tumakbo sa gitna at sa mga sulok sulok upang tignan si Alejandra kahit na alam niyang hindi pupunta roon ang dalaga.
Nainis si David sa kanyang sarili kung bakit hinayaan niyang mawala sa kanyang paningin ang anghel.
Nabaling ang tingin niya sa batang may hawak na lollipop. Sa kabilang kamay nito ay pinagmamasdan ng bata ang itim na balahibo. Sa iitsura ng balahibong ito ay alam niyang galing ito sa pakpak ng isang anghel o demonyo.
Agad siyan g lumapit sa batang ito.
“Saan mo nakuha iyan?” tanong ni David sa bata.
Napatingin naman ang bata sa kanya at maiigi siyang pinagmasdan nito.
“Are you going to believe me if I tell you?” tanong ng bata.
Hindi alam ng bata kung sasabihin niya ba ito o baka hindi lang siya paniwalaan ng lalaki gaya ng mga magulang niya.
Ngumiti naman si David dito at hinawakan sa ulo ang bata.
“Yes,” ani ni David. “Tell me.”
“I saw three angels earlier,” panimula ng bata. “They were all fighting and I wonder why. Why do angels fight each other. Hmmm or are those two demons?”
“Three angels and two demons?” tanong ni David dito.
Akala niya ay isa lamang ang hinabol ni Alejandra.
Tumango tango naman ang bata sa kanya.
“Oo, itim mga pakpak nila,” sabi ng bata. “Di ba dapat ay puti? Yung dalawang lalaki may mga sungat sa ulo. Mahaba. Inaaway nila yung babaeng anghel.”
“Gaano kahaba ang sungay nila?” tanong ni David.
“Mahaba, mga ganito oh,” sabi ng bata at pinagpatong ang dalawang kamay.
Nakumpirma ni David na mga royal ang mga ito sa haba ng sungay.
“Saan sila nagpunta?” tanong ni David dito. “Anong nangyari sa laban nila?”
Lumungkot naman ang mukha ng bata.
“Natalo nila yung babae saka kinulang nila sa hawla. Malaking hawla. Sobrang laki,” ani ng bata dito. “Tapos bigla sila nawala. Di ko na alam kung saan sila nagpunta.”
Napapikit ng mariin si David. Gaya noong nakaraang laban nila ay naglaho na lang din bigla ang mga kalaban nilang demonyo at wala silang kahit anong alam kung saan nagpunta ang mga ito.
Inilahad ni David ang kanyang kamay.
“Maraming salamat sa sinabi mo, nagagalak akong ligtas ka pa rin sa kabila ng iyong mga nakita, ngunit kailangan ko ng kuhanin sa iyo ang balahibo na iyan,” ani ni David na ang tinutukoy ay ag hawak na balahibo ng pakpka ni Alejandra.
Agad naman umiling iling ang bata dito at itinago ang balahibo.
“NO!” sigaw ng bata sa lalaki. “This is mine now. Ako ang unang nakapulot dito. Akin na ito.”
“That feather is powerful yet has a lot of consequences, child,” ani ni David. “When you use it in a wrong way you may end up dead.”
Napaiyak naman ang bata sa sinabi nito.
“DARLING!” sigaw ng isang babae sa may pintuan ng fire exit. “Kanina pa ako naghahanap sa iyo. Anong ginagawa mo dito?”
Agad na lumapit ang babae sa kanyang anak at binuhat ito.
“Anong nangyari?” tanong ng ina sa kanyang anak.
“Sabi kasi niya mapanganib daw itong feather,” sabi ng bata at tinuro si David. Sinuri naman ng nanay niya ang lalaking si Dvaid. “Akin na ito. Galing ito sa pakpak ng anghel.”
“Sa amin nabibilang ang balahibong hawak hawak ng iyong,” natigil si David kung ano ang dapat niyang sabihin.
“Anak,” sabi ng babae dito. “Anak ko siya. Pwede bang bayaran ko na lamang ang balahibong ito ng kahit magkano?”
“Ginang, hindi maaari,” ani ni David. “Hindi pangkaraniwan ang hawak na balahibo ng iyong anak.”
Napahinga naman ang babae sa sinabi nito. Hindi niya maintindihan kung bakit nagtatalo ang dalawa para lamang sa isang pirasong balahibo.
“Darling,” tawag ng ginang sa kanyang anak. “Isaoli mo ang hindi sa iyo.”
“Hindi rin naman sa ginoo ang balahibong ito,” ani ng bata. “Galing ito sa magandang babae kanina at kung siya mismo ang kukuha sa akin nito ay ibibigay ko. Kahit tignan pa natin ang cctv ay hindi ako nagsisinungaling mommy.”
Si David naman ang napahinga ng malalim.
“Pangako mo iyan,” ani ni David dito. Tumango naman ang bata sa kanya. Naisip ni David na hindi rin naman alam ng bata gamitin ito kaya pinabayaan niya na lamang. “Ingatan mong mabuti ang balahibong iyan. Isa iyang espesyal at hindi mo dapat gamitn. Mauuna na ako.”
Nagpaalam na si David dahil kailangan niya pang hanapin si Alejandra.
Nag – anyong anghel na siya upang lumipad sa kalangitan at halos buong siyudad ay naikot na niya ngunit hindi niya pa rin nahahanap si Alejandra.
Gabi ng bumaba siya sa lupa upang mamahinga. Hindi na niya alam kung saan niya hahanapin pa ang babae.
“Nasaan ka na, Alejandra?” tanong ni David habang nakasandal sa poste at pagod ang mga matang nakatingin sa kalangitan.
Ayaw niya pa sanang tumigil sa paghahanap ngunit naisip ni David na mas mapapadali ang kanyang paghahanap sa tulong mga anghel sa kanilang kuta at baka matulungan rin siya ni Aetius kaya naman bumalik na muna si David sa kanilang kuta.
“Master,” tawag ni Olang sa kanyang lider noong makita itong papasok ng kanlang head quarter.
Kasama nito ang isa pa niyang kagrupo na si Estich na naghihintay rin kay David.
“Kanina pa kami naghihinaty sa pagbabalik niyo,” ani ni Estich kay David. “Hindi kami makauwi dahil wala ka pang pinaguutos sa amin. Wala rin kaming natatanggap na tawag o mensahe sa inyo.”
Hindi naman sumagot si David at dire – diretso lamang na pumasok sa pintuan ng kanilang kuta. Napansin naman ni estich na mag isa lamang ito.
“Nasaan ang binibining Alejandra?” tanong ni Estich dito. “Magkasama kayo kanina hindi ba? May misyon ba siyang pinuntahan kaya kayo na lang ang umuwing mag isa?”
“Nakuha siya ng mga demonyo,” ani ni David sa mga kasama.
Nanlaki naman ang mga mata nila Olang at Estich sa sinabi ng kanilang lider.
“Ha?!” gulat na reaksyon ni Estich. “Paano iyon master? Paano na si binibining Alejandra? Baka kung anong gawin sa kanya ng mga demonyong iyon?”
“Oo nga,” pagsang ayon ni Olang sa kasama. “Paanong nangyari iyon?”
“Mamaya ay isasalaysay ko sa inyo ang iba pang detalye,” sagot ni David sa kanila habang kunot ang mga noo. “Sa ngayon ay kailangan ko munang maiulat ito sa nakatataas.”
Napabagsak ng dalawang kamay si Helena sa lamesa dahil sa sinabi ni David sa kanya.
Sa lakas ng pagkakabagsak ng kamay ni Helena sa sinabi ni David ay namula ang mga kamay nito.
“Anong sinabi mo?!” tanong ni Helena na hindi makapaniwala.
Napayuko naman si David.
“Nadakip si Alejandra ng dalawang royal,” sagot naman ng binata dito.
“Naroon ka ngunit hindi mo nagawang maprotektahan si Alejandra?!” madiin na sabi ni Helena. “Sana ay umatras na lamang kayo kung hindi nyo kaya ang pwersa nila.”
Napaluhod naman si David sa harap ng kanilang heneral.
“Kasalanan ko na hinayaan kong mawala sa paningin ko si Alejandra,” sabi ni David dito. “Hindi namin akalain na may dalawang royal ang umiikot sa lugar na iyon. Dala dala na nila ngayon si Alejandra.”
Napaupo si Helena sa sinabi ng kanyang kagrupo.
Napadiin siya sa pagkakahawak ng boligrapo na hawak hawak.
“Kasasabi ko lamang na hindi dapat siya mapasakamay ng kalaban,” ani ni Helena at umiisip ng agarang aksyon. Iniisip niya kung sino ang mga nakalabn nito at nagawa ng mga itong mahuli si Alejandra. Malakas pa naman dati ang paniniwala niya na hindi basta basta mahuhuli ang anghel dahil sa tagalay na kagalingan nito ngunit binigo siya ngayon ng kanyang paniniwala.
“Paano na iyan,” ani naman ni Patricia na nakikinig lang sa dulo. “Kung hindi natin ito maaagapan ay malamang na lumabas na nag dugong buwan sa linggong ito. Kilala naman natin ang mga demonyo. Siguradong hindi nila palalampasin ang pagkakataon na nakuha nila. Sana lamang ay magawa pang iatras ito ni Alejandra.”
Napahilot ng sentido si Helena at tumingin sa kanyang malaking bintana.
Huminga siya ng malalim at pinagmasdan ang buwan na nakasilip sa kalangitan.
“Ipatatawag na lang muli kita, David,” sabi ni Helena.
Yumuko naman si david at lumabas na ng silid.