Third Person Point of View
“Pagmasdan mo mabuti, anghel, kung ano ang ginawa ng mga mahal niyong tao sa akin,” sabi ni Ada sa babae. “Siguro nga ngayon ay alam mo ng miyembro ako ng royal at alam mo bang ako ang pinakapangit sa kanila? Ito lang naman iniwang sugat sa akin ng mga magagaling na tao.”
Hanggang ngayon ay suot suot pa rin ni Ada ang gutay gutay na damit na suot noong mahulog siya sa gusali. Hindi na niya ito pinalitan.
“Lahat ng tao ay nakakaranas ng sakit, Ada,” sabi ni Cassiel. “Hindi man magkakaparehas ngunit lahat ay nakaranas ng sakit at pagdurusa.”
“Kaya nga ang tanong ay kung bakit?” ani ni Ada sa kanya. “Kung bakit kailangan pang magdusa at makaramdam ng sakit. Naitanong mo na ba iyan sa sarili mo, anghel? Dahil sa tingin ko ay maging ikaw ay hindi mo alam ang kasagutan.”
Hindi nakasagot si Cassiel. Tama ang demonyong si Ada ngunit kailanman ay hindi niya kinuwestiyon ang nakatataas.
Napangiti si Ada noong makita niya ang ibang parte ng kalooban ni Cassiel.
“Isa kang nilalang na nagkasala,” ani ni Ada sa babae. “Papaanong isa kang anghel samantalang ako na biktima ay hindi? Namatay ang mga kasama mo dahil sa maling desisyon mo! Papaanong may mga puti kang pakpak gayong kay daming namatay ng dahil sa iyo?”
Napalunok si Casssiel sa sinabi ni Ada. Tama ito. Madaming namatay dahil sa maling desisyon niya. Namatay si Heneral Xi dahil hindi niya pinakinggan ito.
“Dahil humingi ako ng patawad, Ada,” ani Cassiel dito. “Humingi ako ng kapatawaran at pinatawad ko ang mga taong nagkasala sa akin kaya ako narito ngayon.”
“Ngunit napatawad ka ba nila?” tanong ni Ada. “Libong pamilya ang nawala ng kasapi dahil sa iyo? Natanggalan ng paa ang kaharian niyo dahil sa iyo. Isa kang walang kwentang prinsesa na nilagay ang kanyang hukbo sa kamatayan. Kapatapata – patawad ka ba?”
“Pinagsisihan ko ang maling nagawa ko,” sabi ni Cassiel sa babae. “Kaya walang dapat kuwestiyunin sa akin.”
“Sigurado ka ba?” tanong ni Ada sa kanya at pumikit upang tignan ang nakaraan. “Papaanong nabubuhay ka ng maayos habang ang ibang mga kaluluwa ng iyong hukbo ay naiwan pa sa sa lugar kung saan sila namatay. Pagala – gala at humihingi ng saklolo. Alam mo bang ang bangkay ng iyong heneral ay nakalubog pa rin sa tubig hanggang ngayon sa kailailaliman ng lupa.”
“Ipinaalala na sa akin iyan ni Lilith,” ani ni Cassiel sa kanya. “Hindi mo na kailangan pang ungkatin pa.”
“Ah! Tama nga ang aking hinala,” sabi ni Ada na tila nagkaroon siya ng ideya sa isipan. “Kung ganoon ay ikaw ang isa sa mga nakaharap nila sa lagusan sa maliit na siyudad. Kung ganoon, ikaw ay isa sa mga supremo!”
Mabilis na nailipat sa mga royal ang balitang labanan na nangyari sa lagusan noong isang araw.
“Wala pang isang linggo ay nagkaharap na naman ang ating grupo,” ani ni Ada. “At kung sinusuwerte nga naman ako ay ako pa ang inuna niyo. Supremo, tama. Sinasabi ko na nga ba at mga supremo ng kalangitan ang nagpapatakbo sa organisasyon na narito sa lupa ngayon at nangangaso ng mga demonyo. Ang pinagtataka ko lamang ay may mga tao kayong empleyado.”
Sinipat ni Ada angbuong kwarto.
“Ngunit mukhang hindi niyo sila sinasama sa mga misyon ngayon,” sabi ni Ada dito. “Napagtanto niyo ba na mga pabigat lang sila? Makakasalanan ang mga tao at madali lang silang paluhudin sa dami ng kanilang kahinaan kaya nga natatawa kami sa katangahan niyo.”
Sadyang hindi nagsama ng mga tao si Cassiel ngayon dahil puro babae ang na sa grupo niya at malaking kamalian kung dadalhin niya ito.
“Ada,” tawag ni Cassiel sa kanya. “Ah mali. Adalene Miller. Ito na ang huling pagkakataon papatay ka ng tao.”
“Sino ka para sabihin sa akin iyan, tampalasan?” sabi ni Ada dito. “Hindi ito ang huli. Pagkatapos mo ay marami pa akong papatayin. Sayang lamang ang ganda mo dahil sisirain ko iyan ng aking mga kuko.”
“Hindi kutsilyo ang magpapagaling sa malaking sugat na nasa puso mo, Ada,” ani ni Cassiel sa kanya. “Sa tingin mo ba ay mapupunan ang hinagpis sa puso mo kung gagawin mo sa iba ang nangyari sa iyo?”
Napatawa naman si Ada sa sinabi ni Cassiel sa kanya.
“Wala na akong nararamdamang awa,” ani ni Ada sa kanya. “Tama ka at puno ng hinagpis at galit ang aking puso kaya nga ginagawa ko ito.”
“Kung paulit ulit na talim ang gagamitin mo panggamot sa iyong sugat ay paulit ulit ka lamang masasaktan,” sabi ni Cassiel dito. “Paulit ulit lamang na magdurugo ito at lalaki.”
“At sa laki nito ay wala ng gamot ang makapagsasara sa sugat na nabuksan,” ani ni Ada. “Anghel, kailangan ko pa bang ulit ulitin sa iyo? Nagsasayang ka lang ng oras kaya itikom mo na ang bibig mo. Wala kang mapapala sa akin.”
“Hayaan mong gamutin ko ang iyong sugat,” ani ni Cassiel sa kanya na nagpaawang ng kanyang labi.
Kahapon habang pinapakinggan ni Cassiel ang mga kanta ni Ada ay puno ito ng galit at krimen ngunit may napansin siya na laging nababanggit sa bawat kanta ng dalaga. Iyon ay ang mga kataga sa kanyang kanta na na sa wikang ingles –
When will a flower bloom in a wildfire? When will the bitter peony sweeten again?
Sa lahat ng kanta ni Ada ay nakalagay ito. Maging ang mga litrato nito ay may bulalak na peony na kulay itim.
Isa lang ang naiisip ni Cassiel dito.
“Napakinggan ko ang mga kanta mo,” sabi ni Cassiel kay Ada at ibinagsak sa upuan ang album na hawak hawak. “Puno ng galit ang halos lahat ng nilalaman ng kanta ngunit may parte dito ng hinagpis. Alam mo ba kung ano ang hinagpis na tinutukoy ko? Ang katotohanang nagtatanong ka.”
“Kalokohan,” ani ni Ada. “Sa tingin mo ba ay naghahanap ako ng gamot? Ang isang tulad ko ay naghahanap ng gamot?! Huwag kang magpatawa dahil ang tanging hanap ko ay kaguluhan at kasamaan.”
“Kailan tutubo ang bulaklak sa nag aalab na apoy? Kailan muling tatamis ang mapait na bulaklak?” sabi ni Cassiel kay Ada. “Alam mo ba ang sagot sa tanong mo? Kapag humingi ka ng tawad. At kapag nagsisi ka sa iyong mga kasalanan.”
Hinigpitan ni Ada ang pagkakahawak sa kanyang tiyara at sumugod kay Cassiel. Agad na kinuha ni Cassiel ang nakatagong latigo sa kanyang tagiliran upang ihampas ito kay Ada at ng hindi makalapit si Ada sa kanya.
“Ang isang tulad mo ay walang karapatn gamutin ang isang sugat,” sabi ni Ada sa kanya. “Pagka’t ikaw ang dahilan ng libo libong sugat sa iyong mga nasasakupan dati.”
Binuksan ni Filomena ang bubble gum na hawak hawak niya at itinapon ang walang lasang bubble gum sa kanyang bibig. Pinalitan niya uli ito ng matamis tamis na bubble gum na bago. Hindi na napahinga ang bibig ng dalag sa kakanguya ng bubble gum. Paboritog paborito niya ito pati na ang gumamela.
Pinagmasdan niya ang malaking gusaling na sa harapan niya ngayon. Ito ang kanyang misyon ngayon. Ang hanapin angd emonyong nanggugulo sa mga tao. Ayon sa papel na nagkukuta ay narito ang isang royal at ang misyon niya ay ang hanapin ito at kung sino ito.
Medyo mahihirapan siyang gawin iyon sa dmai ng labas pasok sa kompanya lalo na at magaling magtago ang mga demonyo sa kumpol ng mga tao.
Akmang hahakbang siya patawid ng kalsada noong may maliit na kampanilya ang tumunog sa di kalayuan sa kanyang kinalalagyan.
Napatingin siya dito at nakita niya ang bumukas na pinto. Nakasabit ang kampanilya sa pintuan at tinatamaan ng maliit na string sa tuwing ang pinto ay gagalaw. Noong magsarado ay nakita niya ang mga bulaklak sa gilid at ang tunay na pumukaw ng kanyang mga mata ay ang mga gumamelang nakalagay sa paso at nakapila sa malaking estante na nasa harap ng tindahan.
Labis na tumalon ang puso niya sa mga nakita. Iba’t iba ang kulay nito. May bughaw, kalimbahin, kahel, mabaya at puti. Ang pinakapaborito niya dito ay ang kulay na kunig na may kulay pula sa gitna nito.
Nilapitan niya ito at pinagmasdan. Ito ang sinasabi sa kanya ni Helena na malaking tindahan ng mga bulaklak. Mayroon na siyang pantanggal ng pagod pagkatapos niya trabahuhin ang kanyang misyon. Labis siyang natutuwa sa kanyang mga nakikita. Marami na siyang gumamela sa tinutuluyan niya ngayon ngunit sa tuwing nakakakita siya nito ay gusto niya uli mag uwi.
Muling tumunog ang kampanilya ng pintuan sa pagbubukas nito at lumabas ang isang lalaki noong mapansin niyang may tumitingin ng kanyang mga panindang bulalak.
“Gumamela,” ani nito na nagpatigil kay Filomena. “Binibini bagay sa iyo ang gumamela. Tama ang bulaklak na tinignan ng iyong mga mata.”
Malakas na tumibok ang puso ni Filomena noong marinig ang napakapamilyar na boses ng lalaki. Ito ang boses na kahit kay tagal niyang hindi narinig ay habang buhay niyang matatandaan.
Unt unting itinaas ni Filomena ang kanyang tingin upang tignan ang lalaki na kumakausap sa kanya.
Halos lumabas ang kanyang puso sa dibdib noong mapagtanto na ito ang lalaking matagal na niyang hinihintay.
Napatulala siya dito at namuo ang mga luha sa gilid ng mga mata.
“Ang puting gumamela ay sumisibolo ng kagandahan at kadalisayan,” pagpapaliwanag ng lalaki dito. “Ang kalimbahin naman ay pagkakaibigan, samantalang ang pula ay sumisibolo ng silakbo ng damdamin at malalim na romantikong pagmamahal, ang morado ay para sa mga mahaharlika at ang kunig naman ay kasiyahan at tagumpay.”
Napansin ng lalaki ang mga luhang namumuo sa mata ng dalaga.
“A-ah bakit?” tanong lalaki at naglabas ng panyo saka inabot kay Filomena. “May naalala ka ba sa mga bulaklak? Niloko ka ban g taong nagbigay sa iyo ng bulaklak?”
Tinanggap naman ni Filomena ang panyo ng lalaki at napapunas ng kanyang mata.
Umiling iling siya.
“Hindi,” sagot niya.
“Kung ganoon ay bakit ka umiiyak, binibini?” tanong ng binata sa kanya. “Hindi ba naging maganda ang araw mo ngayon?”
Umiling iling si Filomena.
“Kung alam mo lamang, ginoo,” ani ni Filomena at napangiti. “Labis nlabis na nagagalak ang puso ko pagka’t dumating na ang matagal kong hinihintay.”
Titig na titig si Filomena sa binata. Hindi siya nagkakamali. Ito nga ang kilalang lalaki niya dati ilang taon na ang nakalipas. Maging ang boses nito ay hindi nagbago. Ito pa rin ang itsura ng binata noon at ngayon. Damit lamang nito ang naging bago at naging moderno na.
“Ah,” sabi ng binata at napangiti. “Luha ng kasiyahan. Bagay angang dilaw na gumamela sa araw na ito para sa iyo binibini.”
Hindi siya nakikilala ng lalaki dahil wala na ang memorya nito sa nakaraang buhay. Iba na ang buhay na tinatahak ng lalaki ngayon.
Ngunit hindi na mahalaga pa iyon kay Filomena ang mahalaga sa kanya ay nakita iyang muli ito.
“Sige,” ani ni Filomena habang nakangiti. “Pagbilan mo ako ng dilaw na gumamela.”
Tumango naman ang binata at kinuha ang isang gumamela sa may estante. Pumasok ito sa tindahan at sumunod si Filomena. May kaonting upuan sa loob ng tindahan at may mga nakakapeng mangilan ngilan na tao.
Napaawang ang labi ni Filomena nang makitang may mga tinda ring bubble gum ang binata sa may counter.
“Parang pamilyar ka,” ani ng binata sa kanya.
Nagulat naman si Filomena sa sinabi nito.
“Talaga?” tanong ni Filomena at nagbiro. “Naalala mo ba kung saan tayo nagkita.”
“Hmm,” nag – isip naman ang lalaki. Matapos ay umiling iling. “Hindi ko matandaan pero pamilyar sa akin ang maganda mong mukha binibini.”
Napatawa naman si Filomena sa sinabi nito.
“Samahan mo na rin ng limang bubble gum,” sabi ni Filomena habang nakatitig lamang sa binata na inaayos ang kanyang pinamili.
“Mahal nakita mo ba yung maliit na pala?” ani ng isang dalaga na lumapit sa binata.
“M-mahal?” tanong ni Filomena.
"Ah, oo,” sagot ng binata at niyakap ang babae sa may bewang. “Fiance’ ko. Ang ganda niya di’ ba?”
Natameme si Filomena sa narinig.