“Gaya ninyo ay napapalitan rin ang mga nakapwesto sa labindalawang posisyon sa royal at sa oras na matalo ng isa ang isa ay makukuha niya ang posisyon nito. Hindi naman siguro lingid sa kaalaman niyo ang ganoong sistema, hindi ba? Batid niyong isang kahilingan ang naghihintay sa inyo kapag natapos niyo ang inyong pinakamisyon at maraming anghel rin ang may gustong pumalit sa inyo kaya naman inaasahan ko na gagawin niyo ang lahat ng inyong makakaya para marating ang rurok ng tagumpay.”
“Ngunit paano mo nalaman ang bagay na iyon?” tanong ni Valsen. “Sinabi mo ang patungkol kay Hadiyaah.”
“Gaya nga ng sinabi ko ay nanggaling ang impormasyon na iyon sa libro ng karunungan,” ani ni Helena. “Ang librong ito ay naglalaman ng lahat ng katotohanan sa lahat at tanging makakapangyarihan nilalang lamang ang may kakayahang makalapit rito, ngunit hindi na kumpleto ang librong iyon pagka’t nawasak ito sa maraming bahagi ilang daaang taon na ang nakalipas. Dahil sa kasakiman na mapasakanya ang libro ay sinira na lamang ito ay ibinudbod sa magkakaibang lugar. Sa ngayon ay hinahanap natin ang mga pahina nito at ikaw Delevin ang itatalaga ko na sumama sa grupo nila Lola upang sumama maghanap ng mga pahina. Malaki ang magiging tulong sa atin ng librong ito kaya naman inaasahan ko na kapag napunta ka na sa grupo nila Lola ay mas mapabibilis ang paghahanap.”
“Asahan mong gagawin ko ang lahat upang mapabilis ang paghahanap, Heneral,” sagot ni Delevin dito.
“Magaling,” ani ni Helena at nagpatuloy sa diskusyon. “Tiyak akong naroon rin ang impormasyon patungkol sa ginintuang sinulid at karayom na makapagsasara ng mga portal dito sa lupa. Peter, ikaw ang itatalaga kong magbantay sa karagatan. Sasamahan mo ang reyna Eleina at Haring Abelard ng karagatan upang protektahan ang kanilang nasasakupan. Ano mang oras ay maaring sumugod na roon sila Calirop at Asmodeuz upang sakupin ito. Hindi magiging maganda kung lalabas ang mga halimaw sa dagat kaya naman ipinauubaya ko na sa iyo ang misyon na ito dahil naniniwala ako na ikaw ang pinakabagay sa misyon na ito.”
“Kung sa tingin mo ay ako nga ang nababagay sa misyon nito ay malugod kong tinatatanggap ang iyong ipinag uutos, heneral,” ani ni Peter dito.
“Mabuti,” ani ni Helena sa mga ito. “Hindi tayo sigurado kung gaano karami ang mga hukbo nila at kung gaano kalakas na sila ngayon kaya naman kinukuha natin ang lahat ng pagkakataon upang lagasin sila. Mahirap na ang mahuli sa pagbunot ng baraha. Nakita niyo ba kung mayroong portal sa kanilang kuta?”
“Mayroon,” ani ni Filomena. “Malaki at panandalian naming tinakpan ni Peter ang lagusan ngunit hindi rin magtatagal ay masisira ang takip na inilagay namin.”
Tumayo si Aciera at tinanggal ang mga sinulid sa tridenteng hawak – hawak.
“Kung hindi lang sana nanakaw ang sinulid at karayom ng kalangitan,” ani ni Helena at napatingin kay Aciera habang naglalakad ito patungo sa kanya. “Tridente ng dagat.”
Iniabot sa kanya ni Aciera ang tridenteng hawak – hawak.
“Nakuha ko ito mula kay Calirop,” sabi ni Aciera. “Maswerteng hindi niya ito nabawi sa amin. Kakaiba ang lakas ng sirenang iyon, napuruhan niya ako. Hindi ko inaasahan na ganoon kalakas ang mag sirena.”
Kinuha naman ni Helena ang tridente na hawak ni Aciera at napatitig dito.
“Pagka’t si Calirop ang ikalawang anak ni Haring Abelard at reyna Eleina. Galing siya sa maharlikang pamilya at siya rin ang pinakamalakas na anak nila haring Abelard at reyna Eleina kaya naman hindi na ako nagtataka pa kung isinama siya ni Asmodeuz dahil ampapakinabangan niya ng husto ang kapangyarihan ng prinsesa. Ngunit dahil nakuha mo Aciera ang tridente ni prinsesa Calirop ay nabawasan ng malaki ang kanilang lakas. Ito ang kalahating porsyento ng kanilang kapangyarihan. Kaya nitong sirain ang isang siudad ng isang bagsakan lamang.”
Napatingin si Helena sa bandang baba ng tridente. May ibang mga letra ang nakasulat iyon ngunit lubos niyang naiintindihan ang mga nakasulat doon.
Nakasulta roon ang pangalang Calirop at isang sumpa.
“May sumpa ang tridente ni Calirop,” ani ni Helena sa mga kasama. “Peter, sa pagpunta mo sa karagatan ay isasaoli mo ang tridenteng ito sa kaharian nila Haring Abelard dahil magdudulot ng sakuna sa ibabaw ng lupa ang tridenteng ito kung hindi si Calirop ang may hawak. Sa unang pagpunta mo roon ay isasama mo si Aciera dahil batid kong aabangan kayo nila Asmodeuz upang mabawi ang tridenteng ito. Ikaw na Aciera ang mag – ulat sa kanila ng mga nangyari dito sa lupa.”
“Masusunod,| ani ni Aciera at tinanggap pabalik ang tridente ni Calirop saka niya binalot muli ito sa kanyang sinulid.
“Mag – iingat kayo pagka’t mararamdaman ng may ari ang tridenteng iyan kung malapit lang sa kanya. Huwag na huwag niyong hahayaang mapasakamay uli ni Calirop ang tridente kung sakali man na mag aabot kayo ng landas. Malaking sakuna ang mangyayari kung mapapasakamay niya pa ito hanggang na sa grupo siya ni Asmodeuz.”
“Maaasahan mo kami,” ani ni Peter at napatingin kay Aciera na ngayon ay napatingin rin sa kanya.
Bumalik na si Aciera sa kanyang upuan.
“Filomena,” tawag ni Helena sa kanya. “Batid kong lubos ang pagmamahal mo sa mga bulaklak kaya naman ikaw ang aatasan kong magbantay sa isang malaking kompanya na nagtitinda ng mga bulaklak. Nakatanggap kami ng ulat mula s akabilang departamento sa mga kakaibang acktibida na ginagawa ng may – ari nito. Maraming tao ang nakapaligid sa kanilang kompanya at maraming tao na rin ang nawala roon. Mga empleyadong hindi na muling nakita. Pagkatapos ng pagtitipong ito ay makukuha mo ang iba pang mga impormasyon patungkol dito.”
Tumango naman si Filomena bilang pag sang ayon dito.
“Iulat niyo na sa papel ang mga napansin niyong kakayahan ng mga nakawalang kalaban sa inyo, magagamit natin iyon lalo na kung iba ang makaharap nila ay mabuting meron silang alam s amga demonyong kalaban. Ang ibang hindi pa naatasan ng misyon ay maghintay lamang at ibibigay ko rin ang misyon niyo sa lalong madaling panahon. Mayroon pa ba kayong itatanong o suhestiyon?” tanong ni Helena at tinignan isa isa ang mga mandirigmang anghel. Ilang minute ang lumipas ngunit wala ng sumagot pa. “Kung gayon ay tinatapos ko na ang pagtitipon na ito. Makakalabas na kayo at maghintay na lamang sa susunod pang mga anunsyo.”
Nagsitayuan naman ang mga anghel upang lumabas na ng kwarto.
“Valsen,” tawag ni Helena sa lalak kaya napatigil naman ito at napatingin sa kanya. Nilapitan siya ni Helena. “Hindi ko nais na makielam kung ano mang koneksyon ang mayroon sa inyo ni Hadiyaah sa nakaraan niyng buhay ngunit ipapaala ko sa iyo na kalaban na natin siya at huwag kang babagsak sa kanya.”
Medyo nagulat si Valsen sa sinabi ni Helena na alam nitong may koneksyon silang dalawa ni Helena ngunit napaisip rin siya sa naging tanong kanina kaya sa haka niya ay ito ang dahilan kaya nalaman ni Helena na may koneksyon sila dati.
“Huwag kang mag – alala,” ani ni Valsen dito. “Hindi ako mapababagsak ng isang katulad niya at alam ko na wala siya kundi isang kalaban lamang.”
“Sana nga,” ani ni Helena dito. “Sana nga ay ganoon katibay ang pundasyon mo. Hindi natin maiiwasang halungkatin ang nakaraan lalo na at mga tuso ang demonyo. Sisisihin ka nila ng sisihin.”
Akmang paalis na si Helena noong hawakn siya ni Valsen sa braso at pigilan.
“Anong pang nalalaman mo?” tanong ni Valsen dto dahil batid ng binata na madaming alam si Helena patungkol sa kanila at mas nagulat pa siya sa mga sinabi nito sa kanya ngayon ngayon lamang.
Tinanggal naman ni Helena ang kamay ni Valsen sa kanyang braso at dahan dahang ibinaba ito saka napatitig sa lalaki.
“Gaya ng?” tanong niya. “Madami akong alam at napakalawak ng tanong para sagutin ko.”
“Sa amin ni Hadiyaah,” ani ni Valsen dito.
“Ang masasabi ko lamang ay tibayan mo ang pundasyon mo,” ani ni Helena dito. “Dahil ikaw ang dahilan kung bakit siya naroon.”
Napaawang ang labi ni Valsen sa narinig.
“Mukhang bumibigay ka sa mga narinig mo, Valsen,” ani ni Helena ng makita ang reaksyon ng lalaki. Kahit malalmig ang emosyon nito ay nakikita ni Helena sa mga mata ng binata ang katotohanan. “Paano mo pa kaya mapapanghawakan ang sinabi mo kani kanina lang kung sa mga simpleng salitang narinig mo ay nagkakaganyan ka na.”
Tinapik ni Helena si Valsen at saka iniwan na itong mag – isa sa kwarto.