Third Person Point of View
Napahawak si Valsen sa kanyang ulo. May kumakain sa kanya. Isang bagay na matagal na niya dapat tinapon noong maging anghel siya. Kinakain siya ng konsensya. Ang konsensya ng kasalanan na nagawa niya dati. Hindi, hindi iyon matuturing na kasalanan. Ginawa niya lamang ang kanyang trabaho ngunit dahil doon ay maraming nawalang buhay.
Minsan ay napapaisip siya kung anong mali ba iyon o tama. Kung kasalanan ba iyon o katangahan. Maging ang isipan niya ay nagugulo kung ano ang tawag sa nangyaring iyon pagka’t nakalipas man ang ilang araw, ang ilang buwan, ang ilang taon, at ang ilang dekada ay hanggang ngayon ay nilalalamon pa rin siya ng konsensya. Isang konsensya na kahit ano atang mangyari sa kanya ay patuloy niyang dadalhin habang dilat ang kanyang mga mata.
Napasaldak si Valsen sa kanyang upuan at doon ay naalala niya muli ang sinabi ni Helena. Kung paanong sinabi nito na siya ang dahilan kung bakit naroon si Hadiyaah. Naalala niya muli noong nakita niya si Hadiyaah sa laban nila. Ang mga matang malambot kung tumingin sa kanya dati ay hindi na niya nakita ngayon. Puno n aito ng tapang at talim. Kung nakakahiwa lang ang tingin ay nahiwa na siya sa laban nila sa isang milyong piraso. Ang mga matamis na ngiti ng dalagang ibinibigay sa kanya noon ay hindi na mababakas pa ngayon. Ang maliwanag na suot suot nito dati kapag magkasama sila ay napalitan na ng itim ngayon.
Sa tingin niya ay nagbago na ito. Binago na ito ng nakaraan at ng panahon ngunit isa lang ang bagay na masisisgurado ni Valsen. Ang puso niya ay patuloy na tumitbok kay Hadiyaah.
“Mas nararapat maging heneral si Hadiyaah,” napatigil si Valsen sa kanyang paglalakad noong mula sa di kalayuan ay narinig niya ang mga nag – uusap na mandirigma ng kanilang kaharian. “Kitang – kita naman natin na sa kahit anong anggulo ay mas lamang si Hadiyaah sa kanya.”
Napasandal si Valsen sa pader na pinagtataguan niya. Alam niya naman na pinag – uusapan na siya. Alam niya rin na maraming boto kay Hadiyaah ngunit bakit masakit pa rin sa kanya kapag nakakarinig siya ng mga ganitong usapin.
Nagulat siya noong may magtakip ng kanyang mga tenga mula sa kanyang likuran. Malambot ang kamay nito. Agad humarap sa taong iyon upang malaman kung sino ang may gawa. Nakita niya ang isang dalagang nakangiti sa kanya. Napansin niya agad ang maliwanag na kulay kayumanggi nitong mga mata. Matangos ang ilong nito at matamis na nakangiti sa kanya ang kulay kalimbahin na labi. Manipis lamang ang itaas na labi nito at mas makapal naman ang nasa ibaba. Kitang kita niya ang nakaumbok na pisngi nito dahil sa pagkakangiti. Ang buhok nito na medyo pakilot at hanggang balikat ay itim na itim.
Bahagyang napalayo si Valsen sa babaeng iyon. Hindi niya iyon kilala ngunit nakikta niya sa madalas sa mga kumpol ng tao na nanonood sa kanyang pakikipaglaban. Sa wari niya ay isa itong mandirigma dahil sa tipo nito manamit.
“Magandang umaga,” bati sa kanya ng magandang dalaga habang ang labi ay ngiting – ngiti pa rin sa kanya.”
Napatingin ang dalaga sa hawak niyang espada.
“Mukhang nakahanda ka na sa darating niyo na paglalaban mamaya ni Hadiyaah,” ani nito sa kanya sa ka muling bumaling sa kanya.
“Sino ka?” tanong ni Valsen dito at tinignan ang dalaga mula ulo hanggang paa. Nakasuot ito ng balat ng hayop sa bandang itaas habang mahaba ang palda nitong aabot hanggang sa paa at may panangga ito sa kanang kamay na gawa sa pilak. “Bakit ka narito? Bakit mo tinakpan ang mga tainga ko? Magkakilala ba tayo?”
Napahagikgik naman ang dalaga sa naging reaksyon ni Valsen sa kanya. “Hindi mo ako kilala ngunit alam ko ang iyong pangalan. Ikaw si Valsen hindi ba?” tanong ng dalaga. “Valsen, ako si Erapel ang isa sa mga taga hanga mo. Naniniwala ako sa iyong kakayahan. Mas nararapat kang mamuno kaysa kay Hadiyaah. Magaling si Hadiyaah ngunit may isang bagay na meron ka ang wala siya kaya naman na sa iyo ang aking boto.”
Ngayon niya lamang narinig ito. Na may isang taong may boto sa kanya. Hindi niya alam kung nagsisinungaling ito ngunit labis labis na siyang natutuwa sa kanyang mga narinig. Kung titignan niya naman ang dalaga sa itsura nito ay malabong magsinungaling ito sa kanya. Maamo ang mukha nito at malambing ang boses. Hindi ito makabasag pinggan.
“Erapel,” pag – uulit ni Valsen sa pangalan ng dalaga. “Isa ka bang mandirigma rin?”
Tumango tango naman si Erapel sa kanya.
“Ako ang nangunguna sa grupo ng mga manggamot sa digmaan,” pagsisimula ni Erapel. “Magaling rin ako makipaglaban upang maprotektahan ang aking sarili dahil sa labanan ay kami ang dapat na huling mamamatay.”
Mas lalong namangha si Valsen dito. Ito ay isa sa may mga mataas na posisyon ngunit boto ito sa kanya kaya naman labis na sumasaya ang kanyang puso sa mga oras na iyon.
“Kung ganoon ay ano ang nakita mo sa akin na hindi mo nakita kay Hadiyaah?” tanong ni Valsen sa dalaga.
“Hindi mo ba nakita kay Hadiyaah ang tinutukoy ko?” tanong ni Erapel sa kanya pabalik.
“Paano ko naman malalaman?” ani ni Valsen. “Halos lahat na ata ay mayroon si Hadiyaah. Napakagaling niya.”
“Hmmm,” ani ni Erapel ay hinawakan ang baba at mariing sinusuri ang binatang kaharap niya. “Malalaman mo rin.”
“Bakit hindi mo pa sabihin sa akin ngayon?” tanong ni Valsen kay Erapel na tila naiinip na at gustong gusto malaman ang nakita ng dalaga sa kanya.
Umiling – iling naman si Erapel dito.
“Hindi ko sasabihin,” ani ni Erapel at tumawa. “Alamin mo iyon, Valsen.”
Para namang batang napamukmok si Valsen sa harap ng dalaga. Nanlaki bahagya ang kanyang mga mata noong inabot ni Erapel ang kanyang kamay sa binata.
“Nagagalak ko na pormal na tayong magkakilala ngayon, Valsen,” ani ni Erapel sa binata habang hinihintay na abutin ni Valsen ang kanyang kamay.
Bahagyang napaisip si Valsen sa ginawa ni Erapel ngunit sa huli ay inabot niya rin ito at nakipagkamay. Napatingin si Valsen sa mga matang nakangiti sa kanya. Sa kayumanging mga mata nito na kay gaan at liwanag. Pakiramdam niya ay gumagaan ang paligid dahil kay Erapel.
“Ako rin,” sabi ni Valsen dito. “Natutuwa akong makilala ang isang tulad mo. Bagay sa iyo ang iyong trabaho. Wala ka pang ginagawa ay tila gumaan na ang lahat sa akin. Sa palagay ko ay puno ng positibo ang enerhiyang bumabalot sa iyo.”
“Talaga?” hindi makapaniwalang tanong ni Erapel at mas lalong napangiti.
“Oo,” ani ni Valsen. “Sa katunayan nga ay nawala ang lungkot kong nadarama kanina noong dumating ka.”
Matapos ay dalawa silang napatawa ngunit naputol iyon ng mapansing nilang nakatingin sa kanila ang isang babae na nakatayo sa di kalayuan.
Nakaipit ang mahabang buhok nito at nakasuot ito ng damit pandigma na gawa sa pilak. Hawak – hawak nito ang isang pirasong palaso sa kanang kamay.
Malungkot ang mga mata nitong nakatingin sa kanila habang ang labi ay nakapababa rin.
Lumapit ito sa kanila at tinitigan si Erapel.
“Punong manggamot,” tawag nit okay Erapel. “Anong ginagawa niyo rito?”
Gaya ng kay Erapel ay napakatamis rin ng boses ng dalagang si Hadiyaah. Ang matangos na ilong nito, pinong kutis, mapupungay na mga mata, at maliit na labi ang nagbibigay mukhang inosente sa mukha ng dalaga yun nga lang ay mabangis ito pagdating sa labanan.
“Nag – uusap lamang kami ni Valsen,” sabi ni Erapel kay Hadiyaah. “Pinag – uusapan namin ang laban niyo bukas.”
“Kailan pa kayo naging magkakilala?” tanong ni Hadiyaah dito.
“Bakit mukhang interesado ka?” tanong ni Erapel sa dalaga at tinapunan ng ngiti.
Huminga naman ng malalim si Hadiyaah.
“Naitanong ko lamang,” sabi ni Hadiyaah at bumaling kay Valsen. “Bakit pakalat – kalat ka rito? Hindi ba dapat ay nagsasanay ka para sa laban natin bukas. Baka mamaya ay mapatay pa kita sa laban kung haharap ka sa akin ng ganyan.”
“Ngunit mas magaling humawak sa iyo ng sandata si Valsen,” ani ni Erapel.
Napatingin naman si Valsen at Hadiyaah sa punong mangagamot.
“Siguro ay hindi niyo lamang napapansin dahil sa mga sinasabi ng tao na mas magaling ka,” ani ni Erapel. “Kaya ang akala ng lahat ay mas magaling ka talaga sa lahat ng anggulo.”
Napatingin naman sa ibaba si Hadiyaah at matapos tinignan muli si Erapel.
“Interesado ka ba sa mandirigmang ito?” tanong ni Hadiyaah sa babae. “At maging iyon ay napansin mo. Mapapansin mo lamang iyon kung inoobserbahan mo siyang mabuti.”
“Sabihin na lamang natin na nakikita ng aking mga mata ang bawat galaw niyo at nakikita ko kung ano ang lamang ng isat isa sa inyo,” ani ni Erapel. “Magaling si Valsen kaya naging interesado ako sa kanya. Isa ako sa mga taga hanga niya.”
Ngumiti naman si Hadiyaah sa dalawa.
“Ganun ba?” ani ni Hadiyaah at tumingin sa mga mata ni Valsen na nakatingin sa kanya. Itim na itim ang mata ng binata. “Nagagalak ako na may naniniwala sa kakayahan mo mandirigma.”
“Valsen,” ani ni Valsen dito habang diretsong nakatitig kay Hadiyaah. “Pwede mo akong tawagin sa aking pangalan na Valsen. Kung ano man ang magiging resulta buka ay malugod kong tatanggapin iyon man ay pagkapanalo o pagkatalo.”
“Hindi,” ani ni Hadiyaah sa binata. “Ang desisyon na iyan ay papasok pagkatapos ng laban. Ang dapat na iniisip mo ngayon ay kung paano ako matatalo. Paano ka magiging heneral kung ganyan na agad ang iniisip mo. Hindi ba dapat ang iniisip mo ngayon ay gagawin mo ang lahat matalo lang ako. Tama ako hindi ba, punong manggamot?”
Napahagikgik naman si Erapel sa sinabi ng babae na lubhang ipinagtaka ng dalawang kaharap niya.
“Hadiyaah,” tawag ni Erapel dito. “Hindi mo talaga maitago sa loob ng iyong pilak na panangga ang namumukadkad na pulang rosas sa dibdib mo. Masasabi kong tama ka nga. Valsen, ngayon pa lamang ay binabati na kita.”
Lubha namang nagtaka si Valsen sa mga sinabi ni Erapel.
“Ano ang ibig mo na sabihin?” tanong ni Valsen dito. “Lubha akong naguguluhan. Hindi ba ay hindi mo dapat ako binabati ng mas maaga dahil baka mausog ang aking pagkapanalo.”
Napatawa naman si erapel dito at maging si Hadiyaah ay napayuko dahil napatawaa ito ng bahagya sa sinabi ng binata.
“Naniniwala ka roon?” tanong ni Erapel. “Maniwala ka sa kung anong na sa harap mo.”
Napaisip naman si Valsen sa sinabi ni Erapel at muling napatingin kay Hadiyaah na nasa harap niya lamang.
“Erapel,” napatingin sila sa isang lalaking papalapit sa kanilang kinalalagyan. “May mga sugatan. Kailangan nila ang iyong tulong.”
Napatingin naman si Erapel kay Valsen.
“Mauuna na ako, Valsen,” ani ni Erapel. “Magkita muli tayo bukas.”
Tumango naman si Valsen dito at nagpaalam. Pinagmasdan niya ang babae habang palayo na ito ng palayo. Ilang minuto ang nakalipas ay naalala niya na kasama rin nila kanina si Hadiyaah kaya naman napatingin siya sa kinaroroonan nito ngunit wala na ito rito. Luminga linga pa siya upang hanapin ang dalaga ngunit hindi na niya makita ang bakas nito. Kay’ bilis nawala tulad ng isang bulang pumutok na lang bigla sa hangin.
Napailing – iling na lamang si Valsen. Minsan ay nagtataka rin siya sa mga inaasta ng babaeng si Hadiyaah dahil ni kahit minsan kahit magkalaban sila ay hindi niya nakita ang matatalim na tingin nito na kinatatakutan ng mga mandirigma. Iniisip niya na lamang nab aka kuwento kuwento lamang iyon.