Kabanata 10

2390 Words
Third Person POV Isang may katabaang lalaki ang malawak na nakangiti habang hinahaplos nito ang isang kahon. Sa bawat haplos nito sa kahon ay lumalawak ang kaniyang pagkakangiti. Tok.Tok.Tok.Tok. Nawala ang ngiti ng matabang lalaki at tumikhim. “Pasok” “Pinunong Argus, sana ay hindi ko kayo naabala” sinulyapan ni Dark ang kahon na nakapatong sa itaas ng lamesa ng matabang lalaki. Tumayo si Pinunong Argus, dahil sa katabaan nito ay bahagyang tumama ang kaniyang malaking tiyan sa lamesa. Hinila ng matabang pinuno ang suot niyang puting kamiseta na may manggas upang matakpan ang tiyan niyang lumalabas na. “Kailan man ay hindi magiging abala ang bayani ng Grandi sa akin” ngiting sambit ng matabang pinuno. Nilapitan nito si Dark at pinaupo. CREAAAAA----- Rinig na rinig ni Dark ang langitngit ng upuan ng umupo ang matabang pinuno sa kaniyang upuan. “Naririto ako ngayon sapagkat nabalitaan ko na……” iginala ni Dark ang kaniyang paningin sa paligid. May iilang kahon ang naroroon na gawa sa kahoy. “dumating na ang mga premyo sa pagkapanalo ko sa Tournament” bahagyang nawala ang ngiti ng matabang pinuno sa kaniyang mukha ngunit bumalik din ito. Bahagyang umbo si Pinunong Argus. “Napakabilis naman na dumating sa iyo ang balita” ngiting pahayag nito “Ngunit tama ka, ang mga kahong naririto ang premyo sa pagkapanalo mo sa Tournament” bahagya pang tinapik tapik ng matabang pinuno ang kahon na nakapatong sa kaniyang lamesa. “Ako na ang bahala na ipamahagi ang mga ito sa mga taga Grandi” tumitig si Dark sa matabang lalaki at bahagyang ngumiti. “Ang totoo niyan ay nais kong ako ang magbigay ng premyo ko sa mga taga Grandi. Maaari ba iyon?” natigilan ang matabang lalaki sa narinig at pilit na ngumiti. “Wala ka bang tiwala sa akin?” seryoso ngunit may halong pagbabantang sambit ng pinuno. “Ang sabi mo isa akong bayani ng bayan. Ngunit mukhang hindi mapagbibigyan ang isang bayani sa munting kahilingan niyang ito” tumayo si Dark at muling nilibot ang kaniyang paningin. “Isang linggo mula ngayon ay magtutungo ako sa kaharian. May pagkakataon akong tanungin ang prinsipe sa naging premyo ko sa Tournament up---” “MAAARI!” napatigil si Dark sa pagsasalita ng mabilis na tumayo at nakangiting lumapit ang pinuno sa kaniya. “Maaari ikaw ang magbigay ng iyong napanalunan sa Tournament sa bayan. Hindi mo na kailangang tanungin pa ng ganoon ang prinsipe lalo na at maliit na bagay lamang ito. Halika--- Arlando! Ilabas mo ang mga kahon na premyo ng Grandi at dalhin sa sentro ng bayan.” Sa kaharian ng Zendar, sa silid trono nakaupo ang isang binatang may kulay asul na buhok at dilaw na mga mata. Nakaupo ito sa isang trono na para sa prinisipe ng kaharian, naisin man ni Prinsipe Aaron Sage Kreig na umupo sa trono ng hari ay hindi nito binalak lalo na at iniiwasan niya ang kahit na ano mang usapan na makakasira sa kanyang imahe. Napakuyom ito ng kamao at sinasambit sa kanyang isipan na dalawang taon na lamang ang kailangan niya upang opisyal na umupo sa trono ng hari at magsuot ng korona na para sa hari ng Zendar. Naantala ang pagiisip ng prinsipe ng malakas na bumukas ang pinto ng silid trono, mag sasalita na sana ang prinsipe ng makita niya na iniluwa ng pinto si Heneral Rigo. Napakuyom ng kanyang kamao ang prinsipe ng makita ang wangis ng heneral, pinakalma nito ang kanyang sarili at ngumiti sa heneral. “Heneral, Bakit naririto ka?” sambit na tanong ni prinispe Sage habang marahanang nakangiti sa heneral. Kunot noong tiningnan ng heneral ang prinsipe. Hindi man lang yumuko ang heneral upang magbigay galang sa prinsipe, may inis mang nararamdaman ay hindi ito pinakita ni Sage. “Totoo ba ang aking narinig na nais mong magpakasal sa isang babaeng exousian na galing sa angkan ng mga North?” kunot noong tanong ng Heneral sa Prinsipe. Dahil sa narinig ay sumilay sa mukha ng prinsipe ang ngiti ng maalala ang mukha ng kanyang iniibig na si Binibining Samantha North. Nakita ng heneral ang ngiting ito at mas lalong kumunot ang noo ng heneral. “Hindi ka maaaring magpakasal sa babaeng iyon!” may kalakasang sambit ng heneral kay Sage dahil dito ay nawala ang ngiti sa labi ng prinsipe at napalitan iyon ng pagkakunot sa kanyang noo. “Tandaan mo ang iyong posisyon HENERAL, wala kang karapatan na pakialaman ang desisyon ko.” madiin ngunit kalmadong wika ni Sage. Bahagyang ngumisi ang heneral sa narinig na tila isang malaking kalokohan ang kanyang narinig mula sa bibig ng prinsipe. “Tandaan mo kung sino ang naglagay sa iyo sa posisyon na iyan mahal na PRINSIPE. Kung kaya kitang iluklok sa posisyong iyan ay kaya din kitang alisin diyan” sambit ng heneral k,ay Sage, sa pagkakataong ito ay si Sage naman ang ngumiti sa Heneral. “Heneral Rigo, Oh… Heneral Rigo, akala mo ba ay wala akong alam. Ilang taon na rin ako sa posisyon ko at alam ko na sa oras na muling makialam ang emperyo sa pamamalakad ng kahariang Zendar ay mawawalan ng tiwala ang ibang karatig kaharian sa emperyo. Sa oras na tuluyang mawala ang totoong namamalakad sa Kaharian ay kasabay niyon ang pag aaklas ng ibang kaharian sa emperyo. Lalo na at ako na lamang ang natitira sa aming pamilya upang mamalakad sa Kahariang Zendar, hindi mo ako maaaring palitan alam natin pareho iyan” mapanuksong wika ng prinsipe kay heneral Rigo. Napakunot ng noo ang heneral at napakuyom ng kanyang kamao. Sapagkat tama ang sinambit ng prinsipe, labing apat na taon na ang nakakaraan at nalaman ng mga karatig kaharian ang ginawang pagsugod ng emperyo sa kahariang Zendar upang paslangin ang mga namumuno rito. Dahil sa naging pagkilos na ito ng emperyo ay nabahala ang ilang kaharian na baka sila ang isusunod ng emperyo. Kaya naman nawalan ng tiwala ang mga hari ng ibang kaharian sa emperyo at sa oras na gumawa muli sila ng hakbang ay tiyak na mag aalsa ang ibang kaharian at magtutulungan laban sa emperyo. Bumuntong hininga ang heneral at pinakalma ang kanyag sarili. “Kung ganoon ay maaari mong pakasalan ang babaeng exousian na iyon ngunit hindi maaari na sabay mo silang pakasalan ng prinsesa ng emperyo” sambit ng heneral bilang pagsuko. Umiling naman ang prinsipe sa kanyang narinig. “HINDI MAAARI ANG IYONG NAIS! sapagkat pinangakuhan ko na si Binibining Samantha na pakakasalan ko siya kasabay sa prinsesa ng emperyo. Hindi ko babawiin ang aking sinambit” matigas na wika ni Sage. Dahil dito ay tuluyang nagalit ang heneral. “IKAW! Ano sa tingin mo ang iyong ginagawa at tila hindi mo binibigyan ng galang ang posisyon ng prinsesa ng emperyo!” galit na saad ng heneral makikita ang mabilis na pagtaas at pagbaba ng dibdib nito dahil sa galit. Napakunot ng noo ang prinsipe. “Nangako ako at dahil isa akong prinsipe at magiging hari ng kaharian ay hindi ko maaaring bawiin ang aking sinambit kaya naman pakakasalan ko si Binibining Samantha kasabay ng kasal nami ng prinsesa ng emperyo” mariin at seryosong wika ni prinsipe Sage. Galit man ay pilit na pinakalma ng heneral ang kanyang sarili.. “Isang prinsesa ang pakakasalan mo, higit pa rito ay prinsesa siya ng emperyo, kahit na hindi ganoong pinapaburan ng emperyo ang prinsesa ay hindi magbabago na prinsesa pa rin siya ng emperyo. Kung nais mong magpakasal ng sabay ay kailangan na katumbas ng posisyon ng prinsesa ang kontribusyon ni Binibining Samantha” wika ng Heneral sa prinsipe, seryosong tumingin si Sage kay Heneral Rigo. “Hindi ba’t kulang ng isang exousian ang mga pangkat ng nanalo sa Tournament of Power. Bakit hindi mo isama si Binibining Samantha sa pangkat na iyon. Tutal ay lalaban ang grupo na iyon sa grupo ng mga nanalo sa ibang kaharian. Kung mananalo ang grupo ng Zendar sa ibang kaharian ay malaking pagkilala iyon sa lakas ni Binibining Samantha at maaari mo na siyang pakasalan kasabay sa kasal ng prinsesa” paliwanag ng heneral sa prinsipe. Sandaling natahimik ang paligid at ilang sandali pa ay napangiti si Sage. “Kung gayon ay kakausapin ko si Binibining Samantha ss iyong suhestiyon” matapos magsalita ay isang tagapaglingkod ang pumasok sa silid trono at nagbigay galang sa prinsipe. “Mahal na prinsipe si Ginoong Leon North at Binibining Samantha North ay nasa hardin ng palasyo upang kayo ay kausapin” matapos magsalita ng tagapaglingkod ay napangiti si Sage. Tumingin ito sa heneral at tumayo. “Kung ganoon ay ipagpaumanhin mo Heneral, kailangan ko ng umalis” sambit ni Sage at naglakad na paalis, bago makalabas sa silid trono ang prinsipe ay muling nagwika ang heneral. “Mahal na prinsipe, sana ay hindi mo nakakalimutan na buhay pa rin ang iyong kapatid hanggang ngayon. Nais kong ipaalala sa iyo na kailangan mo siyang hanapin upang masiguro ang iyong koronasyon dalawang taon mula ngayon. Hindi mo naman siguro nanaisin na sa araw ng koronasyon ay magpapakita ito at kukunin ang trono na para sa iyo” may halong pang aasar na sambit ng heneral kay Sage. Napatigil si Sage dahil sa narinig at kumuyom ang kanyang kamao, agad ding umalis ang prinsipe at nauiwan sa silid ang heneral na nakataas pa rin ang isang sulok ng kanyang labi. Sa hardin. Iba’t ibang kulay ng paro-paro ang lumilapad sa paligid ng hardin. Ang mga bulaklak na sa hardin ay dinapuan ng mga paro-paro, isang paro-paro ang patungo sa direksiyon ng isang dalaga. May kulay kayumanggi itong buhok at kulay berdeng mga mata. Isang bulaklak ang lumitaw sa kamay ng dalaga at itinaas niya iyon sa bandang harapan. Unti-unting dumapo ang paro-paro sa bulaklak na hawak ng Binibini. Pinagmasdan maigi ng Binibini ang paro-paro. May kulay itim itong pakpak na hinaluan ng kulay pulang guhit, sa lahat ng paro-paro sa paligid ay ito lamang ag natatangi dahil sa kulay nito na itim. Tila ba isang ginuhit na larawan ang wangis ng dalaga at ang paro-paro. “Binibini” isang banayad na boses ang nagbalik sa kasalukuyan sa larawang ito. Kasabay ng paglapit ni Prinsipe Sage ay ang pag lipad naman ng paro-paro palayo sa dalaga. Hindi naman pinansin ni Samantha si Sage at patuloy pa rin ito sa pagsunod ng tingin sa paro-paro. “Samantha” ang boses ng prinsipe ay may halong pagmamahal at pag aangkin ng sambitin niya ang pangalan ng dalaga. “Binibining Samantha, mahal na prinsipe” kalmadong wika ni Samantha rito, napangiti ng mapait ang prinsipe ngunit makikita sa mga mata nito ang pag paparaya. “Binibining Samantha, nagagalak ako at naisipan mo akong bisitahin sa kaharian” masayang wika ni Prinsipe Sage sa dalaga, hinarap ni Samantha ang binata. At seryoso itong tiningnan. “Hindi kita pinuntahan dito, ang tiyuhin ko ang nais kang kausapin. Isinama niya lamang ako rito na labag sa aking kalooban.” muling seryosong wika ng dalaga rito. May halong pagsuko ang nasa mata ni Sage nang tingnan niya si Samantha. Nang makita ito ng dalaga ay may halong pagkadisgusto naman ang makikita sa mga mata ng dalaga. “Huwag mo akong tingnan ng ganyan na tila ba totoo na mahal mo talaga ako” nakakunot noong wika ni Samantha sa prinsipe. Natigilan si Sage sa narinig ngunit agad ding ngumiti at lumapit sa dalaga. Ngunit isang hakbang pa lamang ang ginagawa niya ay humakbang na paatras ang dalaga. Napangiti ng mapait ang binata. “Bakit ba hindi ka naniniwala sa akin? Hindi pa ba sapat ang lahat ng ginawa ko upang malaman mong totoo ang aking nararamdaman” may halong lungkot na sambit ni Sage sa dalaga. Mas lalong makikita ang pagkadisgusto sa mukha ng dalaga at nakita iyon ng prinsipe. “Hanggang kalian mo ba lolokohin ang iyong sarili Sage? Hindi mo ako mahal, nais mo lamang akong angkinin sapagkat alam mong mahal ko ang iyong kapatid. Nais mong angkinin ang lahat lahat na mayroon si Eros, kung hindi ako ang itinalaga ng mga magulang mo na pakakasalan ng iyong kapatid ay hindi mo sasabihin ang mga katagang iyan.” Kalmado ngunit madiin na wika ni Samantha, dahil sa narinig ay makikita ang pagkunot ng noo ni Sage. “Hindi iyan totoo” pagkumbinsi na wika ni Sage. Makikita sa mga mata ni Samantha ang pagkainip. “Niloloko mo lamang ang iyong sarili. Sage hindi mo kayang maramdaman ang salitang pagmamahal. Siguro ay alam mo ang kahulugan nito ngunit hindi mo iyon kayang maramdaman. Para bang isang bulag na nagsasambit na kulay pula ang mansanas, kahit na hindi niya pa nakikita ang kulay na pula. Pinatay mo nga ang iyong ama at ina na nagmamahal sa iyo, kaya hindi ako magdududa na hindi mo kayang madama ang salitang pagmamahal” seryosong wika ni Samantha, lumalim ang paghinga ni Sage na pinipigilan ang kanyang sarili na magalit. Hindi nais ng binata na balikan ang nangyari sa kanyang mga magulang. “Kasalanan ni Eros ang lahat, kung wala siya ay hindi mamamatay sina ama at ina. Kung wala siya ay ako lang sana ang nag iisa nilang anak at magiging tagapagmana. Kung walang Eros ay ako ang pakakasalan mo at mamahalin mo” mariing sambit ni Sage sa dalaga. Napailing na lamang si Samantha sa narinig. “Sage, ikaw ang nainggit sa kapatid mo. Ikaw ang nagtraydor sa ama at ina mo. Ika—” “Tumigil ka na.” madiing wika ni Sage kay Samantha, nakakuyom na ang mga kamao ng binata. “Mahal na prinsipe!” malakas na tawag ni Leon North ng makita si Sage kasama ang kanyang pamangkin. Naglakad papalapit sa dalawa si Leon. “Kahit na anong sabihin mo ay ako pa rin ang pakakasalan mo Samantha, huwag ka ng umasa na babalik pa ang duwag kong kapatid dahil sa oras na mangyari iyon ay sa mismong harapan niya kita pakakasalan” maririnig sa boses ni Sage ang pag angkin sa dalaga. Matapos nito ay tumalikod ito kay Samantha at sinalubong si Leon North. Napakuyom naman ng kamao si Samantha at mariing tumingin sa likuran ni Sage, marahil naramdaman ni Sage ang tingin na iyon ng dalaga kaya nilingon niya ito. “Halika na Binibining Samantha” nakangiting wika nito sa dalaga na may halong pagmamahal. Kasingbilis ng hangin ang naging pagbabago sa ekspresyon at boses nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD