Kinagabihan sa Hundred Beast Forest.
Dahan-dahang nagmulat ng mata si Eros, ng maimulat nito ang kanyang mata ay niyakap nito ang kanyang mga tuhod at tahimik na umiyak. Naguguluhan siya sa lahat ng mga nangyayari, oo at bata lamang siya ngunit hindi siya baliw upang hindi malamang totoo ang sinasabi ni Gabriel. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya na mag isa na lamang siya. Ang pamilyang nagmamahal sa kanya ay bigla na lamang naglaho sa isang iglap, sa bata niyang isipan ay nahihirapan tanggapin ni Eros ang lahat ng nangyari. Lungkot, galit, takot at pangamba ang nararanasan ngayon ng batang prinsipe. Naiinis sa kanyang sarili si Eros, kung nagging malakas lamang siya ay sana kahit papaano ay may naitulong siya, ngayon ay tanging pagtakas at pagtakbo lamang ang kaya niyang gawin. Hindi man lang naisip ni Eros na kahit gaano siya kalakas ay bata lamang siya at wala pa rin siyang maitutulong sa kanyang ama at ina, tanging pagsisisi lamang ang nasa kanyang isipan.
Habang tahimik na umiiyak si Eros ay lumapit sa kanya si Gabriel, umupo ito sa tabi ng malapad na batong kinauupuan ni Eros.
“Tsk! Tanging pag-iyak lang ba ang kaya mong gawin maliban sa pagtakas” isang boses ang narinig ni Eros, may halong mapangutya ang boses na iyon, nilingon ito ng bata at masamang tiningnan si Gabriel.
“Ano ba ang alam mo?! Hindi ikaw ang nawalan” galit na sambit ng bata habang pinupunasan niya gamit ng kanyang kasuotan ang kanyang mga luha. Ngumisi naman si Gabriel ng marinig iyon.
“Bakit, dahil ba nawalan ka ay may karapatan kang umiyak. Pakiramdam mo mag-isa ka kaya umiiyak ka diyan, bakit mag isa din lang naman ako? Umiyak ba ako” sambit ni Gabriel habang ang nakakatakot nitong mata ay nakatingin sa batang si Eros, nakangisi pa rin ito kaya litaw ang matulis nitong ngipin sa gilid.
“Mag isa ka? Kakasabi mo pa lamang sa akin na ang ama mo ay isang demon ng aking amang hari. Sinungaling ka talaga” sambit naman ni Eros habang sumisinghot ito dahil sa pagiyak niya.
“Heh! Hindi ka talaga nakikinig, ang ama ko ay isang demon na naisummon ng iyong ama matagal na panahon na. Naghahanap ang iyong ama ng isang demon na maaring pumasok sa isang kontrata sa iyo upang maisummon mo ito, sakto naman na nais kong umalis sa Demon Dimension kaya pinili ako ni ama upang maging demon na maisusummon mo. Ngayon na wala na ang iyong ama ay naputol ang ugnayan ni ama sa dimensiyon niyo kaya naman hindi na siya makakapunta rito. Ganoon din ako, dahil ang ama mo ang bumukas ng portal upang manatili ako rito, hindi ako makakabalik sa aking tahanan sapagkat kailangan kitang bantayan. Kaya naman mag-isa lamang ako ngayon dito sa mundo niyo” paliwanag ni Gabriel kay Eros na ngayo’y nakatingin pa rin sa binata. Ngunit habang nagwiwika ag binata ay ganoon pa rin ang itsura nito na tila wala siyang pakialam kung mag isa lamang siya sa mundo ng mga exousian.
Dahil sa narinig ay natahimik si Eros, oo at nawalan siya ngunit hindi lamang si Eros ang may pinagdadaanan.
“Patawad” mahinang sambit ni Eros habang patuloy pa rin ang pag agos ng kanyang mga luha sa kanyang mata. Hindi nais ni Eros na umiyak ngunit hindi niya mapigilan, lalo na at pag naiisip niya na hindi na niya muling makikita ang kanyang ama at ina, hindi niya na sila muling mahahawakan at mayayakap, at hindi niya na rin maririnig ang mga boses nito.
“Huwag kang miyak, umiyak ka kapag naipaghiganti mo na sila. Hindi ka maaaring umiyak na lamang at walang gawin” sambit ni Gabriel sa bata, muling tumingin si Eros sa direksiyon ng binata.
“Maghiganti?” napatingin sa dalawa niyang maliliit na kamay si Eros at kinuyom iyon.
“Oo maghiganti, dahil nawala ang mga magulang mo sa iyo ay dapat na maghiganti ka. Hindi maaari na ikaw lamang ang mawalan. Dapat ay mawalan din sila” sambit ni Gabriel kay Eros habang nakangiti. Nakatingin lamang si Eros sa kanyang mga kamay ng oras na iyon. May mga mahihinang tinig ang bumubulong sa isipan ng bata, paulit-ulit nilang sinasambit ang katagang maghiganti.
‘Tama siya, kailangan mong maghiganti. Iparanas mo sa kanila ang sakit at pag iisa na nararamdaman mo ngayon’ isang mahininang tinig ang bumulong sa isipan nii Dark kasabay nito ang muling pagwika ni Gabriel.
“Ano ba ang pinakaimportante para sa iyo Eros?” tanong ni Gabriel habang lumalapit ito sa tabi ng bata, hindi namalayan ni Eros na nasa tenga na niya ang bibig ni Gabriel na tila bumubulong. Patuloy lamang itong nakatitig sa kanyang kamay, ngunit kung titingnan ng mabuti kapansin-pansin ang pagkawala ng emosyon sa mata ng bata.
“Importante? Sina ama, ina at kuya ang importante sa akin” sambit ng bata sa walang emosyong tinig.
“Tama, sila ang importante sa iyo ngunit kinuha nila ang importanteng iyon sa buhay mo. Ang kuya mo at ang mga kakampi nito ang kumuha sa kasiyahan mo kaya naman sa tamang panahon ay dapat kunin mo rin sa kanila kung ano ang mga bagay na importante para sa kanila” bulong ni Gabriel sa tenga ng bata, ang kaninang inosenteng dilaw na mata ng bata ay nabahiran ng kadiliman. Ang lahat ng mga exousian ay may kadiliman sa kanilang puso na tinatago, at nakadepende sa sitwasyon at nais ng exousian kung ang saradong silid ay bubuksan nila upang kumalat ang kadilimang ito sa kanilang pagkatao. Ngunit ang mga demon summoner ay hindi ganoon, upang mabuksan ang kadiliman sa puso ng demon summoner nangangailangan ng susi. Ang susi ay ang demon at isang sitwasyon kung saan nagpapadala sila sa bulong sa kanilang isipan.
Iyan ang nangyayari ngayon kay Eros, isang inosente at batang exousian, ngunit ang susi ay nasa harapan na ng bata. Ang tanong ay kung bubuksan niya ba ang saradong silid na iyon.
“Si Kuya?” sambit ni Eros sa walang emosyong tono.
“Tama, ang kuya mo ay isa sa mga dahilan ku—”
“Bakit gagawin ni kuya iyon?” bumalik na ang emosyon sa boses ng bata at nawala ag mga tinig sa kanyang isipan. Nanghihinayang naman na tumingin si Gabriel kay Eros.
“Dahil nais niyang makuha ang trono mula sa iyo” wika ni Gabriel dito habang nakangisi.
“Trono? Ngunit hindi ko nais ang trono ang tanging gusto ko lang ay masayang buhay kasama sina ama, ina at kuya. Kung nais niya ang trono ay sana sinabi niya sa akin, ibibigay ko kay kuya ang trono kung nagsabi lamang siya!” galit na pahayag ni Eros, sa tuwing naiisip niya ang kinahinatnan ng kanyang magulang dahil lamang sa trono ay naiiyak siyang muli. Hindi importante sa batang si Eros ang trono pero ang hindi importanteng bagay na ito sa kanya ang naging dahilan upang mawala ang importanteng exousian sa buhay niya. Nakakalungkot at nakakagalit kung iisipin.
“Kuya? Hanggang ngayon ba ay tinuturing mo pa rin siyang kuya mo? Matapos ang ginawa niya, siya ang naging dahilan kung bakit namatay ang mga tagasilbi mo, ang iyong ama at ina. Siya ang sumira ng lahat, siya ang dahilan kung bakit ka nag iisa ngayon” bulong na sambit ni Gabriel kay Eros. Dahil sa narinig ay unti-unting nawala ang emosyon sa mata ng bata.
“Siya. Ang. Dahilan.” Paisa-isang wika ni Eros na tila wala sa kanyang sarili, mas tumindi ang dilim sa kanyang dilaw na mata.
Minulat ni Eros ang kanyang mga mata at napansin niya ang madilim na paligid. Walang ilaw sa lugar kung nasaan siya, ilang sandali pa ay napatakip sa kanyang mata si Eros dahil sa biglang liwanag, ang liwanag na ito ay tila palayo ng palayo sa bata. Tumakbo si Eros patungo sa liwanag na iyon, dahil sa liwanag ay nakita ni Eros ang paligid. Nasa loob siya ng isang silid, isang saradong silid na walang pintuan at bintana. Bago pa makalayo ang bata ay isang maitim na kadena ang humawak sa magkabilang kamay ng bata, gustong kumawala ni Eros ngunit dalawa pang kadena ang humawak sa dalawang paa ng bata. Dahil rito ay hindi makahakbang si Eros, isa na naming kadena ang humawak sa leeg ni Eros at sabay sabay na hinila ng limang kadena na iyon ang bata papalayo sa liwanag. Nagpupumiglas si Eros at tumingin siya sa kanyang likod. Tanging dilim lamang ang nakikita niya at ang boses sa kanyang isipan ay unti-unting lumakas habang hinihila siya ng kadena patungo sa dilim.
“HINDI!!!!!!” isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Eros at sa muling pagmulat niya ay nakita niya sa kanyang harapan si Gabriel na nakangisi.
Lumayo ang bata kay Gabriel at pilit na sinisiksik ang kanyang sarili sa isang sulok. Napatagilid ng ulo si Gabriel sa inasal ni Eros.
“Anong nangyari sa iyo?” tanong ni Gabriel sa bata, may takot na tumingin si Eros kay Gabriel.
“Ikaw iyon hindi ba? Ikaw iyon!” una ay patanong ngunit agad na dinugtungan ito ng bata na tila sigurado ito sa kanyang hinala. Nakatagilid pa rin ang ulo ni Gabriel at ilang sandali pa ay lumapit siya sa batang si Eros na ngayo’y nakayakap sa kanyang mga tuhod.
“Naririnig mo sila hindi ba? Ang mga boses na iyon” ngising pahayag ni Gabriel at bahagya itong yumuko at itinukod ang dalawa nitong kamay sa malapad na bato at inilapit ang kanyang mukha sa bata. Ang pula nitong mata ay mas lumalim ang kulay at ang malasangang itim na tinta sa kanyang mukha ay dumami. Tunay na nakakatakot ang itsura ni Gabriel ngayon.
“Ikaw. Ikaw iyon.” May halong takot na sambit ni Eros habang nakatingin sa mukha ni Gabriel, ang maamong mukha ni Eros ay naging repleksiyon sa mata ni Gabriel. Nawala ang nakakatakot na ngisi ni Gabriel bagkus ay napalitan ito ng mapaglarong ngiti. Tumayo ang binata at ang mala sangang itim na tinta sa kanyang mukha ay nabawasan.
“Huwag mong intindihin ang mga boses na iyon, mga kapatid ko ang nagsasalita sa iyong isipan. Malakas ang ugnayan mo sa dimensiyon ko dahil sa kontrata sa pagitan nating dalawa kaya naririnig mo ang boses ng mga kapatid ko” wika ni Gabriel kay Eros, dahil dito ay bahagyang huminahon si Eros, natatakot ang bata na ang nagiisang kasama niya ngayon ang nagsasalita sa isip niya at higit na natatakot ang bata na ang boses na iyon ay ang boses sa pinakailaliman ng kanyang puso.
“Kontrata?” biglang napatigil si Eros, hindi niya ata maalala na nakipagkontrata siya kay Gabriel.
“Bakit sa tingin mo kaya kong pumasok sa katawan mo at itakas ka? Iyon ay dahil may kontrata tayo, habang natutulog ka ay ipinatak ko ang aking dugo sa iyong noo at gumuhit ng simbolo doon. Dahil wala kang malay at lakas kahapon kaya naman naging matagumpay ang kontrata. Ngayon na pareho tayong nag-iisa sa mundong ito, maaari tayong magkasamang maglakbay” pahayag ni Gabriel dito habang nakangiti pa rin, kahit na anong ngiti ni Gabriel ay talagang nakakatakot ang wangis nito dahil sa dalawang pangil sa magkabilang gilid ng kanyang ngipin.
“Ngunit paano tayo maglalakbay? Kapag may nakakita sa akin ay maaari nilang malaman ang aking pagkatao.” Taking tanong ni Eros sa binata.
“Dahil sa may kontrata na tayo, maaari mong gamitin ang semi-posession. Mababago ang wangis mo at ang itsura ko noong bata ako ay magagamit mo. Huwag kang mangamba dahil semi-posession ito ay magiging normal ang wangis mo na tulad ng mga exousian dito sa mundo niyo. Higit sa lahat kailangan mong baguhin ang iyong pangalan” paliwanag ni Gabriel sa bata, itinagilid ni Eros ag kanyang ulo na tila nagiisip.
“Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong ni Eros rito. Tumingin si Gabriel sa bata.
“Gabriel” simple nitong wika.
“Gabriel?”
“Gabriel Dark” muling wika ni Gabriel ng marinig ang tanong ng bata.
“Hmmm. Ano namang pangalan ko?” tanong pa ni Eros dito, ngumiti si Gabriel ng pilya sa bata at tila ramdam ni Eros na hindi maganda ang sasambitin ng binata.
“Hmmmm. Pangalan.” Muling wika nito at hinimas himas pa ang baba ng binata.
“Bagay sa iyo ang pangalang Pikon” ngiting pahayag ni Gabriel sa bata, napasimangot si Eros sa narinig.
“Ayaw mo?” ngiting pahayag ni Gabriel.
“Paano kung Duwende na lang tutal maliit ka naman” muli na naming mapang asar na wika ni Gabriel dahil dito ay inapakan ni Eros ang paa ni Gabriel at ngumiti ang binata rito.
“Hindi masakit” mahina nitong sambit na may halong bulong, tila nang aasar sa bata. Dahil dito ay nagtatatalon si Eros sa paa ni Gabriel. At sa bawat talon ng bata ay isang ‘hindi masakit’ ang sasabihin ni Gabriel. Tila walang kapagurang inaapakan ni Eros ang paa ni Gabriel dahil dito ay napabuntong hininga si Gabriel at hinawakan ang batok ng bata upang iangat.
“Sige sige. Dark Taylor na lang ang pangalan mo simula ngayon. Apelyido ko at ng iyong ina. Masaya ka na?” pagsukong sambit ni Gabriel, napatigil si Eros sa narinig at tumingin kay Gabriel.
“Dark. Dark Taylor” matapos sambitin iyon ay ngumiti si Eros kay Gabriel.