Third Person POV
Isang kawal ang mabilis na tumatakbo patungo sa trono ng hari. Tumatagak-tak na ang pawis nito ng makarating ito sa harapan ng hari. Takang tiningnan ng hari ang kawal.
“Magsalita ka, ano ang pinunta mo rito at ginambala mo ang oras ko sa aking pamilya” wika ng hari sa kawal, lumunok ang kawal at nakayukong nag wika.
“MAHAL NA HARI MAY MGA KALABAN ANG LUMUSOB SA KAHARIAN! ANG MGA KAWAL SA LABAS AY KASALUKUYANG NAKIKIPAGLABAN” sambit ng kawal sa hari, dahil sa narinig ay napatayo ang hari. Makikita ang pagkunot ng noo nito.
“ANONG NANGYARI SA SIYUDAD TANGGULAN NG KAHARIAN?!” gulat at nakakunot na wika ng hari, nagtataka ito kung bakit tila mabilisan ang nangyari, samantala ng marinig ni Prinsipe Aaron Sage Kreig ang binalita ng kawal ay bahagyang napataas ang sulok ng labi nito.
“Mahal na hari, ang tangi nilang nilusob ay ang palasyo. Kataka-takang nakapasok sila sa timog bahagi ng tarangkahan at ang mga kawal na nagbabantay roon ay hinayaan na matiwasay na makapasok ang kalaban” sambit ng kawal at binigyan nito ng isang tingin ang batang prinsipe.
Nakita ng hari ang tinging iyon kaya naman tumingin sa kanyang likuran ang hari at nakita niya na bahagyang nakataas ang isang sulok ng labi ng kayang anak.
“Sage, Ano ang nagyayari?!” tanong ng hari, may maririnig kang pagkadismaya sa kanyang boses. Ang prinsipe ang namumuno sa mga tagabantay sa timog bahagi ng kaharian, isa itong pagsasanay na ginawa ng hari para sa kanyang anak upang mahasa nito ang kasanayan bilang isang namumuno. Ngunit hindi niya inaasahang ito ang gagawin ng kanyang panganay na anak.
“Ama, hindi pa ba halata ang mga kalabang sinasambit mo ay ang mga exousian na tutulong sa akin upang makuha ang trono. Alam kong si Eros ang nais mong magmana sa trono, NGUNIT HINDI KO IYON MATATANGGAP! Kung hindi ako ang iyong pipiliin ay ako ang gagawa ng paraan upang maluklok sa trono” sambit ng prinsipe habang nakangiti.
Kumunot naman ang noo ng hari sa narinig.
“SAGE! Hindi mo kilala ang mga exousiang iyon, handa mo akong pagtaksilan para lamang sa trono” malakas na wika ng hari habang makikita ang sakit at pagkadismaya sa mukha nito hindi ito makapaniwala sa ginaa ng kaniyang anak, bahagyang kumunot ang noo ng prinsipe ngunit ilang sandal pa ay ngumiti din ito.
“Ama, ikaw ang unang trumaydor sa akin” malamig ngunit kalmadong turan ng batang lalaki sa kaniyang ama habang may mapait na ngiti sa kaniyang labi. “Trinaydor mo ang damdamin ko simula ng dumating si Eros. Noong kaedad ko si Eros ay sinabi mo sa akin na kailangan kong galingan sa pag eensayo upang maging magaling na hari ng kaharian. Ngunit ng dumating si Eros ay ang tanging winiwika mo sa akin ay galingan ko sa pagsasanay upang maprotektahan si Eros. Narinig kita noong isang araw habang kinakausap mo si Ina, rinig na rinig ko kung paano mo sabihin na nais mong ibigay sa aking kapatid ang trono. Sa bawat salita na winiwika ng iyong bibig ay laging si Eros ang aking naririnig. Si Eros! Si Eros!! At si Eros !!!.” isang malakas na sigaw ni Sage habang nagpipigil ng luha sa kaniyang mga mata, ilang sandali pa ay kinuyom ng batang lalaki ang kaniyang mga kamay at kalmadong tiningnan ang kaniyang ama. “Paano naman ako?! Hindi lamang si Eros ang iyong anak, ngunit simula ng dumating siya ay nakalimutan niyong may isa pa kayong anak!” Nawala ang pagiging kalmado sa mukha ni Sage ng sambitin ang mga salitang iyon, lumabas ang nakatagong damdamin ng batang prinsipe. Ang maliwanag na dilaw nitong mata ay unti-unting dumilim.
Nagulat ang hari, hindi nito alam na iyon ang nararamdaman ng kanyang anak. Binalikan ng hari ang kanyang ala-ala at napag alaman niyang ito nga ang naging ugali niya sa harapan ng kanyang panganay na anak. Nagkaroon siya ng pagkukulang, mas napunta ang kanyang atensiyon kay Eros at ramdam ito ni Sage, ngunit nagawa iyon ng hari sapagkat si Eros ay ang pag asa ng mga demon at mythical summoner upang maitayo muli ang nawawalang emperyo. Si Eros ang magiging karangalan at pag asa ng mga nasawing summoner noon sa digmaan at ang mga summoner din ngayon na palihim na pinapaslang ng emperyo. Si Eros ang pag-asa ng kanilang lahi ngunit hindi niya inaakalang mapapabayaan niya ang kanyang panganay na anak. Inaakala niyang maiintindihan ito ni Sage ngunit nakalimutan niyang isa ring bata ang panganay na prinsipe. Isang bata na kailangan din ng atensiyon at pagmamahal, masyadong mataas ang ekspektasyon ng hari kay Sage. Iniisip nito na maiintindihan ng bata ang mga ginagawa niya ngunit nagkamali siya. Isang bata lamang ang prinsipe, gaano man ito kagaling sa pakikipaglaban ay isa lamang itong bata, gaano man nito pinapakita na kaya nitong mamumuno sa sarili at maliit nitong hukbo ay isa pa ring bata ang prinsipe.
‘Bata lamang siya, tama bata lamang siya at nakalimutan ko iyon’ mapait na napangiti ang hari sa kanyang isipan, binigyan niya ng mapait na ngiti ang batang prinsipe.
“Sage, patawad, Hintayin mo ako.” sambit ng hari sa batang prinsipe ito lamang ang kayang gawin ng hari sa ngayon. Kailangan niyang lutasin ang problema sa labas ng kaharian matapos nito ay muli niyang kakausapin ang kanyang anak. Matapos nito ay mabilis na lumabas ang hari upang lumaban. Nagulat si Sage sa kanyang narinig, ito ang unang beses niyang narinig ang kanyang ama na humingi ng tawad maliban na lamang kapag humihingi ng tawad ang hari sa reyna.
Isang mainit na braso ang yumakap sa batang prinsipe. Natigilan ang prinsipe at napansin nito ang pagkabasa ng kanyang pisnge. Na amoy niya ang pabango ng exousiang yumakap sa kanya.
“Sage, pagpasensyahan mo kaming dalawa ng iyong ama. Nakalimutan namin na kahit mas matanda ka sa iyong kapatid ay bata ka pa rin na nangangailangan ng atensiyon. Patawad, pero nais kong maintindihan mo na ang iyong kapatid ang pag-asa ng ating lahi. Naikwento sa iyo ng ama mo ang digmaan noon, at nais kong maintindihan mo na si Eros ang pag-asa ng mga summoner upang maitayo ang nawawalang emperyo, at dahil siya ang pag-asa ay nakalimutan naming na kailangan mo rin kami, masyado naming inisip ang aming obligasyon bilang isang summoner at nakalimutan namin na mga magulang din kami. Nagkamali kami ng iyong ama ngunit huwag kang mag alala babawi kami sayo ng iyong ama matapos nito” sambit ng kanyang ina at hinalikan nito sa pisnge ang prinsipe. Matapos niyon ay lumabas ang reyna upang makatulong, hindi man nagagamit ng reyna ang kanyang exousia ay magaling na heneral naman ito sa pakikipaglaban. Magaling ito sa pag gawa ng plano upang manalo sa mga digmaan at kalaban.
Nakatingin naman si Sage sa likuran ng kanyang ina na ngayo’y papalayo. Natigilan ito at may kirot sa kanyang dibdib.
‘Maniniwala ka ba sa kanila? Nagsisinungaling sila sayo Sage, huwag kang muling mag pauto sa kanila’ wika ng isang tinig sa kanyang isip
‘Mas masipag at mas magaling ka kay Eros kaya naman bakit siya ang magiging pag-asa ng inyong lahi? Bakit hindi ikaw ang pag-asang iyon?’
‘Tama! Ikaw dapat ang pag-asang iyon, halatang halata na mas pinapaburan nila ang iyong kapatid’ sari-saring boses ang naririnig ni Sage sa kanyang isipan, sa bawat segundo ay lumalakas ito. Napahawak sa kanyang ulo ang prinsipe ay napaluhod, sinuntok-suntok ni Sage ang kanyang ulo upang mawala ang mga boses sa isipan niya. Hindi namalayan ni Sage kung ilang minuto o oras ang ginawa niyang pagsuntok sa kanyang ulo at pagsabunot sa kanyang buhok. Nagulo na ang kanina nitong maayos na kasuotan. Ang pilak na korona ng prinsipe ay nahulog na sa sahig.
Biglang bumukas ang pintuan ng silid trono. Tumayo ang prinsipe ngunit ang inaasahan niyang exousian na papasok sa silid ay hindi nagpakita. Bagkus isang bagong mukha na ngayon lamang niya nakita ang nasa harapan.
Isang lalaki na nasa edad apatnapu, may matino itong pangangatawan at may suot na baluti na gawa sa kakaibang metal. Kulay pilak ang baluti at may mga bahid pa ng dugo rito. Mahaba ang kulay kayumanggi nitong buhok na umaabot sa itaas ng balikat ng lalaki.
Lumapit ito sa prinsipe at bahagyang yumuko.
“Nagagalak kitang makita ng personal mahal na prinsipe, ako si heneral Rigo Rondez” sambit ng lalaki habang nakangiti ito sa prinsipe.
“Rigo? Ikaw ba ang nagpapadala sa akin ng sulat?” takang tanong ng prinsipe habang nakakunot ang kanyang noo.
“Ako nga mahal na prinsipe. At ako rin ang tutulong sa iyo upang makuha ang trono na nais mo” muli nitong wika, dahil sa narinig ay tumingin ang prinsipe sa direksiyon ng pintuan na tila may hinahanap, nang wala itong makita ay muli itong tumingin sa heneral. Napalunok ito at tila may kaba sa kanyang dibdib.
“Sina ama at ina?” mahinang wika ng batang prinsipe, makikita ang kaba at takot sa mata ng batang prinsipe na pilit niyang tinatago. Napangiti ang heneral ng marinig ang tanong.
“Ang iyong ama at ina ay pinaslang ko, kaya naman wala ng tututol upang makuha mo ang trono”
Tila isang malaking pagsabog sa isipan ng prinsipe ang kanyang narinig, nanlamig ang kanyang buong katawan at kumirot ang kanyang dibdib. May mga luha ang lumalabas sa mata ng prinsipe, natauhan ang batang prinsipe at isang malaking pagsisisi ang bumalot sa kanyang pagkatao.
“HA!” napabalikwat sa kaniyang pagtulog ang isang binata mula sa kaniyang panaginip, marahan nitong minsahe ang kaniyang asul na buhok. “Ang panaginip na iyon, ganoon ba ninyo kaayaw na maging hari ako at gabi gabi ninyong ginagambala ang aking panaginip”