“Ah, oo naman! May mga bagay na maiintindihan natin at mare-realize pagdating ng panahon. Kaya p’wede ring magbago ang mga desisyon natin, ‘di ba VJ?” Sa lahat ba naman ng mapagtatanungan bakit siya na naman?
Tumawa muna si VJ bago sumagot. “Right!”
Lahat sila ay may kan’ya-kan’yang double meaning sa mga sinabi ni Lance. Si Olivia pa kaya na target nito? Ang sarap talagang kutusan ni Lance. Kung sila lang dalawa at walang camera ay baka nasipa niya na ito. Hintay lang at magkakaroon din siya ng pagkakataon para makabawi dito.
“Kaya kayong mga babae, doble ingat. Huwag tanggap nang tanggap,” pangaral ni Gerald.
“We learned it the hard way. Mabuti na lang walang naiisip na gano’n ang fans ko. Anyway, gusto mo bang sa’yo na lang ‘tong bag, Olivia? Marami pa naman ako, eh. Magagamit ito papuntang mga shows.” Iniabot ni Bea ang bag ng nakangiti. Well, mukha kasing walang designer bag ang dalaga. Nagiging humble lang siya.
“Hindi na. May mga bag din naman ako ‘tsaka regalo sa’yo ‘yan ng fans mo,” tanggi ni Olivia. Huwag na lang din kung ‘di naman maganda ang intensyon nito. Simula pa lang ay ‘di na maganda ang pakikitungo nito sa kan’ya kaya bakit siya maniniwala dito?
“Tanggapin mo na, Olivia. I’m sure kaunti lang ang ganito mo. Hindi naman sa pag-ooffend sa’yo. Baka sabihin pa ng fans ni Bea ay maarte ka,” gatong pa ni Nadine.
[Ang bait talaga ng idol namin, namimigay sa mga mahihirap. May gana pang tumanggi. The audacity.]
[Siya na nga itong binibigyan, aayaw pa. Masyado namang mataas ang pride mo, Olivia! Wala ka pa sa kalingkininan ni Bea. Umayon ang arte sa level ng actingan]
[Wala kasi pera ang fans niya kaya tingnan niyo naman ang pinadala. Siya lang ang kulilat d’yan. Hahaha!]
[At least genuine kami kung ano ang kaya lang. ‘Tsaka wala namang masama ung tanggihan ni Olivia si Bea dahil hindi naman bukal sa kalooban katulad ng fans niya.]
[Kaya nga tanggapin man ni Olivia o hindi may masasabi pa rin ang fans ni Bea.]
[We don’t want to be associated with a person who has no name in the industry. Bea, lumayo ka d’yan.]
[Hindi ka marunong magbasa, ‘te? Mga bobo pala fans ng Bea na ‘to!]
[Pagsabihan niyo ‘yang Olivia na ‘yan na huwag lalandi-landi sa mga lalaki sa loobn. Napaghahalataan. Baka gusto n’yang maalis sa palabas?]
Hindi alam ng mga artista sa loob na ang kanilang mga tagahanga ay nagkakaroon na ng gulo at nagsisimula ng away. Marami na rin ang nakikisali sa comment section ng palabas na kinatitigan ng operator. Habang wala pang sinasabi si Mr. Kim ay wala silang gagawin at hahayaan to. Hindi naman ito bago sa kanila dahil lahat naman ng fans ay dumaraan sa ganito meron pa ngang pinupuntahan ang artista para batuhin ito ng bote ng tubig.
“Hindi na. Hindi ko rin naman magagamit iyan at meron pa ako sa bahay,” tanggi ulit ni Olivia at ngumiti rito ng tipid.
“Hindi niya kailangan n’yan,” singit ni Lance. “Hindi rin naman maganda ang bag,” dugtong nito na kinatahimik ng dalawang babae.
“Nagmamagandang loob lang naman sila. Hindi mo kailangan sabihin ‘yan,” tanggol ni Joshua sa dalawa. Artista pa rin ang mga ito at may pinagsamahan sila lalo na si Nadine na partner niya.
“Okay, pero pangit pa rin ang bag. No one can change my mind.”
[Prince Lance to the rescue! Pinagtutulungan niyo si Olivia, ah! Ano kayo ngayon. Tama siya pangit ang bag, kaya ‘di nakapagtataka kung ayaw ni Lance!]
[Ito na naman sila. Ginagamit si Lance para may kakampi ang idol nila.]
[Deny pa sa fans ni Lance. Obvious naman na kinakampihan ng idol niyo si Olivia. Ano namang masama doon? Masyado kayong protective ‘di naman kayo poprotektahan n’yan. Hoy gising!]
[No way! Hindi gan’yan ang type ni Lance. Mga feelingero!]
“Tama na nga ‘yan para kayong mga bata,” pagsaway ni Claudia dito. “Mabuti pa dalhin na muna natin ang mga regalo sa ka’nya-kan’ya nating kuwarto. Umayos kayo. Hindi na kayo bata.”
Tinulungan na lang ni Gerald ang dalaga na buhatin ang package nito. Sumunod naman ang ilan at naiwan naman sina Lance at Olivia.
“Hindi mo na dapat pinatulan sina Bea. Mukhang magkakaroon pa yata ng misunderstanding ang pagitan sa atin,” panimula ng dalaga.
“Hindi ‘yon misunderstanding. Nagsasabi lang ako ng totoo. Masyado ka namang mabait, Olivia. Alam mo na siguro kung ano ang takbo ng buhay artista. Ayoko kasing makipag-plastik sa kanila.”
“Hindi naman ‘yon ang pino-point ko—”
“Patungo roon ang point mo. Kahit baliktarin mo pa, gano’n pa rin. Kung ayaw mo pala ng misunderstanding dapat kinuha mo na lang ang bag na binigay sa’yo,” putol ni Lance. Kita sa mukha nito ang bakas ng inis.
Huminga ng malalim si Olivia. Walang patutunguhan ang usapan nila kung pareho silang mag-iinit ang ulo.
[Lover’s quarrel ang dalawa. Nako!]
[Arte naman kasi nitong si Olivia. May point naman si Lance. Talagang gusto lang nito magpapansin at gustong kampihan siya ni Lance.]
[Sino ang manunuyo? Si Olivia? Hahaha!]
[Parang mag-jowa talaga ‘tong dalawa o baka true to life? Akala ko bawal ang totoong magshota sa palabas? Paki double check nga mga staff ng Cupid’s Carnival!]
Dahil sa comment na ‘yon ay napa-search tuloy ang karamihan sa background ng dalawa lalo na ang LaVia shippers. Ngunit bigo sila nang makita na wala namang koneksyon ang dalawa noon at talagang ngayon lang nagkita ang mga ito. Eh, ano naman? Dito rin naman nabuo ang love team ng dalawa kaya wala na silang pakialam sa nakaraan.
Hindi nagpansinan ang dalawa hanggang sa mag-dinner. Pansin rin naman ng kasamahan nila ang tensyon at ‘di na nakisali pa. Bagkus ay hinayaan nila ito maliban kay Bea na nakakausap na ngayon si Lance. Mabilis na umiwas ng tingin si Olivia nang mapansin na nabaling sa kan’ya ang ulo ng partner niya.
“Galit ka?” tanong ni Julie na katabi nito.
“Ha? Bakit naman ako magagalit? Wala naman s’yang ginawang masama sa’kin.” Mukhang si Lance pa nga ang may galit sa kan’ya dahil sa nangyari kanina. Ayaw niya lang naman kasi na magkaroon ng rason ang mga fans nito na maging hater sa kanila.
Ngumisi si Julie. “Nagkaroon tuloy ng pagkakataon na makausap ni Bea si Lance dahil hindi kayo okay.”
“Wala naman akong pakialam kung kumausap siya ng iba o hindi, eh. Buhay niya ‘yan,” Ano ba ang koneksyon niya kay Lance maliban sa magka-partner sila sa palabas na ‘to?
“Ah, okay. Sabagay, pihikan kasi ‘yang partner mo, eh.”
Muli s’yang sumulyap sa dalawa na ngayon ay nakangisi na ang binata sa kung ano man ang pinag-uusapan nila ni Bea.
Ang saya nila, ah.
—
“Kamusta siya?” tanong ni Lance nang makawala sa pakikipag-usap kay Bea at pumunta kay Julie na nasa counter ng kusina. Wala na ang dalaga marahil ay nasa taas ng kwarto nila after nila kumain.
“Bakit hindi ikaw ang magkamusta sa kan’ya?” balik naman ni Julie na tinaasan pa siya ng kilay.
“Hindi ako papansinin n’yon. Isa pa dapat n’yang ma-realize na hind isa lahat ng oras kailangan n’yang magpaubaya at hayaan ang sariling ipahiya ng iba. Sino ang poprotekta sa sarili niya kung wala ako?” Paano na lang ito paglabas?
Tumawa si Julie at napahawak pa sa bibig. “Ano’ng paano siya kung wala ka? Okay naman siya noong wala ka pa, ah? Ano bang sinasabi mo d’yan? Alam mo kausapin mo na si Olivia at ‘wag mo nang hintayin na ‘di kayo maging okay hanggang bukas. Bahala ka, kahit wala ka may willing pa rin kumausap sa kan’ya.”
Tiningnan ng matalim ni Lance ang basong hawak-hawak. Kaya pala ayaw s’yang kausapin dahil alam nitong may Joshua pang kakausap dito. Tsk.
“Ewan ko sa’yo. Nilalagyan mo ng malisya ang kung ano man ang meron sa amin ni Olivia.”