KABANATA 5

1068 Words
Bagama't tila nauupos na kandila ang pakiramdam ay pinanatili niya ang malay. Nagulat siya nang marinig na napagibik si Batik maya-maya. Sa nanlalabong mata ay pilit niyang binanaag ang lalaki. Labis ang kanyang pagkagitla nang makita na nakaangat ang mga paa nito sa lupa at sakal-sakal ng isang malaking bulto. Malakas na pinadapuan ito ng suntok sa mukha ng lalaking nanghimasok. Bumalandra si Batik at bumulagta. Sumargo ang ilong at binulwakan ng sariwang dugo ang bibig nito. Sinugod muli ang hindi niya nakikilalang lalaki at makailang ulit na tinadyakan sa dibdib ang maapangahas na bandido. Hindi pa nakuntento at pinuntirya nito ang mukha ng tulisan. Halos mabasag ang mukha ni Batik sa suot na combat shoes ng lalaking nangahas na atakehin ito. Gulapay at hindi na gumagalaw ang tampalasan. Sa wari niya ay nawalan na ito ng ulirat. Subalit hindi pa rin ito tinatantanan ng lalaki. Napasinghap si Rose sa panghihilakbot. Ganoon pala ang pakiramdam nang makasaksi ng pagpatay. Nakakarimarim na tagpo. Kulang ang salitang marahas kung ilalarawan niya ang lalaki. Mas akma siguro na taguri rito ang pagiging brutal. Sa wakas ay humarap ang naturang lalaki kay Rose. Nakasuot ito ng bonnet, kung kaya't mahirap para sa dalaga na hulaan ang pagkakakilanlan nito.Panibago na naman ba itong banta sa kanyang buhay? Pilit siyang umatras nang magsimulang humakbang ang lalaki palapit sa kanya. Muli syang sinakmal ng takot. At Mangiyak-ngiyak na siya sa kawalan ng magawa at pag-asa. Sa pagkabigla niya ay lumuhod ang malaking bulto sa harapan niya. Awtomatikong itinaas niya ang isang kamay upang sana ay magmaka-awa. Impit siyang napaiyak. "Shhhh...." anang lalaki. Natigilan si Rose nang marinig ang pamilyar na tinig. Nanlalaki ang mga matang tumitig sa kaharap. Inaninag ang mga mata nito. Kasabay niyon ay ang pagkislap ng mata ng lalaki sa gahiblang-liwanag. Sa nakita ay unti-unting lumuwag ang dibdib niya. It was Dimitri. Hindi siya maaaring magkamali. Hindi mahirap hulaan ang pagkakakilanlan nito. Pagka't Ito lamang ang nagtataglay ng mga matang kasing talim ng leon ang lisik. Hinayaan niyang haplusin ni Dimitri ang pisngi niya patungo sa labi niyang pumutok, gawa ng pagsampal ni Batik. Masuyong dinama iyon ng lalaki pagkatapos ay walang sabi-sabi na pinangko siya nito. Mabilis na ikinawit niya ang mga kamay sa leeg ng lalaki. Sa mga nasaksihan ngayong gabi, masasabi niyang si Dimitri ay isang nakakatakot na nilalang. Sa labas ay naalarma ang mga bantay sa napansing komosyon. Sa kabila na buhat-buhat siya ni Dmitri ay nagawa pa rin nitong paputukan ang mga humaharang sa kanilang daraanan. Tila hindi nito alintana kung nakakasagabal ba siya rito. Hindi niya magawang huminga. Ipinikit na lamang niya ang mga mata upang hindi masaksihan ang mga nagaganap. Akala niya ay sa mga pelikula niya lamang mapapanood ang mga ganitong senaryo. Diyos ko Lord, kung ito na po ang katapusan ko, Kayo na po ang bahala kay tiya Linda. Ang naipiping dalangin na lamang niya. "Kaya mo ba?" Tanong ni Dimitri nang marahan siyang ibaba nito sa lupa. Kahit papaano ay nakalayo na sila sa mismong kuta. Ngunit hindi katiyakan iyon upang makampante at masabing ligtas na sila. Nauulanigan pa nila ang malaking komosyon at pagkakagulo ng mga kasamahan nitong bandido. Nakakabilib ang angking katapangan ng lalaki. Nagawa nitong ragasain ang panganib gayong inulan sila ng mga bala at hindi man lamang natamaan ni daplis ay himalang maituturing. "Bagtasin mo ang diretsong bahagi ng gubat na ito. Sa dulo ay may talon, magkita tayo roon." Mabilis na sambit ni Dimitri sa kanya. Tumalikod na ang lalaki at humakbang pabalik sa pinanggalingan nila. Siya naman ay nanatiling nakatayo, hindi magawang kumilos. Nilingon siya ni Dimitri nang maramdaman na walang pagkilos mula sa kanya. Saglit na natigilan ang lalaki, kahit na may suot itong bonnet ay ramdam niya ang pagkunot nito ng noo. "Ano pang hinihintay mo? Kilos na," anito sa matigas na tono. "O-Oo," sagot niyang walang tiyak. Walang lingon-lingon ay Tinakbo niya ang direksiyong itinuro ni Dmitri. Kailangan niyang makalayo, hanggat may natitira pa siyang lakas at pakiramdam. Hanggat may oras at pagkakataon ay tatakbo siya para sa sariling kaligtasan. Patuloy pa rin niyang naririnig ang mga putukan sa kuta. Nakaramdam siya ng takot para kay Dimitri. Kanina ay gusto sana niyang mag-protesta sa gusto nitong mangyari na maghiwalay sila kayat hindi agad siya kumilos. Natatakot na rin kasi talaga siyang mag-isa. Sa dinanas kanina kay Batik ay tuluyang humina ang depensa nya. Paano na lamang kung hindi dumating si Dimitri? Malamang ay isa na siyang luray-luray na bangkay ngayon. Mabilis niyang ipinilig ang ulo. Hanggat maaari ay ayaw niyang isipin ang kahihinatnan niya kung nagkataon nga na hindi siya nailigtas ng lalaki.. Maraming katulad ni Batik sa gubat na ito. At si Dimitri, karapat-dapat ba ito sa pagtitiwala niya? Sa kabila ng katotohanan na isa rin ito sa mga bandido ay mayroon sa isip at puso niya ang kumokontra sa masamang isipin niya para sa lalaki. Ahhh… ayaw na muna niyang mag-isip kailangan niyang kumilos upang tuluyang makalayo. Sabi ni Dimitri ay may talon sa may dulong bahagi ng gubat. Maaaring iyon na ang naririnig niyang maingay na lagaslas ng tubig sa gawi pa roon. Nananakit pa ang kanyang mga binti at paa ngunit kailangan niyang magpatuloy. Nag-ipon siya ng lakas at nagsimula sa mabagal na pagtakbo hanggang sa binilisan na niya. Kahit na nagkanda sabit-sabit na siya sa kadawagan ay hindi na niya ininda. Hanggang sa isang punong nakabalandra ang nagpabuwal sa kanya. Alumpihit siya sa sakit. Sa pagkawala ng balanse ay tumama sa nakausling sanga ang sugat niya sa may bandang hita. Napahiga siya at hinawakan ang bahaging nasaktan. May umagos na likido siyang nakapa mula roon. Kung hindi siya nagkakamali ay maaaring dugo ang nasalat niya. Sumidhi ang pagkirot ng kanyang sugat dahilan upang gustuhin niyang humiyaw ngunit nagpigil syang bigyan boses ang nadaramang hapdi. Nang mula sa kung saan ay may naulanigan siyang kaluskos mula sa dilim. Mabilis at palapit nang palapit ang mga yabag patungo sa kinaroroonan niya. Muli ay binalot siya ng takot at pangamba, anumang sandali ay tatambad na sa harapan niya ang may-ari ng mga yabag. Paano kung isa ito sa mga tulisang bumitbit sa kanya? Mabilis na itinukod ni Rose ang mga kamay sa lupa upang doon umamot ng konting lakas. Pilit niyang hinila ang nasugatang binti, inot -inot at halos gumagapang na siya sa lupa. Impit siyang napasigaw nang maramdaman ang mabigat na kamay at mahigpit na dumaklot sa kanyang mga balikat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD