Chapter 6

1181 Words
CHARMAINE Halos isang oras na rin ang nakakalipas mula nang matapos kaming kumain ni Caleb sa loob ng mall. Kalalabas lang kasi namin doon at ngayon ay magkasabay at magkatabi na kaming naglalakad pauwi sa aming mga bahay, since magkapit-bahay nga lang naman kami. Naubos ang kinse minutos sa pagpapahinga ko sa lahat ng aking kinain, hindi kasi ako sanay sa ganoon karaming ulam, kasi nga kaunti lang naman ang parati kong nakakain sa bahay dahil hindi naman kami gano’n kayaman katulad nila Caleb. Ewan ko lang kung mayroon siyang ideya patungkol sa estado ng aming buhay kaya niya napag-isipan na ilibre kami ng pagkain at pati na rin nung earbuds ko. Hindi naman nagtagal ay nakaabot na rin kami sa tapat ng aming bahay. Sa pag-aakalang ibibigay na sa akin ni Caleb ang mga pagkaing binili niya kanina ay inilahad ko ang kamay ko sa harapan niya na para bang nanlilimos ako ng barya. Tinitigan lang iyon ni Caleb at nagtataka siyang sumulyap sa akin. “Anong gusto mo?” casual na tanong niya sa akin, halos hindi pa maipaliwanag ang nakaguhit sa kanyang labi. Hindi ko malaman kung pinipigilan ba niya ang sarili niyang matawa o talagang ganoon lang ang normal na expression ng kanyang mukha. Nahihiyang binawi ko ang aking kamay pero maya-maya rin ay binalik ko iyon sa tapat ng kanyang dibdib, nakabuka ang aking palad. “‘Yung mga pagkain nina Mama at Papa… Hindi mo ba ibibigay sa akin?” mahinang tanong ko kay Caleb. Dali-daling umiling si Caleb. “Wala naman akong balak i-abot ‘to sa ‘yo para ikaw ang magbigay sa mga magulang mo eh. Bakit, bawal ba ako ang gumawa nun?” aniya. Bago pa man ako makapagsalita ay kumatok na siya agad sa pinto ng aming bahay, kaya hindi rin naman nagtagal ay bumukas na ang pinto at mula roon ay bumungad si mama. “R-Rhys?” utal na bigkas ni mama sa apelyido ni Caleb. “Bakit napabisita ka rito?” paunang tanong ni mama sa lalaking katabi ko bago siya napatingin sa akin. “Tsaka bakit kasama mo ang anak ko?” dagdag pa niya sa naunang katanungan. Inabot na agad ni Caleb ang dala-dala niyang mga plastic at walang pag-aalinlangan naman iyong tinanggap ni mama. “Nakasabay ko lang si Charmaine sa mall, tsaka isa pa, magkaklase naman na rin kami,” diretsong sagot niya kay mama, na para bang wala lang sa kanya ang makipag-usap sa mga magulang ko. “Nasaan si Tito?” usisa pa ni Caleb. Puno man ng katanungan ang aking isipan ay binalewala ko na lang muna ang lahat ng iyon at tsaka ako nakinig na lang sa kanilang mga mapag-uusapan. “Ah, may pinuntahan lang saglit sa labas,” sagot ni mama. Binigyan na niya ako ng daan para makapasok ako kaya tuloy-tuloy na akong naglakad hanggang sa nakarating na ako sa aming sala, maliit lang naman din kasi ang bahay namin. Pagkalingon ko ay nanlaki ang mga mata ko nang nakita ko si Caleb sa mismong tapat ng mukha ko. Hindi ko naman kasi alam na susunod pala siya sa akin, buong akala ko ay uuwi na siya pagkatapos niyang ibigay kay mama ang pagkain. Sinulyapan ko ang kamay niya at napagtanto kong hindi pa pala niya inabot kay mama ‘yung pagkain. Siniko ko si Caleb tsaka ko siya sinamaan ng tingin. “Anong ginagawa mo rito? Iwan mo na ‘yan sa lamesa at umuwi ka na sa inyo,” bulong ko sa kanya. Ngumuso pa ako sa plastic at sa lamesa namin para mas maintindihan niya ang pinupunto ko. Agad namang umiling si Caleb na tila ba’y wala siyang planong sundin kung ano ang gusto kong mangyari. “Hindi mo ba kayang itikom ang bibig mo kahit panandalian lamang?” malamig na sabi niya sa akin kaya’t dulot na rin ng kahihiyan ay nanahimik na lang ako sa isang tabi. “Tita.” Lumapit siya sa mama ko at inalalayan pa niya ito para makaupo sa aming hapag kainan na nasa likuran ko lang. “Para sa inyong tatlo nina Tito at ng anak niyong ‘to.” Inabot ni Caleb ang pagkaing binili niya sa mall kanina. Pagkatingin ni mama sa nilalaman niyon ay akma niyang ibabalik kay Caleb ang lahat ng iyon. “Mukhang sa mamahaling restaurant mo naman ‘to binili, Rhys. Hindi namin ‘to matatanggap kahit pa sabihin mo pang isinabay mo lang ‘to noong kumain ka,” pagdadahilan ni mama at pilit pa rin niyang itinutulak pabalik ang plastic na ngayon ay nasa pagitan nilang dalawa. Nagulat naman ako nang tumingin sa akin si mama na para bang mayroon akong nagawang kasalanan sa kanya o kung ano. “B-bakit?” nagtatakang ani ko. “Baka naman eh pinilit mo si Rhys na bilhan tayo ng pagkain para lang hindi na tayo gumastos? Magkaroon ka naman ng kahihiyan d’yan sa sarili mo.” Iniharang ko ang dalawang kamay ko sa harapan ko as I moved it from left to right continuously. “Hindi ah. Sinabihan ko pa nga siya kaninang huwag na mag-abalang bumili para sa atin eh, kaso huli na, kasi nakabili na siya bago pa niya ako marinig,” pagdedepensa ko sa aking sarili. Dumapo ang paningin ko kay Caleb sa kadahilanang umaasa akong sasang-ayon siya sa lahat ng sinabi ko, ngunit, kabaliktaran pa nga niyon ang nangyari. “Sa pagkakatanda ko, nagmakaawa ang anak niyong ‘to sa akin na isabay ko nang bilhin ang pang-hapunan niyo. Hindi na rin ako tumanggi kasi kaya ko naman bilhin,” pagbabaliktad ni Caleb sa statement ko. Isang malakas na hampas sa balikat ang natanggap ko mula kay mama. “Diyos ko ka talagang bata ka!” bulyaw niya sa akin. Inulit niya pa ang hampas na ginawa niya pero sa kabilang balikat ko naman para pumantay ang sakit sa kaliwa. Akala ko ay pipigilan ni Caleb ang p*******t na ginagawa ni mama sa akin sa mismong harapan niya at babawiin ang kanyang sinabi, subalit walang lumabas na kahit anong salita mula sa bibig ni Caleb. “Mas pinaniniwalaan niyo pa ba ang ibang tao kaysa sa sarili ninyong anak?” naluluhang tanong ko kay mama. Hindi ko naman hinayaang tumulo ang mga luha ko dahil hindi ako maaaring magpakita ng aking kahinaan ko habang narito si Caleb. Wala naman akong natanggap na sagot mula kay mama tsaka itinigil na rin niya ang paghampas niya sa akin kaya’t wala na akong dinagdag pang kahit na ano, baka mas lalo lang mag-init ang ulo niya at dagdagan pa iyon ni Caleb. Nang magtama ang paningin namin ni Caleb ay pasimple pa siyang dumila. Agad naman iyon nawala at bumalik ang pagiging seryoso ng kanyang ekspresyon. Ni hindi ko man lang nakitang tumawa o maski ngumiti ang isang ‘to mula pa kaninang bago kami nakapunta sa mall. “Gan’to pala ang gusto mo ah. Humanda ka sa akin,” pagbabantang bulong ko sa lalaki. Akala ko pa naman eh matutuwa na ako kasi kinakausap niya ako, akala ko lang pala iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD