Nanginginig ang mga kamay ni Sasha habang humahakbang ito papalapit sa dalawang katawang natatakpan ng puting tela sa morgue. Hindi matanggap ni Sasha ang sinapit ng mga ito. Para bang sinampal siya ng katotohanang lumisan na ang mga magulang at wala na itong babalikang pamilya sa mansyon. Hindi na katahimikang dala ng business trip ang sasalubong sa kaniya kung hindi habambuhay na katahimikang nangangahulugan na hindi na nito muling masisilayan ang masiglang ngiti ng kaniyang mommy at mayayakap ang kaniyang daddy sa tuwing may pabor siyang hinihiling dito. Nanatili itong tahimik at pinipilit ang mga luhang huwag ng tumulo dahil sapat na ang sakit na nararamdaman ng puso niya sa mga oras na ito. Gusto niyang maglumpasay ngunit sinasabihan nito ang sariling kailangan niyang magpakatatag.