HINDI ako natulog at hinintay ko maghatinggabi; sumapit ang 2:30 PM, pumasok nga si ate sa kuwarto ko at tinulungan akong makalabas ng mansyon.
Tulog na ang mga katulong at security guard na nagbabantay sa may gate kaya madali akong nakalabas. At paglabas ko ay may kotse na nakaabang na kinuha ni ate para sa akin. Hinatid ako ng taxi sa airport, at pagdating ng airport ay agad akong magpa-book ng ticket papuntang Rome, Italy.
Ilang oras pa ang hinihintay ko sa airport bago ang flight ko.
Ngayon ay narito na ako nakaupo sa loob ng eroplano at nakatingin lang sa kawalan.
Sa totoo lang ay kinakabahan ako sa pagtakas ko. Alam kong magagalit sa akin si Dad. Pero hindi ko naman puwedeng sundin ang kanyang gusto na kailangan kong magpakasal sa kanyang business partner. No way!
Pero hindi ko mapigilan ang makonsensya. Ngayon lang kami nagkaroon ng ganitong tampuhan ni Dad at nagkasagutan. Oo, aminin ko na palagi siyang busy sa trabaho kaya nakakalimutan na akong kumustahin, pero gayunpaman ay lagi naman niyang sinusunod ang gusto ko pagdating sa mga materyal na bagay. Si mommy at ate lang talaga ang iba kung makitungo sa akin mula pa pagkabata, kaya medyo malayo ang loob ko sa kanila. Pero ngayon ay nagpapasalamat ako kay ate dahil tinulungan niya akong makatakas.
Pagdating ng Rome ay sumakay ako ng taxi at nagpahatid sa hotel. Hindi na ako bumalik pa sa condo ko dahil siguradong malalaman ni Dad na nasa Italy ako.
Nagpahinga lang ako saglit sa hotel at muli akong sumakay ng taxi, nagpahatid sa Luiss University kung saan ako dating pumapasok.
Pagdating ng university ay agad akong naglibot-libot sa campus. Hanggang sa napahinto ako nang makita ang tatlong lalaki kasama ang apat na babae na nakaupo sa ilalim ng puno; may nagbabasa ng book, nakaharap sa laptop at nagkukulitan kasama ang babae.
Mabilis akong lumapit at hinawakan sa kwelyo ang lalaking nagbabasa ng libro, nang mag-angat ito ng tingin sa akin ay isang sampal ang pinalipad ko sa pisngi nito.
“Ouch! What's that for, Jelly?” bulalas ni Vince na siyang sinampal ko.
Binitiwan ko na ang kwelyo nito matapos sampalin.
“Para 'yan sa pagsumbong mo sa akin kay Dad na sa Moscow na ako nag-aaral. How dare you! Akala ko kaibigan kita pero nilaglag mo ako!”
Vince stood up. Inis ako nitong tiningnan habang inaayos ang nagusot na kwelyo. “Tsk. It's not me, nadulas si Gabriel kaya wala na akong nagawa kundi sabihin.”
“Pasensya ka na, Jelly. Akala ko kasi alam ng Dad mo ang paglipat mo ng Moscow.” Si Gabriel na napakamot na lang sa batok.
Binigyan ko ito ng masamang tingin. “Ang sabihin mo, madaldal ka lang talaga!”
“Hey, stop fighting. Mag-lunch na lang tayo.” Inakbayan ako ni Lance. “And by the way, welcome back, my Jelly. Nice to see you again!”
Ang ending ay sumama ako sa kanila, napadpad kami sa restaurant at sabay-sabay na nag-lunch.
“So, what did your dad say? Was he mad at you?” Gabriel asked while we were currently eating lunch.
“Well, not really. It's just that he wants to marry me to his business partner.” I frowned.
Napabaling ang tingin nilang tatlo sa akin.
“Really?” gulat nilang bulalas.
And I nodded sadly.
“Hulaan ko, tumakas ka 'no?” ngising tanong ni Gabriel.
Napairap ako. “Hindi ba obvious? Syempre ayokong makasal 'no.”
Ano na lang ang magiging takbo ng buhay ko kapag nagpakasal ako sa lalaking hindi ko naman kilala? Ngayon pa lang ay nakakabaliw na isipin.
“Pero tingin ko ay mahahanap ka pa rin ng dad mo kung mananatili ka sa condo mo,” Vince said.
“I know, kaya nga ako nag-stay muna sa hotel, tsaka hindi naman ako magtatagal dito. Aalis din ako bukas papuntang Moscow, sa boyfriend ko.”
Nagsitaasan na bigla ang mga kilay nilang tatlo sa akin.
“Really? May boyfriend ka na?” reaction ni Gabriel.
“Kailan ka pa nagkaroon ng boyfriend? Akala ko ba lumipat ka ng Moscow dahil doon mo gusto mag-aral?” kunot na wika naman ni Vince.
Napasatsat naman si Lance na napahinto ang balak na pagkagat ng pizza. “Ba't hindi mo sinabi sa amin, my Jelly? Dapat pinakilala mo muna sa amin bago mo sinagot.” Napasimangot ito.
Napataas naman ang kilay ko at napa-cross-arms sa aking dibdib. “At bakit ko sasabihin sa inyo aber? Mga kuya ko ba kayo?” mataray kong sagot na kinaasik nilang tatlo.
“We are your friends, kaya dapat lang ipaalam mo rin sa amin ang ganap sa buhay mo. Paano na lang kung sasaktan ka lang pala ng lalaking 'yan? Paano ka namin mapoprotektahan kung wala kaming kaalam-alam? Tapos ang layo pa, nasa Moscow, samantalang kami ay narito sa Italy,” Lance complained, which I scoffed at.
“Para protektahan o para isumbong niyo kay dad?”
“Nah, my Jelly, hindi naman ako madaldal katulad ni Gabriel. In fact, I'm here; if you need my help, just tell me.” Inakbayan ako nito. Pero agad kong inalis ang braso sa balikat ko.
“Kumain na nga lang tayo, kailangan ko pang magpa-book ng ticket mamaya.”
“We'll just take you to the airport tomorrow. It's too bad there's class; we should have taken you all the way to Moscow, so we could meet your boyfriend,” reklamo pa ni Gabriel na siyang kinailing ko na lang.
Mga kaibigan ko silang tatlo. Actually, si Vince at Lance lang talaga ang kaibigan ko dahil kilala sila ni Dad, naging kaibigan ko lang naman si Gabriel dahil kaklase nila at nagkataon na half filipino ito, naiintindihan lahat ng pag-uusap namin kapag tagalog ang ginagamit naming salita, at talagang napakakulit, feeling close agad, kaya naging kaibigan ko na rin ito. Marami naman akong mga kaibigan na mga ibang lahi, pero hindi naman kami gano'n ka-close, nag-uusap lang kapag tungkol sa school.
Matapos namin mag-lunch ay muli kaming bumalik ng university dahil may klase pa pala sila, ilang oras din ang hinintay ko bago natapos ang kanilang klase at inahatid na ako sa hotel kung saan ako naka-check-in. Pero nagbihis lang ako saglit sa hotel room ko at muli akong sumama sa kanila. Nagyaya silang tatlo na i-celebrate ang muli naming pagkikita after a year, kaya naman napadpad kami sa isang malaking nightclub dito sa Rome, ang Planet Roma.
Mapagkakatiwalaan naman silang tatlo kaya walang problema sa akin kahit buong magdamag ko pa silang kasama. At dahil stress ako kay Dad ay dinaan ko lahat sa alak, nagpakalasing ako sa club at nagpakasaya.
It was early morning when we decided to go home. Vince drove because he was the only one who wasn't drunk, compared to the three of us who were completely drunk.
“I'll take you to your room,” Vince suggested after the car stopped in front of the hotel where I checked in.
“Thanks, pero hindi na kailangan. Kaya ko pa naman maglakad 'no. I can handle myself,” pagtanggi ko at bumaba na ng kotse. Parang umikot pa ang paningin ko pagbaba, mabuti na lang ay napahawak ako sa pinto ng kotse.
“Are you sure you're okay?” my friend Vince asked again with concern.
“Oo nga, ayos lang sabi ako. Kaya ko na ang sarili ko, okay? Sige na umuwi na kayo,” pagtataboy ko at napapilig pa ng ulo.
“Okay, just call me if there's a problem. See you tomorrow.” Pinatakbo na nito paalis ang kotse.
“State attenti, miei cari amici! Guidare sicuri!” sigaw ko at kumaway pa.
Pasuray-suray na akong naglakad sa lobby, hanggang sa narating ko ang isang elevator. Ilang sandali pa ako g naghintay, at nang bumukas ito ay dali-dali akong pumasok, pero dahil sa pagmamadali ko at kalasingan ay parang muling umikot ang paningin ko at saktong natapilok ang mga paa ko pagkapasok sa pinto ng elevator. Akala ko ay susubsob na ang mukha ko sa sahig ng elevator, pero mabuti na lang ay may isang bisig ang bigla na lang humuli sa baywang ko, kaya naman napigilan nito ang pagbagsak ko.
“Oh my god. T-Thank you,” pagpapasalamat ko at inalis na ang braso sa pagpulupot sa tiyan ko nang makatayo na ako ng maayos. Pinindot ko na lang ang button ng elevator sa 10th floor kung saan ako naka-check-in.
Pero habang umaandar ang elevator ay napatingin ako sa isang lalaking kasama ko sa loob na siyang tumulong sa akin sa muntik ko nang pagbagsak. Unang napadpad ang tingin ko sa makintab na black leather shoes nito, hanggang sa umakyat ang tingin ko sa kamay nitong may suot na luxury watch. At umakyat na Ang tingin ko sa katawan nito. Nakasuot ito ng gray business suit. Pero nang tuluyan nang mapaangat ang tingin ko sa mukha nito ay hindi ko inaasahan na nakatingin pala ito sa akin. Akala ko ay iiwas na ito ang tingin dahil nakatingin na ako sa kanya, but he didn't, bagkus ay nakatitig pa rin sa mukha ko. Hindi naman nakakatakot ang kanyang itsura dahil guwapo naman, pero hindi ko mapigilan ang mapataas ng kilay.
“Oh? Bakit ganyan ka kung makatingin sa akin? Ano, na-starstruck ka sa ganda ko?” mataray kong sabi.
Napatikhim naman ito at iniwas na ang tingin sa akin, hindi ako sinagot.
Napasimangot na lang din ako at napahawak sa ulo ko nang maramdaman ang pagkirot nito dahil sa ininom kong matapang na alak.
“Kasalanan talaga 'to ni dad, hindi naman ako magpapakalasing ng ganito kung hindi dahil sa kanya,” nakasimangot kong usal.
Pero hindi ko inaasahan ang pagsagot ng kasama kong lalaki.
“Bakit, ano bang ginawa sa 'yo ng dad mo at nagpakalasing ka ng ganyan?” tanong nito sa akin. Literal na sa akin dahil kaming dalawa lang naman ang tao sa loob ng elevator.
And I was surprised.
“You know how to speak Tagalog? Are you a Filipino?” Napaangat muli ang tingin ko.
“Yes, half filipino,” sagot nito at tipid pang ngumiti.
Napatango-tango naman ako. “Oh that's great. Nice to meet you.” Iniwas ko na ang tingin ko. Pero muli naman itong nagsalita.
“Hindi mo ba sasagutin ang tanong ko? Anong ginawa sa 'yo ng dad mo at nagpakalasing ka?”
Napaismid na ako at napairap pa. “Ano pa nga ba? Ayan kasi si dad, palibahasa anak niya lang ako kaya kailangan kong sumunod sa mga gusto niya. Ikaw ba naman ipakasal sa kanyang gurang na business partner! Talagang nakakainis, nakakasama ng loob!”
Sandaling natahimik ang lalaki, pero muli rin itong nagsalita.
“Bakit mo naman nasabi na gurang na? Nakita mo na ba?”
Muli akong napairap. “Hindi pa naman, pero wala na akong balak pa na tingnan ang itsura ng lalaking 'yun. Dahil kahit gaano pa siya kayaman at kaguwapo, hinding-hindi ako magpapakasal sa kanya!”
“At bakit naman hindi?”
Awtomatikong napataas muli ang kilay ko at napaangat ng tingin ulit sa lalaki.
“Labas ka na ro'n! Huwag ka nga tanong nang tanong, I don't know you! Huwag kang feeling close!”
Napatikhim lang ito sa pagtataray ko at hindi na ako pinansin pa, iniwas na rin ang tingin sa akin.
Nang bumukas ang elevator ay lumabas na ako at pasuray-suray na naglakad muli, pero mga isang dipa na lang ang layo ko sa room ko ay nang mapahinto ako nang maramdaman ang pagsunod sa likuran ko. Paglingon ko ay nakasunod pala sa akin ang lalaking nakasama ko sa loob ng elevator.
“Are you following me? Gusto bang tumawag ako ng pulis at ipahuli kita?”
Pero imbes na patulan ako ay saglit lang ako nitong tiningnan bago ako nilampasan. At para akong napahiya nang makita ang pagpasok nito sa katabi kong room.
“Hays, nakakahiya.” Napapilig na lang ako ng ulo at pumasok na ng room ko.
Pagsampa ko sa kama ay agad akong nakatulog. Nagising ako sa ingay ng phone ko. Hindi ko na sagutin dahil inaantok pa ako, pero dahil ayaw tumigil ng pag-ring ay napilitan akong bumangon kahit nakapikit at inabot ito sa bedside table.
“Yes, hello?” inaantok kong sagot at muling nahiga.
“Jelly Anne! Bumalik ka ng Pilipinas ngayon din! Huwag mo akong suwayin kung ayaw mong makita ang galit ko!”
Bigla akong napamulat nang marinig ang boses ni Daddy. Pero imbes na sumagot pa ay agad ko na itong binabaan.
Parang naglaho bigla ang antok ko. Dali-dali na akong pumasok ng shower room at naligo.
Ibig sabihin ay alam na ni Dad ang pagtakas ko, at alam na rin niyang nasa Italy ako. Kaya kailangan kong makaalis bago niya pa ako matunton!
Nang matapos maligo ay agad akong nagpa-book ng plane ticket online papuntang Moscow. At nang matapos magbihis ay lumabas na ako ng room ko habang hila-hila ang aking maleta.
Pero paglabas ko ay siyang pagkagulat ko nang bumungad sa akin ang apat na lalaking naka-black suit na agad akong hinarang.
“Your father sent us to fetch you, Señorita. And we've already booked you a flight back to the Philippines; we will just take you to the airport now.”
Para akong nanlumo sa narinig. Bigla akong nanghina.
Paano nalaman ni Dad kung saang hotel ako? Sinumbong na naman ba ako ng mga kaibigan ko?
“Let's go, señorita.”