Joseff's Pov: "Handa ka na ba?" Tumango ako at inayos ang uniporme ko bago humarap kay Nathan. Napaismid ako nang makitang hindi lang si Nathan ang nag-aabang sa akin kundi ang buong team ko. "Huwag kayong mag-alala, inaasahan na natin ito," saad ko para kahit paano ay gumaan ang mabigat na presensyang nakabalot sa amin. Umismid si Silver. Kadarating lang n'ya mula sa burol ni Mr. Nicasio. "Nasaan nga pala si Miss Madrigal?" tanong ko. Kanina ko pa hindi makita ang babae at kanina ko pa din inaasahan ang pagwawala n'ya sa harap ko. "Bumaba s'ya sa KST," naiiling na sagot ni Silver. "Hindi ko gusto ang nangyayari doon ngayon. Maraming reporter at siguradong isa si Ms. Madrigal sa mga pag-iinitan." Tumango ako. Wala naman akong magagawa dahil hindi ko din inaasahan na madadamay s'ya.