Parcutela, Baltazar
18 de Marso de 1899
Isagani’s Point of View
“Corazon! Mahal kong Corazon, nasaan ka?” tawag ako nang tawag sa kaniya nang mga oras na iyon.
Sa isang maliit na kubo sa Parcutela sa lungsod ng Baltazar sa Gapan, taong labingwalo at siyamnapu’t siyam ay dito madalas kami nagtatagpo ng aking iniirog na si Corazon. Dahil langit at lupa ang aming agwat, kinailangan naming itago ang aming tunay na estado sa aming mga pamilya.
“Isagani, irog ko! Naririto ako!” sumagot siya sa aking pagtawag. Ako naman ay napangiti dahil kumakaway ito sa akin.
Sa malawak na lupain ng mga Baltazar, na napapaligiran ng mga palayan, kaming dalawa ay nagtatagpo at ipinagpapatuloy ang aming natagpuang pag-ibig sa isa’t isa. Nagmamadali akong tumakbo sa kaniyang kinaroroonan at hindi ko inalis ang napakalapad na ngiting sumisilay sa aking labi.
“Irog ko.”
“Aking irog. Aking Isagani.”
“Minamahal kong Corazon. Mi Corazon.”
Ako ang unang yumakap sa kaniya. Mahigpit iyon na tila ayaw ko siyang pakawalan. Ganoon din ang mga yakap niyang gamot sa aking kalungkutan. Nang mga sandaling iyon, tanging siya lamang, kaming dalawa ang laman ng aking puso at isipan.
“Ako’y nagagalak na ika’y muling makita, Isagani, irog ko,” nakangiting sabi niya.
“Ganoon din naman ako, irog ko. Mahal kong Corazon,” hindi ko rin pinalampas na sabihin ang nilalaman ng aking puso. Bumitaw ako sa pagkakayakap sa kaniya at inalalayan siyang umupo nang yayain niya ako.
“Halika at ating pagsaluhan ang dala kong mga prutas, Isagani. Mayroon akong mangga rito at nahiwa ng mga pinya. Nagdala na rin ako ng malagkit na kaning paborito mo, irog ko.”
Napakalapad pa rin ng mga ngiti ko. Habang nakangiti siyang inaayos ang mga prutas at kakaning mula sa kaniyang dalang sisidlang gawa sa ratan.
“Naalala mo ba ang una nating pagkikita dito rin sa malawak na lupaing ito ng Baltazar? Diyan sa maliit na kubong iyan tayo masayang nagkukuwentuhan,” bigla na lamang sumagi sa aking isipan ang una naming pagkikita.
“Oo naman, mahal ko. Ilang sampal nga ang natikman mo mula sa akin dahil sa kalokohan mong akala ko talaga ay totoo?” abot hanggang tainga ang mga ngiti niya sa pagpapaalala sa akin sa ginawa ko noong una kaming nagkita.
Napakamot ako sa aking ulo at napayuko tanda ng aking pagkapahiya sa kaniya. Ang buong akala ko ay nakalimutan na niya ang nangyaring iyon. Hindi pa pala. Kasalanan ko naman kasi dahil nagkunwari akong may kinuhang insekto sa palayan at inilagay ito sa kaniyang likuran. Mangiyak-ngiyak pa siya noon at walang ibang nagawa kung hindi ang pagsasampalin ako.
“Paumanhin sa aking nagawa, irog ko.” Kinuha ko ang kaniyang mga kamay upang humingi ng kapatawaran saka hinalikan ang mga kamay nito.
“Irog ko, ako ang dapat na humingi ng kapatawaran sa iyo dahil sa aking nagawa. Nasaktan kita at...”
Hindi ko hinayaang tapusin niya ang susunod niyang sasabihin dahil agad kong hinawakan ang kaniyang pisngi at hinalikan ang kaniyang labi. Saglit lamang iyon pero sapat na para iparamdam ko sa kaniyang mahal ko siya.
“Sana sa susunod pa nating pagkikita dito sa lugar na ito ay kilalanin na tayo ng ating mga pamilya, Isagani. Alam kong ganoon din ang hiling mo para sa ating dalawa.”
“Hinihiling ko rin iyan, irog ko. Isang bawal na pag-ibig ang namagitan sa akin, Corazon. Pero ni minsan ay hindi pumasok sa aking isipan na mali ang mahalin ang isang tulad mo. Ipinapanalangin ko rin iyan, irog ko,” sagot ko at muli siyang niyakap.
Masaya akong makita ang mukha ng aking pinakamamahal na si Corazon. Ngunit, ang aking mga nakikita ay tila unti-unting nabubura. Ang kayakap kong mahal ay nawawala rin hanggang sa napasigaw ako at ibang labi ang aking nadikitan. Sandaling dumikit iyon sa labi ng babaeng nabagsakan ko at pilit na iniiwasan kanina pa. Sapat lang din iyon upang ilibot ko ang aking mga mata sa paligid at napagtantong hindi pa pala ako nakababalik sa aking panahon. Upang takpan ang aking kahihiyan ay nagkunwari akong nawalan ng malay.
“Ikaw, sir ha? Pangalawa na ito,” dinig kong sabi ng dalagang hindi ko pa alam ang pangalan.
Pigil na pigil ang aking paghinga nang mga sandaling iyon. Gising na gising naman ang aking diwa at matalas ang aking pandinig sa paligid.
“Aba! Aba! Tutulugan mo na naman ako? Hindi ko na keri ito. Nahimatay ka ba dahil mabaho ang hininga ko o sadyang nawalan ka nga talaga ng malay ha? Hoy, sir. Kung sino ka man, gumising ka na at panagutan mo ang pangalawang beses na hinalikan mo ako. I can’t take it anymore!”
Wala akong maintindihan sa mga ibang salitang sinabi niya maliban sa mabaho ang hininga. Mabaho nga ba? Dumikit lang naman ang labi ko sa labi niya dahil inakala kong nasa aking panahon pa rin ako. Hindi pala. Kailangan ko na bang gumising at itigil na itong pagkukunwari ko? Baka matuluyan ako at magkaroon ng sakit sa puso kapag nagkataon.
“Hindi ka talaga gigising ha? Alam kong pina-prank mo na ako, sir. Pwes! Humanda ka sa aking gagawin. Halikan pala ang gusto mo ha? Teka sandali, hanapin ko muna ang mouthwash ko at magmumog bago kita halikan.”
Pinagpapawisan na ako nang mga oras na iyon. Liban sa mali sa isang binatang tulad ko na halikan ng isang dalagang hindi ko gusto at kasalanan ko ring mahalikan siya, hindi pa rin kaya ng konsensya ko ang gagawin niyang paghalik sa akin nang walang permiso.
“Ayan. Handa na akong makipagsabayan sa pang-aagaw mo ng first kiss ko, sir!”
Hindi ko na kaya ito kaya agad akong dumilat at nakita ang nakapikit niyang mga mata. Handang-handa na rin ang labi nitong ngumunguso na para halikan ako.
“Binibini, bigyan mo ng respeto ang iyong pagk*babae. Mali sa isang tulad mo na halikan ako nang hindi hinihingi ang aking permiso,” bilog at may awtoridad ang boses ko nang mga oras na iyon.
Napamulat naman ang dalaga na nakanguso pang kumukurap-kurap at inilibot ang mga tingin sa paligid na napatigil dahil marahil sa lakas ng pagkakasabi ko. Ako naman ay bumangon at umayos ng pagkakaupo. Nasilaw pa ako sa mga nakikita kong liwanag na nanggagaling sa hindi ko malamang kagamitan sa panahong ito.
“Hindi ba at sinabi ko na sa inyo na ako lang ang may karapatan sa asawa ko? Tigilan na nga ninyo pagkuha ng mga pictures niya? Takot siya sa flash at camera, okay? Alis!”
Hindi ko man maintindihan ang ibang mga salitang binanggit niya, pero nakaligtas naman ako sa mga liwanag na iyon dahil sa kaniya.
“Ngayong, gising ka na, maaari mo na bang panagutan ang dalawang beses na paghalik mo sa akin?”
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.