Kabanata Bente-Singko: Pagsisinungaling

1185 Words
Gapan 1899 Corazon’s Point of View “Corazon, Maria. Anong nangyari sa inyong dalawa?” bungad na tanong agad sa amin ng aking ama. “At sino naman ang babaeng akay-akay mo at...” “Magandang araw po, ginoo---” hindi pa man natatapos ni Isagani ang kaniyang sasabihin nang bigla na lamang sumambulat sa amin ang kaniyang ginawa. Sinuntok niya ito sa panga at muntik nang matumba si Isagani. “Ama! Maghunus-dili ka. Pumasok na muna tayo sa loob,” pigil ko at hinila-hila na siya. “Mariposa, pakialalayan na lamang siya, kung maaari. Sundan na lamang ninyo ang aking kapatid na si Trining.” Habang hinila palayo si ama kay Isagani ay nakita ko na lamang na si Trinidad na ang umakay kay Isagani at sumunod na sila sa akin. Pagkapasok sa loob ng aming tahanan, ay pinaupo ko si ama at umiling sa kaniyang harapan. Pagkatapos niyon ay hinarap ko sina Mariposa at isagani saka pinaupo at inutusan naman ang aking kapatid na si Trining na kumuha ng maiinom. “Pumunta ka na muna sa banggerahan, Trinidad at kumuha ng malinis na tubig. Magdala ka na rin ng tinapay na makikita mo roon na puwedeng kainin ng ating mga bisita,” sabi ko at tumango naman si Trinidad saka tumalikod na at bumaba palabas. “Anong ginagawa ng lalaking iyan dito, Corazon? Bakit nandito iyan?” napataas na naman ang boses ng aking amang si Bernardo, kaya tumabi na lang ako sa kaniya para pigilan ang anumang gagawing pananakit niya. “Ama, huminahon po muna kayo. Ang puso po ninyo. Hindi po si Isagani ang kaharap o bisita ko. Kawangis lamang niya. Hindi ba, Mariposa?” paliwanag ko. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsinungaling ako sa aking ama. Hindi ko alam kung bakit ko iyon ginawa pero alam kong mas mainam na hindi na malaman muna ng aking ama ang tungkol sa kaniya. Titig na titig akong nakangiti kay Mariposa para tulungan akong tiyakin na totoo ang aking mga tinuran sa harapan ng aking ama. Halos mapunit na ang aking labi sa pagngiting iyon kung hindi lang nagsalita si Isagani. Mukhang napansin niya ang aking pagsisinungaling. Saglit pang nagtama ang aming mata. “Paumanhin po, ginoong?” nakita kong natigil ang kaniyang pananalita na tila tinatanong sa aking mga mata kung ano ang pangalan ng aking ama. “Bernardo. Bernardo ang pangalan ng aking ama. At ano nga ang iyong pangalan ulit?” sagot ko naman saka tinanong pa ang pangalan nito na kunwari ay hindi ko nalalaman. Pero bigla akong nakaramdam na parang may kumurot sa aking dibdib. “Lito. Lito ang kaniyang pangalan, Corazon,” sumingit na si Mariposa para ipakilala si Isagani sa amin, sa harapan ng aking ama. “Paumanhin kong hindi ko napakilala ang aking kaibigan sa iyo, Mariposa. Ngayon lang din naman kasi siiya napadpad sa inyong baryo.” Laking pasalamat ko nang magsalita siya. Ngumiti at tumango na lamang si Isagani sa tinuran ni Mariposa nang mga oras na iyon saka napansin kong palipat-lipat ang mata ng aking ama sa aming tatlo. Na tila sinusuri at tinitiyak na hindi kami nagsisinungaling. “Ganoon ba? Mukhang tama naman ang iyong tinuran, anak. Paumanhin kong nasuntok kita, Lito. Nadala lamang ako ng aking galit. May hawig ka lang nang kaunti sa bastardong si Isagani na anak ni Joselito. Ang totoo niyan ay isang beses ko lamang nasilayan ag anak ni Joselito pero hindi sa malapitan, tanggapin mo sana ang aking paghingi ng kapatawaran sa aking inasal kanina. Naku, naku! Huwag siyang magkakamaling magpakita sa labas ng aking tahanan dahil nakahanda na ang aking gulok para tagain siya,” bigla naman akong nahintakutan sa kaniyang mga sinabi. “Paumanhin din po, ama kung hindi ko nasabi agad sa inyo na silang dalawa lang naman ang nagligtas sa amin nang bastusin kami ng dalawang lalaking may kaya sa kalsada. Nasuntok ni Isa--- ni Lito ang isa kaya, napalaban kami sa takbuhan---” naputol ang pagsasalita ko nang biglang dumating si Trinidad na may dala-dalang mga baso at platitong may lamang tinapay. Naamoy ko agad ang timplado niyang kapeng barako. “At si binibining Mariposa po ang tumapos sa kabastusan ng dalawang lalaki. Magaling po siyang makipaglaban. Nasipa niya at nasuntok saka napatumba pa ang dalawang mga walang hiyang mestizo. Binabastos po kasi nila si Hermana Corazon at ako naman ay pinagsalitaan sila nang masama, ama,” bumida na agad si Trinidad habang inilalagay sa maliit na mesang nasa harapan namin ang mga kape. Ikinagulat pa naming lahat ang biglang pagtayo ng aking ama matapos marinig ang aming kuwento. “Lintek na mga mga mayayaman talaga na iyan. Mayaman din naman tayo pero hindi nga lang nila tinanggap. Mag-iingat na lamang kayo sa susunod, mga anak. Kayo naman, Mariposa at Lito, maraming salamat sa pagligtas sa aking mga anak. Bukas ang aking tahanan sa inyong dalawa kung nais ninyong manatili pa rito pansamantala,” komento nito at nilapitan ang dalawa para kamayan bilang tanda ng paggalang at pagpapasalamat sa kanilang pagliligtas sa aming magkakapatid. “Wala po kayong dapat na alalahanin, ginoong Bernardo. Ginawa lang po namin ang tama,” sagot ni Isagani. “Basta ako, okay lang akong manatili muna rito sa tahimik na pamumuhay ninyo, ginoong Bernardo,” nakakatuwang sagot ni Mariposa. Maging ako ay napangiti sa kaniyang pagiging adorable. “Magandang araw po, ginoong Bernardo,” lahat kami ay narinig ang isang tinig. Ang aking amang si Bernardo ang unang dumungaw sa bintana mula sa taas ng aming bahay. Ako naman ay napatayo at si Trining naman ay naglakad patungo sa bintana para tingnan kung sino ang panauhin. “Hoy, Simeon! Tulisan ka ba?” sigaw agad ni Trinidad. Na ipinagtaka pa agad namin ng aming amang si Bernardo. “Anong tulisan ang sinasabi mo, Trining?” mahina kong tanong sa kaniya. Si ama ay nakatingin sa amin at naghihintay ng sagot ni Trinidad. “Tulisan kasi hindi ko alam ang bigla-biglang pagsulpot niya,” sagot nito at saka nilakasan na naman ang boses. “Ang aga mo namang umakyat ng ligaw sa aking hermana Corazon?” Bigla akong napahiya at napalingon sa kinauupuan ni Isagani. Saglit lang iyon pero alam kong hindi ko minsan nasabi sa kaniya ang tungkol kay Simeon. Napansin ko rin ang palipat-lipat ng tingin ni Mariposa sa amin. Natigil lamang iyon nang magsalita ang aking ama. “Simeon, humayo ka rito nang hindi ka masikatan ng araw riyan sa labas.” Napailing na lamang ako sa sinabi ni ama. Bigla pa kaming nagkatitigan ni Trinidad dahil sa sinabing iyon ng aming ama. Hindi ko tuloy alam kung may mukha pa akong maihaharap kay Isagani. Ngunit, naalala kong ilang araw na pala siyang hindi nagpapakita sa kapitolyo, sa kanilang bahay, kaya mas tamang sabihin na ako dapat ang magalit sa kaniya o magdamdam at hindi siya. Bumalik na lamang ako sa pagkakaupo at kinuha ang abanikong inilapag ko sa upuan saka nagpaypay. ... DISCLAIMER: Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD