KABANATA 2

5779 Words
                              NAGPULONG ang bawat hari at reyna ng buong Adessa pati na rin ang mga konseho. Pinag-usapan kung ano ba ang dapat na paghahanda ang kanilang gagawin. Nagpadala si Erosho ng sulat at nakasaad dito na kung hindi sila magpapasakop dito ay magkakaroon ng madugong digmaan. Ang mga prinsesa naman ay patuloy sa pagsasanay para sa kanilang pakikipaglaban sa mga alagad ni Erosho kahit pa pinipigilan sila ng kanilang mga magulang. Lalaban sila para sa kanilang kaharian kahit mga prinsesa pa sila. At ngayon ay nasa dalampasigan silang lahat. Nasa unahan silang mga prinsesa kasama ang kanilang mga kapatid na prinsipe, pati na rin ang kanilang mga magulang. Nakasuot sila ng kasuotang pandigma. Sa hindi kalayuan naman ay ang pangkat ni Erosho. Wala pang nakakita kay Erosho dahil isa itong diyos. Diyos ng ilalim ng lupa. Hindi ito maaaring magpakita sa mga nilalang ng Adessa tulad ni Erashea na hindi maaaring magpakita sa mga nilikha niya. Hinawakan ng mga prinsesa ng mahigpit ang kanilang mga sandata. "Para sa Adessa!" "Laban hanggang kamatayan Adessa!" Sa kabilang pangkat naman ay... "Labanan ang mga taga-Adessa, Aholor!" Sumugod ang Adessa at ganun din ang Aholor. Nagsalubungan ang dalawang pangkat. Sandata laban sa sandata. Kapangyarihan laban sa kapangyarihan. Lakas laban sa lakas. Nakikipaglaban ang mga Sireno sa mga masasamang nilalang ng karagatan habang sa lupa naman ay nakikipaglaban ang mga Necromancer, mangkukulam, lobo, bampira at ang mga diwata. Habang sa himpapawid ay nakikipaglaban ang pangkat ng mga Aves sa mga pangkat ng mga lumilipad na kakaiba ang kanilang wangis. May pakpak ang mga ito, sungay at buntot. MALAKAS na kinawit ng scythe ni Prinsesa Nerrie ang leeg ng kanyang kalaban at agad na natanggal ang ulo nito. Malakas niya ring sinipa ang isang pang kalaban niya at tumilapon ito ng ilang metro. Mabilis niya itong sinundan sinipa ulit sa mukha. Tumingin siya sa kanyang mga magulang at kasamahan. Gumagamit na ang mga ito ng kanilang kapangyarihan. Itinapat niya ang palad sa lupa at ipinikit ang kanyang mata. "Makapangyarihang alakdan, lumabas ka at sundin ang ipag-uutos ko!" Ilang sandali lang ay biglang gumalaw ang lupa. At bumangon ang malaking kalansay ng alakdan. Napangiti siya at tumalon patungo sa itaas ng ulo nito. "Lipulin mo ang alagad ni Erosho!" Utos niya.                         NAPATINGIN si Prinsesa Dayne sa mga prinsesa ng Necromancer nang marinig ang sigaw nito. Nakita niyang nasa ituktok ito ng ulo ng malaking kalansay na alakdan. Hindi na siya nagtataka. May kakayahan ang kaibigan na bumuhay ng isang patay. Nagsambit ng inkantasyon si Prinsesa Dayne at agad na naglaho ang kalaban niya. Itinutok niya ang hawak niyang staff sa kalaban ng kanyang kapatid at itinapon sa dagat.                          NAGPALIT ng anyo si Prinsesa Mavielyn at tinalunan ang isang alagad ni Erosho na sasaksak sana sa isa nilang kawal. Nagpagulong-gulong sila sa lupa. Kinagat niya ito sa leeg at iwinasawas bago niya itinapon sa dagat. May dumagan naman sa kanyang lobo at nagpagulong-gulong sila sa lupa. Itinulak niya ito nang mapasailalim siya nito at kinagat ang buntot nito. Malakas niya itong itinulak gamit ang katawan niya at kinagat sa leeg.                        GAMIT ang matatalas niyang kuko ay sinaksak ni Prinsesa Renesmee ang kalaban niya at dinukot ang puso nito. Napangiwi siya ng maamoy ang hindi kaaya-ayang amoy ng dugo nito. Mabilis niyang itinapon ang dinukot niyang puso nito. Tumingin siya sa iba nilang kasamahan. Mabilis niyang sinakal sa leeg ang isa pang kalaban at binali ang leeg nito.                       MABILIS na lumangoy si Prinsesa Airene patungo sa kalaban at hinampas niya ito gamit ang kanyang trident. Ibinato naman niya ang sandata sa isa pang kalaban nila. Nang may humampas sa kanyang malakas na pwersa ng tubig. Nilingon niya kung sino ang gumawa nun at nakita niya ang  mangkukulam ng karagatan. "Ako ng bahala sa kanya." Ani ng kanyang ama. Tumango siya at tinulungan ang mga kapwa sireno.                        MALAKAS na inundayan ng saksak ni Prinsesa Phyllis ang kalaban niya. Itinapat niya ang kanyang kamay sa mga baging na nasa mga puno sa hindi kalayuan. Mabilis ang mga itong gumapang palapit sa kanila at pumulupot sa mga kalaban. Tumaas ang sulok ng labi niya. Pinaikot niya ang kanyang sandata sa kanyang kamay na may talim sa magkabilang dulo at ibinato sa isang kalaban.                        MALIKSING iniwasan ni Prinsesa Gabril ang mga panang tatama sana sa kanya. Napatigil siya ng makitang may kasama ang mga itong nilalang na nagbubuga ng apoy. "Mga Aves! Lipad sa mga ulap!" Utos niya. May mga tubig ang ulap kaya hindi basta-basta masusunog ang mga pakpak nila. Ang problema ngayon ay kung paano nila tatalunin ang dragon? Muli itong nagbuga ng apoy patungo sa kanila. Mabuti na lang at may tubig kaya walang nangyari sa kanila. "Mga Aves! Tumulong ang iba sa lupa at maiiwan ang iba dito sa itaas!" Utos niya. Lumipad ang iba paibaba at ang iba naman ay naiwan na kasama niya. Tumingin siya sa kasama ng dragon. Katulad nila ang mga itong may pakpak ngunit ang kaibahan lang ay may sungay at buntot ang mga ito. Napabuntong-hininga siya. Wala silang magagawa kung hindi ang gamitin ang kapangyarihan nila sa kidlat. Tumingin siya sa ibaba at nakita niyang gumagamit na ng kapangyarihan ang mga kapwa niya Aves. Idinipa niya ang kamay at mula sa kanyang mga kamay ay lumikha siya ng maliit na kidlat hanggang sa lumaki ito at malakas niyang ibinato sa pangkat ng alagad ni Erosho. Masyado yatang marami ang nailabas niyang kapangyarihan dahil nakaramdam siya ng panghihina. Lumipad siya paibaba sa lupa at tumulong na makipaglaban.                           MABILIS na pinana ni Prinsesa Nekiel ang kanyang mga kalaban. Tatlong palaso ang ginagamit tuwing hahatakin niya ang tali ng kanyang pana. Mas mainam na ito para mabilis nilang matalo ang mga kalaban. Napasigaw siya ng tamaan siya ng palaso ng kalaban. Natamaan siya sa braso. Kinagat niya ang kanyang pang-ibabang labi at hinawakan ang palaso. Hinugot niya ito mula sa pagkakabaon sa kanyang braso at agad niyang tinalian upang tumigil ito sa pagdurugo. Tumingala siya sa kalangitan nang may mapansin siya. Mas lalong dumidilim ito. Mabilis niyang iniwasan ang espada ng kalaban at malakas itong sinipa sa dibdib. Mabilis siyang kumuha ng kanyang palaso at pinana ito.                           NATIGILAN ang lahat ng Adessa nang may maramdaman sila. Lahat ay nagtaka dahil may nararamdaman silang malakas na kapangyarihan na bumabalot ngayon sa lugar kung saan sila nanglalaban. Lumapit ang mga prinsesa sa isa't-isa. Muling nahati sa dalawang pangkat. Humiwalay muli ang mga Aholor sa mga Adessa. Nagkatinginan silang mga prinsesa at tumingin sa dagat. Biglang may lumabas doon na higanteng ahas. May sungay ito at...pakpak? Nakita nilang may nakasakay ditong lalaki na nakasuot ng itim na maskara. "Erosho..."                            NAKAKABINGING katahimikan ang namayani sa lahat. Walang umiimik habang nakatingin sa makapangyarihang nilalang na nasakay sa higanteng ahas at gumagapang ito sa tubig habang nakataas ang kalahati ng katawan nito. Palapit ito sa kanila. Nakasuot ng itim na maskara ang Dark Lord kaya hindi nila alam kung ano ang wangis nito. Ang mga sireno naman ay umahon mula sa tubig at may paa na ang mga ito. Lumapit si Prinsesa Airene sa mga kapwa niya prinsesa. Tumingin sila sa kanilang paligid at nakita nila ang mga wala ng buhay na kasamahan nila. Nalungkot ang mga prinsesa sa sinapit ng kanilang mga kalahi. Marami ang nalagas sa kanila pero sigurado sila na mas maraming nalagas sa pangkat ng mga alagad ni Erosho. "Kumusta, Adessa?!" Umalingawngaw ang boses ng Dark Lord. "Anong kailangan mo, Erosho?" Tanong ng hari ng mga bampira. "At digmaan ang iyong ginusto." Dagdag ng hari ng mga Necromancer. "Tumingin ka sa iyong mga alagad. Marami sa kanila ang napaslang." Sabi ng hari ng mga mangkukulam. Tumawa ng malakas si Erosho. "Nais ko lang malaman kung gaano kalakas ang mga prinsesa ng Adessa. At tunay ang sinabi sa akin ni Sefora, ang manghuhula ng Aholor, malalakas at matatapang ang mga prinsesa ngunit hindi ako papayag na sila ang makakatalo sa akin. Ako ay isang diyos, mas makapangyarihan sa inyo! At hindi ako papayag na mapaslang lamang ako ng mga prinsesa!" "Kaya mo ba kami sinubukang ipapatay?" Ani ng prinsesa ng mga Aves. "Oo!" Sagot ni Erosho at bumaba ito mula sa higanteng ahas. "Gusto kong masubukan ang inyong mga kapangyarihan at kung gaano kayo kalakas!" Nagkatinginan ang mga prinsesa. "Lalabanan natin siya." Sabi ni Prinsesa Nekiel. Tumango ang mga prinsesa. "Ngunit isa siyang diyos." Ani Prinsesa Phyllis. "Hindi natin siya kaya." Wika ni Prinsesa Airene. "Malakas siya." Sabi ni Prinsesa Nerrie. "Natatakot ba kayo mga prinsesa?!" Tanong ni Erosho na nasa unahan ng mga alagad nito. Tumingin ang mga prinsesa sa isa't-isa at tumingin sila sa kanilang mga magulang. Tumango ang mga ito. "Hindi kami natatakot sa iyo, Dark Lord!" Sigaw ni Prinsesa Gabril. Ibinuka nito ang pakpak at sumibad ng lipad paitaas. "Lalaban kami!" Matapang na ani ni Prinsesa Dayne. "Para sa Arwood!" Sigaw ni Prinsesa Mavielyn. "Para sa Arwood!" Sigaw ng lahat. Sumibad ng lipad ang mga Aves paitaas. Muling sumugod ang pangkat ni Erosho at ganun din ang Adessa. Hinarap naman ng mga prinsesa ang Dark Lord. Inilabas ng mga prinsesa ang kanilang mga sandata. Mas lalong dumidilim ang kalangitan. "Ibalik mo ang liwanag ng kalangitan, Erosho!" Sabi ni Prinsesa Nekiel. Tumawa lang si Erosho at ito ang unang sumugod. Naghiwa-hiwalay ang mga prinsesa. Si Prinsesa Nekiel ang unang humarap kay Erosho. Malakas silang nagsalpukan sa ere. Bumagsak sa lupa si Prinsesa Nekiel sa lakas ng pwersa ng pinakawalan ni Erosho. Agad naman siyang tinulungan ni Prinsesa Renesmee. "Nekiel, ayos ka lang ba?" Tumango siya. "Oo." Tumayo siya kaagad. Mabilis na sinugod ni Prinsesa Renesmee si Erosho pero katulad niya rin ito na bumagsak sa lupa dahil sa malakas na pwersa na pinakawalan ni Erosho. Nilapitan niya ito. Magkasabay na sinugod ni Prinsesa Phyllis at Prinsesa Mavielyn si Erosho at sinabayan pa ito ni Prinsesa Gabril na nasa ere. Malakas na kidlat ang pinakawalan nito kay Erosho at mabilis naman itong nakaiwas pero hindi ito nakaiwas sa atake ni Prinsesa Phyllis at Prinsesa Mavielyn. Napaatras si Erosho. "Matatalo tayo kung paisa-isa tayong susugod sa Dark Lord." Sabi ni Prinsesa Dayne na lumapit kay Prinsesa Nekiel at Prinsesa Renesmee. Lumapit din si Prinsesa Nerrie. Si Prinsesa Nerrie naman ay gumawa ng ahas na tubig at itinama ito sa Dark Lord. Natamaan si Erosho. "Kailangang magtulungan tayo." Sabi ni Prinsesa Nerrie. Sinang-ayunan naman ito ng ibang prinsesa. "Tama si Nerrie. Kailangan nating magtulungan upang matalo natin ang Dark Lord." Wika ni Prinsesa Dayne. "Kung sakaling mamamatay ako sa digmaan na ito, masaya akong mamatay." Ani Prinsesa Mavielyn. "Ha? Bakit naman?" Tanong ni Prinsesa Airene na lumapit sa kanila. Tumingin sila kay Prinsesa Gabril at Erosho na naglalaban sa ere. "Kasi hindi ako maipapakasal sa gusto ng aking mga magulang." Sagot ni Prinsesa Mavielyn. Napangiti sila. Humanda sila. "Nerrie, Phyllis, Dayne, Renesmee, kayo ang magkakasama." Sabi ni Prinsesa Nekiel. Tumango ang mga ito. "Mavielyn, Airene at si Gabril, tayo ang magkakasama." Tumingin sila sa isa't-isa. Mababakas sa mukha nila ang tapang. "Dark Lord!" Tawag ni Prinsesa Nekiel. Tumingin sa kanila si Erosho. Doon lang nila nakita na sinasakal na pala nito ang kaibigan nila. Sumugod ang pangkat ni Prinsesa Renesmee kay Erosho. Hinagis ni Erosho ang sakal nitong prinsesa at mabilis naman nitong sinalo ni Prinsesa Mavielyn. Hinabol naman ni Prinsesa Gabril ang kanyang hininga. Nang maayos na kalagayan ni Prinsesa Gabril ay sumugod na rin ang kanilang pangkat. Ang pangkat ni Prinsesa Renesmee ang umaatake sa unahan habang ang pangkat ni Prinsesa Nekiel sa likuran ng Dark Lord kaya hindi na nito alam kung sino sa kanila ang haharapin nito lalo na at sabay-sabay nila itong inaatake. Malakas na inundayan ng saksak ni Prinsesa Gabril si Erosho pero mabilis itong  nakailag. Malakas naman na suntok ang isinalubong ni Prinsesa Nekiel kay Erosho at humagis ito. Tumaas ang sulok ng labi ng mga prinsesa. Magkasabay na muling sumugod si Prinsesa Renesmee at Prinsesa Mavielyn kay Erosho. Napangisi ang dalawang prinsesa nang bumagsak si Erosho sa lupa. Susugod rin sana ang iba pang prinsesa nang biglang naglaho si Erosho. Tumingin sila sa kanilang paligid. Hinanap ng kanilang mata ang Dark Lord pero hindi nila nakita. Nakita na lang nila ang pag-atras ng mga tauhan nito pero kakaunti na lang ang mga ito. "Malalakas kayong mga Prinsesa, lalo na kung nagsama-sama kayo." Ani Erosho na nakasakay ulit sa higanteng ahas. "Hindi ko matanggap na mas malakas kayo kaysa sa akin!" Sigaw nito at biglang nagkaroon ng malakas na pagkulog at pagkidlat. "Anong ginagawa niya?" Ani Prinsesa Nerrie nang makita nilang idinipa ni Erosho ang mga braso nito at tumingala sa madilim na kalangitan. "Isinusumpa ko ang walong prinsesa ng Adessa!" Tumingin ito sa kanila. Kinabahan silang lahat. "Isinusumpa ko kayong mga prinsesa ng Arwood! Sa tuwing sasapit ang hating gabi sa tuwing kabilugan ng buwan, kayo ay magbabagong anyo! Kayo ay magkakaroon ng kahindik-hindik na wangis! Kayo ay katatakutan ng inyong mga kalahi!" Kumulog at kumidlat ng malakas. Napasinghap ang mga prinsesa.                            SI ERASHEA, ang diyosa ng buwan. Walang maililihim sa kanya at nakikita niya ang lahat ng nangyayari. Nalungkot siya ng marinig ang sumpa ng kanyang kapatid na si Erosho sa mga prinsesa ng Adessa. Nakita niya ang nangyari,ang digmaan. Marami ang napaslang sa Adessa ngunit mas marami sa mga alagad ng kanyang kapatid. Tinignan niya ang kalangitan. Unti-unti ng nawawala ang madilim na kalangitan at bumabalik na ang liwanag. Tinanaw niya mula sa kinaroroonan niyang tore ang kabuuan ng Arwood. Napabuntong-hininga siya. Ang pagsumpa ni Erosho sa mga prinsesa ay parang siya na ang isinumpa nito. Anak niya ang mga prinsesa at hindi niya hahayaan na maging kahindik-hindik ang wangis ng mga ito habam-buhay. May lunas ang sumpa ni Erosho. May alam siyang makakapagsabi ng lunas ng sumpa. Sinulyapan niya ang puting baluti. Nilapitan niya ito. Kinuha niya ito at isinuot. Naghanda siya. Matagal niya itong pinag-isipan,kung gagawin niya ba ang kanyang plano o hindi. Nakapag-isip na siya. Gagawin niya ito para sa buong Arwood. Kinuha niya ang kanyang espada at inilagay sa kanyang bewang. Naglaho siya at lumitaw sa harapan ng trono ng kanyang kapatid sa ilalim ng lupa. Nakaupo ito sa itim na trono. Agad na tumutok sa kanya ang sandata ng mga alagad nito. "Naisipan mo akong dalawin, aking kapatid." Anito. "Hindi ko nagustuhan ang pagsumpa mo sa aking mga anak, Erosho." Seryoso niyang saad. Tumawa ito. "Hindi magtatagal ay aalis sila sa kanilang kaharian dahil pandidirian sila ng kanilang mga kalahi." Itinaas niya ang kanyang kanyang kamay. Nagliwanag ito at nagliwanag rin ang kanyang mata. "Isinusumpa ko, Erosho! Ang isisilang ng mga prinsesa ay siyang papaslang sa 'yo! Ang bagong henerasyon ng mga maharlika ang tatapos sa iyong kasamaan! Sila ang muling magpapabago dito sa Arwood! Sila ang magliligtas ng Adessa at wawasak sa Aholor!" Sumpa niya. Napatayo si Erosho mula sa kanyang trono. "Hindi totoo iyan, Erashea! Kapatid mo ako—" "—oo, kapatid kita, Erosho. Ngunit hindi kita mapapatawad dahil sa pagsumpa mo sa aking mga anak!" Aniya. Tinignan niya ang mga alagad nitong nakatutok ang mga sandata sa kanya. "Nakakaawa kayo." Aniya. Naglaho siya at muli siyang lumitaw sa kanyang tahanan, sa tore na nakalutang at walang sinumang pangahas ang nakakarating. Protektado ang buong lugar ng kanyang kapangyarihan kaya kahit ang kanyang sariling kapatid ay hindi makapasok sa kanyang tahanan na kanilang tahanan noon nang hindi pa ito naging Dark Lord. Nagpalit siya sa kasuotan. Ikinumpas niya ang kanyang kamay at napalitan ito ng mahabang puting damit. Umupo si Erashea sa kanyang puting trono nang maisip niya ang isang kaibigan na matagal na niyang hindi nadadalaw. Ngumiti siya. Bumaba siya sa lupa at tinungo ang kaharian ng mga Amazona kung saan nakatira ang kaniyang kaibigan. Hindi pa man siya nagpaparamdam ngunit alam agad nito na siya ang dumating. "Kumusta, Mahal na Erashea?" Yumuko ito habang nakalagay ang isang kamay sa tapat ng dibdib nito. "Ako dapat ang magtanong niyan sa iyo,Melissa. Kumusta ang iyong pananatili dito sa Adessa?" "Maayos, Mahal na Erashea." Ngumiti siya at umupo sa upuan na gawa sa kahoy na may korteng pakpak. "Ang aking mga anak..." Aniya. "Alam ko, Mahal na Erashea. Bati ko ang sumpa ni Erosho sa kanila. Sa katatapos na digmaan. Magsisimula mamayang hating-gabi ang sumpa ni Erosho sa kanila. Ang pag-iiba ng kanilang anyo ay tatagal ng tatlong oras." Malungkot na sabi ni Melissa at umupo ito sa upuang may korteng pakpak. "Batid kong may lunas pa ang sumpa, Melissa." Umaasa niyang saad. "Sa tagal ko na dito sa Arwood, Mahal na Erashea. Binigyan niyo ako ng kapangyarihang makita ang kinabukasan ng Arwood. Nakita ko, Mahal na Erashea,ang lunas ng sumpa ng inyong kapatid sa mga prinsesa." "Sabihin mo sa akin, Melissa." Aniya. "Handa kong gawin ang lahat para sa aking mga anak." "Ang tunay na pag-ibig, Mahal na Erashea." "Tunay na pag-ibig?" "Alam kong batid ninyo na hindi na maaaring manirahan ang mga prinsesa dito sa Arwood dahil sa sumpa ni Erosho. Alam kong hindi niyo nais na maipamukha sa kanila na sila ay katakutan o pandirian ng kanilang sariling mga kalahi." Wika ni Melissa. "Ang mundo ng mga tao." Aniya. Tumango si Melissa. "Ang mundo ng mga tao ang kasagutan, Mahal na Erashea. Kailangang may iibig sa mga prinsesa at ang mga mortal na ito ay dapat may dalisay na puso, tapat at tunay ang kanilang pag-ibig ngunit hindi ko alam kung kailan ito mangyayari. Hindi ko batid kung kailan nila matatagpuan ang mga mortal na magmamahal sa kanila ng tapat. At kung sakali man na mahanap nila ang mortal na nakatakda sa kanila ay kailangan rin nila itong ibigin ng tunay." Tumayo siya at pinagsiklop niya ang kanyang kamay. "Sa katunayan ay nag-aalala ako para sa kanila sa pagpunta nila sa mundo ng mga tao." "Mahal na Erashea, bago pa man sila maisilang ay batid na natin na ito ang kanilang kapalaran." "Alam ko, Melissa. Isinumpa ko ang aking sariling kapatid. Ang mga isisilang ng mga prinsesa ay siyang papaslang kay Erosho. Masakit sa akin na isumpa ang aking sariling kapatid ngunit gagawin ko ang lahat para sa Arwood. Nais kong maging maayos ang lahat." "Mahal na Erashea, mahigpit na ipinagbawal ng iyong mga magulang bago sila pumanaw na hindi maaaring magtipon ang isang imortal at mortal dahil ang magiging bunga ng mga ito ay—" "—magiging makapangyarihan nilalang ang kanilang bunga. Walang makakapantay sa lakas nito. At ang kanilang kapangyarihan ay maipapantay sa aming mga diyos at diyosa." Wika ni Erashea. "Tama, Mahal na Erashea." "At isinara ang lagusan upang walang makalabas dito sa Arwood patungo sa mundo ng mga mortal. Natatakot noon ang aking mga magulang na may makapantay sa kanila sa kapangyarihan." Bumunting-hininga siya at tumingin kay Melissa. "Melissa, ikaw na ang bahala sa aking mga anak. Nais ko kung ano ang makakabuti sa kanilang lahat." Yumuko si Melissa. "Asahan mo na gagawin ko ang lahat para sa kanila, Mahal na Erashea. At pinapangako ko na aalagaan ko sila sa mundo ng mga tao. Hinding-hindi ko sila pababayaan." "Maraming salamat, Melissa. Ngunit alam kong may hindi ka pa sinasabi sa akin. Ano ang tuluyang makakatapos sa sumpa?" Tumaas ang sulok ng labi ng kanyang kaibigan. "Matatapos ang sumpa sa pamamagitan ng isang halik ng tunay na pag-ibig."                              BAGO sumapit ang hating-gabi. Nakatingin ang mga prinsesa bilog na buwan. Ngayong gabi na mangyayari ang pagbabago ng kanilang anyo kaya nasa kanilang silid lang sila. Nasa balkonahe sila ng kanilang kwarto at tahimik na hinintay ang pagsapit ng hating-gabi.                        NANG may maramdaman si Prinsesa Nerrie sa kanyang katawan. Tumingin siya sa kanyang palad. Nagulat siya nang unti-unting naging buto na lang ito at ganun din ang buo niyang katawan. Nagmamadali siyang pumasok sa kanyang silid at tinignan ang kanyang hitsura. Isang kalansay at nagbabaga ang mata ang nakita niya sa salamin. Ito ang sumpa ni Erosho.                             NAGULAT si Prinsesa Dayne nang magbago ang kanyang wangis? Ito na ba ang sumpa ni Erosho? Ang dating unat at makintab niyang buhok ay naging buhaghag na ito. Naging kulay itim din ang kanyang labi. Ang dati niyang magandang mukha ay naging isang pangit na wangis na pandidirian at pagtatawanan ng kanyang mga kalahi. Humaba rin ang kanyang mga kuko. Wala siyang magawa kung hindi ang mapaiyak na lang. May lunas pa kaya ang sumpa?                             NAPAANGIL si Prinsesa Mavielyn ng maramdaman ang kaniyang pagbabago ng kanyang anyo. Napahawak siya sa gilid ng kanyang higaan nang muntikan na siyang matumba. Malakas siyang napaangil. Ngunit nagulat siya nang hindi siya naging isang lobo. Humaba ang kanyang mga kuko, humaba ang kanyang mga pangil, humaba ang kanyang tenga at naging kulay puti ang kanyang buhok at kilay. Anong nangyayari? Bakit hindi ako naging isang lobo? Tinignan niya ang kanyang braso at tinubuan siya ng mga puting balahibo sa katawan. Malakas ang nilikha niyang alulong bago siya tumalon sa bintana. Napasigaw ang mga nakakita sa kanya at tumakbo palayo na parang takot na takot.                          NAGSUSULAT si Prinsesa Renesmee nang maramdaman niyang may kakaiba sa kanyang katawan. Humaba ang pangil niya. Napaangil siya. Nanlaki ang kanyang mata nang makita kung ano ang kanyang hitsura sa salamin. Isang nakakatakot na nilalang ang kanyang nakita,mapanganib. Malakas siyang napaangil. Tinignan niya ang kanyang kamay, humaba ang kanyang mga kuko. Napasigaw siya nang maramdaman niyang may masakit sa kanyang likuran. Parang binibiyak ang kanyang likod dahil sa sakit. Nagulat siya nang may lumitaw na parang isang pakpak ng paniki sa kanyang likuran.                            DAHIL sa sumpa ni Erosho ay hindi bumalik si Prinsesa Airene sa kanilang kaharian sa ilalim ng karagatan. Bumalik na ang kanyang pamilya ngunit siya ay naiwan sa lupa. Hinintay niya ang pagsapit ng hating gabi. At nang dumating na nga 'yon at nagulat siya sa makitang pababago ng kanyang buntot. Humahaba ito na parang isang ahas. Humaba ang kanyang buntot ng limang metro. Nagulat rin siya ng humaba ang kanyang mga kuko at nagkaroon siya ng pangil na parang isang bampira. Hindi!                           HINDI na nagulat si Prinsesa Phyllis nang makita kung ano ang pagbabago sa kanyang wangis. Inaasahan na niya ito. Ang ulo niya ay tinubuan ng mga ugat at nagkaroon ng dahon at bulaklak. Ang kanyang mga paa naman ay naging parang isang puno na nagkaroon ng ugat. Naging parang ugat din ang kanyang mga daliri. Napabuntong-hininga siya at tumingin sa bilog na buwan. Ibang-iba ang kanyang hitsura. Tumalon siya sa bintana ng kanyang silid at nagtungo sa lugar na alam niyang maaaring tutunguhin rin ng kanyang mga kaibigan.                             NAPATINGIN si Prinsesa Gabril sa bilog na buwan. Dalawang buwan ang nakatanglaw sa gabi. Napakaliwanag ng isa habang ang isang buwan ay may ulap na nakatakip dito. Bumuntong-hininga siya. Napahawak siya sa kanyang ulo nang biglang sumakit ang kanyang ulo. Napasigaw siya dahil sa sakit. At nang tumigil ang sakit nito ay tinignan niya ang sarili sa salamin. Napaatras siya nang makita ang kanyang hitsura. Nagkaroon siya ng sungay at pangil. Hindi ito maaari! Nagulat siya nang naging kulay itim na ang kanyang pakpak. Napahawak siya sa kanyang mukha. Ang sumpa ni Erosho!                         HINDI pa man nakakarating si Prinsesa Nekiel sa tahanan ni Melissa nang bigla siyang mapaluhod sa tabi ng ilog. Humaba ang kanyang itim na buhok  hanggang sa kanyang paanan. Humaba ang kanyang tenga na katulad ng tenga ng mga diwata ng halaman. Tinignan niya ang sarili sa tubig. Nagulat siya nang makita ang kanyang mata. Nagkaroon ng itim na ugat sa puti ng kanyang mata. Pati na rin ang kanyang buong mukha ay nagkaroon ng mga itim na ugat at pati na rin ang kanyang buhok katawan. Ang kanyang kuko ay humaba rin. Hindi niya nakayanan at sumigaw siya ng malakas.                            HINDI mapigilan ni Melissa ang awa na madarama habang nakatingin sa mga prinsesa na nakaupo sa mga upuan sa kaniyang bulwagan. Malungkot ang mga ito. Walang umiimik sa mga ito at parang wala ang mga ito sa kanilang sarili. Sinulyapan niya ang bilog na buwan. Bumuntong-hininga siya. Tumingin siya sa mga prinsesa na nasa kanilang nakakatakot na anyo. "Mamayang pagbalik niyo sa inyong dating anyo,magpahinga kayo at bukas ay may sasabihin ako." Aniya. Tumango ang mga ito. Napabuntong-hininga siyang muli. Kinuha niya ang kanyang tungkod at lumabas sa kanyang tahanan. Iiwan niya saglit ang mga prinsesa. May kailangan siyang tunguhin. Ibinuka niya ang kanyang pakpak at lumipad paitaas. Nang matapatan niya ang lugar na kanyang pinuntahan ay bumaba siya. Tiningala niya ang malaking puno na nasa kanyang harapan. Ngumiti siya. "Matagal na ring walang gumamit sa lagusan..." Aniya. Lumipad siya at umupo siya sa pinakatuktok nitong sanga. Tinanaw niya ang dalawang buwan na nakatanglaw sa gabi. "Pagsisihan mo ang pagsumpa mo sa mga prinsesa, Erosho. Ikaw rin ang gumawa sa iyong sariling kamatayan." Nagtagal siya sa puno hanggang umaga. Naisipan na lang niyang bumalik sa kanyang tahanan nang makitang sumisikat ang araw. Lumipad siya pabalik sa kanyang tahanan. Kailangan niyang paghandain ang mga prinsesa.                                "Ang mundo ng mga tao ay iba sa ating mundo, mga prinsesa." Ani Melissa. Nasa silid-aklatan siya ng kanyang bahay kasama ang mga prinsesa. Ipinapaliwanag niya sa mga ito ang tungkol sa mundo ng mga tao. "Ang sumpa ni Erosho ay may lunas. Papasok tayo sa mundo ng mga tao. Doon niyo mahahanap ang lunas ng sumpa." Aniya. "Sandali, Melissa." Sabi ni Prinsesa Nerrie. "Ano ang lunas ng sumpa sa amin  ni Erosho?" "Magandang tanong, mahal na prinsesa." Aniya at tumaas ang sulok ng kanyang labi. "Bakit tila yata hindi ko nagustuhan ang ngiti mo, Melissa?" Ani Prinsesa Nekiel. "Matatapos ang sumpa sa pamamagitan ng isang halik ng tunay na pag-ibig." "Tunay na pag-ibig?" Nakakunot ang nuong sabi ni Prinsesa Renesmee na tila yata hindi naniniwala. "Oo, mahal na prinsesa." Napailing ang prinsesa ng mga bampira. "Kahit kailanman ay hindi ako makakaramdam ng tinatawag na pag-ibig." "Ngunit ito lang ang sinabi ni Melissa na lunas ng sumpa." Sabi ni Prinsesa Phyllis. Tumingin sa kanya ang prinsesa ng mga bampira. "'Yon nga lang ba ang lunas?" "Oo, mahal na prinsesa." "Pero paano kung katakutan kami sa mundo ng mga tao?" Tanong ni Prinsesa Dayne. "Kailangan niyong itago ang inyong mga tunay na katauhan. Wala kayong pagsasabihan." Seryoso niyang saad. "Takot ang mga mortal sa mga katulad nating nilalang. Kapag nasa mundo na kayo ng mga tao, mas maiintindihan niyo ang aking sinasabi." "Paano namin matatagpuan ang tunay na pag-ibig?" Tanong sa kanyang ng prinsesa ng mga lobo. "Kung ang lalaking mortal ay tatanggapin ang inyong tunay na pagkatao." Sagot niya. "Parang walang magmamahal sa amin ng tapat dahil sa aming tunay na pagkatao." Malungkot na sabi ni Prinsesa Gabril. "Takot sila sa atin." Sabi ni Prinsesa Airene. Napailing si Melissa. "Mararamdaman niyo ang pagbilis ng inyong puso. Sa oras na maramdaman niyo ito sa isang mortal na nilalang, ibig sabihin ay kailangan niyong timbangin ang lahat. Alamin ninyo kung dapat ba siyang pagkatiwalaan o hindi. Hindi magkakapareho ang isip ng tao, iba-iba sila kaya dapat kayong mag-ingat, mga kamahalan ko. Ang mundo ng mga to ay puno ng mga pangahas na nilalang, masasama ngunit marami rin ang mabubuti. Sinasabi ko marami kayong matutunan sa mundo ng mga tao." "Pero paano kung ang lalaking aming iibigin ay matatakot sa amin?" Tanong ni Prinsesa Dayne. "Kung ganun man ang mangyayari ay hindi siya ang lalaking nararapat para sa inyo." Sagot niya at bumuntong-hininga. "Ang pinakamahirap na gawin ay ang umamin ng tunay na pagkatao ngunit walang mangyayari kung takot ang paiiralin niyo. Sa mundo ng mga tao,kailangan niyong maging matatag." Naglapag siya ng nasa dalawampung ginto sa mesa. "Ang gamit ng mga tao ay pera at hindi ginto. Kailangan niyo itong ibenta para magkaroon kayo ng pera. Huwag kayong mag-alala dahil sasamahan ko kayo at kapag nakita kong kaya niyo na ay babalik na ako dito sa Arwood." "Sandali, Melissa, bakit tila alam mo ang lahat tungkol sa mundo ng mga tao?" Sabad ni Prinsesa Airene. Bumuntong-hininga siya. "Dati na akong nanirahan ng ilang taon sa mundo ng mga tao." May kinuha siyang malaking nakarolyong papel. "Ito ang mapa ng Arwood. Pagdating ng tamang panahon na nasa tamang edad na ang inyong mga magiging supling ay maituturo niyo sa kanila ang tungkol sa Arwood. Tandaan niyo,mga kamahalan,pagdating ng tamang panahon ay muli kayong babalik dito sa Arwood upang tapusin ang Dark Lord. Ngayon, ang kailangan niyong gawin ay ang magpaalam na sa inyong mga pamilya dahil aalis na tayo." Aniya. Binigyan niya ng oras na magpaalam ang mga prinsesa sa kanilang pamilya. Sa lagusan na lang niya hinintay ang mga ito. Pagdating ng mga ito ay napatingin siya sa kanilang mga kasuotan. "Pagtatawanan tayo ng mga tao kung ganito ang ating mga kasuotan." Aniya at ikinumpas ang kanyang mga kamay. Nagbago ang kanilang mga kasuotan. Napatingin ang mga prinsesa sa kanilang mga kasuotan. "Ano 'to?" Tanong ni Prinsesa Mavielyn. Ngumiti siya. Nakasuot sila ng t-shirt, jeans at rubber shoes. Hmm...mabuti na lang at naaalala niya pa ang mga 'yun. "'Yan ang kasuotan ng mga tao, kamahalan. Ngayon ihanda niyo na ang inyong mga sarili." Ngunit may napansin siya kay Prinsesa Gabril. "Prinsesa Gabril, kung maaari sana ay itago mo ang iyong pakpak." Pakiusap niya. Agad namang nawala ang pakpak nito sa likuran. Hinawakan niya ang puno at ilang sandali lang ay nagliwanag ito. Tumingin siya sa mga prinsesa. "Tandaan ninyo, mga kamahalan. Ang mundo ng mga tao ay malaki ang kaibahan dito sa ating mundo. Sumunod kayo." Aniya at nauna ng pumasok sa lagusan. Nang lumabas siya ng lagusan ay napangiti siya nang makita ang isang malaking bahay sa kanilang harapan. Mukha hindi ito pinabayaan dahil malinis ang paligid. Marami rin ang mga nakatanim na bulalak at halaman sa paligid. Tumingin siya sa likuran ng bahay at lumawak ang kanyang ngiti nang makita ang maliit na gubat na nilikha niya noong tumira siya dito sa mundo ng mga tao. "Nasaan na tayo?" Lumingon siya sa mga prinsesa. "Maligayang pagdating dito sa mundo ng mga tao, mga kamahalan." Nauna na siyang lumapit sa bahay at bumukas ang pinto. Nginitian niya ang taong nagbukas. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya nang makita ang taong matagal niyang hindi nakita. Ang tumanggap sa kanya ng buong-buo. Kahit tumanda na ito ay napakakisig pa rin nito sa kanyang paningin. "Kumusta, Abellardo?" Napakurap ito at nanlaki ang mga mata. "M-melissa?" Bulalas nito na parang hindi makapaniwala. Ngumiti siya at tumango. "Ako nga." Tumulo ang kanyang luha. Bigla siya nitong niyakap ng napakahigpit. "Nagbalik ka na." "Melissa, ipagpaumanhin mo ngunit sino siya?" Tanong ng mga prinsesa na marahil ay nagtataka ang mga ito. Pinunasan niya ang kanyang luha at kumalas ng yakap. Hinarap niya ang mga prinsesa. "Siya si Abellardo, ang aking kabiyak." Nanlaki ang mata ng mga ito. "Kabiyak?!" Tumango siya. "Oo. Abel, sila ang mga prinsesa ng Arwood." "Kinagagalak ko kayong makilala, mga mahal na prinsesa. Tumuloy kayo." Pumasok sila sa loob. Una niyang nakita ang malaking larawan na nakasabit sa pader. Ang larawan nila ng kabiyak nang ikinasal sila. Ilang taon silang nagsama at iniwan niya ito dahil kinailangan niyang bumalik sa Arwood. "Melissa, paano mo siya naging kabiyak?" Tanong ni Prinsesa Renesmee. Ngumiti siya. "Dahil katulad niyo din ako." "Anong ibig mong sabihin?" Nagtatakang tanong ng mga ito. "Isinumpa rin ako ni Erosho. Pumunta ako dito sa mundo ng mga tao at katulad niyo para hanapin ang lunas ng sumpa. Si Abellardo ang tumanggap sa akin ng buong-buo. Siya ang nagturo sa akin ng mga bagay na kailangan kong malaman." "Ngunit bakit tumanda siya?" Tanong ni Prinsesa Nerrie. "Dahil kaming mga tao ay hindi katulad niyo na mabubuhay ng matagal. Tumatanda kami at namamatay." Sagot ng kabiyak. "Hindi ba may banal na tubig naman tayo na benindisyunan ng mahal na Erashea, banal na tubig ng walang hanggang buhay." Sabi ni Prinsesa Nekiel. Sumulyap siya sa kabiyak. Ngumiti ito. "Ipaghahanda ko kayo ng makakain." Anito at nagpaalam sa kanila. "Hindi niya gustong magkaroon ng walang hanggang buhay." Aniya at malungkot na ngumiti. Lumapit siya sa bintana at tumingala sa kalangitan. "Mga mahal na prinsesa,alam kong naninibago kayo ngunit kailangan niyong matutunan ang pamumuhay ng mga tao. Nasa sa inyo kung ano ang inyong pipiliin. Narito kami ni Abellardo upang kayo ay gabayan." "Maraming salamat, Melissa." Ngumiti siya. "Handa na ang pagkain. Halina na kayo at pagkatapos ay makapagpahinga na kayo." Ani Abellardo. Nagkatinginan ang mga prinsesa. Ngumiti siya. "Halina kayo." Aya niya sa mga ito at nauna ng pumunta sa kusina. Sumunod naman ang mga prinsesa. Natuon ang atensiyon ng mga prinsesa sa pagkaing nakahain sa mesa. Mga prutas ang nasa gitna ng mesa. "Parang gusto ko ng dugo." Ani Prinsesa Renesmee. Lahat sila ay tumingin dito. Pati si Abellardo na nakaharap sa kalan. "Tao o hayop?" Tanong nito. "Hayop." Sagot ng prinsesa. "Sandali lang at tatawag ako sa farm house." Anito at lumabas ng kusina. "Umupo na kayo." Aniya. "Ano 'to?" Tanong ni Prinsesa Gabril habang nakatingin sa pagkain na nasa harapan nito. Ngumiti siya. "'Yan ang pagkain ng mga tao. Ito ang tandaan ninyo,dito sa mundo ng mga tao ay marami silang mga iba't-ibang putahe ng pagkain. Ang mga hindi niyo kinakain sa Arwood ay kinakain ng mga tao. Halimbawa, ang isda," tumingin siya kay Prinsesa Airene. "dito sa mundo ng mga tao,ang isda ay isang masarap na pagkain sa kanila." "Mabuti na lang at dugo lang ang sa aming mga bampira." Sabi ni Prinsesa Renesmee. Bumuntong-hininga si Airene. "Marami tayong dapat matutunan." "Tama, mahal na prinsesa." Kumuha siya ng isang prutas. Huminga siya ng malalim at tumingin sa mga prinsesa na kumakain. Napangiti naman siya dahil mukhang nagustuhan ng mga ito ang hinanda ng kanyang kabiyak. Melissa... Natigilan siya. Mahal na Erashea? Sa pagbabalik mo dito sa Arwood ay pinahihintulutan kitang isama mo ang iyong kabiyak. Hindi ko nais na maging malungkot ka sa buong buhay mo. Pinatunayan mo ang iyong katapatan sa akin at bilang gantimpala sa iyong kabutihan at katapatan, ang iyong kabiyak ay hindi na tatanda dito sa ating mundo. Maraming salamat, Mahal na Erashea. Tumayo siya. "Ipagpatuloy ninyo ang inyong pagkain." Lumabas siya ng kusina at pinuntahan ang kanyang kabiyak na nasa balkonahe. Niyakap niya ito mula sa likuran. "Abel, kung sakaling aalis muli ako dito,sasama ka ba sa akin?" Tanong niya, umaasang papayag ito. Pumihit paharap ang kabiyak at hinalikan siya sa nuo. "Sa mga nakalipas na taon, iniisip ko na sana ay katulad mo na lang ako. Melissa,napag-isip ko na hindi ko kayang malayo sa iyo sa ikalawang pagkakataon. Mahal kita." "Mahal din kita at gusto ko sana na isama kita sa aking pagbabalik sa Arwood." "Sasama ako sa 'yo." Ngumiti siya at tumingkayad upang halikan niya ito sa labi. Naramdaman niya na kumpleto na naman ang buhay niya sa piling ng kanyang kabiyak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD