bc

Lunar Cursed

book_age16+
2.1K
FOLLOW
13.8K
READ
curse
powerful
independent
warrior
drama
sweet
bxg
office/work place
another world
supernatural
like
intro-logo
Blurb

Arwood. Isang mundo na nahati sa dalawang teritoryo.

Ang Adessa at Aholor.

Walong kaharian.

Walong lahi.

Walong prinsesa.

Walong magkakaibigan.

Iisa ang hangarin. Ang magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Adessa at Aholor at magkaroon ng kalayaan.

Iisa ang ibig. Ang makamtan ang walang hanggang pag-ibig ngunit hindi maaari dahil hindi nila hawak ang kanilang kalayaan.

Kalayaan na umibig sa nilalang na kanilang magugustuhan.

Walong prinsesa na isinumpa.

Sabay sabay na lilisan sa mundong kanilang kinagisnan patungo sa mundo ng mga mortal.

Mundo ng mga mortal nga ba ang kasagutan?

Makakamtan ba nila ang kalayaan na kanilang minimithi? Ang kalayaang umibig sa nilalang na kanilang iibigin at iibigin rin sila ng tapat.

Ano ang kanilang naghihintay na kapalaran sa mundo ng mga mortal?

Sa mga prinsesang isinumpa, ano ang pag-ibig para sa kanila?

chap-preview
Free preview
KABANATA 1
                      SA MUNDO ng mga hindi pangkaraniwang nilalang na kung tawagin nila ay Arwood. Ang Arwood ay tirahan ng mga hindi pangkaraniwang nilalang na akala ng mga tao ay kathang-isip lamang, ginagamit sila upang takutin ang mga bata upang huwag ang mga itong makulit at pasaway. Ang Arwood ay nahahati sa walong kaharian at walong lahi. Ang mga Necromancer, sila ay ang mga nilalang na bumubuhay ng mga patay at ginagawang kanilang alagad ang mga binubuhay nila. Ang kanilang sandata ay scythe na parang katulad kay kamatayan. Ang mga witch at wizard, sila ay bihasa sa paggamit ng salamangka at paggawa ng mga ibat'-ibang uri ng potion. Sila ay may hawak na staff o ang wand. May kakayahan rin silang manggamot. Ang mga taong-lobo, sila ay kakaibang lakas at liksi. Magaling sila sa pakikipaglaban. At tuwing kabilugan ng buwan, sila ay nagiging isang lobo. Ngunit sila ay agresibo kapag sila ay galit. Ang mga bampira, sila ang mga nilalang na parang mga patay, malamig ang kanilang katawan. Hindi sila umiinom ng dugo ng tao, dugo ng hayop ang kanilang iniinom. Maputi ngunit maputla ang kanilang mga kutis. Katulad sa mga lobo,sila ay malalakas at mabibilis kumilos. Ang mga sirena at sireno, ang mga nilalang na nakatira sa kailaliman ng karagatan. Ang nangangala ng tubig. Nakakaakit ang kanilang ganda at boses. Sila ay kalahating tao at buntot ang kanilang pang-ibabang katawan. Iba-iba ang kulay ng kanilang mga buntot pero ang may kulay asul ang natatangi sa lahat ng mga diwata ng tubig. Ang mga diwata ng kagubatan o forest nymph, ang nangangalaga sa mga halaman, puno at bulaklak. Sila ay kakaiba dahil sa taglay nilang kagandahan at maamong mukha. Mahinhin ang kanilang mga kilos at pananalita. At ang mga Aves o Human Bird, sila ay rin ay kakaiba dahil sa kanilang pakpak na nasa kanilang likuran, sila ay may kakayahang makipag-usap sa mga ibon. At katulad sa mga sirena, may natatangi rin sa kanila. Ang may puting pakpak ay siyang natatangi at kakaiba sa lahat ng Aves. At ang mga sss. Sila ay pawang mga babae lamang. Likas sa kanila ang pagiging matapang at walang inuurungan. Handang lumaban para sa Arwood. At kahit sila ay mga babae,marunong sila sa pagpapanday ng iba't-ibang uri ng mga sandata. Bawat lahi ay may Hari at Reyna na siyang namumuno sa kanila. Sa Arwood, lahat ay payapa at maganda ang pakikitungo sa isa't-isa. Pero hindi lahat sa lahat ng oras, maayos ang kanilang mundo. Ang Arwood ay nilikha ng mga magulang ng  magkapatid na Erosho at Erashea. Sila ay diyos at diyosa ng buwan. Karaniwan sa mga makapangyarihan ay ang diyos ang itinuturing na pinakamalakas at pinakamakapangyarihan pero dahil sa isang pagkakamali ni Erosho. Siya ay umibig sa isang tao na mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang mga bathala. Siya ay pinarusahan ng kanilang magulang at tinanggalan ng kapangyarihan, at si Erashea, ang kapatid ni Erosho, ang ginawang diyosa ng buwan. Si Erosho ay itinapon sa underworld, namuhay siya doon ng mag-isa hanggang sa maka-isip ng paghihiganti at tinawag na Aholor ang kanyang lugar. Hindi makatarungan ang ginawa ng kanyang mga magulang sa kanya. Siya ay umibig ng isang tao pero hindi siya dapat siya pinarusahan ng ganito. Isang masamang balak ang kanyang naisip, ang patayin ang lahat ng nilalang na naninirahan sa Arwood at gawing pag-aari niya ang buong Arwood. Alam niyang napakasakit na tanggapin ng kanyang kapatid na ang nilikha nitong mga nilalang ay mamamatay sa kanyang mga kamay. Hanggang sa ang Arwood ay nahati sa dalawang teritoryo. Ang Adessa na lugar ng mga mabubuting nilalang na ang hangad ay kapayapaan sa kanilang mundo bilang ganti sa kanilang Diyosa na lumikha sa kanila. Pinaganda at ginawang luntian ang Adessa. Ngunit sa isang dako ng Arwood ay isang patay na kapaligiran ang makikita. Ito ay ang Aholor, ang lugar ng Dark Lord, ang lugar ni Erosho, patay ang mga puno at halaman ang pawang makikita dito. Walang buhay ang paligid at nakakatakot lalo na at napakadilim ang lugar. Ito ay naging tirahan ng mga masasamang nilalang na napapalayas sa kanilang kaharian at  walang ibang ginawa kung hindi ang manggulo sa payapang lugar ng Adessa. Si Erosho ang namuno sa buong Aholor. Gusto niyang sakupin ang Adessa upang maging sa kaniya ang buong Arwood pero hindi ito papayagan ng mga taga-Adessa. Lalaban sila at hindi hahayaang magpakasop kay Erosho o mamatay sa mga kamay nito.                          MALAKAS ang pinakawalan na sipa ni Prinsesa Nerrie sa kanyang kalaban. Isang uri ng demonyo na naninirahan sa underworld ang mga kanyang kinakalaban ngayon na alam niyang ang Dark Lord ang nagpadala para guluhin sila. Ang mga kampon ng Dark Lord. Tumingin siya sa mga ito at pinagmasdan ang kanilang mga hitsura, may mga sungay at buntot ang mga ito, nagbabaga rin ang kanilang mga mata at gusto na siyang patayin. Inilapat niya ang kanyang dalawang palad sa lupa. Lumakas ang hangin. Nagsalita siya ng inkantasyon. Siya si Prinsesa Nerrie, ang prinsesa ng mga necromancer. Anak ng hari at reyna ng mga necromamcer. Maganda at may malamig na boses. Walang ibang hangad kung hindi ang kapayapaan sa kanilang kaharian at ng buong Arwood. "Lumabas kayo at sundin ang ipag-uutos ko." Saad niya. Napangiti siya ng makitang lumabas sa lupa ang mga alagad niya. Ang mga kalansay ng mga hayop na nagpapahinga sa ilalim ng lupa. Naglalakihan ang mga ito at nakakatakot. Nagbabaga ang mga mata at handang pumatay ng sinumang makita nila. Ito ang kakayahan nilang mga necromancer. Ang bumuhay ng patay at gawin nilang mga alagad. Napangisi siya at tumayo. Inililipad ng hangin ang kulay itim niyang buhok. "Sugurin niyo sila!" Ikinumpas niya ang kamay at agad na sinugod ng mga alaga niya ang mga alagad ng Dark Lord. Nang makitang dehado ang panig niya ay inilabas niya ang kanyang scythe, isang uri ng sandata na silang mga necromancer lang ang maaaring humawak. Sinugod niya ang isang demon at tinagpas ang leeg nito. Hinawakan niya ang puluhan ng scythe niya. Iwinasawas niya ito at agad na natagpas ang leeg ng bawat demon na natataman ng scythe niya. May mga tumatalsik na itim na likido sa kanya na galing sa mga alagad ng Dark Lord. Bumuntong-hininga siya. Pinagpapasalamat na lang niya na nagiging abo agad ang mga alagad ng Dark Lord. Nang maubos niya ang kalaban ay nawala ang hawak niyang scythe. Umayos siya ng tayo at itinapat ang isang palad sa mga alaga niya. Binalot ang mga ito ng kulay lilang usok at nawala. Itinaklob niya ang hood ng suot niyang cloak sa kanyang ulo at naglakad pabalik sa kanilang palasyo. Pagbalik niya ay sinalubong siya ng kanyang nakakatandang kapatid na lalaki kasama ang kanilang mga magulang. "Saan ka nanggaling, aking mahal na kapatid?" Tanong ng kanyang kapatid. "Sa kagubatan, Nikolo." Sagot niya. "At ano ang iyong ginawa doon? Kanina ka pa hinahanap ng ating mga magulang." Tanong ng kanyang ama. "May nanggulo na alagad ng Dark Lord, Ama. Tinapos ko lang sila." Aniya. Ngumiti ang kanyang ina at tinanggal ang suot niyang cloak. Ibinigay nito sa isang utusan ang cloak niya. "Nerrie, kailangan mong mag-ayos ng sarili dahil mamaya ay ipapakilala namin sa'yo ang magiging iyong kabiyak." Anito. Nawalan ng emosyon ang mukha niya. "Alam niyo na ang hindi ko gusto sa lahat ay ang ipakasal ako sa isang lalaki na hindi ko naman mahal." Aniya. Tumingin siya sa kanyang kapatid. "Nikolo—" "Huwag ka ng huminga ng saklolo sa iyong kapatid, Nerrie." Ani ng kanyang ama na papalapit sa kinaroroonan nilang magkapatid. Tinalikuran niya ang mga ito at nagtungo sa kanyang kwarto. Pagpasok niya ay nandoon na si Mena at Lena. Kambal ang mga ito. Personal niyang utusan ang mga ito at malapit na kaibigan na rin. "Prinsesa Nerrie." Yumuko ang dalawa. Nginitian niya ang mga ito. "Kailangan kong maglinis ng katawan." "Nakahanda na ang iyong paliguan, Mahal na Prinsesa." Sabi ni Mena. "Salamat, Mena." Aniya. Pumasok siya sa paliguan at agad na naglinis ng katawan. Pagkatapos niya ay lumabas agad siya at nakita niyang nakahanda na ang kanyang damit. "Salamat, Lena." Aniya at isinuot ang damit. "Mahal na Prinsesa, totoo bang ipapakilala ngayon ng Hari at Reyna ang inyong magiging kabiyak?" Tanong ni Mena habang  inaayos ang kanyang buhok. Bumuntong-hininga siya at tumango. "Hindi ko gusto na magpakasal sa taong hindi ko mahal pero wala naman akong magagawa." Aniya. "Huwag kang mag-alala, Prinsesa Nerrie. Hindi ka namin iiwan. Maasahan mo kami sa lahat ng pagkakataon." Ani Lena. "Salamat Napakapalad ko at kayo ay aking naging kaibigan."  Nakangiti niyang saad. "Huwag po kayong mag-alala, Mahal na Prinsesa. Oras na saktan kayo ng inyong magiging kabiyak, nandiyan ang kaibigan niyong si Prinsesa Dayne para kulamin ang mananakit sa inyo." Sabi ni Mena. Hindi niya maiwasang hindi matawa dahil sa sinabi nito. Nang matapos siyang ayusan ng mga ito at nagpasalamat siya. Lumabas siya ng kanyang silid at nasa likuran niya si Mena at Lena. Nakasunod ang mga ito sa kanya. "Mahal na Prinsesa, nasa hardin ang inyong ama at ina kasama si Prinsipe Nikolo, hinihintay kayo." Ani ng isang kawal na sumalubong sa kaniya. Tumango siya. Nagtungo sila sa hardin ng palasyo. "Ama, Ina." Agad na tumingin sa kanya ang mga ito. "Anak, halika dito." Ani ng kanyang ina. Lumapit naman siya sa mga ito at umupo sa tabi ng kanyang kapatid. Natuon ang tingin niya kay Heneral Cain, ang kanang kamay ng kanyang ama. Nakaupo ito sa tabi ng kanyang mga magulang. Kumunot ang kanyang nuo. Tumingin siya sa kanyang kapatid. Tumango ito. "Anak, alam kong alam mo na si Heneral Cain ay ang gusto namin para sa'yo." Sabi ng kanyang ama. "A-ano? Ama, Ina, itinuring na namin siya ni Nikolo na aming kapatid. Hindi ako papayag. Hindi ko siya gusto." "Nerrie." Babala ng kanyang ama. "Si Cain ang gusto namin para sa'yo at huwag ka ng tumanggi dahil wala ka ring magagawa." Tumahimik siya. "Sige, maiwan na namin kayong dalawa upang makapag-usap kayo ng maayos." Ani ng kaniyang ina. "Nikolo, halika na. Iwan na muna natin ang dalawa." Tumayo naman ang kapatid niya at hinalikan siya sa nuo bago umalis kasama ang kanilang mga magulang. "Kamahalan—" Tinignan niya ng matalim si Heneral Cain. "Bakit ka pumayag? Hindi ba kapatid ang turingan natin nila Nikolo." "Mahal kita, Nerrie. Ikaw ang gusto kong—" Itinaas niya ang kanyang kamay para patigilin ito sa pagsasalita. "Tama na." Aniya sa malamig na boses at tumayo. "Hindi kita mahal, Heneral Cain. Hindi ako papayag na magpakasal sa 'yo." "Pero nagpag-usapan na namin ng Mahal na Hari at Reyna ang tungkol sa ating kasal." Anito. Malamig siyang ngumiti. "Hindi pa tumibok ang puso ko para sa isang lalaki, Heneral Cain. Huwag ka ng umasa na may mangyayaring kasalan." Tinalikuran na niya ito at umalis sa hardin. Habang nanglalakad ay nagsambit siya ng ingkantasyon at nagbago ang kanyang suot na damit. Huminga siya ng malalim. Wala talaga sa kanilang maharlika ang salitang 'kalayaan'. Kalayaan na pumili ng gustong pakasalan. Kailangan niyang mag-isip ng mabuti kaya magtutungo siya sa kaharian ng mga mangkukulam. Dadalawin niya ang kanyang kaibigan, si Prinsesa Dayne. Sa kaibigan niya munang mangkukulam siya maglabas ng sama ng loob.                            NAKAUPO si Prinsesa Dayne sa damuhan sa harap ng kanilang palasyo at dinama ang malamig na hangin na tumatama sa kanya. Mabining inililipad ng hangin ang kanyang buhok. Bumuntong-hininga siya nang maramdaman ang presensiya ng kanyang katipan. "Dayne—" "Ano ang iyong sasabihin?" Malamig niya ditong tanong. Bumuntong-hininga ito. "Hanggang ngayon ba ay hindi mo rin ako gusto? Malapit na ang pag-iisang dibdib natin." Walang buhay siyang natawa. "Alam mong hindi kita mahal, Abner." "Dayne..." Lumuhod ito sa harapan niya. "Gagawin ko ang lahat magustuhan mo lang ako." Malamig siyang ngumiti. "Kahit ano pa ang gawin mo, ni katiting na pagmamahal ay wala akong mararamdaman para sa 'yo. At kahit pa gusto ka ng aking mga magulang na ikaw ay aking maging kabiyak..." Umiling siya. "Hindi ako makikipag-isang dibdib sa 'yo. Iwan mo na ako. Gusto kong mapag-isa." Yumuko ito at tangka siyang halikan pero iniwas niya ang kanyang mukha. Bumuntong-hininga ang binata at tumayo. "Inaasahan kita mamayang gabi para sa hapunan. Gusto kang makasalo ng aking mga magulang." Anito. Hindi siya umimik hanggang sa makaalis ang binata. Si Abner ay isang tagapayo ng kanyang amang hari. Gusto ng kanyang ama na pakasalan niya ito dahil nabibilang rin ito sa maharlikang pamilya kagaya nila. Bumuntong-hininga siya. Hindi niya gusto na makaisang dibdib si Abner. Wala siyang nararamdaman para rito pero wala siyang magawa lalo pa at gusto rin ng ina ang binata para sa kanya. Siya si Prinsesa Dayne, siya ang Prinsesa ng mga puting mangkukulam at siya tagapagmana ng trono ng kanilang kaharian. Ang hangad niya lang naman ay magkaroon ng kalayaan. Kalayaan na pumili ng gusto niyang makaisang dibdib. Makisig si Abner. Mabait ito at wala siyang masasabi pero hindi niya talaga ito gusto. Ang kanyang mga magulang lang ang may gusto sa binata para sa kanya. "Mukhang malalim ang iniisip mo, Prinsesa Dayne." Napalingon siya sa nagsalita at nakita niya ang kaibigang si Prinsesa Nerrie na nakasandal sa puno na nasa kanyang likuran. "Mabuti naman at napadalaw ka." Aniya. Ngumiti ang kaibigan at umalis sa pagkakasandal sa puno. Umupo ito sa tabi niya. "Sinadya talaga kita rito sa kaharian niyo." Anito at tumingin sa mga batang naglalaro sa malawak na harapan ng palasyo. "Mukha yatang may problema ka." Aniya nang mapansin niya ang mukha nito. Bumuntong-hininga ang kaibigan at tumingin sa kanya. "Ang hangad ko lamang ay kalayaan na pumili ng lalaking aking makakaisang dibdib pero mukhang ipagkakait pa nila sa akin." Malungkot siyang ngumiti. "Pareho lang tayo, Prinsesa Nerrie." Tumayo ang kaibigan. "Maglakad-lakad muna tayo." Yaya nito. "Sige pero kailangan nating bumalik bago gumabi. Inaasahan ako ng mga magulang ni Abner para sa isang hapunan." Aniya sa kaibigan at tumayo na rin. Nagsimula na silang maglakad. "Kumusta na pala kayo ni Abner?" Tanong nito. "Malapit na pala ang araw ng inyong pag-iisang dibdib." Bumuntong-hininga ito. "Mukhang nainggit yata ang aking mga magulang dahil ipapakaisang dibdib rin ako kay Heneral Cain." Napailing siya. "Ang sabihin mo, Nerrie, ito na talaga ang ating kapalaran. Bakit hindi na lang tayo magsaya sa mga natitirang araw natin na hindi pa tayo kasal?" Tumingin sa kanya ang kaibigan at ngumisi. "Bakit hindi natin gawin?" Anito at naunang tumakbo palayo, papasok sa kagubatan ng mga mangkukulam. Napailing siya at sumunod sa kaibigan. Pagpasok niya sa kanilang kagubatan ay nakita niya ang mga dwende na abala sa kanilang mga gawain at ganun din ang mga Lambana. "Magandang umaga, Mahal na Prinsesa." Bati ng mga ito. "Magandang umaga din sa inyo." Ngumiti siya. "Nakita niyo ba ang aking kaibigan na si Prinsesa Nerrie?" Tanong niya. "Pumunta sa gawing silangan, Mahal na Prinsesa." Sagot ng isang dwende. "Salamat." Aniya at nagsambit ng inkantasyon para sundan ang kaibigan. Agad naman niyang nakita ang kaibigan nang makarating siya sa kinaroroonan nito pero tumaas ang kilay niya ng senyasan siya nitong huwag maingay. Naglakad siya palapit dito. "Bakit?" Tanong niya. "May nararamdaman ako ngunit hindi ko mawari kung ano." Nakita niyang natigilan ito. "Nasa ilalim sila ng lupa." Nagtinginan sila ng kaibigan. "Sa itaas ng puno!" Sabay nilang sambit at tumalon sa sanga ng malaking puno. Doon naman naglabasan ang mga sinasabi ng kaibigan na nasa ilalim ng lupa. "Mga taga-Aholor." Anito. "Ang mga kampon ni Erosho." Saad niya. "Anong ginagawa nila dito?" "Ano pa ba? Ang manggulo." Ani ng kaibigan at tinapik ang kanyang balikat. "Kaya mo na 'yan." Sabi nito. "Ha? Ano ang iyong ibig sabihin?" Ngumiti ito. "Kanina lang ay nakipaglaban rin ako sa mga kampon ni Erosho sa aming kaharian ng mag-isa kaya ikaw naman ngayon. Alam kong kaya mong lumaban, Dayne." At umupo ito sa sanga at sumandal sa katawan ng puno. Napailing siya. Tumalon siya paibaba at hinarap ang mga kampon ni Erosho. Wala na talagang ginawa ang mga ito kung hindi ang manggulo sa kanilang kaharian. Naglabas siya ng mana at agad na pinatamaan ang kampon ni Erosho. Pero bakit naman niya sana uubusin ang mana dahil sa mga kampon ni Erosho. Mula sa kanyang kamay ay lumitaw ang kanyang espada at iwinasawas sa mga kampon ni Erosho. Sinipa niya ang isa at sinaksak sa tapat ng puso nito na agad namang naglaho. Pinalutang niya ang espada at ikinumpas ang kanyang kamay. Mabilis na kumilos ang espada at tinagpas lahat ng leeg ang mga demonyong kampon ni Erosho. Napangiwi pa siya nang matalsikan siya ng dugo ng mga ito at hindi kulay pula kundi kulay itim. Nagsambit siya ng inkantasyon at naging malinis na ang kanyang kasuotan. Napatingin siya sa kanyang kaibigan nang tumalon ito paibaba. "Alam kong sa mga oras na ito ay nakikipaglaban na rin ang ating mga iba pang kaibigan na Prinsesa sa ating mga kaaway." Anito. "Katulad natin, alam kong kaya nilang protektahan ang kanilang sarili na hindi umaasa sa iba. Kaya huwag kang mag-alala." Sabi niya. "Alam ko ngunit ang inaalala ko ay si Erosho. Alam kong sa mga oras na ito ay nagpaplano na siya kung paano mapasakanya ang buong Adessa para maging sa kanya ang buong mundo ng Arwood." Ani ng kaibigan. "At hindi natin 'yun hahayaang mangyari." Aniya at naglakad sila para ikutin ang buong kagubatan ng kanilang kaharian. Napatingala siya sa itaas ng marinig ang huni ng alaga niyang kwago. Itinaas niya ang kamay at agad na lumipad pababa ang kwago patungo sa kanya. Dumapo ito sa braso niya at agad niyang hinaplos ang ulo nito. "Kumusta ka?" Nakangiti niyang tanong. Idinikit nito ang ulo sa pisngi niya kaya hindi niya mapigilang hindi matawa. "Ikaw ang may alaga pero si Gabril ang nakakaintindi ng salita niya." Sabi ni Nerrie. Ngumiti na lang siya.                       MABILIS na tumakbo pasugod ang Prinsesa ng mga lobo na si Prinsesa Mavielyn sa mga kampon ni Erosho na sumugod sa kanila. Gamit ang matatalas niyang kuko ay linaslas niya ang leeg ng isang kampon ni Erosho. Pinagmasdan niya ang mga lobong naging kampon na ni Erosho. Dati itong mga kaanib nila pero pinalayas ng kanyang ama dahil sa paglabag ng mga ito sa kanilang batas bilang mga lobo. Iba na ang hitsura ng mga ito. Kung nasa poder nila ang mga ito ay nagiging lobo ang mga ito pero ngayon ay tinubuan ng balahibo ang buong katawan at parang tao na nakakatayo,hindi na sila nagiging ganap na lobo. Naging mabangis na ang anyo na ang mga ito. "Mavielyn, tulungan mo ang iyong kapatid!" Ani ng ama. Agad niyang nilingon ang kanyang nakakantandang kapatid. "Maverick, sa likod mo!" Sigaw niya. Mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan nito at sinipa ang lobong uunday na sana ng laslas ang kapatid niya gamit ang matatalas nitong kuko. Agad niyang binali ang leeg ng lobong papatay na sana sa kanyang kapatid. "Salamat, Mavielyn." Ani ng kapatid. Ngumiti siya. "Mag-ingat ka, Mavierick, at baka maagang mawalan ng tagapagmana si Ama." Napailing ang kapatid at hinarap ang mga kalaban nila. Nagtalikuran sila at sabay na sumugod. Mabilis ang bawat kilos nilang magkapatid. Hindi na niya tinigilan ang mga tauhan ni Erosho na makaganti sa kanila. Nang mapaslang nilang lahat ang mga sumugod sa kanilang kaharian ay agad silang bumalik sa palasyo. Sinalubong naman sila ng kanilang nag-aalalang Reyna. Niyakap silang dalawa ng magkapatid at pagkatapos ay ang kanilang ama. "Salamat sa diyosa ng buwan at ligtas kayo." Anito. Ngumiti ang kanilang ama at hinalikan ang kanilang ina. Nag-iwas agad sila ng tingin ang kanilang kapatid. "Ama, Ina, maawa naman po kayo sa amin. Mga bata pa po kami." Ani ng kanyang kapatid na tinakpan pa ang mata niya. Tumawa naman ang magulang nila. Tinanggal niya ang kamay ng kapatid na nakatakip sa kanyang mata. "Mga kamahalan, naghihintay na po sa inyo ang buong konseho ng mga lobo." Paglapit sa kanila ng tauhan ng ama. Tumingin sa kanila ang ama. "Maghanda kayo para sa isang mahalagang anunsiyo lalo ka na Mavielyn." "Opo, Ama." Nang makapasok sila sa silid kung nasaan ang trono. Nagsitayuan ang buong konseho at yumuko ang mga ito. Umupo ang kanilang ama at ina sa trono at sila ng kanyang kapatid sa magkabilang gilid. "Alam kong batid ninyo ang madalas na pag atake ng mga alagad ni Erosho." Umpisa ng kanyang ama. "At gagawin natin ang lahat upang hindi siya magtagumpay sa kanyang binabalak na makuha ang ating kaharian pati na rin ang buong Adessa." "Hindi natin hahayaang mangyari 'yon, Mahal na Hari." Anang isang taga konseho. Tumango ang kanyang ama. Napabuntong-hininga siya. Bakit ba kasi kasama pa siya kung nagpupulong ang buong konseho? Gusto na niyang magpahinga dahil napagod siya kanina sa pakikipaglaban sa mga alagad ni Erosho. Sumandal siya sa kanyang kinauupuan at pinakinggan na lang ang buong konseho na nagpupulong. Matagal pa ba ito, Mavierick? Tanong niya sa kanyang kapatid sa kanilang isipan. Tumingin ito sa kanya. Kilala mo naman ang konseho. Talagang magtatagal pa ito. Napabuntong-hininga siya. Nang mapatigil ang lahat at napatingin sa pintuan ng silid-pulungan. Kumunot ang nuo niya nang makita ang kanang kamay ng kanyang ama na nakasuot ng magarang kasuotan katulad sa kanilang mga maharlika. "Mula ngayon ay ituring niyo nang isang prinsipe si Aki dahil siya ang magiging kabiyak ng aking anak na si Prinsesa Mavielyn." Saad ng kanyang ama. Nanlaki ang kanyang mata at napatayo. "Magiging kabiyak? Ama, ano ang iyong ibig sabihin?" Tanong niya. "Mavielyn, si Aki ay ang iyong magiging kabiyak. Nag-usap na kami at pumayag siya." Hindi siya makapaniwalang natawa. "Ngunit hindi po ako pumapayag!" Aniya. "Mavielyn!" Tumaas ang boses ng ama. Umiling siya. "Kahit gusto niyo siyang aking maging kabiyak. Hinding-hindi ako makiki-isang dibdib kay Aki!" Naglakad siya palabas ng silid-pulungan at nang makasalubong niya si Aki ay binigyan niya ito ng matalim na tingin. "Prinsesa Mavielyn!" Sigaw ng kanyang ama pero hindi niya ito pinansin. Hinarang siya ng mga kawal pero sinugod niya ang mga ito at hinagis ang mga ito sa pader. Ang iba naman ay sinipa niya. Tumakbo siya palabas ng palasyo. Nang nasa labas na siya ay agad siyang nagpalit sa kanyang anyong-lobo at tumakbo patungong kagubatan. Luna, sabihin mo sa akin. Gusto mo bang maging katipan si Aki? Tanong niya sa lobong nasa kanyang loob. Hindi ko siya gusto! Umangil ito. Habang tumatakbo siya sa kagubatan ay may mga sanga na tumatama sa kanya pero hindi na niya ininda. Pagdating niya sa lawa ay dumapa siya sa damuhan at tinignan ang sarili sa malinaw ng tubig. Isang puting lobo na may asul na mata. Luna, nagtataka talaga ako kung bakit naiiba tayo sa lahat ng lobo? Bakit tayo lang ang kulay puti? Umupo si Luna. Dahil galing tayo kay Erashea. Ano ang iyong ibig sabihin? Nagtataka niyang tanong. Lahat naman sila ay nanggaling kay Erashea. Ang diyosa ng buwan. Ang kanilang diyosa. Sige, sasabihin ko na. Ang mga Prinsesa ng bawat kaharian ay kay Erashea nanggaling. Ang ibig kong sabihin at nabendisyunan ang mga reyna na idala sa kanilang sinapupunan ang anak ni Erashea. Ikaw at ang iba pang prinsesa ay anak ni Erashea. Instrumento lang ang mga reyna para isilang kayong mga prinsesa. Saad ni Luna. Alam mo, Luna, sa dami ng sinabi mo ay wala akong naintindihan. Umirap si Luna at hindi na nagsalita. Napailing siya at ipinikit ang kanyang mata. Napamulat siya nang maramdaman ang isang presensiya sa kanyang likuran. Agad siyang nagbalik sa anyong-tao at hinagisan siya ni Renesmee ng puting damit na kaagad niyang isinuot. Lumapit sa kanya si Renesmee at ipinatong ang ulo sa kanyang balikat. Si Renesmee ay isang Prinsesa gaya niya. Ito ang prinsesa ng mga bampira. Agad niyang naramdaman ang malamig nitong katawan. "May suliranin ba, Renesmee?" Tanong niya. Nag-angat ito ng tingin. Deretso ang tingin niya sa kulay pula nitong mata. "Nagbabanta si Erosho. Nagpadala siya ng kanyang alagad para kami ay salakayin at nagbigay ng babala." "Anong babala?" Tanong niya. "Kung hind kami sasanib sa kanya. Uubusin niya kaming mga bampira. Alam mo naman ang araw ang kahinaan naming mga bampira. Nag-aalala ang aking mga magulang na baka tanggalin ni Erosho ang madilim naming kalangitan at gawing maliwanag tulad ng iba pang kaharian." "Anong sabi ng iyong mga magulang?" Tanong niya. "Hinding-hindi kami sasanib kay Erosho."                        HINDI MAPIGILAN ni Prinsesa Renesmee ang mapailing ng hindi nasalag ng kapatid niya ang kanyang sipa at tumilapon ito ng ilang metro. "Renesmee, masyadong malakas ang sipa mo." Reklamo ng kapatid niya. "Kung gusto mong maging hari, aking mahal na nakakabatang kapatid, kailangan mong magsanay ng mabuti." Aniya. "Alam ko 'yon, Renesmee, pero masyado yata kasi malakas ang iyong atake sa akin." Anito. "Sa labanan hindi iniisip ng kalaban kung gaano kalakas ang atake nito basta mapatumba ka lang." Sabi niya at nilapitan ang kapatid niya. Inilahad niya ang kamay na agad naman nitong tinanggap. Hinila niya patayo ang kanyang kapatid. "Magsanay ulit tayo bukas." Aniya. "Sige at bukas ay gagalingan ko na." Sabi ng kanyang kapatid. "Galingan mo." Aniya. "Mauuna na ako, Prinsesa Renesmee." Yumuko ito at tumalikod. "Prinsipe Rafus?" Lumingon ito sa kanya. "Kumusta naman ang babaeng iyong iniibig?" "Nasa mabuti na siyang kalagayan ngayon. Mamaya ay kakausapin ko si Ama para sa aming pag-iisang dibdib." Sagot nito. "Mabuti kung ganoon. Masaya ako para sa 'yo." Ngumiti siya. "Salamat, aking kapatid." Pumasok na sa loob ng palasyo ang kapatid niya. Tumingala naman siya sa kalangitan at nakita ang makakapal na ulap na nakaharang sa araw para hindi sila masikatan ng sinag nito. Huminga siya ng malalim. "Mahal na Prinsesa?" Nilingon niya ang kawal na tumawag sa kanya. "Ano 'yon, kawal?" "Pinatatawag kayo ng inyong ama." "Susunod ako." Aniya. Yumuko ang kawal at umalis. Siya naman ay pumasok sa palasyo at nagtungo sa silid-tanggapan ng kanyang ama. Nadatnan niyang naghahalikan ang kanyang mga magulang. Napangiwi siya. Tumikhim siya para kunin ang atensiyon ng mga ito pero hindi siya pinansin. Napailing siya at pumasok na lang sa loob at umupo. Hinintay ang mga itong matapos maghalikan. "Ina, Ama, pinatatawag niyo raw ako." Ani ng kanyang kapatid na kapapasok lang at hindi nito napansin ang ginagawa ng kanyang mga magulang. Tumingin ito sa kanya at siya ay nagkibit ng balikat. Lumapit sa kanya ang kapatid at umupo sa tabi niya. "Sa ginagawa nila, mabuti at dalawa lang tayong naging anak nila." Sabi ng kapatid na ikinatawa niya. May punto naman ito. "Ama, Ina, narito na po kaming dalawa ni Rafus. Itigil niyo na po 'yan." At sa wakas ay tumigil ang mga ito sa paghahalikan pero nanatiling nakaupo ang ina sa kandungan ng kanilang ama. "Pinatawag niyo kami ni Rafus." Aniya. "Oo para pagutusan kayong dalawa. Rafus?" "Ama?" "Gusto kong ikaw ang manguna sa pagpapatrolya sa kagubatan natin. Gusto kong makitang maayos ang ating mga alaga doon na ating pinagkukunan ng dugo." Saad ng kanilang ama. "Masusunod, Ama." "Renesmee?" "Ama?" "Gusto kong ikaw ang manguna sa pagsasanay ng ating mga kawal dahil ang ibang mga bampira na napalayas dito sa ating kaharian ay umanib na kay Erosho. Nakita ko ang kakaibang lakas mo at magaling ka sa pakikipaglaban. Balita ko rin na ikaw ang nagsasanay dito sa iyong kapatid." "Opo, Ama." Ngumiti ang kanilang ama. "Mag-iingat kayo." Saad ng kanilang ina. "Kay Rafus niyo po sabihin 'yan, Ina." Aniya. "Dahil siya ang tutungo sa kagubatan." "Rafus?" Tawag ng kanilang ina. "Ina? Bakit po?" "Nabalitaan kong may kasintahan ka. Kailan mo siya ipapakilala sa amin?" Ngumiti ang kanyang kapatid. "Sa susunod na araw po, Ina." "Aasahan namin 'yan." Saad ng kanilang ama. "Opo, Ama." Yumuko silang dalawa bago lumabas. "Mag-ingat ka sa pagtungo mo sa kagubatan." Aniya. "Huwag kang mag-aalala, Renesmee. Siguro kaya ko naman ang kalaban kung sakali at may mga kasama naman akong kawal." Nginitian niya ito. Naghiwalay sila sa bulwagan ng palasyo. Lumabas siya ng palasyo upang tignan ang mga nagsasanay na kawal. Nilapitan niya ang Heneral. "Heneral, gusto kong samahan mo aking kapatid sa pagpunta niya sa kagubatan." Utos niya. "Masusunod, Kamahalan." Yumuko ito. Umalis ito para puntahan ang kanyang kapatid. "Ako muna ang magiging tagapagsanay niyo habang wala ang inyong pinuno." Aniya. "Ituloy ang pagsasanay." Nakatingin siya sa mga kawal habang nagsasanay ang mga ito. Tinuturuan niya rin ang mga ito kung paano ang tamang paraan ng paggamit ng sandata. Mahabang oras na ang lumipas at tuloy pa rin silang lahat sa pagsasanay. Napatigil siya nang marinig ang huni ng mga ibon. Nagsiliparan ang mga ito palayo sa kagubatan na parang may kinatakatan. "Rafus..." Bulong niya. Gamit ang hindi pangkaraniwang bilis niya ay agad siyang nakarating sa kagubatan. "Rafus?!" Sigaw niya sa pangalan ng kapatid. Nang may mahagip ang matalas niyang pandinig. Agad siyang tumakbo sa direksiyon na iyon at naabutan niyang nakikipaglaban ang kapatid niya at ang Heneral sa mga itim na bampira. Itim na bampira ang itinawag nila sa mga bampirang umaanib kay Erosho. Umangil siya. Lumabas ang pangil niya at sinugod ang isang itim na bampira na dumagan sa kanyang kapatid. Sinipa niya ito at mabilis na sinundan, binali niya ang leeg nito. Sunod niyang sinugod ang iba pang itim na bampira at agad niyang binabali ang leeg ng mga ito at hindi niya binibigyan ng pagkakataong gumanti. Ganun din ang ginawa ng kanyang kapatid. Nang mapansin niya ang dugo sa likuran nito. "Naghilom na ba 'yan?" Tanong niya. "Oo." Sagot nito. "Mabuti." Aniya. Nang matapos ang laban nila sa mga itim na bampira ay tumingin siya sa kanilang paligid. Nagkalat ang mga patay na katawan ng hayop at abo ng mga itim na bampira. "Anong nangyari?" Tanong niya. "Naabutan namin ang mga bampirang 'yon na inuubos ang ating mga alaga." Sagot ni Rafus. "Iparating mo ito kay Ama, Heneral." "Masusunod, Mahal na Prinsesa." Agad itong tumalima. "Mukhang kailangan nating maglinis." Aniya. Napailing ang kapatid at tumulong sa mga kawal na kinukuha ang katawan ng mga hayop na namatay at iniipon sa isang lugar upang sunugin. Tumulong na rin siya. Nang matapos ay agad na sinunog ang mga ito. "Mukhang kailangan nating maglinis ng katawan." Sabi ng kanyang kapatid. Napatingin naman siya sa kanyang sarili. May mga dugo ng itim na bampira ang tumalsik sa kanya. "Sige, sa dagat." Aniya. "Paunahan tayo, Renesmee." Napailing siya. "Bahala ka." At mabilis siyang tumakbo. Sumunod naman agad ang kapatid niya. Nang makarating sila sa bangin ay agad siyang tumalon. Malakas ang pagbagsak niya sa tubig,ganun din ang kapatid niya. Ngumiti siya at inilubog ang katawan sa tubig. Siya si Prinsesa Renesmee, ang prinsesa ng mga bampira.                    ANG PAGIGING isang prinsesa ng karagatan ay isang malaking responsibilidad. Napabuntong-hininga si Prinsesa Airene, ang prinsesa ng mga sirena o ang mga diwata ng tubig, habang nakatingin sa nakababata niyang kapatid at ama na nagtatalo. Hinawakan niya ang kanyang trident at umalis. Lumangoy siya palabas ng kanilang palasyo ng makasalubong niya ang kanyang ina. "Saan ka pupunta, Airene?" Tanong nito. "Sa lupa, Ina. Nais kong dalawin ang aking mga kaibigang prinsesa. Matagal na rin ng huling kaming nagkita-kita." Aniya. "Mag-iingat ka kung ganun." "Opo, Ina." Hinalikan siya nito sa nuo. Lumangoy siya palayo sa kanilang kaharian. Humawak siya ng mahigpit sa kanyang trident at binilisan ang kanyang paglangoy. Malayo na ang kanyang linangoy at malayo na siya sa kanilang kaharian. Sana sa pagbalik niya ay hindi na nagtatalo ang ama at kanyang kapatid. Hindi gusto ng kanyang nakababatang kapatid na maging hari. Sa tradisyon nila dito sa buong Arwood, sa lupa man o sa ilalim ng karagatan. Ang lalaking anak ng hari at reyna ang siyang hahalili sa trono. Gusto ng kanyang kapatid na mamuhay bilang isang simpleng sireno na ayaw naman ng kanilang ama. "Mahal na Prinsesa..." "Prinsesa Airene..." "Nagagalak kaming makita ka dito sa aming teritoryo." Napatigil siya at tumingin sa kanyang harapan. Ang mga alagad ni Erosho dito sa ilalim ng karagatan. Ang mga masasamang elemento ng karagatan. Itinuro niya ang mga ito gamit ang kanyang asul na trident. "Paraanin ninyo ako." "Humihingi kami ng pasensiya, prinsesa ng mga sirena, ngunit kami ay hindi susunod sa iyong utos." Ani ng isa na nakalabas pa ang matalim nitong pangil. Kung ilalarawan ito ay malaki itong isda ngunit makapal ang balat, malaking bunganga at may mahahabang pangil. Ganun din ang mga kasama nito. Iba't-iba ang mga anyo ng masasamang elemento dito sa ilalim ng karagatan. Walang ibang ginawa ang mga ito kung hindi ang guluhin sila na nagpapasakit sa ulo ng kanyang ama kung paano tatapusin ang mga ito. Pero ang mga nilalang na alagad ni Erosho tulad ng nasa kanyang harapan ay hindi tapat ang mga ito sa kanilang pinaglilingkuran. Sila ay mga nilalang ng dagat,may sariling isip at walang sinuman ang mag-uutos sa mga ito kung hindi ang hari ng mga sireno. "Ano ang inyong gusto para paraanin niyo lamang ako?" Tanong niya. Ang teritoryo ng mga ito ang daan upang mabilis siyang makarating sa lupa. Nagkatinginan ang mga ito. "Isang laro, Mahal na Prinsesa." Napailing siya. "Ipagpaumanhin ninyo ngunit wala akong oras para makipaglaro sa inyo." Itinuro niya ang mga bato na nasa hindi kalayuan gamit ang kanyang trident. Umangat ang mga ito at inihampas niya sa mga nakahilerang bato. "Anong ang iyong ginagawa, Prinsesa?" Ngumiti siya. "Binibigyan lamang kayo ng bagong tirahan." Aniya at mabilis na lumangoy paitaas para iwasan niya ang mga nagbabagsakan na mga bato. Ipinagpatuloy niya ang kanyang paglangoy. Napapangiti siya habang nakikipagsabayan siya sa mga isda sa kanilang paglangoy. Nang may bumangga sa kanyang isda. "Ipagpaumanhin ninyo, Mahal na Prinsesa." Natawa siya at ipinagpatuloy ang paglangoy. Tinignan niya ang mga korals na naggagandahan. Nang sa wakas ay nakita na niya ang liwanag galing sa itaas mas lalo pa niyang binilisan ang kanyang paglangoy hanggang sa siya ay makaahon. Lumangoy siya patungong dalampasigan nang may maramdaman siyang kakaiba. Agad siyang lumingon sa kanyang likuran at  nakita niya ang malaking daluyong na papunta sa kanya. Napakataas nito at kaya nitong lunurin ang buong Arwood. Alam niya kung sino ang gumawa nito. Si Erosho. Mabilis siyang lumangoy patungong dalampasigan. "Maging binti ang aking buntot." Aniya. Nagliwanag ang trident niya at unti-unti napalitan ng binti ang buntot niya. Kinuha niya ang damit na nakakalat at isinuot ito. Tumingin siya sa daluyong. Malakas niyang itinarak sa lupa ang trident niya at ibinuhos ang lakas niya upang pigilan ang daluyong na paparating. Ipinikit niya ang kanyang mata. Malakas na pwersa ang lumabas sa kanyang trident  na siyang pumigil sa daluyong. Unti-unting bumaba ang tubig hanggang sa naging kalmado na ito. Pero kahit wala na ang daluyong ay may nararamdaman pa rin siyang may kakaiba sa tubig. Tama ang kanyang hinala nang makita niyang lumabas ang mangkukulam ng karagatan sa tubig. "Kumusta, Mahal na Prinsesa?" "Ano ang iyong ginagawa dito sa Adessa? Hindi ba hindi ka pinahihintulutan na pumunta dito, mangkukulam ng karagatan?" Tumawa ang mangkukulam. "Alam kong hindi ako pinahihintulutan na pumunta dito sa Adessa, Prinsesa Airene, ngunit binibisita ko lamang ang aking dating tirahan—" "Tumahimik ka! Umalis ka na, Mangkukulam, bago pa malaman ng aking ama na nandito ka sa dagat ng Adessa." Aniya. Pinagmasdan niya ang hitsura ng mangkukulam. Katulad rin nila ito na sireno pero tinawag nila itong mangkukulam dahil sa galing nito sa paggawa ng iba't-ibang klase ng gayuma. Nakagawa ito ng kasalanan na ikinagalit ng kanyang ama. Muntikan na kasi nitong nilason ang Reyna kaya isinumpa ito ng kanyang ama at pinalayas sa karagatan ng Adessa. "Masyadong mataas ang tingin ng iyong ama sa kanyang sarili, Prinsesa Airene." Anito. "Tama lang ang ginawa ng aking ama, Mangkukulam, na pinalayas ka dito sa karagatan ng Adessa." Aniya. Tumawa ang mangkukulam. "Paalam, Mahal na Prinsesa. Ngunit bago ako umalis ay nais kong ipaalam na malapit na ang oras na maging pag-aari ni Erosho ang buong Arwood." Umiling siya. "At hindi namin hahayaang mangyari 'yon." Nakatingin lang siya sa mangkukulam habang paalis ito. Kinuha niya ang kanyang trident at idinikit ito sa tubig. "Dalhin mo siya sa karagatan ng Aholor at kahit anumang mangyari ay huwag na huwag mo siyang hahayaang makaalis pa sa lugar na iyon. Ako si Prinsesa Airene ng mga sirena. Karagatan, sundin mo ang aking utos." Umayos siya ng tayo. "Maligayang pagdating dito sa kaharian ng mga Amazona, Mahal na Prinsesa ng mga sirena." Anang isang boses sa kanyang likuran. Napangiti siya at humarap sa Prinsesa ng mga Amazona. "Masaya akong makita ka, Prinsesa Nekiel." Ngumiti ito at lumapit sa kanya. Niyakap siya nito. "Salamat nga pala dahil sa pagpigil mo sa daluyong kanina." Anito. "Nakita mo?" "Kaming lahat, Prinsesa Airene." Ngumiti siya at tinignan ang kanyang trident. Nawala ito sa kanyang kamay. "Halika ka sa palasyo, Airene. Magpapahanda ako ng masarap na pagkain at ating dadalawin ang ating mga kaibigang Prinsesa." "Hindi ko tatanggihan ang alok na 'yan, Nekiel." Nagkatawanan sila at naglakad patungo sa palasyo ng mga Amazona.                                SI PRINSESA PHYLLIS ay ang prinsesa ng mga diwata ng halaman. Sila ang mga nangangalaga sa mga halaman, puno at bulaklak ng Arwood. Abalan ang prinsesa sa pagtatanim ng halaman ng dumating ang kanyang nakatatandang kapatid at may ibinigay itong halaman sa kanya. Nakilala niya agad ang kung ano ang klase ng halaman na hawak ng kanyang kapatid. Ito ay ang halaman na pinakaka-ingatan ng kanyang ama dahil ito ang uri ng halaman na nakakagamot ng kahit anumang karadaman at iisa lamang ito. "Ang sabi ni Ama ay itanim mo iyan sa paligid ng ating kaharian. Kailangan na dumami ang halaman na 'yan." Sabi ng kapatid. "Tatapusin ko lamang ang aking ginagawa, aking kapatid." Aniya. Tumango ang kanyang kapatid at maingat nitong inilapag ang halaman sa kanyang tabi bago ito umalis. "Mahal na Prinsesa, sasamahan na namin kayo." Ani ng isang diwata. "Salamat." Ngumiti ang diwata. Kinuha niya ang halaman at tumayo. "Halina kayo upang mabilis nating matapos ang pinapagawa ni Ama." "Sige po, Mahal na Prinsesa." Nang makalayo sila sa palasyo at tumigil sila. Pinutol niya ang tangkay ng halaman at ibinigay ito sa mga kasama niyang diwata. Hiningaan niya ang halaman at muli itong dumami. Nang matapos sila sa pagtatanim ay naglakad na sila pabalik ng palasyo ngunit lahat sila ay napatigil nang maramdaman nila ang paggalaw ng lupa. "Maglaho kayong lahat." Utos niya sa mga ito. Agad na naglaho ang mga ito. Ang naiwan lang ay ang mga kawal. "Umalis kayo dito." Utos niya. "Ipagpaumanhin po ninyo, Mahal na Prinsesa, ngunit hindi namin kayo maaaring iwan dito." Ani ng isang kawal. Nang sa wakas ay tumigil na ang paggalaw ng lupa. Mabuti na lang at walang mga nasira. "Umalis na tayo dito." Utos niya. Mabilis niyang inilagan ang humahagibis na palaso na paparating sa kanya. Tumusok ito sa puno. Agad na naging alerto ang mga kawal at pinalibutan siya. "Tanggalin ninyo ang palaso sa puno." Utos niya sa mga kawal. "Masusunod, Mahal na Prinsesa." Mabilis na hinanap ng mata niya kung sino ang pumana sa kanya ngunit wala siyang nakita. Mukhang nakapagtago agad ang pumana sa kanya. Hinawakan niya ang isang halaman at nakipagtalastasan dito. Napangiti siya nang malaman kung nasaan ang pumana sa kanya. "Umalis na tayo." Aniya. Naglaho sila. Ang mga kawal ay bumalik sa palasyo habang siya ay lumitaw sa likuran ng pumana sa kanya. "Mukhang hindi ka yata asintado sa pagpana." Aniya. Pumihit paharap sa kanya ang pumana sa kanya at nakita niya ang gulat sa mukha nito. Agad niyang nakilala na alagad ito ni Erosho. Mabilis nitong itinutok sa kanya ang hawak nitong palaso. "Wala na bang ibang maisip ang Dark Lord na si Erosho kung hindi ang ipapatay kaming mga Prinsesa." "Dahil kayo ang balakid sa mga plano niya kaya kailangan niyong mamatay!" Sigaw nito at pinakawalan ang hawak nitong palaso. Mabilis siyang naglaho at lumitaw sa itaas ng puno. "Bumalik ka na sa iyong panginoon bago pa hindi ko maisip na patayin ka. Umalis kana dito, engkanto!" Tumingala ito sa kanya. "Hindi ako aalis dito. Kailangan kitang patayin, Prinsesa!" Bumuntong-hininga siya. Unang tanong, kailan kaya titigil si Erosho sa pag-utos sa mga alagad nito upang patayin silang mga prinsesa ng mga kaharian dito sa Adessa? Ikalawang tanong, paano sila naging balakid sa mga plano nito? Ikatlong tanong, alam na ba ito ng mga kapwa niyang prinsesa? Ika-apat at panghuling tanong, lalaban ba niya ang alagad ng Dark Lord? Wala siyang pagpipilian. Inilabas niya ang kanyang sandata. Isa itong sibat na may tulis sa magkabilang dulo. Pinaikot niya ito sa kanyang kamay. Lumundag siya paibaba sa lupa. "Sasabihin ko sa 'yo, engkanto. Isa lang sa atin ang mabubuhay kung tayo ay maglalaban ngunit sinasabi ko sa 'yo, umalis ka na lang para hindi ka mapahamak. Batid kong sa mga oras na ito ay papunta na dito ang aking ama at kapatid upang ako ay tulungan." Aniya. Tumawa ang engkantong nasa harapan niya. "At pagdating nila dito ay isa ka ng malamig na bangkay, Mahal na Prinsesa." "Tignan natin." Aniya. Ngunit nagulat siya nang maglabas mula sa lupa ang mga alagad ni Erosho. Mahal na Erashea, ako'y sanay huwag ninyong pababayaan. "Sa tingin mo ba ay pupunta ako dito ng walang kasama, Prinsesa. Nagkakamali ka!" Sigaw nito. "Patayin ang prinsesa ng mga diwata!" Sinugod siya ng mga kasama nito kaya pinaikot niya ng mabilis ang kanyang sandata sa kanyang kamay bago ito binitawan. Wala pang isang segundo ang lumipas at nawalan na ng buhay ang mga alagad ni Erosho dahil parang d**o na natagpas ang ulo ng mga ito. Sinalo niya ang kanyang sandata. "Ipagpaumanhin mo, Engkanto, ngunit wala akong oras makipaglaro sa 'yo—" mabilis siyang umatras nang bigla siya nitong sipain. "May oras akong makipaglaro sa 'yo, Prinsesa. Kaya tapusin na natin ito." Sinugod siya nito at mabilis siyang umilag. Hinagis niya ang kanyang sibat at nagpaikot-ikot ito sa ere. "Hindi makakatulong ang iyong sandata, Mahal na Prinsesa." Tumaas ang sulok ng kanyang labi. "Nakalimutan mo na yata, Engkanto, na ang anumang nasa itaas ay bumababa rin." Aniya. Susugod sana ito pero.... "Sandali lang, Engkanto. Hind yata tayo patas, wala akong sandata at ikaw ay meron..." Sinulyapan niya ang kanyang sibat na nasa ere pa rin. Nang bigla itong tumigil sa pagikot at bumulusok pababa. Tumarak ito sa kalaban niyang Engkanto. "Ipagpaumanhin mo..." Aniya at natigilan nang may mapansing kakaiba. Tumingin siya sa kalangitan at nagiging madilim ito. Anong nangyayari? Dumating naman ang kanyang ama at kapatid kasama ang ilang kawal. "Phyllis, anak, anong nangyari?" Nag-aalalang tanong ng ama. Ngumiti siya. "Sumugod po dito ang mga alagad ni Erosho." "Anong nangyayari sa kalangitan?" Nag-aalalang tanong ng kanyang kapatid. "Bumalik na tayo sa palasyo. Kailangan kong makipagpulong sa konseho." Ani ng kanilang ama. "Opo, Ama." Sabay sabay silang naglaho at lumitaw sila sa bulwagan ng palasyo. Agad na nagpaalam ang ama at kapatid na makikipagpulong ang mga ito sa konseho. Napangiti naman ang ina ng makita siya. "Phyllis, anak." Niyakap siya nito. Hinalikan siya nito sa nuo. "Nais ni Rifkin na makausap ka." "Hindi ko po gustong makipag-usap sa kanya." Aniya. Si Rifkin ay dati niyang kasintahan ngunit sila ay naghiwalay dahil nahuli niya itong may kahalikan na ibang diwata. Ngumiti ang kanyang ina. "Naiintindihan kita, anak. Alam kong pagod ka kaya magtungo ka na sa iyong kwarto at magpahinga." "Salamat po, Ina." Nagpaalam na siya rito ay nagtungo sa kanyang kwarto. Tumingin siya sa labas at nakita niyang madilim pa rin ang kalangitan. Alam niya kung ano ito. Isa itong babala ni Erosho.                          IBINUKA ni Prinsesa Gabril ang kanyang puting pakpak at lumipad paitaas. Tinignan niya ang madilim na kalangitan. Dalawang araw ng natatakpan ang araw ng makakapal na ulap. Napabuntong-hininga siya. Kahapon lang ay nagpulong ang lahat ng kaharian kasama ang mga konseho at pinag-usapan kung ano ang dapat gawin. Iisa lang ang mungkahi ng lahat. Ang lumaban kung sakaling gusto ni Erosho ng isang digmaan at protektahan ang Adessa laban sa Aholor. Ang pagdilim ng kalangitan ay hudyat ito ng paghamon ng Aholor sa Adessa. Tumingin siya sa kabuuan ng kaharian nilang mga Aves. Isang kaharian ng mga taong-ibon, sila ang mga diwata ng hayop. Ang nangangalaga ng mga hayop sa buong Adessa. "Magandang araw sa inyo, Mahal na Prinsesa." Bati sa kanya ng isang Aves na lumilipad. "Magandang araw din sa 'yo." Aniya at lumipad patungo sa isang matayog na puno. Umupo siya sa sanga nito. Matagal siyang sa punong 'yun. Naisipan na lang niyang bumaba nang maalala na magsasanay pala siya kasama ang kanyang kapatid. Lumipad siya paibaba sa puno. "Huli ka na sa ating pagsasanay, mahal kong kapatid." Bungad sa kanya ng kanyang kapatid. Nginitian niya ito. "Ipagpaumanhin mo." Umiling ito. "Simulan na natin ang ating pagsasanay." Anito. Kinuha  nito ang espada na hawak ng kawal at sumibad ng lipad paitaas. Huminga siya ng malalim. Kinuha niya ang kanyang espada na hawak ng isa ring kawal at sumibad ng lipad paitaas. "Sa pagkakataong ito ay sisiguruhin kong mananalo ako." Ani ng kanyang kapatid. Ngumiti siya. "Tignan natin, Mahal kong kapatid." Mabilis itong sumugod sa kanya. Sinalubong niya ang atake nito. Nagsalpukan sila sa ere. Malakas ang kalansing ng kanilang espada sa tuwing magtatama ang mga ito. Mabibilis ang kanilang galaw na parang hangin. "Mukhang natuto na ang mahal na prinsipe." Nakangisi niyang saad. Ngumiti ito. "Tinatandaan ko ang mga itinuturo mo, Mahal kong kapatid." Napangiti siya at muling sinugod ang kapatid. Sinalag nito ang atake niya at sinipa siya nito kaya napalayo siya dito ng ilang metro. Nasisiyahan naman siya. Ipinapakita ng kanyang kapatid na karapat-dapat ito para sa trono ng pagiging hari. Nakaisip naman siya ng kalokohan. Ikinampay niya ang pakpak hanggang sa makagawa siya ng ipo-ipo. "Gabril, huwag 'yan." Awat sa kanya ng kapatid. Tumawa siya. "Paumanhin pero hindi ka lang dapat marunong humawak ng sandata. Dapat marunong ka rin sa paggamit ng iyong pakpak bilang sandata, aking kapatid." Ito ang nakakatanda pero magkaparehas lang sila. Inihampas niya dito ang ipo-ipo na agad naman nitong nailagan. Lumipad pa sa itaas ang kapatid niya hanggang sa kaulapan. Napangisi siya nang makitang gagamitin nito ang mga ulap laban sa kanya. May dalang tubig ang mga ulap. Nakita niyang unti-unti naging isa ang mga hiwa-hiwalay na ulap at naging ipo-ipo. Napailing siya. Malakas niyang ikinampay ang pakpak at hinampas ang ipo-ipo na likha ng kanyang kapatid gamit ang likha niyang ipo-ipo. Nawasak ang likha nitong ipo-ipo. Kumulog at kumidlat pa hanggang sa bumuhos ang malakas na ulan. Nakangiti ang kapatid na lumapit sa kanya. "Ayos ba, Gabril?" "Hindi ko alam sa 'yo, Gadril." Aniya. "Bumalik na tayo sa palasyo dahil nababasa na ang ating mga pakpak." "Paunahan tayo." "Sige." Pagpayag niya at mabilis na lumipad pabalik sa kanilang kaharian. "Gabril, hintay!" Tinawanan niya lang ito at mas lalong binilisan ang kanyang paglipad. Nauna siyang nakarating sa kanilang palasyo. Itiniklop niya ang kanyang pakpak. Nakangiti naman na hinintay niya ang pagdating ng kapatid. "Napakabilis mo, Gabril." Sabi nito. Tumawa siya. "Kaya huwag mo na akong hamunin. Nakalimutan mo na yata na ako ang pinakamabilis sa ating mga Aves." "Panalo ka na." Anito. Magkasabay silang nagtungo sa bulwagan at sinalubong naman sila ng kanilang mga magulang. "Alam kong ang mahal na prinsesa na naman ang panalo." Ani ng kanilang ama. "Siya ang pinakamabilis na lumipad, Ama, Ina, ngunit ako naman ang pinakamatalino." "Nakuha mo, anak." Sabi ng kanilang ina. "Magtungo na kayo sa inyong mga silid at kayo ay magpahinga na." "Opo, ama." Tinungo niya ang kanyang silid. Naalala niya ang mga kaibigan niyang prinsesa. Kumusta na kaya sila? Matagal na rin mula ng huli niya ang mga itong dinalaw. Bumuntong-hininga siya at napatingin sa tatlong imbitasyon na nasa kanyang mesa. Binuklat niya ang isang imbitasyon. Prinsesa Gabril ng kaharian ng mga Aves. Ikaw ay aking inaanyayahan sa aking nalalapit na kasal. Inaasahan ko ang iyong pagdalo, aking mahal na kaibigan. At sa ibaba ay may lagda ni Prinsesa Nerrie. Ganun ang dalawa pang imbitasyon. Mula ang mga ito kay Prinsesa Dayne ng mga mangkukulam at Prinsesa Mavielyn ng mga lobo. Napabuntong-hininga siya. Silang mga prinsesa ay walang kalayaang pumili ng kanilang iibiging lakaki. Ang kanilang mga magulang ang pipili para sa kanila. Alam niyang ganun din ang mangyayari sa iba pang prinsesa at ganun din siya. Maliban kay Prinsesa Nekiel ng mga Amazona. Ang mga Amazona ay hindi maaaring mag-asawa. Sila ay umiinom ng isang banal na inumin kaya sila magdadalang tao. Sana ganoon na lang lahat. Tumingin siya sa labas at nakita niyang umuulan pa rin dahil sa kagagawan nilang magkapatid. Lumabas siya sa kanyang silid at pumunta sa balkonahe. Huminga siya ng malalim at umawit ng isang awitin na magpapatigil sa ulan at magpapasigla ng mga ibon. Unti-unti ay tumila ang ulan at muling nagsiliparan ang mga ibon sa himpapawid. Napapangiti na lang siya habang pinapanood ang mga ito. "Gabril." Lumingon siya sa kanyang ina. "Ano po iyon, Ina?" Tanong niya. Ngumiti ito at lumapit sa kanya. "May nais lang sana akong ibigay sa 'yo, anak." "Ano po iyon?" Niyakap siya nito at nakita niya may isinuot ito sa kanyang kwintas. May palawit itong puting pakpak. Kasingputi ito ng kanyang pakpak. "Ang kwintas na ito ay simbolo ng ating lahi. Ang Aves na may puting pakpak ay ang natatangi sa lahat at ikaw 'yon, anak. Gusto kong alagaan mo ang kwintas na iyan dahil 'yan ay simbolo ng ating lahi. Ikaw ay may itinatagong liksi at tapang, anak. Sana hindi dumating ang araw na mawawalay ka sa amin." "Ano pong ibig niyong sabihin?" Nagtataka niyang tanong. "May bagong isinaad sa propesiya ni Erashea, anak. Ang isinasaad sa propesiya ay walong makakapangyarihang bunga ang makakatalo kay Erosho. At nag-aalala ako dahil ang sinasabi ng mga konseho ay magkakaroon ng bunga na kalahating mortal sa bawat ng lahi dito sa Adessa at kayo ang sinasabi ng mga konseho." Kumunot ang kanyang nuo dahil hind niya gaanong naintindihan ang sinabi ng kanyang ina. Ngumiti na lang siya. "Huwag po kayong mag-alala. Hinding-hindi po ako mawawala sa inyo."                             MAINGAT na inilagay ni Prinsesa Nekiel ang kanyang kapatid sa kuna nito pagkatapos nitong makatulog sa kanyang bisig. Kasisilang lang ito ng kaniyang ina at kasalukuyang nagpapahinga upang mabawi nito ang lakas na nawala dahil sa anak nito. "Napakagandang sanggol ang kapatid mo, Prinsesa Nekiel." Ani ng isang boses sa kanyang likuran. Hinarap niya ito. "Prinsesa Mavielyn." Ngumiti ito at lumapit sa kanya. Sinilip nito ang sanggol sa loob ng kuna. "Napadalaw ka." Aniya. "Andito ka ba para magbigay ng imbitasyon para sa iyong nalalapit na kasal? Nakapagbigay na si Prinsesa Nerrie, Prinsesa Dayne at ang iba pa." Bumuntong-hininga ito at ibinigay sa kanya ang nakarolyong papel. "Inaasahan kong makakadalo ka." Malungkot nitong saad. "Dadalo ako." Aniya at inutusan ang isang amazona na bantayan ang kanyang kapatid. Inaya niya ang kaibigan sa labas ng palasyo at mag-usap habang naglalakad. "Alam mo bang naiingit kaming lahat sa 'yo?" Sabi ng kaibigan. "Bakit naman? Wala namang kainggit-inggit sa akin." Aniya. Tipid na ngumiti ang prinsesa ng mga lobo. "Kasi ikaw ay hindi ka maaaring mag-asawa." "Mavielyn, magiging maayos din ang lahat." Aniya. "Paano? Sa susunod na kabilugan na ng buwan ang kasal ni Prinsesa Nerrie, susunod si Prinsesa Dayne at susunod ako at ng iba pang prinsesa. Hindi namin gustong magpakasal sa nilalang na hindi namin mahal." Malungkot nitong saad. Sabay silang tumingala sa madilim na kalangitan. Isa itong babala. Kailangan nilang maghanda para sa napipintong digmaan. Hinihintay na lamang nila ang paglusob ni Erosho at ng mga alagad nito. "Gusto mo bang huwag matuloy ang pakikipag-isang dibdib mo?" Tanong niya. "Kaming lahat ay hindi nais makipag-isang dibdib." Sabi ni Prinsesa Mavielyn. Ngumiti siya. "Gusto mo bang kahit minsan ikaw ay maging isang pasaway na prinsesa." "Oo." Matapang nitong sagot. "Kung ganun..." Napangiti siya nang maramdaman ang pagpasok ng mga iba pang prinsesa dito sa kaharian ng mga Amazona. Naramdaman niya ang malakas na hangin na nanggagaling sa itaas. Tumingala sila at nakita nila si Prinsesa Gabril, ang prinsesa ng mga Aves na lumilipad patungo sa kanila. Tumingin siya sa karagatan at nakita niya ang prinsesa ng mga sirena na naglalakad paahon sa tubig. "Hindi mo sinabing darating sila." Wika ng kaibigang nasa kanyang tabi. Ngumiti siya. Biglang may kulay lilang hamog ang lumitaw sa kanilang harapan at naging si Prinsesa Nerrie. Binati sila nito. Magkakasunod na dumating si Prinsesa Dayne na dala pa ang alaga nitong kwago, sumunod si Prinsesa Renesmee ng mga bampira at si Prinsesa Phyllis. "Kumpleto na tayo." Aniya nang makababa si Prinsesa Gabril sa lupa. Itinikilop nito ang kulay puting pakpak. "Kawal, dalhin mo dito ang mga cloak na nakapatong sa aking kama." Utos niya sa isang babaeng kawal. "Masusunod, Mahal na Prinsesa." Agad itong tumalima. "Bakit mo kami pinatawag dito, Nekiel?" Tanong ni Prinsesa Nerrie. "Tutulungan ko kayo para hindi matuloy ang inyong makikipag-isang dibdib." Aniya at ngumiti. "Paano?" Tanong ni Prinsesa Airene. "Akong bahala." "Magtiwala na lang tayo kay Prinsesa Nekiel." Ani Prinsesa Dayne habang hinahaplos ang ulo ng alaga nitong kwago. "Oo dahil hindi ko talaga gustong makipag-isang dibdib sa gusto ng aking mga magulang na aking papakasalan." Sabi ni Prinsesa Renesmee. "Mahal na Prinsesa, ito na po ang mga cloak." "Salamat, kawal." Aniya at kinuha ang mga cloak na hawak nito. Ibinigay niya ito sa mga kaibigan niyang Prinsesa. "Isuot niyo." Aniya. Isinuot niya ang kanyang cloak. "Tayo na." Yaya niya sa mga ito. "Saan tayo tutungo?" Tanong ni Prinsesa Phyllis. "Sa tutok ng bundok na iyon." Sabay turo niya sa bundok na malapit sa kanilang palasyo. "Maaari bang lumipad na lang ako patungo doon?" Ani Prinsesa Gabril. "Ipagpaumanhin mo, Prinsesa Gabril, ngunit hindi maaari." Ngumuso ito. Napailing naman siya. Nagsimula na silang umakyat sa bundok. "Maaari ba tayong maglaho na lang?" Sabi ni Prinsesa Phyllis. Umiling siya at nagpatuloy sila sa pag-akyat. Matapos ang mahabang oras na lakaran. Narating din nila ang ituktok ng bundok. Pagdating nila sa ituktok ng bundok ay umupo sila sa damuhan at nagpahinga. "Sino ba katatagpuin natin dito?" Tanong ni Prinsesa Nerrie. "Magandang tanong." Aniya. "Nakapagpaghinga na ba kayo? Magpapatuloy na tayo. Malapit na dito ang tahanan ni Melissa. "Sinong Melissa?" Tanong ni Prinsesa Mavielyn. "Siya ang pinakamatandang engkanto na  naninirahan dito sa Arwood. Alam niya lahat ng nangyari at mangyayari." Aniya. "Hmm, bakit parang kinabahan yata ako sa sinasabi mong 'yan, Nekiel." Sabi ni Prinsesa Dayne. "Ako din." Sabi ni Prinsesa Phyllis. Napailing na lang siya. Sa hindi kalayuan ay nakita na niya ang isang bahay na gawa sa kahoy at bato. Napangiti siya. Naglakad sila palapit sa bahay. "Prinsesa Nekiel, sigurado ka ba dito?" Tanong ni Prinsesa Airene. "Oo." Sagot niya at kinatok ang pinto. "Melissa? Narito ako kasama ang aking mga kaibigang prinsesa. Maaari ba kaming pumasok?" Bumukas ang pinto pero walang nagbukas. "Pumasok tayo." Aniya at nauna ng pumasok. Sumunod ang mga kaibigan niya. Malawak sa loob ng bahay. Mukha lang maliit sa labas pero napakalawak sa loob. "Melissa?" Tawag niya. "Mahal na Engkantada?" Ulit niya. "Maligayang pagdating sa aking tahanan, mga mahal na prinsesa." Isang boses ang nagsalita at alam niyang si Melissa 'yon. "Narito kami upang humingi ng tulong. Maaari ka bang magpakita upang makilala ka ng aking mga kaibigan?" Wala na siyang narinig na tugon pero mula sa isang pintuan ay lumabas ang isang babae. Matangkad ito at may nakatiklop na pakpak sa kanyang likuran. "Isa kang Aves." Sabay na sabi ng kanyang mga kaibigan. "Kalahating Aves at kalahating diwata. Siya si Melissa, ang pinakamatandang engkanto dito sa Arwood. Isa siya sa mga nagtatagang ng walong kaharian kasama ang ating mga ninuno ngunit sila ay pumanaw na. Si Melissa lang ang binigyan ni Erashea ng walang hanggang buhay para maging tagamasid ng Arwood." Aniya. Yumuko ang kanyang mga kaibigan. "Mga naggagandahang Prinsesa ng Adessa." Ani Melissa at ngumiti. "Alam ko kung bakit kayo naparito. Nais niyong huwag matuloy ang pakikipag-isang dibdib niyo sa mga nais ng inyong mga magulang na inyong pakasalan. Sinasabi ko sa inyo, mga sanggol pa lamang kayo ay alam ko na ang inyong kapalaran." "Nais naming malaman ang aming kapalaran." Agad na sabi ni Prinsesa Mavielyn. Ngumiti si Melissa. "Ngunit may bayad. Tig-isang ginto bawat isa sa inyo." Nagkatinginan ang mga kaibigan niya pero naglabas ang mga ito ng ginto at inilagay sa mesa. Tumingin sa kanya si Melissa. "Paumanhin." Aniya. "Maglagay ka ng iyong bayad, Mahal na Prinsesa." "Ngunit hindi naman ako katulad ng aking mga kaibigan na magkakaroon ng asawa—" "—bakit hindi mo ba nais malaman ang iyong kapalaran? Tandaan mo, mahal na prinsesa ng mga sss, ang tradisyon ng isang lahi ay maari pang magbago kung may isang susuway dito." Iba ang ngiti ng engkantada. Napabuga siya ng hangin at naglabas ng ginto. "Hayan." Aniya. Ngumiti si Melissa at tumingin sa kanilang lahat. "Hindi matutuloy ang inyong pakikipag-isang dibdib dahil bago ang kabilugan ng buwan ay may magaganap na digmaan at doon niyo malalaman ang inyong kapalaran."

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Enchantasia: The Academy of Magic ✔

read
125.8K
bc

My Master and I

read
134.2K
bc

YOU'RE MINE

read
902.2K
bc

Guillier Academy ( Tagalog )

read
189.2K
bc

THE BEAUTIFUL BASHER_MAFIA LORD_SERIES 2(R-18-SPG)

read
169.2K
bc

SILENCE

read
387.2K
bc

My Secret Agent's Mate

read
118.9K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook