"Death anniversary ng Lolo ko at nais ni Lola Matilda na pumunta kayo sa bahay ng Lola Regina mo."
Muntik ko ng makalimutan na death anniversary pala ni Lolo Fernando ngayon. "Mabuti na lamang at pinaalala mo."
Deep inside lihim na namang nagdiwang ang aking puso sa tuwa dahil sa saya na nararamdaman. Lalo na at makakasama at makikita ko na naman si Randy.
Napasulyap ako sa akin cellphone nang tumunog ang message alert tone. Mula sa aking bulsa ay kinuha ko ito para tingnan kung sino ang nag-text.
Irish
—Napapansin kong palagi na lamang kayong magkasama ni Randy. Don't tell me he likes you. Nanligaw ba siya sa'yo?
Awtomatikong kumunot ang aking noo sa text message na natanggap mula sa kaibigan kong si Irish. Huminto ako saglit sa paglalakad at nag-reply dito.
Me
—Hindi ko iyon magagawa, why should I do that?
Irish
—Mas maigi na iyong maliwanag, Lory.
Napaisip ako sa mensahe ni Irish. Bakit naman tatanungin nito kung nanligaw ba sa akin si Randy? Tama bang itanong iyon sa akin gayong hindi ba't girlfriend siya ni Randy?
Ibinalik ko ang sariling cellphone sa aking bulsa at humugot ng isang malalim na buntong-hininga.
"What's bothering you?" tanong ni Randy sa akin.
"Wala naman."
"Grandma is looking forward to seeing you, so please come over with Grandma Regina, okay?"
"Okay." Simpleng sagot ko. Nanatiling napaisip ako sa tanong ni Irish. Ipinilig ko ang sariling ulo sa naisip.
"May susundo ba sa'yo?" As usual, seryoso pa ring tanong ni Randy sa akin.
"Oo, hinihintay ko nga si Manong Bill."
"Alright, I have to go."
Kumunot ang noo ko nang hindi ko napansin na kasama nito si Irish, saka pumitik sa aking kaisipan na siguro may tampuhan ang dalawa.
Simula ng naging si Randy at Irish ay hindi na ako gaanong pinapansin ni Irish. Ewan ko ba, pero ramdam ko iyong tila distance sa pagitan namin ng aking kaibigan. Gusto ko sana itong tanungin pero tila parang umiiwas naman ito. Minsan sinasabi nitong busy daw ito kahit alam ko namang hindi at kasama lang si Randy whole day.
May mga ilang naririnig pa ako mula sa grupo nina Bettina na kung tratuhin daw ni Randy si Irish ay parang kaibigan lang which is ibang-iba raw sa treatment na ibinigay ni Randy sa akin.
Lahat ng sinasabi ni Bettina ay binalewala ko dahil kilala ko na ang babaeng iyon, likas na sinungaling at kailanman ay hindi ako naniniwala sa mga sinasabi nito.
Hinatid ko na lamang ng tingin ang papalayong si Randy. Minsan naisip ko, kailan ko kaya makikitang nakangiti ang crush kong iyon?
Hindi naman nagtagal ay dumating na si Manong Bill, ang aking sundo. "Salamat naman ho at dumating na kayo," nakangiting sabi ko.
"Pasensiya ka na, senyorita. Pinalitan pa po kasi itong gulong ng kotse sa may likuran. Tinawagan nga po ako ni Mr. Collins."
Napamaang ako sa narinig mula kay Manong Bill. Si Randy tumawag dito? "Talaga ho?!" Hindi makapaniwalang tanong ko rito.
Napakamot sa batok si Manong Bill. "A...e...opo senyorita."
"Bakit po kayo napakamot sa batok, may problema ho ba?" Kunot-noong tanong ko pa.
"Naku, wala po senyorita."
Hindi man kumbinsido sa sagot ni Manong Bill ay napatango na lamang ako.
Pinaandar na nito ang kotse patungo sa mansion kung saan naghihintay ang aking Lola Regina. Excited ako dahil magkikita na naman kami ni Randy at pupunta sa mansion ng mga Collins para sa death anniversary ni Lolo Fernando na dating asawa ni Lola Matilda, ang abuela ni Randy.
Pero hindi pa rin mawaglit sa aking isipan ang pagtawag ni Randy kay Manong Bill, ibig sabihin concern sa akin si Randy?
Iniisip ko pa lang na concern si Randy sa akin ay kinikilig na naman ang aking puso. Nakagat ko ang pangibabang-labi sa naiisip. Nakangiti na naman ang aking puso at diwa sa isiping iyon.
Pagdating namin sa bahay ay hinanap ko kaagad ang aking Lola Regina. "Manang si Lola?"
"Hindi niyo po ba alam na nasa business meeting po si senyora, senyorita?"
Awtomatikong nagsalubong ang aking mga kilay sa narinig. "Business meeting?"
"Opo, senyorita."
"Wala akong alam, t'saka bakit hindi niya pinaalam sa akin?"
"Baka po nakalimutan lang lalo na at mukhang nagmamadali po si senyora kanina."
"Ibig sabihin kanina lang siya umalis? Natatandaan mo ba ang oras ng kanyang pag-alis?"
"Bago lang po, senyorita."
Saang business meeting naman kaya pumunta ang aking Lola? Bakit hindi ko alam gayong pinapaalam nito sa akin kung saan ang mga lakad nito?
Mula sa aking bag ay kinuha ko ang sariling cellphone at sinubukang kontakin si Lola Regina. Naupo ako sa sofa, isinandal ang likod at pumikit habang nasa kabilang tenga ang cellphone na hawak.
Mayamaya ay nag-ring ang cellphone ni Lola Regina, nag-aalala ako para rito. Dumilat ako nang sa wakas ay sagutin nito ang aking tawag sa pangatlong ring.
"Hija napatawag ka yata?"
"Salamat naman at sinagot mo, Lola. Nasaan ka ba ngayon?"
"Papunta sana ako sa business meeting kaya lang hindi natuloy dahil tinawagan ako ni Matilda. Narito na ako ngayon kina Randy, ikaw na lang ang kulang hija."
Napatampal ako sa sariling noo, at talagang nauna si Lola Regina sa akin. Ang aga naman yata nito gayong alas-otso pa ng gabi magsisimula ang selebrasyon.
"Susunod nalang po ako, Lola."
'Regina, ipapasundo ko na lang si Lorriel kay Randy.'
Hindi nakaligtas sa aking pandinig ang sinabi ni Lola Matilda sa background sa pagitan ng pakikipag-usap ko kay Lola Regina.
Napalunok ako, bakit ba tila mas lalo pa kaming pinaglapit ng tadhana ni Randy. Natatakot ako at baka hindi magustuhan ni Irish ang pagiging mas malapit namin ni Randy.
"Narinig mo 'yon, si Randy na raw ang susundo sa'yo riyan."
"Hindi na po kailangan, magpapahatid na lang po ako kay Manong Bill."
"Nagdesisyon na si Lola Matilda mo na kukunin ka raw diyan ni Randy. Sige na maghanda ka na at para pagdating ni Randy diyan ay ready ka na."
Hindi ko napigilan ang magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. "Okay ka lang, hija?"
Batid ko ang pag-aalala sa boses ni Lola Regina nang marinig ang pagpakawala ko ng buntong-hininga.
"I'm fine, Lola. Siguro pagod lang po ako galing school."
"Kung hindi kaya ng katawan mo ay pwede namang 'wag ka na lang munang pumunta rito, hija. Mas maigi na makapagpahinga ka na lang muna."
Nataranta ako sa narinig mula kay Lola Regina. "No, pupunta po ako."
Hindi pwedeng hindi ako pupunta. Lalo na at isa si Randy sa mga happy pill ko. Excited nga akong makita itong muli at ang mas nakakakilig pa ay heto pa ang susundo sa akin.