“Nay, pasensiya na kung hindi kalakihan ang pinadala kong pera. Malayo pa po kasi ang sahod ko.
Hindi sapat ang pera na nauna kong pinadala kay nanay na inutang ko pa kay Theresa. Kaya naghanap na naman ako ng ibang mauutangan at mabuti na lang ay may naawa sa akin.
“Nahihiya nga kami ng tatay mo sayo, anak. Pasensiya ka na kung napadalas ang paghingi namin ng tulong sayo. Alam mo naman na maliit lang ang ng kapatid mo at sapat lang pagkain namin tapos ganito pa ang nangyari dahil sa katigasan ng ulo ng tatay mo,” malungkot na paliwanag ni nanay.
Ganito talaga ang mga magulang ko. Para bang hiyang-hiya talaga silang manghingi sa akin maski na piso. Ayon kasi sa kanila ay hindi namin responsibilidad na magkapatiid na bigyan sila o buhayin sila dahil kami ang responsibilidad nila.
Kung ang ibang mga anak ay problema ang mga magulang na sobra kung makapanumbat ay iba talaga ang mga magulang na meron ako. Hanggat kaya nila ay hindi nila ako gagambalahin sa kung anong wala sila.
“Nay, bakit po ba kayo nahihiya na humingi ng tulong sa akin gayong mga magulang ko kayo. Ako ang dapat na mahiya sa inyo dahil wala man lang akong matulong sa inyo.”
Wala talaga akong ibang pagmamanahan kung hindi ang mga magulang ko.
Alam ko naman na may mali sa pamilya ni Kiko pero hindi ko na lang iniintindi dahil mahal ko siya at mahal niya ako.
Iyon naman ang importante. Ang pagmamahalan namin ni Kiko at saka ako naman talaga ang mayroong pinagkakakitaan kaya hanggat kaya ko ay tutulong din ako.
At saka sabi nga ng mga magulang ko ay dapat makisama ako. At huwag akong magiging pabigat sa kung kanino man.
“Saan ka nanggaling?” tanong ni Kiko ng makita na akong pumasok sa hangang balikat ko na gate ng bahay
Gwapo at matalino. Ganyan ilarawan si Kiko ng lahat ng mga nakakakilala sa kanya lalo na noong nasa high school pa kami. Marami nga ang mga babae ang tinitilian siya pero ako na tahimik lamang sa isa ng tabi ang nabigyan pansin niya.
Matalino rin naman ako at kasama sa star section pero mas magaling sa akin si Kiko.
Kaya naman nagtaka nga ako ng ligawan niya ako.
Matangkad siya noon pa kaya nakikita talaga siya sa hanay kahit pa nasa malayo siya. Matangos ang ilong niya at maputi ang kanyang balat kaya kapag magkasama kami ay nahihiya pa akong dumikit noon sa kanya dahil kayumanggi ang kulay ko dahil nasa bukid kami nakatira.
Siyempre dahil crush ko rin naman siya noong mga panahon na nasa high school kami kaya hindi rin nagtagal ang panunuyo niya kaya sinagot ko rin siya.
Magkasundo naman kami sa maraming bagay ngunit kapag hindi kami magkasundo ay ako ang nagpapaubaya.
Nakita ko kasi sa nanay at tatay ko na kaya sila hindi nag-aaway ay dahil mapagbigay sila sa isa't-isa.
Kapag mainit ang ulo ni tatay ay hindi sinasabayan ni nanay at iniintindi na lang kaya ganun din ang ginagawa ko sa relasyon namin ni Kiko.
Kasal na lang talaga ang kulang sa amin ni Kiko. Kaya naman kami hindi nagkakaanak ay talagang umiinom ako ng contraceptive na siya pa araw-araw ang nagpapaalala sa akin na inumin ko.
“Naghulog ako ng pera kay nanay dahil kailangan ni tatay.” Matamlay kong sagot dahil alam ko naman na hindi pa rin sapat ang pera na pinadala ko sa ma magulang ko.
“Ganun ba? Aalis na muna ako, ha. Kumain ka na lang diyan at may natira pang ulam sa lamesa.”
At saka na ako tinalikuran ni Kiko at nagtuloy-tuloy patungo sa labas ng bahay.
Nahinto ako sa paghakbang papasok ng bahay at pinagmasdan ang paalis na si Kiko.
Hindi man lang niya tinanong kung kamusta na ba ang kalagayan ng tatay ko.
Hindi niya na rin siya nagtanong kung saan ako kumuha ng pera na pinadala ko sa nanay ko gayong alam niyang kahit pamasahe ay wala na ako sa bulsa ko.
Isang buntong-hininga na lang ang ginawa ko at nagtungo na sa loob ng bahay. Sa kusina ako nagtuloy at saka tiningnan ulam. Piniritong itlog na isang piraso na nga lang ay mukhang hinati pa.
Ibinalik kong muli ang kulay green pantakip ng ulam dahil tinamad na akong kumain. Pagod na pagod ako sa trabaho at paghahanap ng pera para sa pantulong sa tatay ko ay ganito pa ang maabutan kong ulam.
Nagbibigay ako ng pambili ng ulam pero araw-araw ay kung hindi itlog, sardinas ay malililit na isda ang ulam sa bahay na ito. Kapag naman karne ay maswerte na lang ako kung matirahan ako ng konting sabaw.
Pupunta na lang sana ako sa kwarto namin ni Kiko ng pagdaan ko ng sala ay maabutan kong bukas ang tv pero ang dalagang kapatid at binatang kapatid ni Kiko ay abala naman sa pagse-cellphone. Magkaiba pa ang stand fan na nakatutok sa dalawa.
Naisip ko ang gamit kong clip fan sa kwarto. Hindi ako gumagamit ng electric fan para nga makatipid sa kuryente kahit ako naman ang siyang nagbabayad.
Nakaramdam ako ng pagbigat ng panubigan kaya lumiko muna ako patungong banyo. Malayo pa lang ako naririnig ko na ang malakas na pagtulo ng tubig sa gripo. Pagbungad ko nga ay umaapaw na ang tubig sa balde ng pintura na siyang ginawang timba.
Ipinihit ko ang gripo dahil mukhang hindi naisara ng mabuti ang sinuman na huling gumamit ng banyo o nagbukas nito.
“Kaya ba malaki ang bill sa tubig ay ganito ang nangyayari?” bulong kong tanong.
Bakit parang nakaramdam ako ng pagkadismaya?
Bakit parang bigla akong napagod?
Ako an nagbabayad ng lahat ng mga bayarin tuwing kinsenas katapusan sa ilang taon na pero bakit parang ngayon ko lang naramdaman na para akong naiinis.
Trabaho ako ng trabaho at panay pa ang over time pero ni piso ay wala akong ipon.
Hindi nga ako makabili kahit isang branded o kahit bago man lang na damit o gamit dahil nanghihinayang ako sa pera pero kapag day off ko ay walang tigil ang pagdating ng mga parcel ng mga kapatid ni Kiko.
Nakikita ko na lang binabayaran pa ng nanay ni Kiko na laging dumadaing na wala raw siyang pera dahil wala naman ibinibigay ang tatay ni Kiko.
“Ate, nariyan ka na pala. Sabi ni nanay kung maglalaba ka raw bukas ay pakisama na rin ang mga nasa laundry basket sa tabi ng washing machine,” ani sa akin ng bunsong kapatid ni Kiko na nasa labing-anim na taon na pero kahit panty niya ay hindi pa malaba.
Apat na magkakapatid sina Kiko at siya ang panganay. Kasunod ay dalaga na may trabaho na rin naman ngunit maliit lang daw ang sahod at kulang pa raw sa kanya. Ang binatang pangatlo ang bunso ay mga nag-aaral pa na pati ang baon ay naoobliga akong magbigay.
“Ha? Nasaan ba si nanay?” tanong ko.
“Nasa session niya at baka raw magdamag sila at hindi rin sigurado kong matatapos agad kaya baka hindi niya maharap ang paglalaba. Mag uniform namin ni kuya yan at wala kaming gagamitin sa isang araw.” Dagdag pa ni Kiera.
Lihim na akong nakaramdam ng ngitngit.
Ang session na sinasabi ni Kiera ay sugal. Nasa sugalan ang nanay ni Kiko at binilin pa na labhan ko ang mga labahin ng mga anak niya.
Nakaramdam ako ng inis at galit.
Halos mabaliw ako sa pag-iisip kung saan ako lalapit at magmakaawa para lang makautang kahit isang libong piso pero ang nanay ni Kiko ay may pangsugal at magdamagan pa talaga?
Pumasok na ako sa kwarto namin ni Kiko at saka pilit na kinakalm ang aking sarili.
Para ba kasing gusto komg sumabog na ewan.
Tumingin ako sa maliit na salamin na nakabit sa pader mg kwarto at saka pinagmasdan ang mukha ko.
Payat ako, malalim ang mga mata at hindi nawawala ang itim na bilog sa paligid ng mga mata dahil nga sa pagpupuyat dahil sa trabaho.
Heto pa nga ang isang dahilan kung bakit iniiwasan kong umuwi sa mga magulang ko. Ayoko na kaawaan nila ako dahil sa sobra ko ng payat.
Noong nasa poder nila ako ay kahit simple lang ang pagkain namin ay hindi kami sumala sa pagkain ng kapatid ko.
Tinuruan na kami ni nanay na gumawa sa loob ng bahay pero hindi niya kami ginawang alila at halos ipasa na ang lahat ng gawain sa bahay.
Dito sa poder nila Kiko naranasan ko ang hatinggabi na pero naglalaba pa ako. Anong oras na ay wala pang pagkain kahit hindi naman ako pumapalya na magbigay para sa pagkain mula pa lang noong tumira ako sa bahay na ito.
Pero lagi kong inaalala ang bilin ng mga magulang ko na ang pag-aasawa raw ay hindi kanin na kapag napaso ka ay basta mo na lang iluluwa.
At ang pag-aasawa ay mahirap lalo na sa umpisa kaya dapat ng mahabang pasensiya at pag-iintindi dahil kasama raw iyon sa buhay may asawa.
Lahat ng bilin ng mga magulang ko ay lagi kong baon kaya nga siguro naging ganito ako kabait sa pamilya ni Kiko.
Pero dahil sa sitwasyon ko ngayon na kung saan-saan at kanino ako nagmamakaawa para sa tatay ko ay naisip kong lahat kung gaano ako kabait at katanga.
Nakita ko ang graduation photo ni Kiko na nakasabit din sa pader.
Ewan pero bakit parang nakonsiyensya pa ako na nanunumbat na ako sa isip ko.
Narito nga pala ako dahil kay kiko. Dahil mahal namin ang isa't-isa.
Nagsakripisyo na ako ng ilang taon ay ngayon pa ba ako susuko sa aming dalawa ni Kiko?
Kapag nakapagtrabaho na siya ag hihikayatin ko naman siyang kumuha rin ng bahay para sa bubuuin namin na pamilya.
Tama.
Hindi ako dapat mapagod at manumbat dahil para naman ito sa aming dalawa.
Makakapag-aral din ako at magkakaroon ng bachelor degree. Makakuha din ako ng lisensiya kapag pumasa ako sa board exam.
Naniniwala naman ako sa mga pangarap at mga pangako ni Kiko kaya hindi dapat ako nagkakaganito.
Malungkot lang siguro ako dahil wala akong pera.
Sabi nga ay nakakainis daw talaga ang walang pera habang mayroon pang sakit ang pamilya mo.
Ang dapat ko na lang gawin ay pagbutihan pa ang trabaho ko at makapag-ipon para sa panahon ng pangangailangan gaya ng ganito ay may madudukot ako para sa mga magulang ko.
Ngunit ngayon pa lamang ay matay ko ng isipin kung makakaipon nga ba ako sa lakas gumamit ng kuryente at tubig ng mga tao sa bahay na ito.