“ZEBIANNA, hindi por que malaya kang nakakapasok sa unibersidad ay aatupagin mo pa ang gumala sa mall. Hindi ka man lang ba nakapag-isip, ha?” sermon pa ni Nanay Agatha kay Zebianna nang makauwi na siya sa mansiyon galing sa Chelary Mall. “S-sorry po, ‘Nay. M-may binili rin po kasi ako sa bookstore kaya dumaan po ako sa mall bago umuwi,” pagsisinungaling pa niya. Piping hiling niya na sana ay huwag siyang tamaan ng kidlat dahil sa pagsisinungaling niya. “Eh, bakit nga kailangan mo pang magpaabot ng takip-silim sa labas? Ano na lamang ang iisipin ng mga tao na nagmamalasakit sa iyo para makapag-aral ka? Baka naman nagno-nobyo ka ng bata ka?” Umiling siya. “‘Nay, wala po sa isip ko ‘yong ganiyan.” “Dapat lang, Zebianna. Mag-aral ka muna kaysa kung ano-ano ang unahin mo. Napakabata mo pa