SI ZEBIANNA na rin ang kusang kumalas sa pagkakayakap na iyon sa kaniya ni Azriel. Bagaman at may bakas pa rin ng luha sa kaniyang mga mata ay hinayaan na lamang niya. Napatingin pa siya sa damit nito na nabasa ng luha niya. “May mga usap-usapan sa labas na—” “Naniniwala ka ba?” aniya na hindi magawang tingnan si Azriel. Nakagat niya ang ibabang-labi para lang pigilan sa muling pagbalong ang kaniyang mga luha. Bumuntong-hininga si Azriel. “Ano’ng eksaktong nangyari? Gusto kong marinig, Zebianna.” Kumibot ang labi niya nang maalala ang ginawa sa kaniya ni Samarrah. “Inakusahan ako ni Samarrah na ninakaw ko ang gold necklace niya. Kahit mahirap lang kami, hinding-hindi ko ‘yon magagawa. Ni wala nga akong hilig sa mga alahas, eh. At hindi ko rin alam kung paanong napapunta sa bag ko ang k