NAALIMPUNGATAN si Zebianna kinabukasan nang maramdaman niya buhat sa pangalawang palapag ng double deck ang paggalaw niyon dahil sa pagbangon ng kaniyang ina buhat sa ibaba.
Ramdam din niya nang bumaba ang kaniyang ina sa kama. Napigil lang niya ang paghinga nang maramdaman din niya nang ayusin ni Nanay Agatha ang kumot niya.
Makaraan ang ilang sandali ay bahagya niyang iminulat ang mga mata nang hindi niya maramdaman ang paglabas sa silid ng kaniyang ina.
Natigilan siya nang makitang hawak ng kaniyang ina ang diploma niya na iniwan niya sa may lamesa sa isang sulok. Matagal nito iyong pinagmamasdan. Inusisa rin nito ang mga medalya niya. Hindi niya mapigilan ang mapangiti. Nakita pa niya nang itabi nito sa isang sulong ang diploma niya at mga medalya niya para hindi nakakalat sa may lamesa.
Sapat na sa kaniya ang nakitang eksena na iyon. Sigurado siya na na-appreciate ng kaniyang ina ang kaniyang mga award at diploma ng pagtatapos. Muli niyang ipinikit ang mga mata at baka makita siya ng kaniyang ina na gising na.
Maaga pa rin itong gumigising dahil maghahanda pa rin ito ng aalmusalin ng pamilya Samarro.
Nagkaroon lamang ng pagkakataon si Zebianna na makalabas ng silid nila ng kaniyang ina nang ipaalam nito sa kaniya na umalis ang mag-anak.
“‘Nay, okay lang po ba na tumulong ako sa paglilinis? Tutal naman po, wala silang lahat,” tukoy niya sa mga amo ng kaniyang ina.
“Ikaw ang bahala,” pagpayag ni Nanay Agatha sa nais niya.
“Salamat po, ‘Nay,” masaya niyang bulalas na napayakap pa rito.
“Zebianna, ang laki-laki mo na, panay pa rin ang yakap mo,” saway ni Nanay Agatha sa kaniya.
“‘Nay, sobrang na-miss lang po kita.”
“Malaki ka na, ilugar mo na ‘yang kilos mo. Maging mahinhin ka. Hindi ka na bata.”
“O-okay po.”
Walang kaso sa kaniya kung tumulong man siya sa paglilinis ng bahay dahil mas gusto niya ang lumabas sa silid nila ng kaniyang ina. Nakakainip doon. Wala siyang magawa. Kahit nga paggamasin siya ng mga ligaw na d**o sa hardin ay walang kaso sa kaniya.
“Magdilig ka muna sa labas ng bahay, Zebianna. Pagkatapos ay saka ka maglinis dito sa loob ng bahay kung gusto mong may gawin ka.”
“Sige po,” nakangiti pa niyang wika na agad hinayon ang garahe kung saan naroon ang mahabang hose.
Nang mahila ang hose sa labas ng gate ay ang mga halaman doon ang una niyang diniligan.
Nangangalahati na siya sa pagdidilig nang makarinig ng pagsitsit.
Nanggaling ang pagsitsit na iyon sa may tapat na bahay ng mga Samarro. Ang Regala’s Mansion. Halos mangunot pa ang noo ni Zebianna nang makita ang tatlong binata na mukhang kalalabas lang ng gate. Sa tangkad ng mga iyon ay iisipin niya na mas matanda pa sa kaniya.
“Diyan ka ba nakatira?” tanong pa sa kaniya ng isang lalaki na kay guwapo rin. Pero ewan ba niya at ni hindi makuha basta-basta ang atensiyon niya nang kaguwapuhan niyong taglay.
“Kasambahay ang nanay ko rito,” sagot niya na ibinalik ang tingin sa pagdidilig. Hindi naman niya ikinakahiya ang bagay na iyon. Dahil para sa kaniya ay marangal iyong trabaho na hindi dapat ikahiya.
“Anak ka ng kasambahay riyan?”
“Oo,” sagot niya na nasa dinidilig ang tingin. Napakislot pa siya nang bigla na lamang makita sa gilid niya ang lalaking nagsasalita.
“Wait. Matagal na ba ‘yong nanay mo riyan?”
“Oo. B-bakit?”
Napangiti ang lalaking kumakausap sa kaniya. “Kung ganoon, ikaw ‘yong kala-kalaro namin nina Jamil dati? Hindi mo na ba ako tanda? Si Mark Brice ‘to. Tapos sina Wayne at Daizuke ‘yon,” turo pa nito sa dalawang lalaki na kasama.
Sandali niyang binalikan sa isip ang sinasabi ng lalaking kaharap niya. “Ah, oo. Ikaw ‘yong nakatirang bata diyan sa katapat na bahay?” Totoo ang sinabi nito na nakakalaro niya ang mga ito dati kapag naroon si Jamil dahil matatalik na kaibigan iyon ng anak nina Ma’am Tami. Ang bilis nga talaga ng panahon. Binata na rin ang mga ito. Kung ganoon, siguradong kay tangkad na rin ngayon nina Kennedy, Geo at Jamil.
“Oo,” nakangiti pang wika ni Mark Brice. “Si Jamil, kailan ang uwi?”
Kumunot na naman ang noo niya. “Si Jamil?” Umiling siya. “Hindi ko pa siya nakikita, eh. Kakauwi ko lang din dito sa mansiyon kaya wala akong balita sa kahit na sino.”
“Ganoon ba? Nasa Manila kasi ‘yon. Doon nag-aaral. Ewan kung kailan ang balik dito sa Pagbilao. Makikibalita lang sana kami. Sige, ah? Baka nakakaabala kami.”
Tumango lang siya. Nasundan pa niya ng tingin sina Mark Brice Regala nang maglakad na ito pabalik sa mga kaibigan nito. Kumaway naman sa kaniya si Wayne Monterey na kimi lang niyang nginitian bago nagbawi ng tingin. As usual, napakaseryoso pa rin ni Daizuke Niwa. Anak ito ng may-ari ng Valle Encantado Village.
Nakakatuwa na naalala pa rin siya ni Mark Brice Regala. Katulad nina Jamil, sobrang yayaman din ng mga kaibigan nitong iyon. Suwerte na lang niya na kinakalaro din siya ng mga iyon noong maliit pa siya. Noong panahon na hindi pa ganoon kahigpit sa kaniya si Shantal dahil nakakapaglaro pa siya sa labas kasama ang mga mayayamang bata.
Ipinagpatuloy na ni Zebianna ang pagdidilig. Nang matapos ay pumasok naman siya sa loob ng gate at sa bakuran sa loob naman siya nagdilig ng mga halaman.
Pumunta lang siya sa kusina para uminom ng isang basong tubig, matapos niyang magdilig. Pagkuwan ay inasikaso naman ang paglilinis.
“Zebianna, unahin mo ang silid ni Azriel sa taas.”
Napahinto sa akmang paghakbang si Zebianna nang marinig ang pangalan na iyon. Lihim pa siyang napalunok.
Azriel…
Pangalan pa lang nito pero bakit parang may naghahabulang mga kabayo sa dibdib niya? Huminga pa siya nang malalim para lamang pa-normal-in ang t***k ng kaniyang puso.
“Sige po, ‘Nay,” aniya na itinuloy na ang paglabas sa kusina dala ang kaniyang panglinis.
Habang umaakyat sa may hagdanan ay mabagal ang naging paghakbang ni Zebianna. Kay bilis pa rin ng t***k ng kaniyang puso. Wala naman doon si Azriel pero daig pa niya ang makikita ulit ito sa kauna-unahang pagkakataon. Kahit na alam niya na imposible iyong mangyari.
Ano na kaya ang hitsura nito ngayon?
Mas ahead si Azriel sa mga kaibigan ni Jamil kaya tiyak na mas binatang-binata ng tingnan ito sa edad na nineteen.
Nang makarating sa silid ni Azriel ay maingat pa nang pihitin niya ang doorknob pabukas. Nang itulak naman niya pabukas ang pinto ay sumalubong pa sa kaniya ang mabangong amoy ng silid nito.
Manly… iyon ang amoy na naaamoy niya mula sa mamahaling pabango. Mukhang naiwan pa roon ang mabango nitong amoy bago ito umalis kasama ang pamilya nito.
Nang makapasok ay agad niyang isinara ang pinto ng silid. At bago siya magsimulang maglinis? Inusisa pa niya ang silid nito. Nagbabakasakali na makakakita siya ng larawan nito pero wala siyang makita.
Napabuntong-hininga si Zebianna.
“Bakit wala siyang latest na picture?” taka pa niyang tanong sa kaniyang sarili.
May panghihinayang na inasikaso na niya ang paglilinis sa silid ni Azriel. Malinis ang silid nito pero nilinis din niyang muli. Organize rin ang mga gamit. Malinis at mabango rin ang sariling banyo. Walang nakakalat na mga damit na hinubad. Sabagay, noon pa man ay masinop ito sa gamit kahit lalaki ito. Hindi rin ito makalat sa mga laruan nito.
Napabuntong-hininga si Zebianna nang muling ilibot ang tingin sa paligid. Bago lumabas sa silid ni Azriel ay naupo pa siya sa may gilid ng kama at nahiga roon. Umunan siya sa unan nito.
Kumusta na kaya ito sa mga nakalipas na taon? Malapit na itong magtapos sa kolehiyo kung hindi siya nagkakamali.
Bago pa mawili sa paghiga si Zebianna ay ipinasya na niya ang bumangon. Malilintikan siya kapag nakita siya roon ng ibang kasambahay na nakahiga sa higaan ni Azriel.
Palapit na siya sa kinaroroonan ng dala niyang mga panlinis nang biglang bumukas ang pintuan. Agad na humayon doon ang tingin ni Zebianna para lamang mapatda at hindi maituloy ang paghakbang.
Para bang nag-lock ang panga niya dahil hindi rin niya magawang magsalita nang makita ang lalaking kanina pang iniisip.
Hindi siya maaaring magkamali. Si Azriel ang nakikita ng kaniyang mga mata.
Lord, hindi po ako na-orient ng nanay ko na ganito na kaguwapo si Azriel ngayon. Pigil-pigil ni Zebianna ang huminga.
Kumunot naman ang noo ni Azriel nang makita siya.
Nang makabawi naman si Zebianna ay nagyuko pa siya tanda ng pagbati rito. “G-good morning po, Sir Azriel. Naglinis lang po ako sa silid ninyo,” aniya na muling nag-angat ng tingin. Sigurado siya na kulay kamatis na ang pisngi niya dahil ramdam niya ang pag-iinit niyon. “Pero tapos na po ako kaya palabas na rin po ako,” dagdag pa niya. May pagmamadali nang lapitan niya ang mga dala na panlinis para kunin iyon.
Akmang lalapit siya sa may pinto kung saan nakatayo pa rin si Azriel nang matigilan siya. Isinara kasi nito iyon at pinindot pa ang lock. Lihim siyang napalunok.
“L-lalabas na po ako,” aniya na hindi ito magawang tingnan sa mga mata.
Pero sumandal pa si Azriel sa may pinto at humalukipkip habang pinagmamasdan siya.
“Zebianna?”
Nang banggitin nito ang pangalan niya ay saka lang niya nagawang mag-angat ng tingin sa ubod guwapong mukha ni Azriel.
Atubili nang tumango siya. Tanda siya nito? Para na namang nagsalimbayan ang puso niya. Lihim siyang kinilig sa kaalaman na tanda pa siya nito. Parang gusto niyang sumayaw sa tuwa. O ‘di kaya naman ay sandaling tumalikod kay Azriel para mailabas ang kilig na nararamdaman.
“Bakit ngayon ka lang ulit nagpakita?” seryoso pa nitong tanong sa kaniya.
Ano raw?
“I wonder kung saan ka talaga nanggaling?”
Hindi ba nito alam na nag-aral siya sa Catholic School?
“Sabi ng nanay mo nasa probinsiya ka. Totoo ba ‘yon?” sunod-sunod nitong tanong na halos hindi magawang sagutin agad ni Zebianna.
Nasa probinsiya? Iyon ba ang alam ng mga ito? Kung ganoon, iyon ba ang ipinalabas ni Shantal Samarro sa lahat ng naghahanap sa kaniya? Na nasa probinsiya siya?
Tumango na lamang siya. “O-oo. Galing ako sa probinsiya namin,” sang-ayon niya sa huli nitong sinabi. Muli ay nagbaba siya ng tingin dahil hindi niya magawang salubungin ang mga titig nito na para bang nang-aarok.
“So, bakit ngayon ka lang bumalik dito?”
“Nag-aral po ako ng high school.”
“Po? Pinapasahod ba kita para i-po mo ako?”
Bahagyang umawang ang labi niya dahil sa sinabi nito. Hindi niya maatim na kausapin ng kaswal si Azriel. Lalo na at anak ito ng amo ng kaniyang ina.
“H-hindi. Pero anak ka ng amo ng nanay ko,” katwiran niya. “May nakalimutan po ba kayo kaya ka bumalik dito sa mansiyon?”
Umiling si Azriel. “Wala. Tinamad lang ako kaya bumalik ako rito.”
“K-kung ganoon po, makikiraan po at lalabas na ako.” Baka maabutan pa siya roon ng ina nito ay tiyak na lagot siyang lalo.
Pero hindi umalis o kumibo man lang si Azriel sa kinatatayuan nito. Para bang walang balak ibigay ang nais niya. Napilitan na naman tuloy si Zebianna na tingnan ito sa guwapo nitong mukha.
Mataman pa rin itong nakatingin sa mukha niya. May problema ba sa mukha niya? Baka katulad ng ina nito ay sabihin din nito sa kaniya na… I hate your face, Zebianna.
Hindi naman mabasa ni Zebianna kung ano ba ang nasa isip ngayon ni Azriel dahil magaling magtago ng emosyon ang mga mata nito.
“Sir Azriel,” untag niya rito bago pa siya lamunin ng hiya. “Makikiraan po.”
Saka lang ito napakurap bago tumayo ng tuwid. “Dalhan mo ako rito ng juice,” anito sa kaniya bago naglakad palayo sa may pinto. Nilampasan na rin siya nito.
Juice?
Nahabol tuloy niya ito ng tingin. “Ano pong klase ng juice? Orange, Mango, Pomelo o—”
“Kahit ano.”
“O-okay po,” aniya bago nagmamadali na rin nang lumabas sa silid ni Azriel dala ang mga panlinis niya. Saka lang siya nakahinga nang maluwag nang makalabas siya sa silid nito.
Mariin pa siyang napapikit. Hindi niya lubos maisip na makikita rin niya nang araw n iyon si Azriel. Hindi lang iyon, nakausap pa niya ito.
Huminga siya nang malalim bago hinayon ang kusina.
Nang hindi makita ang kaniyang ina sa kusina ay siya na ang nagtimpla ng juice para kay Azriel. Nilagyan pa niya ng cube ice ang tall glass na pinaglalagyan ng juice. Siya na rin ang nagdala niyon sa silid ni Azriel. Kumatok pa siya nang tatlong beses bago pinihit pabukas ang pinto ng silid nito.
Naabutan niya si Azriel na nakaupo sa gitna ng kama nito habang may hawak na gitara. Tumutugtog ito. May papel pa na kulay puti na nakapatong din sa may ibabaw ng kama nito sa may bandang harapan nito na may nakasulat na chords ng gitara.
“Heto na po ang juice ninyo,” ani Zebianna na maingat na ipinatong ang platito sa bedside table bago ipinatong doon ang tall glass.
“Thanks. Buksan mo ‘yang unang sulong ng bedside table,” utos pa nito sa kaniya ng hindi tumitingin. Tuloy lang ito sa pag-strum sa gitara nito.
Napatingin siya sa sulong na tinutukoy nito. Paghila niya roon ay nasurpresa pa siya sa nakita. Ang dami roong chocolates.
“Pakikuha ng Cadbury na chocolate.”
Kulay violet ang lalagyan niyon. Nag-iisa lang naman iyon doon na Cadburry. May kalakihan iyon. Pagkakuha sa pinakukuha sa kaniya ni Azriel ay maingat naman niyang isinara ang sulong ng bedside table para hindi matumba ang baso na nakapatong sa ibabaw niyon.
“Heto po,” aniya na akmang ilalapag niya sa tabi nito ang hawak niyang chocolate nang pigilan nito ang kamay niya.
“Kainin mo,” anito nang tingnan siya.
“H-ho?”
“Uulitin ko pa ba ‘yong sinabi ko?”
Itinikom niya ang bibig at umiling. Kung ganoon, para sa kaniya iyon?
“Sige na. Makakalabas ka na,” pagtataboy na nito sa kaniya.
Sigurado si Zebianna na hindi naman iyon tatanggapin pabalik ni Azriel. “S-salamat po,” aniya na pigil ang pagsilay ng ngiti sa labi na tumayo na ng tuwid bago nagpatuloy sa paglabas sa silid ni Azriel.
Nasundan pa siya ng tingin ni Azriel. Pagkuwan ay ibinalik na rin nito sa tinutugtog ang buong atensiyon.
Hindi mapalis ang ngiti sa labi ni Zebianna. Itinago rin niya sa kaniyang ina ang chocolate na bigay sa kaniya ni Azriel at baka magtaka ito kung kanino iyon nanggaling.
Hindi pa rin talaga nagbabago si Azriel. Lagi pa ring may pa-chocolate sa kaniya.
Hindi niya inaasahan na magiging ganito ang muli nilang pagtatagpo. Lihim na naman siyang nagkaroon ng inspirasyon sa lugar na iyon. Inspirasyon na tanging siya lamang ang nakakaalam.