Chapter 06

1257 Words
NGUNIT bago sumapit ang dalawang buwan nang makatanggap ng magandang balita si Zebianna. May sundo na siya! Daig pa niya ang animo idinuduyan sa alapaap habang naghahanda ng mga dadalhin niyang gamit pauwi sa Pagbilao City. Wala naman siyang napakaraming damit. Excited na rin siyang mapakita sa kaniyang ina ang kaniyang diploma at mga medal. Matuwa kaya ito kapag nakita ang mga iyon? Pero taliwas sa kaniyang inaasahan ang reaksiyon ng kaniyang ina nang makita siya. Napakapormal lang nito sa kaniya. Pagkahatid sa kaniya sa dating silid na tinutuluyan ay lumabas na rin agad ito sa silid nila dahil may gagawin pa rin daw ito. Pigil ang malungkot na maingat niyang inilabas sa dala niyang malaking bag ang mga medalya niya. Ganoon din ang kaniyang diploma. Gusto niyang makita iyon ng kaniyang ina. Ipinatong niya iyong lahat sa may lamesa na nasa isang sulok. Ang mga damit naman niya ay inilagay niya sa damitan na gamit niya noon. Naroon pa rin ang mga pinagliitan niyang mga damit na hindi niya nadala noong umalis siya. Inalis niya ang mga iyon. Pero sandaling natigilan si Zebianna nang makita niya ang balat ng M&Ms. Saka lang gumuhit ang munting ngiti sa labi niya nang maalala kung kanino iyon galing. Napabilang pa siya sa kaniyang isipan kung ilang taon na ang balat ng chocolate na iyon. “Seven years,” nangingiti niyang wika. “Puwede na kitang ipa-frame,” biro pa niya bago iyon ibinalik sa damitan. Tinabunan niya iyon ng mga damit niya na dala niya. “Nagugutom ka ba?” Agad na napatayo si Zebianna nang marinig ang boses ng kaniyang ina. Mabilis din niyang ipinamalas ang matamis niyang ngiti. “Medyo po.” “Magdadala ako ng pagkain mo rito.” “Sandali po, ‘Nay,” aniya nang umakmang aalis na ito. Hinawakan niya ito sa may braso nito para pigilan ito. “Hindi po ba ninyo ako na-miss? Dahil po ba, matagal akong wala?” “Zebianna, marami akong ginagawa. Mamaya na tayo magkumustahan.” Hinila na nito ang braso na hawak ni Zebianna bago itinuloy ang paglabas sa silid na iyon. Zebianna… Samantalang noon ay Zebby ang tawag nito sa kaniya. Nang lumunok si Zebianna ay tila ba may masakit na nakabara sa kaniyang lalamunan. Huminga siya nang ilang beses bago ikinurap-kurap ang mga mata. Minabuti niya na ituloy na lamang ang pag-aayos ng mga gamit niya. Saktong katatapos lang niya nang dalhan naman siya ng pagkain ng kaniyang ina. Saglit lang din ito roon. Pagkatapos naman niyang kumain, muling bumukas ang pinto sa silid nila ng kaniyang ina. Akala niya ay ang ina niya iyon pero natigilan siya nang makita si Shantal Samarro. Lihim na napalunok si Zebianna. Ang takot niya kay Shantal ay naroon pa rin. Pero hindi na siya batang paslit. Kung tutuusin, sa edad niyang iyon ay halos matangkaran pa niya ito. Kita niya ang pagtiim ng labi nito habang nakatitig sa kaniyang mukha. “I hate your face, Zebianna,” para na naman iyong batingaw sa kaniyang isipan. Nagbaba siya ng tingin at iniwasan na salubungin ang tingin nito. Tiim pa rin ang labi ni Shantal nang maglakad ito palapit kay Zebianna. “You grow up already, Zebianna.” Marahas itong bumuntong-hininga. Pagkuwan ay tumiim na naman nang mariin ang labi nito. “Tatapusin lang ng nanay mo ang buwan na ito at makakaalis na kayo rito. ‘Wag ka na ring umasa na paaaralin pa kita hanggang sa kolehiyo. ‘Wag na ‘wag ka ring lalabas sa silid na ito, Zebianna. ‘Wag na ‘wag,” mahigpit na naman nitong bilin sa kaniya. Hindi pa rin ba ito pagod na ikulong siya na para bang isang ibon sa hawla? Ganoon pa man ay minabuti na lamang niya na tumango. Nalungkot siya sa kaalaman na hindi na siya pag-aaralin pa ni Shantal sa kolehiyo. Hindi rin naman niya alam sa kaniyang ina kung pag-aaralin ba siya nito sa kolehiyo? Kung kaya ba nito? Pero kung hindi, wala naman siyang magagawa. “Ang haba ng buhok mo, paputulan mo ‘yan ng maiksi.” “H-ho?” nahawakan niya ang buhok niya pagkuwan ay umiling. “A-ayaw ko po. Hindi naman po ako lalabas sa silid na ito.” Ayaw niyang magpaiksi ng buhok. “Why not? Ako ang masusunod.” Umatras siya. “Iutos na po ninyo ang lahat, pero ‘wag po ang buhok ko.” Stress reliever niya ang pagsusuklay ng kaniyang mahabang buhok. “Tumitigas na ang ulo mo? Ganiyan ba ang natutunan mo sa pinasukan mong school?” Hindi siya nagsalita kaya tila lalong nainis sa kaniya si Shantal. Pero sa huli ay wala rin itong nagawa at hinayaan na lamang siya sa kaniyang mahabang buhok. “‘Wag na ‘wag kang lalabas,” matigas na naman nitong bilin bago siya iniwan sa silid na iyon. Noon hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang pagkainit ng dugo sa kaniya ni Shantal. Hindi ba ito napapagod na magalit sa kaniya? Wala naman siyang ginagawang masama. Nag-aaral naman siyang mabuti para ganti niya sa pagpapaaral nito sa kaniya. Kahit anong sama nito sa kaniya ay itinatatak pa rin niya sa kaniyang isipan na ito ang nagpapaaral sa kaniya kaya may utang na loob pa rin siya rito. Pero hindi na siya nito pag-aaralin pa sa kolehiyo. Kung ganoon ang mangyayari, kailangan niyang mag-ipon para makapag-aral siya sa kolehiyo. Kahit na anong trabaho ay papasukin niya basta payagan siya ng kaniyang ina. “‘Nay, hindi na raw po ako pag-aaralin ni Ma’am Shantal sa kolehiyo,” aniya sa kaniyang ina kinagabihan. “Zebianna, mas lalong hindi kita mapag-aaral sa kolehiyo. Napakalaki ng matrikula sa kolehiyo.” Iniwasan niya ang masaktan sa katotohanan na malabo ng makapag-aral pa siya. Ngumiti pa rin siya. “Okay lang po naman sa akin, ‘Nay. Hindi ko po ipipilit kung wala po kayong pampaaral sa akin. Pero, puwede po ba akong magtrabaho para makaipon?” Kumunot ang noo ni Nanay Agatha. “At ano naman ang papasukin mong trabaho? Pangangatulong?” Tumango siya. “Opo,” walang gatol na wika niya. Hindi pa siya nakakatapak sa kolehiyo at minor de edad pa rin. Tiyak niya na walang tatanggap sa kaniya kung mag-a-apply siya ng trabaho sa labas ng village. Kung mangangatulong naman siya, wala namang kaso sa kaniya dahil sanay siya sa gawaing bahay. “Tumigil kang bata ka.” “Pero, ‘Nay, gusto ko pong mag-ipon. Kahit saan po, walang kaso sa akin. At saka, sinabi rin po ni Ma’am Shantal na aalis na tayo rito pagkatapos ng buwan na ito. Sigurado ako na—” “A-ano’ng sabi mo? Paaalisin na tayo rito ni Ma’am Shantal?” “‘Yon po ang sabi niya kanina, ‘Nay.” Tumiim ang labi nito. Mukhang hindi sang-ayon sa sinabi ng amo. “Matulog ka na,” iyon lang at inayos na nito ang higaan nito. Napatingin siya sa diploma niya na nasa may lamesa. Kinuha niya iyon at ipinakita sa ina. “‘Nay, diploma ko po.” “Itabi mo.” “Tingnan po ninyo.” “Ano ba, Zebianna? Pagod ako, pagpahingahin mo naman muna ako.” Napalunok si Zebianna sa inakto ng kaniyang ina. Gusto lang naman niya na makita nito ang kaniyang diploma. Malungkot ang ngiti na sumilay sa kaniyang labi. “P-pasensiya po,” mahina niyang anas bago ibinalik sa may lamesa ang kaniyang diploma. Hindi na siya nangulit pa sa kaniyang ina. Inisip na lamang niya na baka nga pagod lang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD