“ZEBBY.”
“Po?!” sagot niya sa kaniyang ina nang marinig niyang tawagin siya nito mula sa labas ng kanilang kuwarto.
“Tapos ka na ba sa assignments mo?”
Isinara na niya ang zipper ng kaniyang bag. Saka siya lumabas sa silid nilang mag-ina. “Opo, ‘Nay. Bakit po?”
“Makikisuyo nitong juice sa may pool area. May ginagawa lang ako kaya hindi ko madala. Baka umawas itong niluluto ko. Sige na at baka naghihintay si Sir Azriel doon.”
Para iyon kay Azriel? Napapalunok pa na kinuha niya ang tall glass na may lamang juice at sinunod ang utos ng kaniyang ina.
Kahit na nasa iisang bubong lang sila ni Azriel, napakadalang niya itong makita. Hindi na rin kasi siya pinalalabas pa ng kaniyang ina sa maids quarter.
Habang papalapit siya sa kinaroroonan ng swimming pool ay palakas naman nang palakas ang kabog sa dibdib niya. Kahit sa murang edad niya, hindi talaga niya mapigilan na hindi hangaan ang nag-iisang anak ni Shantal Samarro. Paghanga na namamahay pa rin sa puso niya. Guwapo kasi iyon at kahit siya ay hindi maikaila ang bagay na iyon.
“Sir Azriel, juice niyo po,” sabi pa niya rito bago inilapag sa katabi nitong lamesa ang juice na dala niya.
Twelve years old na si Azriel. Kaedad ito ng panganay na anak nina Ma’am Tami at Sir KG na si Kennedy. Kahit sobrang guwapo rin niyon, ewan ba niya hindi niya magawang humanga sa magkakapatid na Ladjasali. Kahit si Geo at Jamil, agaw pansin din kahit saan. Pero natutuwa siya sa magkakapatid na iyon dahil hindi siya nagagawang awayin. Hindi katulad ni Samarrah na para bang ang laki ng galit sa kaniya kahit wala naman siyang ginagawang masama rito.
Mababait din sa kaniya sina Kennedy, Geo at Jamil.
“Thanks,” ani Azriel na sandali lang siyang tinapunan ng tingin bago ibinalik sa nilalarong game boy ang tingin.
Huminga muna siya nang malalim bago ipinasya na iwan na ito. Pero bago iyon ay may hirit pa siya. “Sir Azriel, may gusto ka pa bang ipakisuyo?”
Umiling ito. “Wala na.”
“Sigurado ka?”
“Ah, s**t!” mariin nitong bulalas nang matalo ito sa nilalaro. “Zebianna, lubayan mo muna ako. I’m fine. Wala na akong ibang kailangan.”
“O-okay,” aniya na tinalikuran na ito. Baka masisi pa siya kapag natalo ulit ito.
“Sandali.”
Napahinto sa paghakbang si Zebianna at muling pumihit paharap sa kinaroroonan ni Azriel nang marinig itong magsalita.
“May naiwan pala akong chocolate sa room ko. Can you get in for me?”
Tumango siya. “Sige po,” pagpayag niya.
“Nasa ibabaw ng kama ko.”
“Sige,” aniya na tinalikuran na ito at nagmamadaling pumasok sa loob ng malaking bahay. “Magandang hapon po,” bati pa niya nang makasalubong si Anna Samarro, ang ina nina Tami at Shantal.
“Good afternoon din sa iyo, Zebianna,” ganting bati nito sa kaniya na nagpangiting lalo sa kaniya.
Okay naman ang mga tao sa bahay na iyon. Maliban lang talaga sa ina ni Azriel na ipinagpapasalamat niya na hindi nito namana ang ugali ng ina.
Nang makarating siya sa gamit na silid ni Azriel ay agad niyang hinayon ang kama nito. May M&M nga roon na chocolate. Iyon siguro ang ipinapakuha nito sa kaniya.
Sandali pa niyang inilibot ang tingin sa silid nito dahil hindi naman siya roon basta-basta nakakapasok. Naupo pa siya sa gilid ng kama ni Azriel. Napakalambot niyon.
Pero agad din siyang tumayo sa takot na baka maabutan pa siya roon ng mommy ni Azriel. Hindi na rin siya nagtagal pa roon at lumabas na rin sa silid na iyon. Bumalik siya sa may pool area kung saan naglalaro pa rin sa game boy nito si Azriel.
“Sir Azriel, heto na po ‘yong pinakukuha ninyo,” muli ay untag niya rito. Akmang ilalapag niya iyon sa lamesa na nasa tabi nito nang sulyapan siya nito.
“You can eat it.”
“H-ho?”
Tumikhim si Azriel. “Kainin mo na ‘yan,” anito na nakatutok na muli sa nilalaro ang tingin.
“K-kakainin ko itong chocolate?”
“Hmmm.”
Sigurado ba ito na ibibigay nito iyon sa kaniya? Napakislot siya nang lumingon ito sa kaniya.
“You heard me. You can eat it by yourself.”
Napatingin siya sa chocolate na nasa kamay niya. “S-salamat po,” aniya kahit na hindi alam kung bakit siya nito binibigyan ng chocolate.
Tumango lang ito. “Welcome,” tipid pa itong ngumiti na halos magpapigil sa kaniyang paghinga. “Mag-toothbrush ka after mong kainin ‘yan,” bilin pa nito.
Tumango lang siya dahil hindi niya magawang magsalita dahil sa sayang nararamdaman ng mga sandaling iyon.
May ngiti sa labi na naglakad na siya palayo kay Azriel. Dumaan siya sa may gilid ng malaking bahay papunta sa may back door sa kusina. Nang hindi na niya matanawan si Azriel ay nangingiti pang hinalikan niya ang balutan ng hawak niyang M&M.
Sa may laundry area niya kinain ang chocolate na bigay sa kaniya ni Azriel. Ang balutan niyon ay hinugasan pa niya bago tinuyo ng tissue. Hindi pa nakuntento at itinapat pa niya sa electric fan sa loob ng silid nila ng kaniyang Nanay Agatha para mas mabilis na matuyo.
“Ano’t may balat pa ng chocolate rito, Zebby?”
Mabilis pa sa alas kuwatro na nilapitan ni Zebianna ang ina nang makitang kunin nito sa pinagtaguan niya ang balat ng M&M. Naglagay kasi ito ng mga bagong laba niyang damit sa damitan niya kung saan nakatago ang balat ng chocolate.
“‘Nay, ‘wag niyo pong itatapon.”
“Ikaw na bata ka,” saway sa kaniya ni Nanay Agatha. “Baka langgamin dito sa damitan mo.”
“Sinabon ko po ‘yan, ‘Nay.”
Naiiling na hinayaan na siya nito. “Kapag may nakita akong langgam dito sa cabinet natin, itatapon ko ‘yan.”
Tumango siya. Sisiguraduhin naman niya na walang langgam na pupunta roon.