UNTI-UNTING nabura ang ngiti sa labi ni Zebianna nang pagpasok niya sa gate ng mansiyon ng mga Samarro ay ang walang kangiti-ngiting mukha ni Shantal ang bumungad sa kaniya.
Napalunok siya at mas humigpit pa ang kapit sa hawak na paper bag na dala-dala niya.
“M-magandang gabi po, Ma’am Shantal,” halos pigil-hininga niyang bati rito. Napasinghap siya nang mahigpit siya nitong hawakan sa kaniyang braso at hilahin papunta sa gilid ng malaking bahay.
“Ano’ng ginagawa mo, huh?!” gigil nitong sita sa kaniya. “Bakit magkasama kayo ni Tamara?”
Nanginig bigla si Zebianna dahil sa takot. Nang pumunta kaninang tanghali ang kapatid nitong si Tami sa bahay na iyon ay wala si Shantal. May pinuntahan kasama ang anak nitong si Azriel.
Malapit na kasi ang tenth birthday niya kaya inaya siyang lumabas ng kapatid nito na hindi niya matanggihan. Mag-a-out of town kasi ang buong pamilya ng Ladjasali at Samarro sa kaarawan ni Samarrah, na nagkataon na birthday rin niya. At dahil tumanggi siyang sumama sa out of town na iyon sa darating na weekend kaya nag-aya na lang si Ma’am Tami na pumunta sila sa Chelary Mall sa Lucena City para i-celebrate ng maaga ang birthday niya. Binilhan din siya ng damit at sapatos na hindi niya matanggihan.
“N-nagpasama lang po si Ma’am Tami sa Chelary Mall,” aniya kay Shantal. “Kailangan daw po kasi niya ng kasama para… para magbitbit ng mga pinamili niya,” pagsisinungaling niya.
Humigpit lalo ang pagkakakapit nito sa kaniyang pobreng braso. Ang mga mata nito ay animo nag-aapoy sa galit. Wala na siyang ginawang maganda sa paningin nito.
“At gustong-gusto mo naman? Makita ko pang dumikit ka kay Tamara, pupulutin talaga kayo ng nanay mo sa kangkungan,” banta pa nito sa kaniya. “‘Wag mong samantalahin masyado ang kabaitan ni Tamara. Maliwanag? At ‘wag mo na ring pangarapin na isiksik ‘yang sarili mo sa pamilya nila. Hindi bagay.”
Naiiyak na tumango siya. Hindi naman niya pinapangarap na ipagsiksikan ang sarili niya sa pamilya ng sino man. Kuntento naman siya sa kung ano ang mayroon sila ng kaniyang ina.
“Sagot!”
“O-opo.”
Padarag siya nitong binitiwan. “‘Wag na ‘wag kang lalabas sa kuwarto ninyo ng nanay mo kung hindi ka rin naman pupunta sa school mo. Dahil kapag nakita kita,” ani Shantal na hindi naituloy ang sasabihin ng biglang may magsalita buhat sa may likuran nito.
“Mama.”
Nagbaba ng tingin si Zebianna nang makita si Azriel. Iplinaster naman ni Shantal ang ngiti sa labi nito nang harapin ang anak.
“Yes, Azriel?”
“Tawag ka po ni lola.”
“Sige, susunod na ako.”
Sinulyapan pa siya ni Azriel bago ito naglakad palayo.
“Ano pa ang ginagawa mo riyan? Pumasok ka na sa kuwarto ninyo,” pagtataboy sa kaniya ni Shantal.
“O-opo,” pigil pa rin ang maluha na wika niya bago naglakad sa gilid ng bahay.
Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, palagi na lang mainit ang dugo sa kaniya ni Shantal Samarro. Kahit wala siyang gawing masama. Kahit nga tama, masama pa rin sa paningin nito.
At katulad ng bilin nito, lalo niyang ikinulong ang sarili sa apat na sulok ng silid na tinitirhan nila ng kaniyang ina. Kapag agahan at hapunan, hinahatiran na lamang siya roon ng kaniyang ina ng pagkain. Lalabas lang siya roon kapag papasok siya sa school sa umaga.
Hanggang sa maka-graduate siya sa Elementary ay ganoon ang routine niya. Kahit pakiramdam niya ay daig pa niya ang bilanggo, hindi siya nagrereklamo. Dahil wala siyang karapatang magreklamo.
“Anak…”
Inihinto ni Zebianna ang pagwawalis sa loob ng maliit na silid na iyon nang marinig ang boses ng kaniyang Nanay Agatha.
“Bakit po, ‘Nay?” aniya nang harapin ito.
“May nagpapabigay nito sa iyo,” anito na inilahad sa harapan niya ang isang paper bag.
“Kanino po galing?”
“Kay Ma’am Tami. Hinahanap ka nga niya, kaso mahigpit na bilin naman ni Ma’am Shantal na bawal sabihin na narito ka kapag hinanap ka niya. Graduation gift daw niya sa iyo.”
Hindi niya ma-explain pero, bigla ay nakaramdam siya ng pananabik sa kaniyang dibdib pagkarinig niyon sa kaniyang ina. Hinanap na naman siya ni Ma’am Tami. Ang tagal na rin simula nang huli niya itong nakita. Ikinurap-kurap niya ang mga mata na bigla ay nag-iinit ang bawat sulok.
Simula noong hindi na siya nito nakikita… dumadaan ang mga importanteng okasyon pero hindi siya niyon nakakalimutan. Palaging may pinapaabot sa kaniyang ina na para sa kaniya. Kahit gustuhin niyang magpasalamat sa personal, wala namang pagkakataon na gawin iyon.
“S-salamat po,” aniya nang tanggapin iyon. “Pakisabi rin po kay Ma’am Tami, ‘Nay.”
Hinaplos ni Nanay Agatha ang buhok niya. Tumango ito kapagkuwan. “Makakarating kapag nakita ko ulit sa susunod na punta niya rito. Babalik na muna ako sa kusina,” paalam nito na lumabas na rin sa silid nila. Ito na ang nagsara ng pinto.
Agad na naupo sa gilid ng kama si Zebianna at inusisa ang laman ng paper bag. Pagbukas niya niyon ay tumambad sa kaniya ang limang pirasong head band na kay gaganda. Mukhang mamahalin. Sabagay, kailan ba bumili ng mumurahin ang isang Tamara Ladjasali?
Kumuha siya ng isa at isinuot sa kaniyang buhok. Tumayo pa siya at humarap sa salamin na nakapatong sa kaniyang study table. Napangiti siya nang makitang bagay na bagay iyon sa kaniya.
Binalikan niya ang paper bag. May nakita siyang card. Binuklat niya iyon at binasa ang nakasulat.
Hi, Zebianna,
How are you? Sana okay ka lang. Wala akong maisip na puwedeng gift sa iyo for your graduation. I wonder how you look right now. Siguradong nagdadalaga ka na rin katulad ni Samarrah at the age of twelve. Anyways, noong kaedaran mo ako noon, gustong-gusto ko ang head band. Ang dami kong head band dati. I’m sure, bagay sa iyo ‘to. I hope, you’ll like it, Zebianna. See you soon. I miss you.
Tami.
Saka lang namalayan ni Zebianna na lumuluha na siya nang mapatakan ng luha ang card na binabasa niya. Malungkot siyang napangiti. Bakit sobrang nalulungkot siya? Maging si Ma’am Tami ay bigla rin niyang na-miss.
Palagi na lang siya nitong naaalala. Kahit hindi na sila nagpapangita.
HINDI nakaligtas sa matalas na paningin ni Zebianna nang matigilan si Shantal nang makita siya nito pagkabukas nito sa pinto ng silid nila ng kaniyang ina.
“W-what are you wearing?” bigla ay tumiim ang labi nito.
“H-ho?”
Pumasok sa silid nila si Shantal at nang makalapit sa kaniya ay bigla na lamang inalis sa buhok niya ang suot niyang head band at inihagis sa kung saan. Nakaramdam na naman siya ng takot dito.
“‘Wag na ‘wag kang magsusuot ng head band.”
“P-pero—”
“Sundin mo kung ano ang sinasabi ko,” mariin nitong wika na naningkit pa ang mga mata nang matitigan ang mukha niya. “Your face,” lalong tumiim ang mga labi nito.
“Ma’am S-Shantal,” nasasaktan niyang wika nang hawakan nito ang mukha niya.
“I hate your face, Zebianna,” walang pakundangan nitong bulalas bago binitiwan ang mukha niya.
Napaatras siya palayo rito.
“Maghanda ka ng mga gamit mo.”
“B-bakit po?”
“Malapit na ang pasukan. At kung gusto mong makapag-aral ng high school, sundin mo ang inuutos ko.”
“Bakit kailangan pong maghanda pa ng mga gamit?”
Tumalim na naman ang tingin nito sa kaniya. “Bakit ang dami mong tanong? Sumunod ka na lang. Bukas ay maaga kang aalis para pumunta sa papasukan mong school.”
“W-wala pa pong nauulit sa akin si Nanay na—”
“Ako ang masusunod, Zebianna, at hindi ang nanay mo. Baka nakakalimutan mo kung sino ang gumagastos sa pag-aaral mo? Hindi rin naman tumanggi ang nanay mo dahil gusto ka rin niyang makapagtapos.”
Nagbaba siya ng tingin dahil sa huli nitong sinabi. Ito ang nagpapaaral sa kaniya. Kaya ito rin ang batas at siyang masusunod sa buhay niya.
“Mag-aaral ka sa isang Catholic School for girls na may kasamang dormitory. At doon ka mag-stay hanggat hindi ka nakakapagtapos ng high school,” iyon lang at lumabas na ito sa silid na iyon.
Dormitory?
Kung ganoon, malalayo siya sa kaniyang nag-iisang pamilya? Animo nanghihina na napaupo siya sa silya sa harap ng kaniyang study table.
Kinagabihan, matapos ng trabaho ng kaniyang ina ay saka lang niya ito nakausap tungkol sa sinabi sa kaniya ni Ma’am Shantal.
“‘Nay, a-akala ko po ba, uuwi na tayo sa probinsiya?” naiiyak niyang tanong dito. “‘Di ba po, ‘yon ‘yong pangako ninyo sa akin noon?”
Umilap ang tingin nito. “Zebby, tiis na lang muna. Hindi rin ako basta-basta makakaalis dito sa mansiyon.”
“Pero, ‘Nay—”
“‘Wag ka na ngang makulit, Zebby. Magpasalamat ka at may nagpapaaral sa iyo. Ihanda mo na ang mga gamit mo at bukas, pagkatapos mong mag-almusal, saka ka ihahatid sa papasukan mong school.”
“H-hindi niyo po ako ihahatid?”
Humiga na ito at pumihit patalikod sa kaniya. “Hindi. Maraming gagawin bukas. Matulog ka na at ako’y matutulog na. Maaga pa akong gigising bukas.”
Bakit parang nag-iba ang nanay niya? O baka dala lang ng nararamdaman nitong pagod?
Isang tingin pa sa kaniyang ina bago ipinasya na mahiga sa itaas ng double deck na kama. Kung ganoon, umasa lang din pala siya na aalis nga sila sa lugar na iyon ng kaniyang ina. Siya lang pala ang aalis, pero sa ibang paraan. Dahil hindi pa rin siya nakakaalis sa anino ng isang Shantal Samarro.
Tahimik lang siyang umiyak habang yakap ang kaniyang unan.