PAGKARATING nina Dash at Riley sa condo ay kaagad siyang dumiretso sa kusina. Si Dash naman ay nagpaalam na mag-shower lang muna at babalik na lang doon kapag tapos na. Excited siyang nagsuot ng apron at inisa-isang nilabas ang mga pinamili mula sa mga plastic. Ang mga karne ay kaniyang nilapag sa lababo at sinimulang hugasan.
Nang may maalala ay naghugas sandali ng kamay at nagpunas sa hand towel na nakasabit sa ref. Nilabas niya ang kaniyang cellphone saka ni-ready ang camera. Kinuhanan niya ng pictures ang mga pinamili at sinend iyon sa group chat nilang magkakaibigan.
"Preparing..." aniya kasabay ng pag-tatype sa cellphone. Napangiti siya. Sunod niyang ginawa ay pumili siya sa kaniyang playlist ng ipapatugtog habang nagluluto.
Pinunggos niya ang kalahati ng buhok saka huminga nang malalim bago magsimula sa gagawin.
Naisip niyang magsalang na rin ng kanin sa rice cooker upang sabay na naluluto ito at ang ulam.
Nakangiti siyang pinagpatuloy ang paghuhugas ng mga karne. Hiniwa niya iyon base sa laki ng kailangan para sa Pork Adobo. Maski ang kawali na gagamitin ay kaniyang hinugasan pa ulit.
Sinimulan niyang igisa ang sibuyas at bawang, maya-maya lang ay sinunod na niya ng baboy. Paminsan-minsan pa siyang kumakanta at sumasayaw habang sinasangkutsa ang karne. Nilagyan niya ng kaunting-kaunting tubig lang saka iyon tinakpan.
Ilang sandali pa, muli siya iyong sinilip at nang makitang kumukulo na, nilagay na niya ang iba pang rekado at pampalasa. Naghiwa siya ng limang siling labuyo. Napangiti siya dahil paniguradong matutuwa ang mga kaibigan niya dahil paborito ng mga ito ang pagkaing maanghang lalo na si Aidan.
Nang kumulo ang kaniyang niluluto, nilagay ma niya ang siling hiniwa saka muling tinakpan. Hininaan ang apoy saka naupo muna sa silya.
"Wow! Ang bango!" ani Dash habang pinupunasan ng tuwalya ang basang buhok. Naka-short na ito saka plain blue t-shirt. Naupo ito sa silya sa kaniyang tapat saka ngumuso. "Nagutom ako."
Ngumiti siya rito. "Malapit na." Tumayo siya at sinilip ang kawali. "Okay na ito." Pinatay niya ang apoy saka humarap dito. "Shower lang ako. Kung mo na kumain, mauuna ka na."
"Ayoko. Sabay tayo!" Nag-puppy eyes pa ito sa kaniya.
"Sure ka? Akala ko ba nagugutom ka na?"
"E, kaya nga ako umuwi rito para may kasabay kang kumain ngayon—"
"Ha?"
Tila natigilan ito. "Ah, wala. Ibig kong sabihin, di ba dapat sabay tayong kakain? Dalawa na lang tayo rito, no!" anito.
Ngumiti siya. "Sige pero maliligo muna ako."
Tumango ito saka nilabas ang cellphone sa bulsa at nagpakaabala roon. Siya naman ay nagtungo sa kwarto upang pumili ng susuotin. Isang simpleng pajama terno na may design na strawberries ang napili niya. Pumasok siya sa banyo saka sinimulang gawin ang paliligo.
Tumagal ang paliligo niya ng halos trenta minutos. Nang makapagbihis ay kaagad niyang sinulyapan ang oras, mag-alas sais na ng gabi kaya pala madilim na sa labas ng bintana.
Ang kwartong iyon ay hati sila ni Stella. Dalawa ang kama roon at mahahalata naman kung alin ang kaniya at alin ang sa kaibigan. Puro kulay violet ang gamit ni Stella habang siya naman ay pink.
Nakasuklay na siya nang lumabas ng silid. Naabutan niya si Dash na nasa sala at nanonood ng music video ng paborito nitong Kpop girl group na BlackPink.
"Sorry, natagalan ako. Kain na tayo?" tanong niya.
Nilingon siya nito. "Hintayin na natin sila Stella at Dein. Pauwi na sila."
Kumunot ang kaniyang noo. "Akala ko ba ay may taping sila?"
"Ang alam ko maaga talaga sila matatapos ngayon. Tapos bukas, ako naman ang mayroon. Off ko ngayon, di ba?" anito saka muling tinuon ang mata sa flat screen ng 50" television. Tumayo ito at nakataas ang kilay na tinitigan ang bawat kilos ng paboritong idols.
Natawa si Riley nang magsimulang gumalaw si Dash. Napailing siya. Mabilis talagang maka-pick up ng mga steps itong Dash. Ang cute pa nitong sumayaw. Kumikindat at talagang aura kung aura. Attitude kung attitude sa bawat galaw.
Pumalakpak siya. "Galing talaga!"
"T-thanks!" anito saka naupo sa sofa habang habol-habol ang sariling hininga. Dinampot nito ang sariling tumbler na may nakasulat na 'Dash' na paboritong gamitin dahil anito, regalos niya iyon.
Napangiti siya. Sobrang bait ng mga kaibigan niya. Napakaswerte niya dahil sa kabila ng tinatamasang kasikatan ng mga ito ay nananatili ito sa kaniyang tabi. Pero gaya ng ibang circle of friends, hindi rin perpekto ang samahan nila. Lahat sila ay may mga flaws at imperfections na minsan, nakakapag-ubos ng pasensya ng bawat isa. Ngunit hindi iyon naging dahilan upang masira ang samahan nila na tinibay na ng panahon.
Maya-maya lang ay may pumapasok na buhat sa pinto. Nakangiti si Stella na nag-hi sa kanila habang inaalis ang sandals na suot. Kasunod nito si Dein na may kausap sa phone.
"Ang tagal ninyo, ah!" ani Dash na pinupunasan ang sariling pawis.
"Medyo na-traffic kami sa Edsa. Alam naman ninyo roon." Naupo muna si Stella sa sofa saka sinandala ang ulo sa headrest. "Ang bango!" Malambing nitong sabi habang nakatingin sa kaniya.
"Kakain na tayo. Magpahinga na kayo," ani Dash.
"Maanghang ba iyon, bhie?" tanong ni Dein. Tinapik nito ang kaniyang balikat bago umakbay sa kaniya.
"Of course!" aniya.
"Good. Sana maraming rice kasi baka maparami ako ng kain."
Nagulat silang lahat nang sumigaw si Stella. "Ang gara! Pinag-didiet ako ng manager ko ngayon. Nakakainis naman!"
Nagkatinginan sina Riley, Dein at Dash. Umirap ang huli saka tinapunan ng nanghuhusgang tingin si Stella. "Kunwari ka pa. Mag-chicheat ka naman, e! Di ba?"
Unti-unting ngumisi si Stella. "Well..."
Nagtawanan silang magkakaibigan pero humakbang na siya patungo sa kusina. "Magbihis na kayo. Maghahain na ako."
"Tulungan na kita. Ikaw na nga ang nagluto, ikaw pa ang maghahain. Hindi ka katulong dito, baby."
Umiling na lang siya sa tinurang iyon ni Dash. Hindi naman niya iyon iniisip. Naiintindihan niya na pagod ang mga kaibigan niya sa trabaho kaya walang problema iyon sa kaniya. Halos lahat ng mga kaibigan niya ay palaging sinasabi sa kaniya na hindi dapat siya kumilos sa condo dahil hindi naman siya kasambahay. May inuupahan silang maglilinis ng condo nila every two days at siyang tagahugas din ng mga pinagkainan nila. Pero ginagawa na niya iyon kapag may sobrang oras siya.
"How about Aidan and Neo?" tanong ni Dash habang naglalagay ng mga pinggan sa mesa.
"Si Neo ma-lalate daw ng uwi pero uuwi raw siya kaya dapat tirhan daw siya ng ulam." Natawa siya. Maya-maya lang ay kinuha niya ang cellphone. Tinawagan niya si Aidan ngunit walang sumasagot. Kumunot ang noo niya.
"Bakit?" tanong ni Dash. Mga baso naman ang nilalagay nito sa mesa.
Binitiwan niya ang cellphone at nilapag sa mesa. Nagkibit-balikat siya. "Ayaw sagutin ni Aidan ang tawag mo."
"Baka busy pa. Ano ba ang sabi niya sa iyo? Uuwi raw ba siya ngayong dinner?"
Tumango siya. "Oo. Siya pa nga ang nag-request ng Pork Adobo."
"Baka naman pauwi na iyon. Huwag mo masyado isipin," anito saka ngumiti sa kaniya. Ngiti na nagsasabi na wala siya dapat ipag-alala.
Ganoon si Dash sa kaniya. Bukod kay Aidan, si Dash ang klase ng kaibigan na talagang pinapakitang importante siya rito. Palibhasa ay wala itong kapatid at solong anak lang din. Ayon dito, sabik itong magkaroon ng kapatid at sa kaniya nito binubuhos ang pagmamahal nito bilang kapatid.
Nagsalin siya ng ulam sa mangkok. Si Dash ay nagtimpla ng orange juice. Lumabas si Stella mula sa silid nila at nakabihis na rin ito ng pantulog. Nakasimangot ito pero ang ganda-ganda pa rin.
"Girl simangot, anyare?" tanong ni Dash. Halatang nang-aasar. Nilapag nito ang pitsel sa mesa bago naupo.
"Tse! Kahit nakasimangot ako, maganda pa rin ako!"
Natawa si Dash. "Sinabi ko bang 'girl, pangit'?"
Natawa si Stella. "Oo nga, no?" Umaliwalas na ang mukha nito.
"Ewan ko sa iyo." Inirapan ito ni Dash.
"Kasi naman, ang aga ng call time namin para bukas. Pinauwi pa nila kami tapos ang aga rin na babalik," anito. "Gusto ko sana matulog nang mahaba ngayong gabi."
"Ganoon naman ang trabaho natin, di ba? Wala tayong sure na schedules," ani Dein na nasa likod na ni Stella. Naupo ito sa katabing silya nito.
"Tama. Gawin mo na lang, galing mo ang arte bukas para naman tapos agad ang scene mo," ani Dash.
Nagsimula na kumain ang mga kaibigan niya. Nag-uusap ang tatlo tungkol sa trabaho ng mga ito habang siya, nanatiling nakikinig lang. Abala siya sa cellphone dahil sinusubukan pa rin niyang tawagan si Aidan. Gusto niya malaman kung nasaan na ba ito o kung makakauwi ba ito.
"Uy, Riley, bakit hindi mo ginagalaw ang pagkain mo?" tanong ni Dein. May pagtataka sa mukha nito.
"Ah... B-busog pa naman ako." Binaba niya ang cellphone sa mesa.
"Busog o may hinihintay ka pa?" tanong ni Dash habang hinihiwa ang karne sana maarteng sumubo. Ngumuya-nguya ito at saka sya tiningnan. Mukhang pinag-aaralan ang sinabi niya kung totoo ba iyon o hindi.
Tumikhim siya. "B-busog pa talaga ako."
Tinitigan siya ng mga kaibigan niya. Halos sabay pa ang pagnguya ng mga ito kaya medyo natawa siya. "Ano ba? Kumain na nga kayo. Kakain ako maya-maya."
"Hayaan na nga natin si baby natin. Baka busog pa talaga siya." Kumindat sa kaniya si Stella saka ngumiti. "Ang sarap talaga ng luto mo, Riley."
Nahihiya siya yumuko. Kapag nagluluto siya, hindi mawawala ang papuring natatanggap niya mula sa mga kaibigan. Masarap sa pakiramdam na nasasarapan ang mga ito sa mga putaheng niluluto niya.
May nag-doorbell kaya naman napatayo siya agad. Baka si Aidan na iyon. Napangiti siya at tinungo ang pinto. Narinig niya ang mga asaran ng mga kaibigan na kumakain pero hindi niya iyon pinansin.
Nawala ang ngiti niya nang makitang si Neo ang nasa labas ng pinto. Nagulat ito dahil nakita ni Neo ang ngiti nitong biglang nawala. Kumunot ang noo nito pero ngumisi.
"Disappointed?" Tumaas pa ang isang kilay nito.
Dahil sa sinabi nito, bigla siyang napangiti. Iyong puno ng hiya at alam niyang may ideya ito kung bakit ganoon ang ekspresyon niya. "H-hindi, ah!" Pumasok siya sa loob. "Kain ka na. Kumakain na sila. Sabay ka na."
"Kain!" sabay-sabay na wika nina Dein, Dash at Stella. Napailing pa si Dash sa kaniya bago pinagpatuloy ang ginagawa. Nginitian lang ito ni Neo.
"Sige lang. Magbibihis lang ako."
"Ang aga mo, ah! Sabi mo malalate ka ng uwi."
"E, nag-send si Dash ng picture sa group chat natin. Natakam ako kaya nagpaalam na ako sa production team at sa mga staff."
"Okay. Bilisan mo at baka maubusan ka ng ulam." Natawa siya kasi nanlaki ang mga mata nito. "Biro lang. Pinagtabi kita ng ulam mo."
"Thank you, bunso!" Ginulo nito ang kaniyang buhok bago pumasok sa silid.
Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Riley bago bumalik sa kaniyang silya. Tahimik naman na nakamata ang mga kaibigan niya sa kaniya. Inusog ni Stella ang pinggan hudyat na tapos na ito.
"Tapos ka na?"
"Hmm." Uminom ng tubig saka siya tiningnan. "Ang sarap sana ng luto mo. Ang sarap sana kumain nang marami kaso hindi ako pwede kumain nang sobra." Natawa si Dein kaya tinaasan ito ng kilay ni Stella. "Bakit?"
"Kaya pala nakadalawang balik ka ng kanin."
"Dalawa lang ba? Akala ko tatlo!" ani Dash kaya nagtawanan silang tatlo.
Si Stella naman ay nahihiyang kumuha pa ulit ng kapirasong laman ng baboy. "Ang sarap naman kasi. Sira na naman ang diet ko dahil sa iyo."
"Sinisi pa nga ako," aniya habang napapailing.
Sumalo sa hapagkainan si Neo at nakisali sa kwentuhan nila. Panay usap ang mga ito tungkol sa sinusulat ni Neo na hinuhulaan nila na sila rin ang mapipiling gaganap.
"You mean, seryoso ang karakter ko riyan?" tanong ni Stella.
Tumango si Neo. "Oo."
"Ang layo naman sa personality ko. Gusto ko iyong maipapakita ko ang funny side ko."
"Hindi ba mas maganda nga ito para naman ma-challenge ka," ani Dein.
"Tama. Kumbaga, lumabas ka sa comfort zone mo." Tapos na rin kumain si Dash ay kasalukuyang kumakain ng saging na binili nila kanina.
"Kaya nga. Ano? Palagi ka na lang kalog sa mga series na ginagawa mo? Baka magsawa ang mga fans mo," ani Neo.
Napaisip naman si Stella. "Ganoon ba iyon?"
"Yes!" Nagulat pa si Riley dahil sabay-sabay silang apat na nagsalita. Nagtawanan sila pagkaraan pati si Stella.
Nang matapos kumain si Neo, ito at si Dein ang nagprisintang maghugas ng pinggan habang si Stella ang nagpunas ng mesa. Pinaupo na lang muna siya ng mga ito sa sala.
Hindi na nila tiwagan si Manang Lydia na siyang naghuhugas ng pinggan nila tuwing gabi. Hinayaan na lang niya ang mga kaibigan dahil hindi rin naman ito papapigil.
"Riley, konti lang pala ang kinain mo."
Nilingon niya si Stella. Hawak nito ang kaniyang pinggan. "Ah, busog pa kasi talaga ako."
"Paano ka nabusog, e hindi naman tayo kumain kanina sa mall?" Tiningnan siya ni Dash.
"W-wala pa akong gana." Umiwas siya ng tingin sa mga kaibigan.
Inirapan siya ni Dash at dinampot ang cellphone. May tinawagan ito ay maya-maya lang, may kausap na ito sa kabilang linya. Pinindot pa nito ang loud speaker.
"Nasaan ka na?" tanong nito sa kausap.
"Bakit?" tinig iyon ni Aidan.
"Nasaan ka nga kasi?"
"Kasama ko sila Direk Anton. Nag-didinner kami—"
"Nag-didinner ka na?"
"Oo. Bakit ba? Hello?" panay ang 'hello' ni Aidan sa kabilang linya.
Nakataas ang kilay na tiningnan siya ni Dash bago muling nagsalita, "Okay, Aidan. Ingat." Tinapos nito ang tawag.
Sa bilis ng pangyayari, nanlaki lang ang mga mata niya. Hindi makapaniwala sa ginawa ni Dash at sa sinagot ni Aidan. Gumapang ang pagkapahiya niya pero tipid siyang ngumiti.
"Kumain ka na," ani Dash sa kaniya. Walang emosyon na mababasa sa mukha nito.
"Ah... O-oo. Sige," aniya saka tumayo. Ramdam niya ang mga tingin ng mga kaibigan sa kaniya pero tahimik na lang siyang muling naupo sa kaninang pwesto. Ang pagkain niyang hawak ni Stella ay kinuha niya rito. Tipid niyang nginitian ito. "T-thank you."
PAGKARAAN NIYANG kumain ay tahimik niyang hinugasan ang pinagkainan niya. Ang mga kaibigan niya ay nasa sala pero alam niyang nakatingin sa gawi niya. Humarap siya sa mga ito saka ngumiti nang tipid.
"Busog na ako," aniya nang matapos sa kusina. Lumapit siya at tumabi kay Dash na nakaupo sa sofa. May unan sa kandungan nito. Hinilig niya ang ulo sa balikat nito.
Hindi na siya nagulat nang ihilig din nito ang ulo sa kaniyang ulo saka hinawakan ang kamay niya. Tinapik-tapik pa nito iyon. "Are you okay?"
"Hmm."
Nagkatinginan sina Stella, Dein at Neo. Maya-maya lang ay lumapit ang mga ito saka siya niyakap. Nagtataka at nagulat pa siya dahil ginilgil siya ng mga ito. Natawa sila nang malaglag sa sofa si Stella.
"Naku naman, Stella. Panira ka talaga ng moment!" ani Dash.
"E, hindi nga kasi ako nagkasya. Dapat nga diyan ako sa tabi ni bunso dahil parehas kaming babae."
"Babae ka? Sure ka na?" biro ni Dash.
Mabilis na tinampal ito ni Stella. Dahil sa mga kaibigan niya, nabawasan ang pagkadismaya niya kay Aidan. Mabuti na lang talaga ay nakahanap siya ng pamilya sa katauhan nina Dash, Dein, Neo at Stella. Pinapagaan ng mga ito ang nararamdaman niya kaya naman sobrang thankful niya sa mga ito.
ALAS ONSE na ng gabi pero hindi malaman ni Riley kung paano i-rerevise ang kwentong sinulat. Na-sstress na siya. Alam naman na niya kung ano-ano ang mga babaguhin ngunit ayaw naman makisama ng mga kamay niya. Napasandal siya sa swivel chair na kulay pink. Dim lang ang ilaw sa silid nila ni Stella at tanging fairy lights lang ang bukas. Tulog na kasi ang kaniyang kaibigan at ayaw naman niya itong istorbohin.
Nakaramdam siya ng uhaw kaya naman lumabas siya ng silid. Walang tao sa sala at tahimik na rin sa mga silid nina Dein at Dash. Hindi lang siya sigurado kung tulog na ba si Neo or nandoon na ba si Aidan. Huminga siya nang malalim.
Sa totoo lang, nang malaman niya kanina na may dinner kasama ang mga katrabaho si Aidan ay may kumirot sa kaniyang puso. Ngunit pilit niyang siniksik sa isip na wala naman siyang karapatan para mag-demand kay Aidan. Isa pa, katrabaho naman ng mga ito iyo.
Lumabas siya sa balcony. Naupos siya roon at tiningnan ang magandang tanawin mula sa magandang syudad ng Manila. Ang mga building ay may mga mumunting ilaw, ang mga sasakyan. Pati ang mga bituin sa langit ay kaniyang pinagmasdan. Nakaramdam siya ng kapayapaan.
Isa sa paraan niya upang ma-relax niya ang sarili ay ang pagtitig sa ganitong mga tanawin. Kung ang iba ay na-rerelax sa pamamagitan ng pagtanaw sa mga puno, bundok at dagat, siya ay sa ganitong paraan.
Nakarinig si Riley ng kalabog mula sa sala kaya naman pumasok siya upang tingna kung ano iyon. Nanlaki ang mga mata niya nang pumasok si Aidan habang susuray-suray.
"A-Aidan!" Lumapit siya rito upang alalayan ito.
Tiningnan siya nito saka ngumiti nang makilala siya. "Hi, bunso." Hinawakan pa nito ang kaniyang pisngi saka pinisil. "Ang cute mo talaga..." dugtong pa nito pero maya-maya ay napayakap na sa kaniya. " Grabe... Nalasheng yata ako," anito.
Maingat niya itong inalalayan kahit pa hirap na hirap siyang akayin ang lalaking kaibigan.
INALALAYAN NI Riley si Aidan hanggang sa makahiga ito sa sofa. Dahil sa taglay nitong kaputian, ang pisngi nito ngayon ay kulay pula. Mamasa-masa pa ang mga labi nito na makapal. Nakapikit si Aidan at mukhang lasing na lasing nga ito. Napailing siya.
"Bakit ka ba kasi uminom, e alam mo naman na mababa ang tolerance mo sa alak." Inismiran niya ito. Tumayo siya upang kumuha ng palanggana at saka bimpo. Nilagyan niya iyon ng tubig bago bumalik sa sala. Naupo si Riley sa sofa kahit maliit lang ang espasyong natira ni Aidan para sa kaniya.
Nang idantay niya ang basang bimpo sa ulo nito ay umungol si Aidan. Natawa siya dahil kilala niya ito. Ginawin kasi ito.
"Ayan kasi. Bukas huwag ka magrereklamo na masakit ang ulo mo, ha?" Napailing pa siya. Pinagpatuloy niya ang pagpupunas sa mukha, leeg, braso at kamay nito.
Nang masigurong napreskuhan na ito ay tumayo na siya at binalik ang palanggana sa kusina. Pumasok siya sa kwarto nito. Nagulat pa siya nang makitang gising ito at nakaharap sa laptop.
"H-Hi!" bati niya rito. Nahihiya siya dahil naabala pa niya yata ang kaibigan.
"Gising ka pa?" Kumunot ang noo nito nang makita siya.
"O-oo. Kukuhanin ko lang kumot ni Aidan." Pumasok siya sa loob ng silid. Dahan-dahan niyang kinuha ang kumot ni Aidan pati ang unan nitong paborito.
"Nandiyan na siya?" Tumayo ito.
"Yep." Lumabas din siya agad nang makuha ang kumot. Naramdaman niya ang presensya ni Neo na nakasunod sa kaniya hanggang sa sala. Nakasuot ito ng salamin, white shirt at pajama na may design na Spongebob. Pinagkrus nito ang mga braso habang nakamata sa bawat kilos niya.
Maingat na nilagyan ng kumot ni Riley si Aiden na malalim na ang paghinga hudyat na tulog na ito.
"Lasing na lasing ba?"
"Oo. Susuray-suray kanina," aniya saka huminga nang malalim. "Kumain kaya ito bago uminom? Alam naman niya na mahina ang tolerance niya sa alak, uminom pa."
Umiling si Neo. "Mamaya matyempuhan siya ng mga paparazzi, bukas, headline na talaga siya."
Kahit siya ay pinagkrus ang mga braso. "Hindi naman siguro siya pababayaan nila Direk Anton."
"Hindi tayo sigurado riyan. Anyway, matulog ka na. Hayaan mo na siya riyan. Akala siguro niya ay may bubuhat sa kaniya. Bahala siya riyan." Natawa si Neo saka tinaasan ng kilay si Aidan.
Nilingon niya si Aidan. Kahit maliit na tao ito, alam niyang hindi ito magiging komportable sa pwesto nito sa sofa. Inisip niya kung kakayanin ba niya ito kapag binuhat.
"Hoy, Riley!" Tinapik ni Neo ang kaniyang braso.
"B-bakit?"
"Don't tell me na pinaplano mong kargahin natin iyan?" Nanlalaki ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya.
"Hindi, ah!" Umiling siya. "Hayaan na nga natin siya. Okay lang naman siguro siya." aniya kahit nakakaramdam ng awa para kay Aidan.
"Oo naman. Sige na. Matulog ka na. Bukas mo na ituloy yung pag-rerevise ng story mo."
Tumango siya. Siguro nga mas mabuting ipagpabukas na lang niya ang pagharap sa manuscript na inaayos niya. Inaantok na rin naman siya. Naunang pumasok sa silid si Neo at bago niya iwan si Aidan, sinigurado niya munang naka-lock ang lahat ng pinto at ang mga bintana.
Pagkapasok ni Riley sa kanilang silid, dumiretso sya sa harapan ng kaniyang laptop. Siniguro muna niyang nai-save niya ang files na inaayos bago patayin ang laptop.
Mahihiga nasa siya sa kama niya nang may marinig niyang kumalabog mula sa sala. Dali-dali siyang nagtungo roon at nanlaki ang mga mata niya nang makitang nasa sahig na si Aidan. Kamot-kamot nito ang pisngi saka muling niyakap ang paboritong unan. Ilang sandali pa ay lumapit siya roon nang dahan-dahan.
"Aidan?" tawag niya rito.
Wala siyang natanggap na tugon mula sa kaibigan. Tumalungko siya ng upo sa tapat ng ulo nito. Gamit ang daliri, hinawi niya ang buhok nitong medyo nagulo. Napangiti siya. Ayaw na ayaw ni Aidan na nakikita ng ibang tao ang noo pero siya, ayos lang dito.
Aminado naman siya sa kaniyang sarili na tama ang sinasabi ng mga iba nilang kaibigan. Mas close silang dalawa kumpara sa closeness nito kina Dein, Dash, Stella at Neo. Napapansin din niya na malambot ang puso nito pagdating sa kaniya. Siguro dahil matagal na silang magkapatid kaya ito ganoon sa kaniya. Wala rin itong kapatid at siya ang tinuturing na kapamilya rito sa Pilipinas.
Dahil doon, unti-unti siyang nagkakagusto rito. Pero alam niyang hindi sila pwede. Hindi straight si Aidan. Inamin nito iyon noon kaya nga ngayon, isa itong BL actor. Kapareha nito ang sikat na aktor na si Gian—ang crush ni Aidan matagal na. Matagal na rin ang loveteam ng dalawang ito at may mga fans na sumusuporta talaga sa dalawa.
Nasasaktan siya pero handa naman siyang magtiis. Naniniwala kasi si Riley na mawawala rin ang pagkagusto niya rito. Mahirap man pero kailangan niyang tanggapin. Wala rin siyang balak na sabihin dito ang nararamdaman niya. Natatakot siya na baka masira ang friendship nila. Natatakot siya na baka magalit ito sa kaniya.
Sa una pa lang ay tinanggap na niya na hanggang bestfriend at kapatid lang ang turing nito sa kaniya. Wala ng iba. Kaya ngayon na nasasaktan siya, sandali niyang tatapikin ang dibdib, sa tapat ng puso at sasabihing, "ayos lang iyan, Riley. Ayos lang."
Kinuha niya ang kumot na naiwan nito sa sofa saka maingat na pinatong sa katawan ni Aidan. Mabuti ay may carpet ang parteng iyon ng sala kaya hindi masyado malalamigan ang kaibigan niya.
"Good night, Aidan," aniya bago ito iniwan.