TULAK-TULAK ni Riley ang push cart habang nasa supermarket. May dala siyang listahan kanina na ginawa bago umalis ng condo. Nasa mga lagayan na siya ng mga condiments nang tumunog ang kanyang cellphone.
"Hello?" sagot niya sa tawag.
"Where you at?" Maarteng tanong ni Dash sa kabilang linya.
"Supermarket."
"Ay pauwi ka na?"
"Kakarating ko lang. Bakit?"
"Samahan kita. Hintayin mo ako riyan!"
"Hindi ba at uuwi ka raw kina Tita? Doon ka raw matutulog sabi ni Neo."
"Hindi na ako natuloy. Bukas na lang ako uuwi roon. So, samahan kita ngayon ah! Wala akong kasama sa condo kapag umuwi ako. Alam kong wala ang ibang mga kaibigan natin."
Tumingin siya sa paligid. Hindi naman ganoon karaming tao ang nasa supermarket pero baka may makakilala sa kaibigan niya at dumugin sila ng mga fans nito.
"Huwag na. Baka mamaya dumugin ka pa rito. Kaya ko na ito," aniya. "Thank you na lang, Dash!"
"Hmm... Hindi naman siguro ako makikilala. Mag-mamask ako." Mapilit na wika ng kaibigan niya.
"Sure ka?" Hindi naman sa ayaw niya itong makasama. Nag-alala lang talaga siya para dito.
"Yes. Hintayin mo ako, ah!" Halata sa tinig nito ang pagkasabik.
"Sige." Nawala na ito sa linya kaya naman dala ang push cart, nagtungo si Riley malapit sa entrance ng supermarket.
Hindi naman nagtagal, may lumapit na sa kaniya. Nakasuot si Dash ng white t-shirt and high waist maong jeans saka sapatos. Naka-bucket hat ito at facemask. Kumapit ito sa kanyang braso. Napangiti si Riley dahil kahit naka-face mask si Dash, alam niyang nakangiti ang kaibigan.
"Sorry, nag-park pa kasi ako ng kotse." Niyakap siya nito. "Ay may dala ka bang sasakyan?"
Umiling siya. "Wala. Nag-commute lang ako kasi malapit lang naman."
"Okay. Tara na. Ano bang bibilhin natin? Anong ulam ang lulutin ng aming chef?"
Hindi siya nakasagot. Tiningnan niya ang tatlong mga dalagitang nakatingin sa kanila. May mga hawak itong cellphone at tila kinukuhanan sila ng litrato.
Bumulong siya sa kaibigan, "Dash, may nakakilala yata sa iyo," aniya.
"Mayroon?" tanong nito na tumingin pa kung saan siya tumitingin.
Tila mga kinilig naman ang mga dalagita nang makitang tiningnan sila ni Dash.
"Ikaw po ba si Dash?" Tila kinikilig na tanong ng isang babae na maiksi ang buhok.
"Si Dash nga iyan! Promise!" sabi naman ng medyo chubby.
"P'wede po bang pa-picture?"
Tanong ng mga ito sa kaibigan. Hindi niya alam kung ano ang isasagot at napakapit na lang sa braso ng kaibigan.
"Oo, ako nga si Dash," ani Dash sabay baba ng facemask. Kumindat pa nang buong arte ito at nag-peace sign sa mga fans. "Sure sure. Picture tayo."
Natawa siya. Tiningnan niya ang isang dalagita. "Akin na ang phone mo, picture-an ko kayo."
Masaya namang inabot nito ang gadget sa kanya.
Mga ilang shots din ang ginawa niya pero halos manlaki ang kaniyang mga mata nang makitang dumarami na ang tao sa paligid nila. Hindi naman sila dinudumog pero hindi pa rin sila dapat pakasigurado.
"Dash, let's go. Ang dami ng tao," aniya.
"Wait lang." Humarap ito sa mga tao na panay ang kuha ng mga pictures nila. "Hello sa inyo. Okay lang po ba na tutuloy na kami? Mamimili pa kasi kami ng kaibigan ko. Thank you po sa inyong lahat!" Kumaway pa ito saka nag-flying kiss.
Mga tumango naman at nag-bye ang mga fans nito saka sila tumalikod. Natawa siya dahil ang bait naman pala kausap ng mga ito.
"Sabi sa iyo, may makakakilala sa iyo, e!"
"Sa ganda ko ba namang ito, magtataka ka pa ba?" Kinindatan siya ni Dash at ito ang pumwesto sa likod ng push cart. "Let's go!"
Kaagad niyang tiningnan ang listahan saka sila namili. May mga binili rin si Dash na personal na gamit at pati na rin iba pang stock nila na ilalagay sa ref.
"Uwi na tayo," aya niya kay Dash nang makalabas sila ng supermarket.
Tumango naman ito. Nilagay nila ang mga pinamili sa compartment bago sumakay sa sasakyan. Inalis nito ang facemask pati ang bucket hat. Inayos pa muna nito ang buhok saka nilabas ang cellphone.
"Mag-selfie muna tayo. Ilagay ko sa i********:," anito.
Kaagad siyang ngumiti sa camera. Ilang sandali pa, narinig niya ang cellphone na may nag-notif. Nang i-check iyon, ni-tag pala siya ni Dash sa picture sa i********:.
"Let's go!" anito saka binuhay ang camera.
Nag-seatbelt muna siya bago tingnan ang ibang mga notifications. Kahit hindi siya artista gaya ng mga kaibigan, dumarami na rin ang mga followers niya dahil na rin sa impluwensya ng mga ito. Napangiti sya nang makitang nagkalat sa newsfeed ang larawan ni Dash mula sa kuha ng mga fans. Iba't ibang anggulo ang mga iyon.
Nagulat naman siya na pati siya ay may mga litrato na rin. Mukhang nagkamali sya ng akala sa bagay na malaya siyang makakapunta kahit saan pa man niya gustuhin.
"Look, pati pala ako kinukuhanan ng mga fans mo," aniya at ngumuso. "Baka ma-discover ako." Biro niya.
Natawa si Dash. "Matagal ka ng na-discover. Ayaw mo lang talaga tumanggap ng kahit anong opportunity."
Sumandal siya sa upuan. Heto na naman si Dash. Sa mga kaibigan niya, ito at si Stella ang talagang nagtutulak sa kaniya na pasukin na rin ang pagiging artista. Ngunit hindi kasi iyon ang forte niya. Mas gusto ni Riley na magtrabaho sa likod ng camera at masaya na siya roon.
"Ang ganda-ganda mo. Magaling kumanta at sumayaw. Sigurado ako na magaling ka rin umarte, Riley."
Tiningnan niya ito na abala sa pagmamaneho. "Okay na ako na ganito lang ang work ko. Saka parang ang hirap maging sikat gaya ninyo. Nakita mo naman kanina, hindi tayo agad nakaalis kasi ang dami mong fans."
"Well, totoo naman iyan pero nakita mo naman. Napakiusapan ko naman sila na bigyan tayo ng privacy."
Hindi siya kumibo. Tumanaw siya sa labas ng bintana. Hindi niya kasi nakikita ang sarili na aarte sa harap ng camera. Parang hindi niya iyon kaya.
Totoo ang sinabi nito na maraming opportunity ang dumaan at hanggang ngayon ay patuloy na dumarating sa kaniya. Sadya lang talaga na hindi niya pa naiisip na tanggapin iyon. Siguro ay hindi pa oras or hindi lang talaga niya trip.