DALAWANG ARAW bago ang submission ng manuscript ni Riley, nagsisimula na siyang makaramdam ng p*******t ng ulo. Ilang araw na siyang nagpupuyat at halos bilang lang sa daliri ang lahat ng oras na kaniyang tinulog.
Hindi na rin siya makausap ng mga kaibigan dahil sobrang focus niya sa pag-aayos ng manuscript. Nakakulong lang siya sa kwarto upang hindi maistorbo. Ang mga kaibigan niya ang nagdadala ng pagkain at gatas niya sa loob ng silid upang hindi na siya lumabas pa.
Sa mga ganitong panahon nasusubukan ni Riley ang pagkakaibigan nila ng mga ito. Ramdam niya na nag-aalala ang mga ito sa kaniya. Kaninang umaga ay si Dein ang pumunta sa silid nila ni Stella upang kumustahin siya. Laking tulong na rin iyon sa kaniya dahil pansamantala siyang nalalayo sa screen ng laptop.
Hindi nawala ang panenermon nito na dapat pangalaan din niya ang kalusugan at hindi puro trabaho. Nginitian lang niya ito at gaya ng palagi niyang natatanggap na tugon mula rito, ginulo lang nito ang kaniyang buhok.
Ngayon, nandito si Dash. Galing ito sa shooting ng isang ini-endorse-an nitong make-up brand. Hindi pa nga ito nakakapagbihis at suot pa ang sling bag sa balikat. Nakatayo ito sa gilid niya, magkakrus ang mga braso habang nakataas ang kilay na nakatingin sa kaniya. Seryoso ito at alam na agad ni Riley na sesermunan siya nito. Nahuli kasi siya nito na hinihilot niya ang kaniyang sintido nang pumasok ito sa kwarto.
"Natulog ka na ba?" tanong nito.
"Ah... Matatapos naman na ako rito." Ngumiti siya rito pero inirapan lang siya bilang ganti. Ang sunod nitong ginawa ay inagaw nito ang mouse sa kaniyang palad at ni-save ang files na kaniyang ini-edit. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakanganga. Hindi makapaniwala sa ginawa ng kaibigan.
"B-bakit—"
Hindi pa ito nakuntento, pinatay pa nito ang laptop. "There." Nakapamaywang itong tiningnan niya. Ang isang kilay ay nagmamataas pa rin. Tinuro siya ni Dash. "Ikaw, doon ka sa kama mo."
"Dash, alam mo namang—"
"Wala akong pakialam. Higa!" anito. Ang normal na tinig nito ay malambong at tila boses babae ngunit nang sabihin nito ang huling salita ay nakaramdam siya ng takot dito.
"Dash, please..."
"Hihiga ka o ihahagis ko itong laptop mo?" Tinuro pa nito ang laptop. "Seryoso ako."
Kilala niya si Dash. Kapag ganitong seryoso ito sa pagbabanta, hindi ito magdadalawang-isip na totohanin iyon. Inalis niya ang spectacles at pinatong iyon sa tabi ng laptop. Bagsak ang balikat na tumayo siya at sumampa sa kama.
Pumasok sa loob ng silid niya si Dein, may dala itong isang basong gamot at gamot. "Inumin mo ito. Busog ka naman, di ba?" tanong nito. Kadadala lang kasi nito sa kaniya ng pagkain na agad ding pinaubos sa kaniya. Ginamitan din siya nito ng seryosong tingin at boses. Lumabas din pagkaraan dahil mag-iinternalize na ito ng scene sa ginagawang series.
Ininom niya ang gamot pati ang tubig. Lahat ng laman dahil tinititigan talaga siya ni Dash. Parang isang malaking kasalanan ang hindi pag-ubos ng tubig.
Inayos pa ni Dash ang unan bago niya hiniga ang sarili. Hindi niya ito tinitingnan sa mga mata. Pakiramdam niya ay anumang oras ay bubuhos ang kaniyang luha. Hindi dahil sa inis o takot dito, kung hindi ay talagang pagod na pagod na siya. Gusto niya matulog pero dahil may hinahabol siyang deadline, hindi siya makatayo sa harapan ng laptop.
"Matulog ka. Ipagluluto naman kita mamaya ng pagkain mo," anito. Tinitingnan siya kung pipikit o hindi.
"Hmm." Iyon lang ang sinagot niya rito. Pinipigilan niya ang sariling maiyak. Ayaw niyang makita ng kaibigan na nahihirapan siya sa ginagawa ngayon.
Nakakaubos naman kasi ng lakas. Tapos na dapat ito pero masyadong maarte ang direktor at ibang staff sa kaniyang novel. Naisipan na niyang ibigay sa ibang project ang novel niya kagaya ng advice ni Dash ngunit nanghihinayang kasi siya.
Naramdaman na lang niya na umupo ito sa gilid ng kama at ginulo ang kaniyang buhok. "Mamaya mo na ituloy iyon, okay? Magpahinga ka. Nag-aalala kami sa iyo."
Dahil sa sinabi nito, bigla siyang naupo saka yumakap dito. Amoy na amoy niya ang mabangong perfume na gamit nito. Amoy ito cottoncandy. Nangilid ang mga luha sa sulok ng kaniyang mga mata. Mabilis na pinunasan iyon ni Riley pero ang lalamunan niya ay tila may nakabarang bukol. Nahirapan siya magsalita dahil doon.
Marahang tinapik nito ang kaniyang likod. "Iyak ka lang, baby girl. Nandito kami para sa iyo. Kapag kailangan mo ng tulong, tell us. Okay?"
Lumayo siya rito saka pinunasan ulit ang mga mata. "Thank you." Iyon lang ang nasabi niya at muli na naman siyang napaluha.
Natawa si Dash sa kaniya saka pinisil ang pisngi. "Huwag ka na umiyak. Sasakit lang lalo ang ulo mo."
Tumango siya. Napaka-thankful niya dahil may mga kaibigan siya na gaya ni Dash. Napakamaalaga nito at talagang pinapakita na importante siya rito. Sa lahat naman ng mga kaibigan nila, baby ang turing sa kaniya.
Napalingon silang dalawa nang pumasok sa kwarto si Aidan. Nagulat pa ito nang makita si Dash. "Nandito ka pala."
Tumayo si Dash. "Hmm. E, ayaw paawat sa tinatrabaho. Masakit na nga ang ulo pero ayaw pa rin paawat." Muli nitong pinagkrus ang mga braso habang nakatingin sa kaniya.
Lumapit si Aidan kay Dash at ito naman ang naupo sa kama. Sinalat nito ang noo niya. Ang dalawang daliri ay tinapat sa kaniyang sintindo. Nang maramdaman nito ang galit na galit sa pagpintig ng ugat doon ay napailing ito.
"Uminom ka na ba ng gamot."
Tumango siya.
"Pinagdala na siya ni Dein ng pagkain saka ng gamot. Pinapatulog ko muna. Ilang araw na iyang walang tulog." Nasa kaniya ang mga mata ng dalawa niyang kaibigan habang nag-uusap.
Tiningnan ni Aidan si Dash. "Saan ka galing?"
"Kakauwi ko nga lang. Galing akong Pasay. May shoot ako ng isang make-up brand na ini-endorse ko. Katatapos lang nang mabasa ko yung chat ni Dein na ito ngang si Riley, ayaw paawat."
Napayuko siya. Para siyang anak na sinesermunan ng magulang. Nahihiya siya sa mga ito. Pakiramdam niya ay naaabala niya ang mga ito.
"Ikaw? Saan ka galing niyan?"
"Nag-meeting kami nina Gian tungkol sa gagawing fanmeeting next week. Nabasa ko rin yung chat ni Dein kaya ako napauwi."
"Anong chat?" tanong niya sa mga ito.
Lumapit sa kaniya si Dash sa kaniya at pinakita ang nasa phone. Chat iyon sa kanilang groupchat. Lahat ay nakabasa na maliban na lang sa kaniya.
'Help. Ayaw paawat ni bunso kakatrabaho. Baka mapaano na ito.' Iyon ang nakalagay na chat ni Dein. May mga sad at isang angry react sa chat na iyon. Kumunot ang noo niya.
Umayos ng tayo si Dash. "Magpahinga ka na. Kapag ikaw, hindi natulog, naku! Riley, sisirain ko talaga iyang laptop mo."
Napanguso siya habang si Aidan, tiningnan silang dalawa bago umiling. Tumingin ito sa kaniya na may puno ng pag-alala. "May shawarma at strawberry oreo milktea ka sa ref. Inumin mo na lang kapag nakapagpahinga ka na." Tumayo ito. "Iwanan na natin iyan para makatulog."
"Mabuti pa nga." Muli siya nitong hinarap at inayos pa ang kaniyang kumot. "Pahinga ka, okay?"
"Okay," sagot na lang niya. Patindi nang patindi na rin ang kirot ng kaniyang ulo. Siguro nga ay mas makakabuti kung matutulog na muna siya. Pinikit niya ang mga mata nang makalabas ang mga kaibigan.
HINDI NA MATANDAAN ni Riley kung gaano na siya katagal nakatulog. Mahimbing ang naging tulog niya ay napahaba dahil madilim na sa labas ng bintana. Dahan-dahan siyang bumangon. Sakto naman na pumasok si Stella ng kwarto.
Nagulat pa ito nang makitang bumabangon siya. "Uy, gising ka na? Tulog ka pa." Nilapag nito ang dalang bag sa sarili nitong kama bago siya nilapitan. "Kumusta ang ulo mo? Masakit pa ba?"
Sandali niyang pinakiramdaman iyon. Umiling siya nang walang maramdamang kirot. "Okay na ako," aniya sa napapaos na boses.
Ngumiti ito nang matamis. "Good. Magpagaling ka na para bukas, makakain tayo sa labas. Tayong anim."
Kumunot ang kaniyang noo. "Bakit? Anong mayroon?"
"Wala naman. Usapan na namin iyon na kapag umokay ka at natapos na ang tinatrabaho mo, kakain tayo sa labas. Tayong magkakaibigan lang para naman makapag-relax ka."
Lumambot ang kaniyang ekspresyon dito. "Thank you," aniya.
"Wala iyon. Kapag okay na talaga ang pakiramdam mo, lumabas ka na para kumain. Bibihis lang ako." Tumayo ito saka pumasok sa banyo.
Ilang sandali muna niya pinakiramdaman ang sarili. Kumulo ang kaniyang tiyan. Gutom na pala siya.
Mahapdi ang mga mata niya kaya kaniya iyong kinusot-kusot. Tumayo siya ay kinuha ang suklay sa vanity table. Kahit maiksi ang buhok niya, ayaw niyang nakikita na magulo iyon.
Lumabas siya ng silid. Naabutan niya sina Neo at Dash na nasa counter. Nakaharap ang mga ito sa kaniya-kaniya nitong mga cellphone habang si Dein ay nakasalampak naman sa sala. Napalitan na ang carpet na nabuhusan ng gatas kaya okay na sumalampak doon.
Napalingon siya nang may marinig na bumukas na pinto. Si Aidan. Galing ito sa kwarto nito at mukhang bagong ligo. Pinupunasan pa ang basang buhok gamit ang tuwalya.
"Gising ka na?" tanong pa nito sa kaniya.
"Hey! 5 hours pa lang ang tulog mo!" ani Dash. Nilingon niya ito. Isa-isa niyang tiningnan ang mga kaibigan. Lahat ay nagulat dahil gising na siya.
Ngumiti siya sa mga ito. "Ah... G-gabi naman na. Okay lang siguro na bumangon na ako. S-saka marami na yung limang oras. Okay na ako." Nagtinginan ang mga ito at tila nag-uusap-usap gamit lamang ang mga mata. Huminga siya nang malalim. "Ayos na ako. Promise!" Tinaas pa niya ang kanang kamay.
Bahagyang tumaas ang kilay ni Dash. Ngumiti naman si Dein habang si Neo, nakatingin lang sa kaniya.
Napayuko siya. Kinagat niya ang ibabang labi. " Nagugutom na kasi ako," aniya saka kinamot ang ulo.
Nagtinginan ang mga kaibigan niya. Tila nagulat sa kaniyang sinabi. Maya-maya pa ay nagpulasan ang mga ito at nagmamadaling inasikaso siya. Si Dash hinila siya agad para makaupo habang si Dein naman at nagtimpla ng gatas. Si Neo naman ay naghain ng kanin at ulam para sa kaniya.
Nagtataka siyang tiningnan ang mga kinikilos ng mga kaibigan. Nang magsalubong ang mga tingin nila ni Aidan, nagkibit lamang ito ng balikat.
"Kumain ka na," ani Neo. Nakasuot pa ito ng spectacles.
Naupos si Dash sa kaniyang tabi. "Kumusta ang ulo mo?"
"Ulo pa rin naman siya. Heto nga at nakaka—"
"Riley." Ang boses ni Dash ngayon ay yung kagaya ng tono nito kanina. Yung seryoso at hindi niya gugustuhing marinig ulit.
Napanguso siya. "Nagbibiro lang naman ako."
"Ano ba kasi ang nararamdaman mo? Masakit pa ba ang ulo mo?" This time ay si Aidan na ang nagtanong sa kaniya. Nagtinginan pa ito saka sina Dash, Dein at Neo.
"Okay na ako. Nakapagpahinga na ako. Pwede na ako ulit mag-revise." Tiningnan niya si Dash. "Sorry."
Isang hingang malalim ang pinakawalan nito. "Okay. Sigurado kang ayos ka na ha?" Tumango siya. "Okay. Go. Kumain ka na."
Bago siya magsimulang kumain, tiningnan muna niya isa-isa ang mga kaibigan. Si Stella ay kararating lang buhat sa kanilang kwarto. Ang mga mata rin ng kaniyang mga kaibigan ay nasa kaniya.
"Thank you sa inyo," aniya. Hindi niya alam kung bakit napakaswerte niya sa pagkakaroon ng mga kaibigan na kagaya ng mga ito. Kaniya-kaniya man ng mga katangian at personalidad ang mga ito, masaya siya dahil nakakasundo niya lahat.
Inaalagaan siya at pinapahalagahan kaya naman sobrang nagpapasalamat siya sa mga ito.
"Wala iyon. Kumain ka na para naman may energy ka kapag hinarap mo naman ang manuscript mo," ni Stella. Hinawakan pa siya nito sa braso. "Saka para bukas makalabas tayo!" Kinikilig pa nitong sabi.
"Stella!"
Sabay silang napatingin kina Aidan, Dein, Neo at Dash na napairap na lang.
"B-bakit?" tanong ni Stella.
"Ewan ko sa iyo. Panira ka talaga!" Maarte itong tinalikuran ni Dash.
Habang si Dein ay napapailing na lang na umalis din doon. Si Neo naman ay umiling saka pumalatak. "Stella talaga..." Umalis na rin ito roon.
Naiwan sila nila Stella at Aidan. Tiningnan nilang dalawa ang lalaki. "Bakit?"
Humalukipkip ito. "Surprise sana iyon kaso wala na. Ang daldal talaga nito."
Tila napapahiya naman si Stella. "Sorry. Hindi ko alam."
Napailing muli si Aidan bago nagsalita, "Ubusin mo iyan." Ngumiti ito sa kaniya saka hinarap ang kaibigan nila. "Lagot ka kay Dash." Naglakad ito papunta sa balkonahe.
Natatawa na lang siya sa mga kaibigan. Masaya siya malaman na may balak ang mga ito na surpresahin siya. Magana niyang kinain ang pagkaing nasa harapan. Nahuli niyang nakatingin sa kaniya si Aidan habang natambay ito sa balkonahe. Tila nagwala naman ang puso niya nang ngumiti ito sa kaniya.