Chapter 2
ISINAMPAY ni Trevor ang kaniyang long leather black suit sa likuran ng kaniyang swivel chair. Bago siya umupo at mangalumababa sa lamesa. Kilala niya ang bagong aplikante, si Samantha Paula Pablo, ang owner ng Fiona Cafe. Ang anak ng sugarol na si Artemio Pablo, ang matandang palagi niyang nakikita sa casino kapag pinupuntahan niya roon ang kaniyang nakakatandang kapatid na si Franco.
Dumako ang kaniyang tingin sa dalagang pumasok sa kaniyang opisina. Tumayo siya at sumandal sa kaniyang lamesa habang nakatingin dito.
"Kilala kita, nakikilala kita," nakatitig na sabi ni Trevor habang nakatingin sa dalagang nagmamay-ari ng Fiona Cafe, na nakita niyang nakasara habang patungo siya kanina rito sa Happy Cafe niya.
"Ako si Samantha, dating may-ari ng Fiona Cafe. Nandito ako para... para mag-apply ng trabaho bilang waitress."
Pinagtaasan niya ito ng isang kilay. "Ang owner ng Fiona Cafe, magtratrabaho bilang waitress sa cafe ko? Seryoso ka ba?"
Mabilis itong tumango habang nakatingin sa kaniya. "Oo, dahil kailangan ko ng trabaho, sir."
Nginisihan niya ito sabay alis sa kaniyang eyeglass. "Hindi ba iyan ikakasira ng image mo? Makikita ka ng iba mong customer bilang waitress ko, okay lamang ba iyon sa iyo?"
"Hindi ko na iyan iisipin, sir. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba sa akin basta ang importante ngayon ay magkaroon ako ng trabaho. Dahil kailangan ko ng pera para sa mga kapatid ko... sa pag-aaral nila." Gumuhit ang mapait na ngiti sa labi nito habang sinasabi iyon. "Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, sir. Gagawin ko nang maayos ang trabaho ko at hindi kayo mapapahiya sa akin."
"Tanggap ka na sa trabaho mo bilang waitress ko. Mag-umpisa ka na lamang bukas, alas sais ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon ang pasok mo tuwing weekdays at kapag weekends naman ay alas singko ng hapon hanggang alas onse ng gabi, double ang pasahod ko sa weekends dahil double ang capacity ng cafe da araw na iyon. Usually mga drink ins ang madalas na customer ng cafe at kalimitan lamang ang drink outs. Bibigyan ka ng listahan ni Weng para sa timpla ng mga coffee, alam kong sanay na sanay ka na roon. Sa eleven hours na duty mo sa cafe ng weekdays ay magkakaroon ka ng 450 pesos per day maliban sa tips sa iyo ng customer. At 900 pesos naman kapag weekends at kapag papasok ka ng holidays. Bago mo gustong um-absent magsabi ka na kaagad sa akin para hindi na kita hahanapin kapag hindi ka pumasok." May kinuha siyang calling card sa ibabaw ng lamesa niya. "Heto ang calling card ko, tawagan mo ako kapag a-absent ka, dalawang beses na absent lamang ang tinatanggap ko sa mga staffs ko sa loob ng isang buwan. Pagkatapos niyon magwa-warning na ako. Ayoko ng tatamad-tamad sa trabaho, ayoko rin ng mabagal na kumilos. Palaging kapakanan ng customers ang isipin, ayoko ng palaaway at masungit. Happy Cafe ang pangalan ng Coffee Shop ko kaya ayoko ng hindi nakangiting staffs maliban sa akin, maliwanag ba?" seryoso niyang tanong habang iniaabot dito ang calling card niya.
Tumango ang dalaga at kinuha ang calling card niya. "Maraming salamat, sir."
"You may go, Sam. Ibibigay na lamang ni Weng ang uniform mo. Pirmahan mo na rin ang in and out card ID mo na nasa labas nitong office ko. Welcome sa Team Happy at sana maging maayos ang trabaho mo." Tinalikuran niya ito pagkasabi niyon.
"Salamat ulit, sir." Narinig niyang sabi ni Sam bago nito isara ang pinto ng office niya.
Habang nakaupo ay nakadama siya ng lungkot habang nakatingin sa dalaga. Napahanga siya nito sa kagustuhan nitong makatulong sa mga kapatid nito na umaasa sa rito. At naiinis siya sa ama nito na walang ginawa kun'di magsugal habang napapabayaan na nito ang mga anak. Naalala niya tuloy ang sitwasyon nila ng kaniyang mama.
Mag-isa siyang pinalaki ng kaniyang mama, hindi ito humingi ng sustento sa kaniyang ama. Ginawa nito ang lahat para makapag-aral siya hanggang kolehiyo ngunit hindi na nito nakita ang naabot niya. Nagtapos siya sa kursong accountancy at naging manager siya ng bangko sa loob ng limang taon. Hanggang sa magdesisyon siya na umalis sa kaniyang trabaho at magtayo ng negosyo gamit ang kaniyang mga naipon.
Ngyon ay isa siyang CEO ng kaniyang sariling coffee shop na mayroong limang branch sa buong Tarlac. Sa loob lamang ng tatlong taon. At sa edad niyang bente nuebe ay successful na siyang entrepreneur. Napaunlad niya ang kaniyang negosyo at proud siya sa kaniyang sarili dahil nagbunga ang paghihirap ng kaniyang mahal na ina sa kaniya noong bata pa siya. Natupad niya ang pangarap nito na magkaroon sila ng sariling bahay at lupa, magkaroon ng sasakyan at negosyo. Ngunit namatay ito... sa isang car accident limang taon na ang nakakalipas.
Bumuga siya nang malalim dahil hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin siya sa pagkamatay ng kaniyang ina. At hanggang ngayon ay sinisisi pa rin niya ang kaniyang sarili dahil wala siya sa tabi nito nang mamatay ito dahil naroon siya noon sa Japan kasama ng mga young enterprenuers sa iba't ibang panig ng mundo.
Hinaplos niya ang larawan nila ng kaniyang namayapang ina na nasa kaniyang lamesa. "Alam ko proud na proud ka na sa akin, 'ma." Pilit siyang ngumiti kahit na namamasa ang kaniyang mga mata dahil sa pagkakaalala niya rito.
MAAGANG pumasok ng Happy Café si Samantha, unang araw niya sa kaniyang trabaho kaya kailangan niyang magpa-impress sa kaniyang boss. Na sa tingin niya ay may kasungitan at may kaunting kayabangan. Ngunit hindi maitatanggi na nakikitaan niya ito ng kabaitan sa kabila ng pagiging bossy nito. Nag-time in siya sa labas ng opisina nito bago siya sumunod kay Weng na magtuturo sa kaniya ng kaniyang mga dapat gawin.
Pangsingkuwenta ang capacity loob ng Happy Café. At vintage ang modern design ang paligid. Gawa sa industrial ang mga upuan at lamesa. Kada isang lamesa ay may limang mga round stand chairs. Libre ang wifi sa loob ng Cafe hanggang sa labas niyon na mayroon namang dalawampung capacity.
Sa black chalkboard nakasulat ang kanilang coffee menus. Naroon na rin ang presyo ng mga iyon. Wala pang gaanong customers kaya nakasandal pa lamang siya sa gilid at iniisip ang nangyayari ngayon sa kaniyang ama. Hindi ito umuwi kagabi at nag-aalala na siya. Ang kaniyang Tita Sol ang nag-aalaga ngayon sa mga kapatid niya. Nakiusap siya rito na tignan- tignan nito ang mga kapatid niya habang wala pa siya. Matandang dalaga ang kaniyang Tita Sol, kapatid ito ng kaniyang papa.
"Ang lalim ng iniisip mo, a?" usisang tanong ni Weng sa kaniya.
Tinapunan niya ito ng tingin habang inaayos nito ang expreso machine. Nagbibilang din ito ng mga cakes na nasa display chiller cabinet. Ito yata ang kanang kamay ni Sir Trevor.
"Iniisip ko ang papa ko, hindi siya umuwi kagabi e," sagot niya na tinulungan ito sa ginagawa.
"Matanda na ang tatay mo para problemahin mo pa. Ako nga iyong tatay ko hindi ko na prinoproblema dahil ayokong ma-stress." Ibinalik nito ang tingin sa mga cakes.
"Bakit naman? Tatay pa rin natin sila... kung wala sila ay wala rin tayo."
Inirapan siya nito. "Iresponsableng ama ang tatay ko, isang sugarol at babaero. Naiinis nga ako sa nanay ko dahil mahal na mahal pa rin niya ang tatay ko samantalang sinasaktan na siya nito, physically at mentally. Ako na nga ang nagsasabi sa kaniya na hiwalayan na niya para hindi na siya sinasaktan. Pero sa sobrang martir ng nanay ko, ayown mahal na mahal pa rin niya. Nagpapasalamat na lamang ako dahil nandito ako sa mundo dahil sa kaniya. Pero ang maging tatay ko siya, naku, Samantha, irerespeto ko na lamang siya bilang ama pero ang pag-ukulan siya ng pagmamahal at atensyon... hindi na." Tinalikuran siya nito pagkasabi niyon.
Hindi naging masama ang kaniyang ama para sa kaniya. Nagbago lamang ito dahil sa pagkamatay ng kaniyang ina. Magkaiba sila ni Weng, kaya hindi niya ito masisisi sa pag-iisip nito ng ganoon laban sa sarili nitong ama.
Ilang sandali pa ay nagsimula nang mahsidatingan ang mga customers. At tulad nang sinabi ni Trevor kahapon ay may makakakilala sa kaniya bilang dating owner ng Fiona Cafe. Hindi niya iyon pinansin at ipinagsawalang bahala ang mga maririnig niya na tsismis laban sa kaniya. Dahil sa ngayon hindi importante ang sasabihin ng iba sa kaniya kun'di ang trabaho na kailangang-kailangan niya.