Chapter 1
Chapter 1
MAAGA pa lamang ay nakahanda na si Samantha Paula ng kaniyang gamit para sa pagpasok niya sa coffee shop nila. Nagsisilbi siya roon bilang waitress, barista, at manager dahil mag-isa lamang niyang pinapangasiwaan iyon kasama ang kaniyang pinsan at bestfriend na si Pan. Sa edad niyang bente tress anyos ay namulat na siya sa realidad ng mundo dahil hindi na sila mayaman at naghihirap na sila. Wala na silang ari-arian, naipatalo na lahat iyon ng kaniyang ama sa iba't ibang klase ng sugal.
Napabayaan na sila nito matapos mamatay ang kaniyang ina sa breast cancer.
Tanging ang kanilang dalawang palapag na bahay na lamang ang mayroon sila at ang coffee shop na pilit niyang iginagapang para makabangon muli mula sa pagkakalugi. Dahil ginamit na puhunan sa sugal ng kaniyang ama ang pera ng coffee shop at naisanla pa ito sa kaniyang malayong kamag-anak na si Aling Margaret, isang matapobreng matanda na may kagaspangan ang pag-uugali.
Bitbit ang kaniyang itim na Jansport bag ay lumabas siya sa kaniyang kuwarto. Tinungo niya ang kuwarto ng kaniyang mga kapatid na edad onse anyos at trese anyos na kapwa mga lalaki. Sinilip niya ang mga ito na mahibing na natutulog.
Samantalang nakahiga naman sa sofa ang kaniyang ama na nakadapa habang nagkalat ang mga basyo ng bote sa sahig na pinag-inuman nito ng alak kagabi. Bumaba siya ng hagdan at nilapitan ang kaniyang ama. Bumuga siya nang malalim bago ibaba ang bag sa lamesa at iligpit ang mga kalat nito.
Wala na silang katulong sa bahay dahil ubos na ubos na ang kanilang pera. Natigil din siya sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. At inuna ang pag-aaral ng kaniyang mga kapatid sa isang public highschool na malapit lamang sa kanilang eskuwelahan.
Malungkot na tumingin siya sa paligid. Wala na silang magagarang mga gamit sa bahay, unti-unting naglaho ang mga iyon dahil sa bisyo ng kaniyang ama. Palagi itong nasa casino at hindi na halos umuuwi. Nagugulat na lamang siya kapag may dumarating na pick up at may kukunin na gamit sa kanilang bahay.
Pinipilit ni Samantha na maging matapang sa kabila ng mga pagsubok sa buhay nila ngunit kaunti na lamang na panahon ang ibinigay na palugit sa kanila ni Aling Margaret. Gusto niyang umiyak sa hirap ng kanilang sitwasyon ngayon pero hindi pa rin siya sumusuko. Naniniwala siya na may suwerteng darating at makaahon sila sa kanilang paghihirap.
Gumalaw sa kinahihigaan nito ang kaniyang ama at tumingin sa kaniya.
Bumuga siya nang malalim bago nagsalita. "Pa, aalis na ho ako. Pupunta ako sa coffee shop, sina Andrew at Vines tulog pa sa itaas. Papa, huwag na kayong maglasing, wala na nga tayong pera e. Nagluto na rin ako para may makain po kayo, pupunta nga pala rito si Tita Sol." Tukoy niya sa kapatid nito. "Magdadala raw ng mga groceries." Pagpapatuloy niya habang ipinupusod pataas ang kaniyang buhok.
"Huwag ka nang pumunta sa coffee shop..." Umupo ito sa sofa at inihilamos ang dalawang palad bago tumingin sa kaniya. "Hindi na sa atin iyon, Sam."
Nanlalambot ang kaniyang tuhod sa kaniyang narinig. Namasa ang kaniyang mga mata at masamang tumingin dito. "A-ano p-pong ibig ninyong--- Papa, ano bang nangyayari sa inyo? Pati pa ba naman iyon? Ano ipinatalo na naman ninyo sa sugal? Paano na iyong utang natin kay Aling Margaret? Walang-wala na tayo, halos hindi na nakakapag-ulam ng masasarap ang mga kapatid ko. Napakabata pa nila para maranasan ang ganitong hirap!" Pinagtaasan niya ito nang boses.
Tumayo ito at sinampal ang kaniyang pisngi. "Bakit mo ba ako pinapakialaman sa gusto kong gawin, Sam? Wala nang patutunguhan ang buhay ko, wala na ang mama mo." Pabagsak itong umupo sa sofa. "Wala na akong magagawa... wala na," umiiyak na sabi nito habang nakayuko sa kaniyang harapan.
Hinawakan niya ang kaniyang pisnging namula. "Hindi mo na kami inisip, 'pa. Sarili mo lamang ang iniisip mo mula nang mamatay si mama, hindi mo na kami binigyan ng pansin. Papa, buhay kami at nandito pero binabalewala mo kami. Pinipilit kong bayaran ang pagkakautang natin kay Aling Margaret dahil iyon na lamang ang natitirang alaala sa atin ni mama. Pero wala na... ipinatalo lang ninyo sa sugal. Paano na ang mga utang natin?" umiiyak na tanong ni Sam sa kaniyang ama na tila wala sa sarili. Habang nakatingin sa malayo at sinasabunutan ang sariling buhok.
"May naisip ako... may sinabi sa akin ang Tito Cardo mo," namilog ang mga mata nito at mabilis na tumayo.
"Sugal na naman," humihikbing sabi niya.
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. "Sinabi sa akin ni Cardo na papahiraman niya ako ng puhunan... isang milyong piso. Kailangan kong matalo si..." Sandali itong nag-isip. "Si Boss Frank, mabilis daw iyong matalo sa sugal kaya naman alam kong mananalo na ako. Sam, baka ito na ang sagot sa suwerte natin, anak. Magtiwala ka..." Tinalikuran siya nito ang dinampot ang jacket nito sa lamesa. "Aalis ako, ikaw na ang bahala sa mga kapatid mo. Huling laro ko na ito, Sam... huli na anak." Patakbo itong naglakad palabas sa kanilang bahay.
Pinahid niya ang kaniyang luha at bumuga siya nang malalim. Hindi siya dapat maging mahina. Inayos niya ang kaniyang suot at kaniyang sarili. Hahanap siya nang paraan, hindi pu-puwedeng wala siyang gawin. Hindi siya puwedeng umiyak na lamang maghapon at maghintay sa darating na tulong. Hiyang-hiya na siya sa kaniyang Tita Sol, na nagbibigay ng makakain nila. Pupuntahan niya si Aling Margaret para makiusap na kung p'wede niyang bawiin dito ang coffee shop ng mama niya habang binabayaran niya ang utang dito.
Binuksan niya ang kaniyang pitaka na dating puno at nakakabili ng mga gamit na gusto niya. Ngayon ay lilimang piso na lamang ang laman. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at itinago ang kaniyang pitaka sa bag niya. Lumabas siya ng bahay at kinuha ang kaniyang mountain bike. Panibagong umaga ito para harapin at hindi para sukuan.
MABILIS siyang pumedal patungo sa coffee shop nila. Naabutan niya roon si Aling Margaret na isinasara ang coffee shop nila.
"Aling Margaret, gusto ko sana kayong makausap."
Tumingin ang matanda sa kaniya habang nakataas ang isang kilay. "Sam, hindi ba nasabi sa iyo ng magaling mong ama ang tungkol sa pagsasara ng coffee shop ninyo. Hindi rin ba nasabi ng mahal mong ama na kumuha siya ng pera sa akin, sampung libong piso para tuluyan ko nang kunin ang coffee shop ninyo. Nakikita mo ba ang hawak kong certificate na ito, isang katibayan na pagmamay-ari ko na ang coffee shop ninyo."
"Pakiusap, Aling Margaret. Ako na ang humihingi ng isa pang pagkakataon. Gagawa ako ng paraan para mabayaran ang utang ng magulang ko sa iyo. Parang awa mo na Aling Margaret, ito na lamang ang alaala ng aking ina," lumuluhang sabi niya rito.
"May ipambabayad ka ba? May malaki ka bang pera, limangdaang libong piso, at sampung porsyentong interest? Magagawa mo ba iyon ngayon?" Nagtaas ito ng kilay at tinawanan siya. "Hindi na kita mapagbibigyan sa gusto mo, Sam." Tinalikuran siya ng matanda at wala na siyang nagawa.
Inihatid niya ng tingin ang matanda habang nakasakay sa kotse nito. Hinawakan niya ang pintuan ng kanilang coffee shop at pinahid ang luha sa kaniyang mga mata na walang tigil sa pag-agos.
"Mababawi ko rin ito mama, pangako," mahinang sabi niya habang umaagos ang luha sa kaniyang mga mata.
IPINASYA niyang umuwi ngunit sa kaniyang pagba-bike ay may nakita siyang cofee shop na naghahanap ng waitress. Mabilis siyang bumaba sa bike na isinandal na lamang niya sa pader. Pinagpag niya ang kaniyang pantalon at bumuga ng hangin bago buksan ang pinto ng coffee shop.
"Good morning," aniya nang makalapit sa may waitress na nakasalubong niya pagpasok.
"Mag-order po kayong coffee ma'am for drink in or drink out?" nakangiting tanong ng babae sa kaniya.
Umiling siya rito at itinuro ang naka-placard na wanted signage sa labas ng pinto. "Naghahanap kayo ng barista? Sino ba puwedeng kausapin? Maga-apply sana ako kung may available pa kayo."
"Wala kasi si Sir Trevor e. Siya ang boss namin pero kung may experience ka naman matatanggap ka. May dala ka bang bio-data?" tanong nito na tinignan siya mula ulo hanggang paa.
Umiling siya rito. "Ahm... dati akong... dati ako----"
Tumigil siya sa pagsasalita sa pagbukas ng pinto ng coffee shop. Pumasok ang isang lalaki na naka-blackshades at long black coat. Lumapit ang waitress sa lalaking pumasok.
"Sir, may bago pong aplikante," narinig niyang sabi ng waitress na kausap niya.
Sinulyapan siya ng tingin ng lalaki at nilampasan siya nito. "Weng, papasukin mo siya sa office ko," maawtowaridad na utos nito na umakyat sa hagdan patungo sa second floor ng coffee shop nito.
Binalingan siya ng waitress na tinawag na Weng ng lalaki.
"Huwag kang matakot, mabait si Sir Trevor mukha lang siyang nakakatakot magsalita," sabi nito sa kaniya habang nakahawak siya sa tapat ng kaniyang puso.
Bigla siyang nakadama ng kaba. Pinagkrus niya ang kaniyang palad at saka siya malapad na ngumiti kay Weng. Kailangan niyang maging matapang para sa kaniyang kapatid na umaasa sa kaniya.