Chapter 4
MUGTO ang mga mata ni Sam nang pumasok siya sa Happy Café kinabukasan. Pakiramdam niya ang para siyang naglalakad sa hangin. Walang direksyon ang isip at hinahayaan ang ihip nito kung saan pupunta. Masamang-masama ang loob niya sa kaniyang ama. At naawa siya sa mga kapatid niya, maaring mahinto ang mga ito sa pag-aaral at magaya sa kaniya na undergraduate.
Pero hindi niya hahayaan na mangyari iyon at danasin ng mga ito ang mga dinanas niyang hirap. Nangako siya sa kaniyang ina na hindi niya pababayaan ang kaniyang mga kapatid. Ipagpatuloy niya ang trabaho sa café hanggang sa makaipon siya para sa pampapaaral sa mg kapatid niya kahit na alam niyang hindi iyon madali.
Wala ang kaniyang ama sa kanilang bahay pagkagising niya kanina. Wala ito sa sala at sa kuwarto nito. Wala rin ang iba nitong mga damit sa aparador. Hindi niya alam kung saan ito pumunta, o kung totoo ba ang mga sinabi nito na titigil na sa pagsusugal.
Hindi naisip ni Sam na maaring mangyari ang ganito. Na pati ang tirahan nila ay madadamay sa bisyo ng kaniyang ama. Gusto niyang hanapin si Franco Guerrero, at makiusap dito pero magulo ang kaniyang isipan. Hindi niya kilala ang taong iyon, hindi niya alam ang takbo ng pag-uugali nito dahil sa kanilang hindi magandang pag-uusap noon.
Ibinaba ni Sam ang tray sa may counter at linapitan naman siya ni Weng. Kahit bago pa lamang siyang empleyado ng café ay magiliw na ito sa kaniya. Napakadaldal nito at masayang kausap.
"Umiyak ka ba kagabi? Nag-away siguro kayo ng boyfriend mo ano?" usisa nito sa kaniya habang inaayos ang lagayan ng papel sa counter machine. Pinapalitan nito ang reciept paper dahil ubos na.
"Wala akong boyfriend, no," sabi niya na inirapan ito pagkatapos.
"E bakit mugto ang mga mata mo? Kapag nakita ka mamaya ni Sir Tres baka masermunan ka no'n dahil mukha kang stress. Ayaw pa naman no'n iyong mukhang zombie."
Hindi siya umimik sa sinabi ni Weng. Wala siya sa mood na makipag-usap at sabihin dito ang problema niya.
"Magtrabaho na lamang tayo," mahinang sabi niya at tinulungan ang ibang staff ng coffee shop na nasa labas at nag-aayos ng mga upuan.
Hindi naman umimik si Weng sa sinabi niya. Marahil naiintindihan na siya nito na gusto niyang mapag-isa.
NAGING busy si Sam maghapon at itinuon sa trabaho ang sarili. Hanggang sa mag-out siya sa coffee shop. Pinilit niyang ngumiti pero hindi umabot sa kaniyang mga mata. Tinungo niya ang kaniyang mountain bike at saka sumakay doon. Palabas na siya sa viciniy ng coffee shop nang tawagin siya ni Tres.
Nilingon niya ang binatang boss nakasuot ng white sando at tattered pants. Naka-slipper lamang ito at bumabakat pa ang matipuno nitong katawan sa suot.
"Sir?" kunot-noong tanong niya habang papalapit ito.
"Gusto ko lamang tanungin kung okay ka lamang ba? Napansin ko kasi kanina na wala ka sa sarili mo. Kung gusto mong mag-leave sa trabaho, mauunawan ko. Ayusin mo muna ang mga dapat mong ayusin. Hindi kita sisisantihen, kung kailangan mo ng advance na sahod magsabi ka lang," mahinang sabi nito habang nakatingin sa kaniyang mga mata.
Umiling siya at nginitian ito. "Sir, salamat pero kaya ko pa. Wala ito, maaga akong papasok bukas at hindi ako magli-leave."
"Sigurado ka ba, Sam?"
Tumango siya at pumedal. "Sige, sir," aniya bago umalis sa harapan nito. Pagkalabas niya sa vicinity ng Happy Café ay tumulo ang pinipigil niyang luha.
"Kaya mo ito, Sam," bulong niya sa kaniyang sarili bago binilisan ang pagpedal sa kaniyang bike.
PAGDATING niya sa kanilang bahay ay may nadatnan siyang isang lalaki na nakaupo sa kanilang sala. Nakadekuwatro ito at nakasandal sa sofa. Naka-business suit ito ng kulay gray at kumikinang ang black leather shoes na suot nito. May mga makakapal na gintong kuwintas itong suot. May mga bracelets sa kamay at malaking singsing na may initial na F. Itinaas nito ang tinted shades nang makalapit siya.
"Maganda ang bahay ninyo, Miss Pablo," anito habang nakatingala sa paligid.
Kinabog ang kaniyang puso habang nakatingin dito. Nasa kaniyang harapan ang mayabang at antipatikong si Franco Guerrero. Tinignan niya ang dalawa niyang kapatid na nakatayo sa may hagdan. Nakatingin ito sa kaniya at may bahid na lungkot ang mga mata.
"Paano ka nakapasok sa bahay namin!" galit na aniya rito habang nilalabanan ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso.
Tumayo ang binatang kausap niya at nagpamulsa ng kamay sa suot nitong slacks.
"Dahil pagmamay-ari ko ang bahay at lupa na ito kaya ako nandito. Binibisita ko lamang ang property ko, Miss Pablo," sabi nito na nakatalikod sa kaniya. "Masama ba iyon?" nang-iinis na tanong nito sa kaniya.
"Hindi ako makakapayag na mapunta sa iyo ang pag-aari namin!" giit niya na hinarap ito.
Tumingin ito sa mga mata niya at napalunok siya nang mapagawi ang mga mata nito sa kaniyang labi. Hindi niya maiwasang tignan ang guwapong mukha ng aroganteng binata na kausap niya.
"Bibigyan kita ng isang linggo, Miss Pablo. Para puntahan ako sa aking opisina at ihanda ang tatlong milyong piso na utang sa akin ng ama mo. Kapag nagawa mo iyon, makukuha mo sa akin ang bahay at lupa ninyo. At karadagang isang milyon para sa Fiona's Cafe na pagmamay-ari ko na rin," nakangising sabi nito sa kaniya.
Nagulat si Sam sa sinabi ng binatang kausap niya. Hindi niya akalain na pati ang coffee shop nila pero paanong nangyari iyon. Ang pagkakaalam niya ay na kay Aling Margaret iyon.
"Ano'ng ibig mong sabihin na pati ang coffee shop?" kabado niyang tanong.
"Hinanap ko ang taong nakakuha ng coffee shop ninyo. Binayaran ko siya ng doble kaya napunta sa akin iyon. Nakapagtataka ba, Miss Pablo?" nakakunot na tanong nito na inilapit pa ang mukha sa kaniya.
Umatras siya rito at saka matalim itong tinignan. "Napakasama mo."
"Masama na kung masama... pupuntahan kayo ng secretary bukas para sa mga papers na dapat ninyong pirmahan. Malaking pera ang investment ko sa mga pagmamay-ari ninyo kaya gusto kong manigurado kung maayos ba ang bahay ko." Sabay tingin sa second floor ng bahay nila. "Maganda itong vacation area, malapit sa bukid." Hawak na nito ang susi ng kotse nito nang muling humarap sa kaniya. "Hihintayin ko ang pera ko Miss Pablo, magkita na lamang tayo sa opisina ko. Or else, tuluyang mawawala ang lahat ng ito."
Napalunok si Sam habang nangangatog ang kaniyang tuhod. Wala siyang perang pambayad dito. At ang isang linggong palugit na binigay nito ay napakaimposible. Saan niya kukunin ang apat na milyong piso. Napaupo siya sa sofa na inupuan ni Franco kanina.
"Ate," tawag ni Vines na umiiyak. Habang si Andrew naman ay tinabihan siya sa kaniyang inuupuan.
Hindi na niya napigil na umiyak at niyakap ang kaniyang dalawang nakababatang kapatid.
"Gagawa ako ng paraan, mababawi natin ang bahay at ang coffee shop ni mama, pangako iyan," aniya sabay pahid sa kaniyang luha.
Bahala na... dahil hindi niya hahayaang mawala ang lahat ng mayroon sila.