HINDI komportable si Sylve sa lalaking kasama ni teacher Allen na dumalaw sa martial arts studio kung saan naka enroll si Yona. Pagbukas pa lang niya sa pinto at makita ang mukha nito para nang nilamutak ang sikmura niya sa kaba. Hindi lang dahil ubod ito ng guwapo kahit mahaba ang buhok at balbas sarado. Hindi rin dahil masyadong matangkad at malaki ang lalaki para sa tulad niyang kinulang sa height.
Naiilang siya kasi pamilyar ito sa kaniya. Hindi niya lang maalala kung kailan at saan niya ito eksaktong nakita noon. Babalewalain na sana ni Sylve ang estranghero kung hindi lang niya narinig ang pangalang binanggit ni teacher Allen.
Keith. His name sounded like a warning bell to her ears. Bigla kasi niya naalala ang isang babala na palaging nasa likod ng isip niya kapag napapalibutan siya ng mga estranghero.
“Someday, kapag may sumulpot sa buhay mo na lalaking Keith ang pangalan, run as fast as you can. Don’t let him into your life. Promise me, Sylve.”
Napalunok siya nang maramdaman niyang kumilos ang lalaki, umalis sa pagkakasandal sa pader. Nakangiti si Sylve at deretso ang tingin kina teacher Allen pero ang buong katawan niya, aware na aware sa presensiya ni Keith. Kaya na-tense pa rin siya nang magkabunggo ang mga braso nila kahit ayaw sana niya magpakita ng reaksiyon.
Mabuti na lang naglakad na palayo sa kaniya ang binata. Saka nawala na ang atensiyon niya rito kasi naramdaman niyang yumakap mula sa likod niya ang anak. Napangiti na si Sylve, nilingon si Yona at hinaplos ang maiksi nitong buhok. “Nandito na sila. Greet them, baby,” malambing na bulong niya rito.
Sumilip ang anak niya sa loob ng martial arts studio at matamis na ngumiti. “Teacher Allen! Mr. Bum! Hello po.”
Mahina siyang natawa sa pagbati ni Yona. Inakay ni Sylve ang anak para tuluyang makapasok sa loob. Nakangiti pa rin siya nang isara ang pinto. Pero nawala ang kanyang ngiti nang humarap uli sa loob. Kasi nakatayo pa rin paharang sa daanan nilang mag-ina si Keith. At titig na titig ito sa anak niya.
Kumabog ang dibdib ni Sylve nang makita ang halo-halong emosyon sa mukha ng lalaki. Bigla siyang nagkakutob at nanlamig siya sa takot. Paakbay niyang niyakap si Yona at isiniksik ito sa kanyang katawan. Saka lang kumurap si Keith at nag-angat ng tingin. Nagkatitigan na naman sila. Muntik na niya buhatin ang anak at tumakbo palayo roon, palayo sa lalaking ito na punong puno ng pangungulila at determinasyon ang mga mata.
No. He can’t be that Keith. Hindi siya ‘yon. Please sana mali ako. Pero kahit kinukumbinsi ni Sylve ang sarili na ibang tao ang nasa harap niya, iba ang sinasabi ng instinct niya. Imposibleng sa dinami-rami ng lugar sa Pilipinas dito pa sila magkikita… maliban na lang kung talagang sinadya nitong magpunta roon dahil alam ng binata na nag-aaral doon si Yona.
Biglang may tumapik sa balikat ni Keith at hinila ito papasok sa studio. “What’s wrong with you?” kunot noong tanong ng lalaking tinatawag ng anak niyang Mr. Bum. Asawa ni teacher Allen. “You’re acting weird.”
Sinamantala ni Sylve ang pagiging distracted ni Keith. Huminga siya ng malalim at hindi pa rin inaalis ang brasong nakayakap sa anak na bumaling siya sa mga teacher. “Dumaan lang talaga kami kasi gusto makita ni Yona si teacher Allen. Pero hindi kami magtatagal. Ipapa-excuse ko muna sana siya sa klase this week. May family emergency kasi kami.” Apologetic siyang ngumiti kahit halos mabingi siya sa malakas at mabilis na t***k ng kanyang puso. Pinihit na niya agad paharap sa pinto si Yona. “Tara na anak.”
“May lakad ba tayo ngayon mommy? Akala ko papasok ako ngayon,” nagtatakang tanong ng bata.
Binuksan ni Sylve ang pinto at nakangiting niyuko si Yona. “Bibisitahin natin ang lolo mo. Mag babye ka na sa kanila.”
Alam niya nalilito si Yona sa biglang pagbabago ng isip niya. Pero noon pa man likas na matalino at sensitibo na itong bata kaya sumunod ito imbes na magtanong at magpumilit na manatili roon. “Ba-bye po sa inyo.” Medyo kinabahan lang si Sylve nang makita niyang tumingala ang anak kay Keith na nakatitig pa rin sa kanila. “Ba-bye, mister.”
Pagkatapos hinawakan ni Yona ang isang kamay niya at pinisil iyon. Nakangiting tiningala siya nito. “Tara na, mommy.”
May init na humaplos sa puso ni Sylve. Hindi tuloy siya nakatiis na yumuko at hinalikan ito sa pisngi bago lakas loob na nilingon ang mga tao sa loob ng studio at nagpaalam uli. At para hindi naman mahalata na tumatakas siya, pilit niyang tiningnan ang mukha ni Keith. Nagtama ang mga paningin nila sa huling pagkakataon bago sila tuluyang lumabas ni Yona.
Saka lang hinayaan ni Sylve ang sariling manlambot sa nerbiyos nang nakasakay na sila sa taxi. Napatingin siya sa kanyang mga kamay. Nanginginig ang mga iyon.
“Saan po tayo, ma’am?” biglang tanong ng taxi driver.
Napakurap si Sylve at napahugot ng malalim na paghinga. Saka niya sinabi ang address ng tatay niya sa Antipolo. Medyo nakonsiyensiya pa siya na kung hindi lang sumulpot ang Keith na iyon malamang hindi niya maiisip bumisita.
Halos isang taon na mula nang huli niya makita ang kanyang ama. Mayamaya nanginginig pa rin ang mga kamay na kinalkal ni Sylve ang cellphone sa bag para isa-isang tawagan ang mga ka-meeting niya dapat hanggang mamayang hapon. Hindi niya ugali mag cancel ng last minute pero palaging si Yona ang kanyang number one priority.
“Mommy, okay ka lang?” worried na tanong ni Yona na kanina pa pala nakatitig sa mukha niya.
Pinilit ni Sylve ngumiti at niyakap ng isang braso ang batang babae. “Okay lang ako. Quiet ka lang muna ha? Maraming kakausapin si mommy.”
Tumango si Yona at yumakap sa katawan niya. Her daughter’s presence calmed her. Kaya composed na ulit si Sylve nang magsimula makipag-usap sa mga kliyente. Mabuti na lang halos lahat naging kaibigan na niya salamat sa kanyang overabundant social skills kaya wala naman nagalit o nainis sa biglang pagkakansela niya ng appointment.
Mahabang sandali na tahimik lang sila sa biyahe pagkatapos niya maitago ang cellphone. Kaya nagulat si Sylve nang biglang magtanong si Yona, “Kilala niyo po ba ‘yong mamá na kasama nila teacher Allen at Mr. Bum?”
Pakiramdam niya nahulog sa sahig ng taxi ang kanyang puso. Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa mukha ni Yona. Napakainosente ng hitsura nito habang naghihintay ng sagot.
Tumikhim si Sylve. “Hindi ko siya kilala. Bakit mo naitanong?”
Nagkibit-balikat si Yona at kumapit sa braso niya. “Mukha po kasing magkakilala kayo kanina. Palagi kayo nagtitinginan. Saka kung tingnan din po niya ako kanina parang kilala niya rin ako.”
Sandaling napatunganga lang siya, nagulat na naman sa pagiging matalas ng isip at pakiramdam ng anak. Minsan napapaisip si Sylve kung kanino ito nagmana. Noon pa man kasi mas mature na si Yona mag-isip at magsalita kaysa sa mga kaedad nito.
“Kilala mo siya, mommy?”
Bumuntong hininga si Sylve at umiling. “Hindi ko siya kilala.” Iyon naman talaga ang totoo. Kutob at kapraningan lang talaga ang dahilan kaya siya tumakas.
“Pero bakit po ganoon siya tumingin sa atin?”
“Baka nagagandahan siya sa atin,” pabirong sagot niya. Pagkatapos pinaglapit niya ang mga mukha nila ni Yona at pinagkiskis ang mga ilong nila sabay pisil sa pisngi nito. “Lalo na sa‘yo. Ang ganda ganda mo kasi.”
Humagikhik ang anak niya at pilit nilalayo ang mukha. “Mommy naman eh. Nakikiliti po ako.”
Natawa na rin si Sylve at tuluyan nang na-relax.