HUMINGA ng malalim si Keith habang nakatitig sa signage ng Mr. Kim Martial Arts Studio. Malapit lang iyon sa public park na madalas nila tambayan ni Maki mula pa noong ginagawa pa lang ang Bachelor’s Pad. Katunayan madalas niya iyon nadadaanan kapag naglalakad-lakad siya sa madaling araw, lalo na sa mga sandaling wala siya maidugtong sa isinusulat. Pero palagi naglalakbay sa malayo ang imahinasyon niya kaya hindi niya napagtuunan ng atensiyon ang studio. Kahit kailan hindi niya naisip na posibleng naroon lang pala ang isa sa matagal na niyang hinahanap.
May tumapik sa kanyang balikat kaya kumurap siya at inalis ang tingin sa signage. Nilingon niya sina Maki at Allen na nakatayo sa kanyang kaliwa at parehong bakas ang curiosity sa mga mukha. Ang mag-asawa talaga ang naka-schedule na pupunta sa martial arts studio sa araw na iyon. Nagboluntaryo lang siyang sumama, bagay na halatang ikinagulat ni Maki. Akala kasi nito hindi siya mahilig sa bata.
Ang totoo, hindi sa ayaw ni Keith sa mga bata. Iniiwasan lang niya tingnan ang mga ito. Lalo na kapag may kasama siyang mga kaibigan na siguradong makakahalata kapag nagbago ang kanyang mood. Kasi sa nakaraang sampung taon, nalulungkot at sumasakit pa rin ang dibdib niya kapag napapatagal ang titig niya sa mga bata, lalo na kapag babae at mukhang ka-edad ng nawawala niyang anak.
Walang nakakaalam ng sikretong iyon. Kahit kasi si Maki ang matalik niyang kaibigan, hindi pa rin niya nagawang sabihin sa lalaki ang tungkol sa kanyang nakaraan. Maraming lihim si Keith na si Matilda St. Clair lang ang nakakaalam. Hindi pa sa sarili niyang bibig nanggaling kung hindi sa imbestigador ng matandang babae. Hindi sa ayaw niya magbahagi ng kanyang sarili. It’s more like, he could no longer open up to anyone no matter how hard he tries.
“Nandito na tayo, hindi mo pa rin ba sasabihin sa amin kung bakit gusto mo sumama sa martial arts studio at makihalubilo sa mga bata?” nakataas ang mga kilay na tanong ni Maki.
Mula nang ikasal, mas aktibo na ito sa pamamahala ng St. Clair Holdings International. Pero kapag hindi pupunta sa opisina palagi pa rin nitong suot ang kupas na pantalong maong at hooded jacket. Kahit si Allen, kapag lumalabas parang hindi asawa ng isa sa pinakamayamang lalaki sa Asia. May pagka-boyish pa rin manamit pero ngayon pinapahaba na nito ang buhok na kasalukuyang hanggang balikat. Her face also radiates a feminine glow that you can only see in a woman in love.
Wala siyang balak sirain ang masayang aura ng mag-asawa na nasa honeymoon stage pa rin hanggang ngayon. Kaya ngumisi si Keith at masiglang sumagot, “Bored lang ako lately. Wala nang masyadong tao sa Bachelor’s Pad at malayo pa ang susunod kong deadline. Gusto ko lang may gawin ngayong araw.”
“Totoo?” paninigurado ni Allen na hindi nilulubayan ng tingin ang kanyang mukha.
Lalong ngumisi si Keith at kumindat. “Totoo.”
“If you say so,” sabi ni Maki na tinapunan siya ng tingin na parang sinasabing, I don’t believe your bullshit. Pagkatapos inakbayan nito si Allen at hinila na palapit sa pinto ng Mr. Kim Martial Arts Studio. Nagkibit balikat si Keith at sumunod sa mag-asawa.
Nakaisang hakbang pa lang siya papasok sa loob ng studio narinig na niya ang masayang tawa at tili ng mga batang estudyante na patakbong sinalubong sina Allen at Maki. Na-tense siya at hindi nakakilos sa kinatatayuan. Humigpit din ang hawak niya sa doorknob at hindi na magawang bitawan habang lakas loob na isa-isang tiningnan ang mga bata. Hinahanap niya ang pamilyar na mukha na nakita niya sa pictures na naka-attach sa report na ibinigay ni Matilda.
Biglang may kumatok sa pinto kasunod ng pagpihit sa doorknob mula sa labas. Distracted na pinagbuksan ni Keith ang kung sino mang dumating. Makipot kasi ang entrada ng martial arts studio, ni hindi nga mabubuksan ng husto ang pinto. Mas lalo iyon nagmukhang masikip kasi malaki ang pangangatawan niya.
Kaya kahit sumandal na siya patagilid sa pader, nabunggo pa rin ng bagong dating ang kanyang katawan nang pumasok ito. Biglang nawala ang atensiyon ni Keith sa mga bata. Nanuot kasi bigla sa ilong niya ang mabangong amoy na nagmumula sa bagong dating. It was a sweet and fresh scent, the kind of smell that will make you nostalgic and sentimental.
Niyuko niya ang babaeng dumating na hanggang dibdib lang niya ang taas. He realized that the scent came from her long and straight hair that is softly brushing against his chest. Umatras ito at nagkaroon ng ilang pulgadang espasyo sa pagitan nila, sapat para makita ni Keith na petite at slim ang pangangatawan nito. Nakakunot-noo ang babae nang mag-angat ng mukha para tingnan siya. Maganda ito at parang pamilyar sa kaniya. Hindi nga lang niya maisip kung saan at kailan niya ito nakita dati.
Nang magsalubong ang kanilang mga paningin lalo lang nasiguro ni Keith na nagkita na sila noon. May kuryente kasing humagod sa likod niya hanggang sa mga talampakan niya. Imposibleng maramdaman niya iyon sa isang taong ngayon lang niya nakilala, hindi ba?
Shit, let her be not from my dark and dirty past. Pero sa parteng iyon lang naman ng buhay niya nakakilala si Keith ng maraming babae to the point na magiging pamilyar ito sa kaniya pero hindi niya matatandaan ang pangalan. Sumipa tuloy ang defense mechanism niya, naging guarded. Ayaw niya makakilala ng mga tao mula sa nakaraang gusto na niya kalimutan.
So he forced himself to relax his stance. Then he smiled flirtatiously. “Estudyante?” pabirong tanong ni Keith sa babae. Kasi natutunan niya sa nakaraang mga taon na kusang lumalayo ang mga tao kapag umakto kang feeling close at borderline creepy.
Mukhang epektibo kasi imbes na ngumiti, tumaas lang ang isang kilay ng babae at para bang hindi siya nakita na bumaling sa direksiyon kung nasaan ang mga kaibigan niya, ang mga bata at ang iba pang adults sa studio na iyon. Saka lang ito ngumiti. “Sorry, late kami. Kanina pa ba kayo teacher Allen?”
“Kararating lang namin. Long time no see!” masiglang bati ng asawa ni Maki. Pagkatapos natatawang sinulyapan siya. “Ano bang ginagawa mo diyan sa may pinto Keith? Nakaharang ka diyan. Akala ko ba gusto mong makilala ang mga dati kong estudyante? Halika rito.”
Umalis mula sa pagkakasandal sa pader si Keith. Nagkabungguan uli ang mga braso nila ng babae at sa pagkakataong iyon naramdaman niyang na-tense ang buong katawan nito. Curious na napasulyap siya sa mukha nito. Nakangiti pa rin ang estranghera at nakikipagusap sa mga taong nasa harapan nila pero pasimpleng umatras palayo sa kaniya. “Kanina pa sana kami kaso na-traffic kami. Kayo na uli muna ang bahala sa anak ko ha. Medyo male-late kasi ako sa pagsundo sa kaniya mamaya.”
Binalewala niya ang reaksiyon nito at humakbang na palayo sa pinto nang bigla siyang may marinig na matinis na boses. “Teacher Allen! Mr. Bum! Hello po.”
Napahinto sa paglalakad si Keith at napaderetso ng tayo. Nakita niyang lumawak ang ngiti nina Allen at Maki, halatang iba ang affection na nararamdaman sa bagong dating. Sa pagkakaalam ni Keith, isang bata lang ang talagang naging malapit kay Maki. Palagi nitong bukambibig ang pangalan ng bata bago pa man niya mabasa ang investigation report na ibinigay ni Matilda. Kumabog ang dibdib niya at dahan-dahang lumingon.
Sa loob ng lampas isang dekada, nasanay na siyang mabuhay na wala ni isang kapamilya na matatakbuhan. Kaya hanggang sa sabi-sabi lang niya alam ang konsepto ng lukso ng dugo. Pero ngayon, habang nakatitig si Keith sa batang babae na pumasok sa pinto, alam na niya ang pakiramdam. Para ka palang nasa gilid ng mataas na bangin. You feel overjoyed but you feel weak at the same time.
Na-overwhelm siya noong una niya makita ang larawan ni Yona. Inalis pa nga niya iyon sa folder at inilagay sa loob ng kanyang wallet. Pero ngayong personal na niya itong nakita, pakiramdam ni Keith puputok ang puso niya at parang gusto bumigay ng mga tuhod niya. Kinailangan niya ikuyom ng mariin ang mga kamao para lang makontrol ang kanyang emosyon. Lalo na nang mapatingala sa kaniya ang bata at masalubong ng tingin niya ang mga matang kaparehong kapareho nang sa kaniya.
“Hello, Yona,” masiglang bati ni Allen mula sa likuran ni Keith pero hindi siya umalis sa pagkakaharang sa harapan ng bata. Hindi niya maalis ang tingin kay Yona. Sa anak niya.
Finally… nakita rin kita, my love. Ten years ago and everyday since then, nangako siya na mababawi niya ang kanyang anak kahit na anong mangyari. Panahon na para tuparin ang pangako na iyon. At walang makakapigil sa kaniya.