By the time na huminto sa tapat ng bahay ng kanyang ama ang taxi, tuluyan nang nawala sa isip ni Yona ang ‘mama`’ na kasama ng teacher nito kanina. Kalalabas pa lang kasi nila sa sasakyan narinig na niya ang maingay na boses ng mga bata mula sa loob ng bahay. Mukhang dinalaw rin ni ate Abby ang tatay nila, kasama ang mga anak.
“Lolo! Nandito po kami!” masayang sigaw ni Yona habang tumatakbo palapit sa front door.
Ilang segundo lang, humangos palabas ang tatlong anak ng ate ni Sylve at patiling sinalubong si Yona. Sumunod na sumulpot ang tatay at kapatid niya na parehong halatang nagulat sa pagbisita nilang mag-ina.
“Naligaw kayo?” manghang bati ng tatay niya. Nagmano si Sylve imbes na sumagot.
Pinakatitigan ng matanda ang mukha niya. Napangiwi siya. Seventy years old na ang tatay niya pero maganda pa rin ang pangangatawan at matalas pa rin ang isip. Palibhasa dati itong sundalo. Kaya hindi na siya nagulat nang bigla nitong itanong kung ano raw ba ang problema.
Sinulyapan ni Sylve si Yona na hinila na ng mga pinsan papasok sa bahay. Nasa malapit pa rin ito kaya hindi siya makasagot. Ayaw niya may marinig ang anak na hindi pa nito dapat malaman.
“Huy, anong nangyari? Namumutla ka alam mo ba?” biglang sabi naman ni ate Abby na nakatitig din pala sa mukha niya.
“At hindi ka basta pupunta rito nang walang pasabi kung walang problema. Ni hindi mo nga ako nadalaw ‘nung pasko at bagong taon,” sermon naman ng tatay niya.
Huminga ng malalim si Sylve, kumapit sa tig-isang braso ng mga ito at saka naglakad papunta sa kusina, palayo sa mga bata. Saka lang niya hinarap ang pamilya niya nang masiguro na hindi sila maririnig ni Yona.
“May dumating na lalaki kanina sa martial arts studio kung saan naka enroll si Yona.”
Nagkatinginan ang tatay at ate ni Sylve bago ibinalik ang atensiyon sa kaniya. “Tapos?”
Hinila niya ang isang silya at umupo roon. “Keith ang pangalan niya.”
Napasinghap si ate Abby at umupo sa katabi niyang silya. “Keith? As in ‘yung Keith na… alam mo na?”
Huminga ng malalim si Sylve at frustrated na sinuklay ng mga daliri ang buhok. “Hindi ko nakumpirma pero feeling ko siya ‘yon. Iba ang tingin niya kay Yona kanina. Saka parang sinadya talaga niya magpunta roon para makita ang anak ko. Nakatakas kami ngayon pero sigurado ako na susulpot uli siya. Mukhang hindi siya ang tipong basta susuko na lang. Kinakabahan tuloy ako.”
Natahimik ang kapatid ni Sylve. Parang nilamutak ang sikmura niya nang makita ang simpatya sa mga mata nito. Pagkatapos bigla nagsalita ang kanyang ama. “Alam mong darating ang araw na ‘to. Alam mo na hindi siya magiging sa ‘yo habambuhay. Kaya sinabi ko sa ‘yo una pa lang na huwag mo masyado ibigay ang buong sarili mo sa pagpapalaki sa kaniya, hindi ba?”
Nanlalaki ang mga matang napatingala siya sa matanda. “Tay!”
“Mahal ko rin si Yona,” mahina pero mariing sabi ng tatay niya. “Apo ko rin siya. Pero kahit gaano pa natin siya mahalin, kahit gaano mo pa siya gawing buong mundo mo, hindi mawawala ang katotohanan, Sylve. Hindi mo siya anak.”
Napaatras siya na parang nasampal ng malakas. May bumara sa lalamunan niya at humapdi ang mga mata. “Anak ko siya,” paos na bulong ni Sylve. “H-hindi siya nanggaling sa akin pero anak ko siya, ‘tay. Anong masama kung siya ang sentro ng mundo ko? I have too much love to give anyway so what’s wrong if I shower her with all the care and affection that I can?”
Bumuntong hininga ang tatay niya. Pagkatapos lumapit ito at tinapik ang kanyang pisngi. “Ang masama, kapag ibinigay mo lahat ng mayroon ka sa kaniya tapos bawiin siya ng tunay niyang mga magulang wala nang matitira pa sa ‘yo, Sylve.”
Mariin niyang kinagat ang ibabang labi at namasa ang mga mata.
“Mommy!”
Nahigit niya ang hininga at gulat na lumingon. Nataranta si Sylve nang makitang naglalakad palapit sa kusina si Yona, nakangiti pa noong una pero biglang nagbago ang ekspresyon nang mapatingin sa mukha niya. Nanlaki ang mga mata nito, tumakbo palapit at yumakap sa kanyang leeg. “Bakit niyo po pinapaiyak si mommy?”
Natunaw ang puso ni Sylve sa naging reaksiyon ng anak. Mahina siyang natawa at niyakap ito. “Hindi nila ako pinapaiyak. Napuwing lang ako.”
“Mommy palagi mo po sinasabi na napupuwing ka kapag nakikita kita umiiyak. Noong Christmas ‘yan din po sinabi mo sa ‘kin.”
Naramdaman niyang napatitig na naman sa kaniya ang ama at kapatid. Tumikhim si Sylve at malambing na pinisil ang pisngi ni Yona. “Bakit mo ba ako tinatawag, ha? Nagugutom ka ba? Gagawa kami ng tita mo ng merienda.”
“Yehey! Merienda!”
Nakangiting tumayo siya at hinaplos ang buhok ng bata. “Makipaglaro ka na sa mga pinsan mo. Tatawagin namin kayo kapag kakain na.” Tumango si Yona at tumakbo uli palabas ng kusina. Sinundan niya ito ng tingin hanggang masiguro na wala na sa kanila ang atensiyon nito.
“Umiiyak ka pa rin tuwing pasko?” mahinang tanong ni ate Abby.
Huminga ng malalim si Sylve at dahan-dahang pumihit paharap sa dalawa. Malungkot siyang ngumiti.
Bumuntong hininga ang kanyang ama at napaupo sa silya. “Ang tagal na, anak. Kailan gagaling ang sugat diyan sa puso mo?”
“Tinatanong ko rin ‘yan sa sarili ko palagi, ‘tay. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang sagot.”
Hindi na nakapagsalita ang pamilya niya. Huminga siya ng malalim at pinasigla na ang ngiti. “Ano bang puwede ma-merienda rito?”
Nagkatinginan na naman ang tatay at ate niya. Pero sa wakas hinayaan na ng mga ito na ibahin niya ang usapan. Salamat naman. Hindi kasi alam ni Sylve kung makakaya pa niyang umaktong masigla kung hindi pa titigil ang mga ito sa pag-ungkat sa mga bagay na matagal na niyang ipinasok sa imaginary box at nilagay sa pinakatagong bahagi ng kanyang isip.