“MOMMY, bilisan mo na. Male-late na po ako sa tae kwon do lesson namin. Mommy!”
“Wait lang. Matatapos na ako,” sagot ni Sylve na hindi tumigil sa paglalagay ng mga folder sa malaki niyang shoulder bag. Panghuli ang laptop na hindi puwedeng hindi niya bitbit kahit saan magpunta. Kailangan niya ang mga iyon para sa appointments na pupuntahan pagkatapos ihatid si Yona sa martial arts studio.
“Bibisita raw po si teacher Allen ngayon. Baka ‘di po natin siya maabutan kapag na-late tayo.”
Sa wakas naisara na ni Sylve ang zipper ng kanyang bag at isinukbit iyon sa balikat. Pagkatapos hinarap niya ang ten years old na anak at nakangiting hinaplos ang maiksing buhok nito. Si Allen Magsanoc ang favorite tae kwon do teacher at role model ni Yona. Pero kailan lang nag-asawa na raw ang babae kaya hindi na nagtuturo at paminsan-minsan na lang dumadalaw sa martial arts studio.
“Love na love mo talaga si teacher Allen ha?”
Tumango si Yona at yumakap sa baywang ni Sylve. “Marami po kasi siya naituro sa ‘kin. Dahil sa kaniya kaya strong po ako at marunong mag tae kwon do. Pwede mo na po ako maging bodyguard para walang mananakit sa ‘yo.”
Mahinang natawa si Sylve at mahigpit na niyakap ang anak. “Hindi mo dapat iniisip ‘yan. Ako ang magpoprotekta sa ‘yo, baby. Not the other way around. Strong kaya si mommy.”
“Pero nakita po kita umiiyak noong pasko. Ibig sabihin may nanakit po sa ‘yo.”
Sandali siyang natigilan bago binalewala ang munting kirot sa puso niya at nakangiting ginulo ang buhok ng anak. “Napuwing lang ako that time.”
“Pero palagi ka po umiiyak kapag masakit tiyan mo. Iyakin ka mommy.”
Sa pagkakataong iyon natawa na siya. Ang tinutukoy kasi ni Yona ay kapag sinusumpong siya ng dysmenorrhea. Pinatapang ng maraming pagsubok sa buhay si Sylve pero sakit sa puson lang talaga ang nakakapagpaiyak sa kaniya ng husto kada buwan. “Halika na nga. Akala ko ba gusto mo maabutan ang teacher mo?”
“Ay oo nga po pala. Tara na mommy,” excited na sabi ni Yona at patakbo pang lumabas ng pinto. Nakahinga ng maluwag si Sylve at nagsimula na rin maglakad palabas nang one-bedroom apartment na limang taon na nilang tirahan. Bago doon, kung saan-saang maliliit na paupahan sila tumirang mag-ina. Mabuti na lang baby pa si Yona noon kaya hindi pa ito masyadong apektado sa walang katapusang pagpapalipat-lipat nila ng bahay.
Pero nangako siya sa sarili na tatapusin niya ang ganoong klase ng lifestyle bago dumating ang anak sa edad na kailangan na nito pumasok sa school. Gusto ni Sylve na magkaroon ng sense of permanence si Yona. Gusto niya na maging komportable ang paglaki nito na hindi niya naranasan noong bata pa siya.
Kaya sa unang limang taon mula nang dumating sa buhay niya ang kanyang anak, ginawa niya ang lahat ng pagtitipid at pinasok ang lahat ng raket para lang makaipon at makapagpalago ng pera. Ang apartment na iyon ang kauna-unahang property na nabili ni Sylve.
Raketera extraordinaire pa rin siya ngayon. Mas matindi pa nga kaysa dati. Financial adviser siya para sa isang insurance company at nag ba-buy and sell din ng RTW. Two years ago nakapagpatayo rin siya ng maliit na travel agency na may dalawang empleyado. Unti-unti na rin nagkakapangalan ang Fiona Collections – ang kanyang manufacturing business ng organic beauty products at mineral make-ups.
Araw-araw, puno ang schedule ni Sylve dahil sa mga pinagkakakitaan. Ang natitira niyang oras para naman sa anak. Ayos lang kahit halos wala siyang oras para sa sarili. May bago kasi siyang pangarap na gusto ma-achieve at marami ring plano para kay Yona.
Tinapunan ni Sylve ng huling tingin ang loob ng apartment bago isinara ang pinto. Pagkatapos hawak ang kamay ni Yona na naglakad na sila palabas ng apartment building. Bago sumakay ng taxi papunta sa martial arts studio, dumaan muna sila sa Happy Mart convenience store para bumili ng mame-merienda ng bata mamaya. Walking distance lang kasi ang layo niyon kapag sa likod ng building dadaan.
Pagpasok nila sa store masigla agad sila binati ng nakatao sa cashier. “Hi, ma’am Sylve! Hello Yona.”
“Hello po,” masiglang sagot ng kanyang anak.
Ngumiti naman si Sylve at gumanti rin ng bati. Kilala silang mag-ina ng mga empleyado roon. Madalas kasi siya sa Happy Mart lalo at may mga kaibigan siya roon na mukhang narinig ang pagbati ng cashier kasi biglang bumukas ang pinto ng opisina. Sumungaw sina Jesilyn, Sheila at Lyn, pare-parehong umaliwalas ang mukha at ngumisi nang makita siya.
“Na-miss ka namin! Pasok ka muna rito, nag me-merienda kami,” sabi ni Sheila.
Ngumiwi siya at itinuro si Yona na nasa hilera na ng mga panindang tinapay at biscuit, namimili ng babaunin. “Ihahatid ko pa siya sa martial arts studio. Saka may mga appointment ako ngayong hapon. Kapag mas maluwag ang schedule ko papasyalan ko kayo para mas matagal ang chikahan natin.”
Halatang nadismaya ang mga babae. Lumabas pa nga ng opisina at lumapit sa kaniya. “Hindi ka na naman tumitigil sa pagtatrabaho? You need to take a break once in a while,” worried na sabi ni Jesilyn.
Ngumiti si Sylve. “Hindi naman ako napapagod. Saka kailangan ko kumayod ng husto habang bata-bata pa ako. Alam niyo naman na single parent ako.”
“Mag asawa ka na rin kasi,” komento ni Sheila na sinangayunan nina Lyn at Jesilyn.
Tumirik ang mga mata niya. “Dahil may mga asawa na kayo kaya pati ako gusto niyo idamay. For your information, marriage is not for everyone and it’s definitely not for me. Saka thirty four na ako ‘no. Lipas na ng panahon.”
“Hindi ‘yan totoo. Saka mas bata ka kaya tingnan kaysa sa tunay mong edad. Sigurado akong maraming lalaki ang interesado sa’yo,” reklamo ni Jesilyn.
Natatawang umiling si Sylve. “Naku, tama na ako kay Yona. Hindi ako interesado sa lalaki.”
At iyon ang totoo. Matagal nang namatay ang interes niya sa real life romance. Kuntento na siya sa mga librong nakahiligan basahin sa nakaraang mga taon. Ni hindi na nga siya apektado kapag nakakakita ng guwapo. Kinikilig na lang siya kapag may ginagawang ka-sweetan si Yona o kaya kapag nakakahawak siya ng pera na bunga ng mga raket at negosyo niya.
“Mommy, ito na lang po bilhin natin!” biglang sigaw ni Yona na lumapit at may bitbit nang pagkain. Saka lang naalala ni Sylve na kailangan nga pala nilang magmadali.
Hindi pumayag si Jesilyn na bayaran nila ang napili ng anak. Bigay na lang daw nito kay Yona na magalang na nagpasalamat at ngumisi. Napangiti rin silang matatanda. Ganoon kasi ang epekto ng ngiti ng kanyang anak.
“Ang charming lang talaga nitong anak mo. Marami ‘to paiiyaking lalaki paglaki,” sabi ni Sheila na ginulo ang buhok ni Yona.
Natawa si Sylve. “Naku, ngayon pa nga lang. O siya, mauna na kami ha. Papasyal ako uli soon.”
“Sige na nga. Ingat kayo.” Nagpaalam ang mga kaibigan niya kay Yona na kumaway ng paulit-ulit hanggang makalabas sila ng Happy Mart convenience store. Habang sakay sila ng taxi, pinag-isipan ni Sylve ang pangungulit ng mga kaibigan niyang mag-asawa siya.
She never told them but once upon a time, she dreamt of marriage – a loving husband, a child, a simple house with a yard and maybe a pet dog. Pero childish fantasies na lang ang mga iyon ngayon, parang lumang larawan na unti-unti nang kumukupas hanggang hindi na niya makita ang orihinal na picture. Para na lang kay Yona ang buong atensiyon at pagmamahal niya ngayon. Ang bata ang sentro ng kanyang mundo at itataya ni Sylve ang lahat masiguro lang na walang gugulo sa tahimik nilang buhay.